ARALING ARTIKULO 30
Abutin ang Puso ng mga Hindi Relihiyoso
“Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao para mailigtas ko ang ilan sa anumang paraan.”—1 COR. 9:22.
AWIT 82 Pasikatin ang Inyong Liwanag
NILALAMAN *
1. Anong pagbabago ang nangyari sa ilang lugar nitong nakaraang mga dekada?
SA LOOB ng libo-libong taon, karamihan ng mga tao ay may relihiyon. Pero nitong nakaraang mga dekada, malaki na ang ipinagbago ng mga tao. Parami na nang parami ang hindi relihiyoso. Sa katunayan, sa ilang bansa, ang karamihan ay nagsasabing wala silang relihiyon. *—Mat. 24:12.
2. Bakit napakaraming nagsasabi na hindi sila relihiyoso?
2 Bakit kaya dumadami ang nagsasabing hindi sila relihiyoso? * Baka nakapokus sila sa pagpapasarap sa buhay o sa kanilang mga problema. (Luc. 8:14) Ang ilan naman ay naging ateista. At ang iba ay naniniwala nga sa Diyos, pero nag-iisip naman na makaluma ang relihiyon, na wala silang mapapalâ rito, at na kontra ito sa siyensiya at lohika. Baka naririnig nila sa mga kaibigan, guro, o mga nasa media na ang buhay ay nagmula sa ebolusyon, pero wala silang gaanong naririnig na magandang dahilan para maniwala sa Diyos. Ang iba ay galít sa mga lider ng relihiyon dahil sa kasakiman ng mga ito sa pera at kapangyarihan. Sa ilang lugar naman, hinihigpitan ng gobyerno ang gawain ng relihiyon.
3. Ano ang matututuhan natin sa artikulong ito?
3 Inutusan tayo ni Jesus na “gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.” (Mat. 28:19) Paano natin matutulungan ang mga taong hindi relihiyoso na ibigin ang Diyos at maging alagad ni Kristo? Dapat na alam natin na ang reaksiyon ng isang tao sa ating mensahe ay depende sa lugar na kinalakhan niya. Halimbawa, baka iba ang maging reaksiyon ng mga taga-Europa kumpara sa mga taga-Asia. Bakit? Sa Europa kasi, marami ang pamilyar na sa Bibliya at sa ideya na ang Diyos ang lumalang ng lahat ng bagay. Pero sa Asia, ang karamihan ay walang alam o kaunti lang ang alam sa Bibliya, at baka hindi sila naniniwala sa Maylalang. Matututo tayo sa artikulong ito na maabot ang puso ng lahat ng nakakausap natin sa ministeryo, saanman sila lumaki.
MANATILING POSITIBO
4. Bakit may dahilan tayong manatiling positibo?
4 Maging Positibo. Taon-taon, may mga taong hindi relihiyoso pero nagiging Saksi ni Jehova. Marami sa mga ito ang mayroon nang mataas na moralidad at nasusuklam sa pagbabanal-banalan ng mga relihiyon. Ang iba naman ay may mababang moralidad at mga bisyong kailangang alisin. Sa tulong ni Jehova, makakatiyak tayong matatagpuan natin ang mga “nakaayon sa buhay na walang hanggan.”—Gawa 13:48; 1 Tim. 2:3, 4.
5. Ano ang madalas na dahilan kung bakit tumutugon ang mga tao sa ating mensahe?
5 Maging Mabait at Makonsiderasyon. Madalas na maganda ang tugon ng mga tao sa ating mensahe, hindi dahil sa sinasabi natin, kundi sa paraan ng pagsasabi natin. Natutuwa sila kapag mabait tayo, makonsiderasyon, at interesado sa kanila. Hindi natin sila pinipilit makinig sa atin. Sa halip, inuunawa natin ang tingin nila sa relihiyon. Halimbawa, alam nating may mga ayaw makipag-usap tungkol sa relihiyon sa mga hindi nila kakilala. Para naman sa iba, hindi magandang asal na magtanong tungkol sa Diyos. At mayroon ding nahihiyang makita ng iba na nagbabasa sila ng Bibliya, lalo na kung Saksi ni Jehova ang nagpapabasa sa kanila. Anuman ang dahilan, inuunawa natin sila.—2 Tim. 2:24, tlb.
6. Paano naipakita ni apostol Pablo na marunong siyang makibagay, at paano natin siya matutularan?
6 Ano ang puwede nating gawin kung mukhang di-komportable ang ating kausap kapag binabanggit natin ang mga salitang “Bibliya,” “paglalang,” “Diyos,” o “relihiyon”? Puwede nating tularan si apostol Pablo at ibagay ang sasabihin natin sa ating kausap. Noong mga Judio ang kausap ni Pablo, nangangatuwiran siya gamit ang Kasulatan. Pero noong kausap niya ang mga pilosopong Griego sa Areopago, hindi niya sinasabing sumisipi siya mula sa Kasulatan. (Gawa 17:2, 3, 22-31) Paano natin matutularan si Pablo? Kapag ayaw sa Bibliya ng kausap mo, baka mas magandang huwag banggitin na galing sa Bibliya ang sinasabi mo. Kapag naramdaman mong maaasiwa ang kausap mo na makita ng iba na pinababasa mo siya ng Bibliya, mas magandang sa gadyet mo siya pabasahin para hindi mapansin ng iba.
7. Paano natin matutularan si Pablo, gaya ng paglalarawan sa kaniya sa 1 Corinto 9:20-23?
7 Maging Maunawain at Makinig. Dapat nating unawain ang mga taong nakakausap natin. (Kaw. 20:5) Balikan natin ang halimbawa ni Pablo. Lumaki siyang kasama ng mga Judio. Pero tiyak na ibinagay niya ang pangangaral niya sa mga Gentil dahil kaunti lang ang alam nila o wala silang kaalam-alam tungkol kay Jehova at sa Kasulatan. Baka kailangan nating mag-research o magtanong sa mga makaranasang kapatid sa kongregasyon para maintindihan ang mga tao sa teritoryo natin.—Basahin ang 1 Corinto 9:20-23.
8. Ano ang isang paraan para makapagpasimula ng pag-uusap tungkol sa Bibliya?
8 Tunguhin nating mahanap ang mga “karapat-dapat.” (Mat. 10:11) Para magawa ito, hingin ang opinyon ng mga tao at makinig nang mabuti. Tinatanong ng isang brother sa England ang opinyon ng mga tao kung paano magkakaroon ng masayang pag-aasawa, kung paano magpapalaki ng mga anak, o kung paano makakayanan ang kawalang-katarungan. Matapos marinig ang komento ng kausap niya, sinasabi niya, “Ano ang masasabi mo sa payong ito na isinulat halos 2,000 taon na ang nakakaraan?” Pagkatapos, kahit hindi niya sinasabi ang salitang “Bibliya,” ipinapakita niya ang ilang pilíng teksto sa cellphone niya.
ABUTIN ANG PUSO NG MGA TAO
9. Paano natin matutulungan ang mga taong ayaw makipag-usap tungkol sa Diyos?
9 Maaabot natin ang puso ng mga taong ayaw makipag-usap tungkol sa Diyos kung ang ipapakipag-usap natin ay ang mga bagay na malapít sa puso nila. Halimbawa, marami ang hanga sa kalikasan. Kaya puwede nating sabihin ang ganito: “Maraming naiimbento ang mga siyentipiko dahil sa paggaya nila sa kalikasan. Halimbawa, inaral ng mga gumagawa ng mikropono ang tainga, at inaral naman ng mga gumagawa ng camera ang mata. Ano ang naiisip mo tungkol sa kalikasan? Basta na lang ba itong lumitaw, may lumalang nito, o may iba itong pinagmulan?” Matapos makinig nang mabuti, puwede nating idagdag: “Kung kinokopya lang ng mga engineer ang disenyo ng tainga at mata, baka maisip natin kung sino naman ang nagdisenyo ng mga ito. Nagustuhan ko ang isinulat ng isang makata: ‘Ang gumawa ng tainga, hindi ba siya makaririnig? Ang gumawa ng mata, hindi ba siya makakakita? . . . Siya ang nagbibigay ng kaalaman sa tao!’ Sang-ayon din diyan ang ilang siyentipiko.” (Awit 94:9, 10) Saka natin ipapanood ang video sa jw.org® na nasa “Mga Interbyu at Karanasan” sa seryeng “Komento sa Pinagmulan ng Buhay.” (Tingnan sa PUBLIKASYON > VIDEO.) O puwede tayong magbigay ng brosyur na Saan Nagmula ang Buhay? o ng brosyur na The Origin of Life—Five Questions Worth Asking.
10. Paano natin puwedeng simulan ang pakikipag-usap sa isa na ayaw makipag-usap tungkol sa Diyos?
10 Gusto ng karamihan ng tao na magkaroon ng magandang kinabukasan. Pero marami ang natatakot na baka magunaw ang mundo o hindi na ito matirhan. Sinabi ng isang naglalakbay na tagapangasiwa sa Norway na ang mga taong ayaw makipag-usap tungkol sa Diyos ay kadalasan namang interesadong makipag-usap tungkol sa kalagayan ng mundo. Pagkatapos niyang bumati, sinasabi niya: “Puwede Awit 37:29; Ecles. 1:4.
pa kaya tayong magkaroon ng magandang kinabukasan? Maibibigay kaya ito sa atin ng mga politiko, siyentipiko, o ng iba pa?” Matapos makinig nang mabuti, binabasa niya o sinisipi ang isang teksto tungkol sa magandang kinabukasan. Nagugulat ang ilan sa pangako ng Bibliya na ang lupa ay mananatili magpakailanman at titira doon magpakailanman ang mabubuting tao.—11. Bakit kailangan nating subukan ang iba’t ibang paraan ng pakikipag-usap, at paano natin matutularan si Pablo, gaya ng sinasabi sa Roma 1:14-16?
11 Mahalagang gumamit tayo ng iba’t ibang paraan ng pakikipag-usap. Bakit? Dahil magkakaiba ang mga tao. Ang isang paksa ay puwedeng magustuhan ng isang tao, pero baka ayaw naman ito ng iba. Okey lang sa ilan na pag-usapan ang tungkol sa Diyos o sa Bibliya, pero mas makikinig naman ang iba kung hindi muna tungkol dito ang pag-uusapan. Anuman ang sitwasyon, dapat nating samantalahing makausap ang lahat ng uri ng tao. (Basahin ang Roma 1:14-16.) Siyempre pa, alam nating si Jehova ang nagpapalago ng katotohanan sa puso ng mga taong gustong gawin kung ano ang tama.—1 Cor. 3:6, 7.
PAGSASABI NG KATOTOHANAN SA MGA TAGA-ASIA
12. Paano natin matutulungan ang mga taga-Asia na walang ideya tungkol sa Maylalang?
12 Sa buong mundo, maraming mamamahayag ang nakakatagpo ng mga taga-Asia, kasama na ang mga nanggaling sa mga lugar na hinihigpitan ng gobyerno ang gawain ng relihiyon. Sa maraming bansa sa Asia, hindi man lang sumasagi sa isip ng maraming tao kung mayroon nga bang Maylalang. Ang ilan ay interesado at handang tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya, pero mayroon din namang sa umpisa ay sarado ang isip sa mga bagong ideya. Paano natin sila matutulungan? Ang ilang makaranasang mamamahayag ay nakikipagkaibigan muna at nagpapakita ng interes sa kausap. Pagkatapos, kung angkop, sinasabi nila kung paano umayos ang buhay nila nang sumunod sila sa mga simulain ng Bibliya.
13. Ano ang makakatulong para maging interesado sa Bibliya ang mga tao? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
13 Ang unang nagugustuhan ng maraming tao sa Bibliya ay ang praktikal na karunungan nito. (Ecles. 7:12) Sa New York, sinabi ng isang sister na nangangaral sa mga nagsasalita ng Mandarin: “Sinisikap kong magpakita ng interes sa mga tao at makinig sa kanila. Kapag nalaman kong bagong lipat sila galing sa ibang bansa, tinatanong ko sila: ‘Nakapag-adjust ka na ba? May nahanap ka na bang trabaho? Mabait ba sa ’yo ang mga tagarito?’” Nakakatulong iyan kung minsan para masimulan niya ang pakikipag-usap tungkol sa Bibliya. At kung angkop, sinasabi pa ng sister: “Ano kaya ang makakatulong sa atin para makasundo ang ibang tao? Gusto ko sanang ipakita sa ’yo ang isang kasabihan mula sa Bibliya. Ang sabi: ‘Ang pagpapasimula ng away ay gaya ng pagpapakawala ng tubig; bago magsimula ang pagtatalo, umalis ka na.’ Sa palagay mo, makakatulong ba ang payong ito para makasundo natin ang iba?” (Kaw. 17:14) Sa gayong pag-uusap, makikita natin kung sino ang gusto pang matuto.
14. Paano tinutulungan ng isang brother sa Far East ang mga taong nagsasabing hindi sila naniniwala sa Diyos?
14 Paano naman ang mga nagsasabing hindi sila naniniwala sa Diyos? Isang brother na matagal nang nangangaral sa mga di-relihiyosong tao sa Far East ang nagsabi: “Karaniwan nang kapag sinasabi ng isa, ‘Hindi ako naniniwala sa Diyos,’ ibig sabihin no’n, hindi siya naniniwala sa mga diyos na sinasamba ng mga tao sa lugar nila. Kaya sumasang-ayon ako na Jeremias 16:20: ‘Ang tao ba ay makagagawa ng mga diyos?’ Pagkatapos, itinatanong ko: ‘Paano kaya natin malalaman kung ang isang diyos ay tunay o gawa lang ng tao?’ Nakikinig akong mabuti, ’tapos, binabasa ko ang Isaias 41:23: ‘Sabihin ninyo ang mangyayari sa hinaharap, para malaman namin na kayo ay mga diyos.’ Saka ko ipapakita kung ano ang sinasabi ni Jehova tungkol sa hinaharap.”
karamihan ng diyos ay gawa lang ng tao at hindi totoo. Madalas kong binabasa ang15. Ano ang matututuhan natin sa isang brother sa East Asia?
15 Ganito naman ang paraan ng isang brother sa East Asia kapag dumadalaw-muli. Ang sabi niya: “Nagbibigay ako ng mga halimbawa ng magagandang payo mula sa Bibliya, mga natupad na hula sa Bibliya, at mga batas na kumokontrol sa uniberso. Saka ko ipapakita na lahat ng ito ay patunay na may isang buháy at matalinong Maylalang. Kapag nabuksan ang isip ng isang tao na posible ngang may Diyos, ipinapakita ko naman ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova.”
16. Ayon sa Hebreo 11:6, bakit mahalagang magkaroon ng pananampalataya sa Diyos at sa Bibliya ang mga estudyante natin, at paano natin sila matutulungang magkaroon nito?
16 Kapag nagtuturo tayo ng Bibliya sa mga taong hindi relihiyoso, dapat na lagi nating patibayin ang kanilang pananampalataya na talagang may Diyos. (Basahin ang Hebreo 11:6.) At tulungan din natin sila na maniwala sa Bibliya. Para magawa iyan, baka kailangan nating ulit-ulitin sa kanila ang ilang punto. Tuwing magba-Bible study, baka kailangan nating talakayin sandali ang mga patunay na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Puwedeng kasama diyan ang mga natupad na hula sa Bibliya, ang pagiging tumpak nito pagdating sa siyensiya at kasaysayan, o ang praktikal na karunungan nito.
17. Ano ang puwedeng maging resulta ng pag-ibig natin sa mga tao?
17 Matutulungan natin ang mga tao na maging alagad ni Kristo kung magpapakita tayo ng pag-ibig sa kanila, relihiyoso man sila o hindi. (1 Cor. 13:1) Habang tinuturuan natin sila, ang tunguhin natin ay maipakitang mahal tayo ng Diyos at gusto niya na mahalin din natin siya. Taon-taon, libo-libong tao na dating hindi gaanong interesado o walang interes sa relihiyon ang nababautismuhan dahil lumalim ang pag-ibig nila sa Diyos. Kaya maging positibo, at magkaroon ng pag-ibig at interes sa lahat ng uri ng tao. Makinig sa kanila. Sikaping unawain sila. Turuan silang maging alagad ni Kristo sa pamamagitan ng iyong halimbawa.
AWIT 76 Ano’ng Nadarama Mo?
^ par. 5 Baka mas marami na tayo ngayong nakakausap na mga hindi relihiyoso. Tatalakayin sa artikulong ito kung paano natin sasabihin sa kanila ang katotohanan sa Bibliya at kung paano natin sila matutulungang magtiwala sa Bibliya at maniwala sa Diyos na Jehova.
^ par. 1 Ayon sa mga survey, ang ilan sa mga bansang ito ay ang sumusunod: Albania, Australia, Austria, Azerbaijan, Canada, China, Czech Republic, Denmark, France, Germany, Hong Kong, Ireland, Israel, Japan, Netherlands, Norway, South Korea, Spain, Sweden, Switzerland, United Kingdom, at Vietnam.
^ par. 2 KARAGDAGANG PALIWANAG: Sa artikulong ito, ang terminong hindi relihiyoso ay tumutukoy sa mga taong walang relihiyon o hindi naniniwala sa Diyos.
^ par. 54 LARAWAN: Isang brother ang nagpatotoo sa kaniyang katrabaho sa ospital; pag-uwi ng katrabaho niya, tiningnan nito ang Online Bible Study Lessons.