Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gawing Mas Makabuluhan at Kasiya-siya ang Pag-aaral Mo ng Bibliya

Gawing Mas Makabuluhan at Kasiya-siya ang Pag-aaral Mo ng Bibliya

NAPAPAHARAP si Josue sa isang mabigat na hamon. Pangungunahan niya ang bansang Israel patungo sa Lupang Pangako at hindi ito madali. Pero tinitiyak sa kaniya ni Jehova na magtatagumpay siya, sa pagsasabi: ‘Magpakalakas-loob ka at magpakatibay. Gawin mo ang aking kautusan. Basahin ito araw at gabi, upang maingatan mong gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito. Sa gayon ay magtatagumpay ka at kikilos nang may karunungan.’—Jos. 1:7, 8.

Tayo ngayon ay nasa “panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” kaya napapaharap din tayo sa mabibigat na hamon. (2 Tim. 3:1) Tulad ni Josue, magtatagumpay rin tayo kung susundin natin ang payo na ibinigay sa kaniya ni Jehova. Regular na basahin ang Bibliya at maingat na ikapit ang mga simulain nito sa mga pagsubok na napapaharap sa atin.

Gayunman, aminado ang marami sa atin na hindi tayo mahusay na estudyante at nahihirapan tayong mag-aral. Pero dahil napakahalaga ng pag-aaral sa Bibliya, puwede nating repasuhin ang kahong “ Subukan ang mga Mungkahing Ito” at alamin ang ilang magagandang mungkahi para maging mas makabuluhan at kasiya-siya ang iyong pag-aaral.

“Palakarin mo ako sa landas ng iyong mga utos,” ang awit ng salmista, “sapagkat iyon ay kinalulugdan ko.” (Awit 119:35) Puwede kang mag-enjoy sa pag-aaral ng Salita ng Diyos. Sa paghuhukay ng espirituwal na kayamanan, makakatuklas ka ng magagandang hiyas.

Hindi ka naman gaya ni Josue na mangunguna sa isang bansa, pero mapapaharap ka rin sa mga hamon. Kaya tulad ni Josue, mag-aral ka at sundin ang nakaulat sa Bibliya para makinabang ka. Kapag ginawa mo iyan, magtatagumpay ka rin at kikilos nang may karunungan.