Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 27

Huwag Mag-isip Nang Higit Tungkol sa Sarili Kaysa sa Nararapat

Huwag Mag-isip Nang Higit Tungkol sa Sarili Kaysa sa Nararapat

“Sinasabi ko sa inyong lahat na huwag mag-isip nang higit tungkol sa sarili kaysa sa nararapat, kundi ipakita ninyo ang katinuan ng inyong pag-iisip.”​—ROMA 12:3.

AWIT 130 Maging Mapagpatawad

NILALAMAN *

1. Ayon sa Filipos 2:3, paano nakakatulong ang kapakumbabaan para magkaroon tayo ng mabuting kaugnayan sa iba?

MAPAGPAKUMBABA tayong sumusunod sa mga pamantayan ni Jehova dahil alam nating siya ang nakakaalam kung ano ang pinakamabuti para sa atin. (Efe. 4:22-24) Kung mapagpakumbaba tayo, uunahin natin ang kalooban ni Jehova at ituturing natin na nakatataas ang iba kaysa sa atin. Bilang resulta, magkakaroon tayo ng mabuting kaugnayan kay Jehova at sa mga kapatid natin.​—Basahin ang Filipos 2:3.

2. Ano ang inamin ni apostol Pablo, at ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Pero kung hindi tayo mag-iingat, puwede tayong maimpluwensiyahan ng mga taong mapagmataas at makasarili * sa sistemang ito ni Satanas. Posibleng naimpluwensiyahan ang ilang Kristiyano noong unang siglo C.E. dahil sumulat si apostol Pablo sa mga taga-Roma: “Sinasabi ko sa inyong lahat na huwag mag-isip nang higit tungkol sa sarili kaysa sa nararapat, kundi ipakita ninyo ang katinuan ng inyong pag-iisip.” (Roma 12:3) Inamin ni Pablo na kailangan din nating pahalagahan ang sarili natin. Pero ang kapakumbabaan ay tutulong sa atin na magkaroon ng balanseng pananaw sa ating sarili. Tatalakayin sa artikulong ito ang tatlong bagay kung saan makakatulong ang kapakumbabaan para maiwasan nating mag-isip nang sobra tungkol sa ating sarili. Ang mga ito ay (1) sa pag-aasawa, (2) sa pribilehiyo ng paglilingkod, at (3) sa paggamit ng social media.

MAGPAKITA NG KAPAKUMBABAAN SA PAG-AASAWA

3. Bakit malamang na bumangon ang problema sa pag-aasawa, at ano ang solusyon dito ng ilan?

3 Gusto ni Jehova na maging masaya ang mga mag-asawa. Pero dahil hindi tayo perpekto, malamang na bumangon ang mga problema. Sa katunayan, isinulat ni Pablo na ang mga may asawa ay magkakaroon ng karagdagang mga problema. (1 Cor. 7:28) May mga mag-asawang palaging nag-aaway, kaya iniisip nilang hindi talaga sila para sa isa’t isa. Kung naimpluwensiyahan sila ng sanlibutan, iisipin agad nilang magdiborsiyo na lang. Sarili lang nila ang iniisip nila.

4. Ano ang hindi natin dapat isipin?

4 Huwag nating isiping bigo ang ating pag-aasawa. Alam natin na ang nag-iisang makakasulatang dahilan para sa diborsiyo ay seksuwal na imoralidad. (Mat. 5:32) Kaya kapag napaharap tayo sa mga problema, ayaw nating maging mapagmataas at isipin: ‘Naibibigay ba ng asawa ko ang mga pangangailangan ko? Nararamdaman ko ba ang pagmamahal na nararapat sa akin? Mas magiging masaya kaya ako sa piling ng iba?’ Pansinin na nakapokus sa sarili ang mga tanong na iyan. Iimpluwensiyahan ka ng sanlibutan na sundin ang puso mo at gawin ang gusto mo kahit mangahulugan pa ito ng paghihiwalay ninyo. Pero sinasabi ng Bibliya na dapat mong isipin “ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa [iyo].” (Fil. 2:4) Gusto ni Jehova na manatili ang inyong pagsasama bilang mag-asawa at huwag magdiborsiyo. (Mat. 19:6) Gusto niyang siya ang isipin mo, hindi ang iyong sarili.

5. Ayon sa Efeso 5:33, paano dapat pakitunguhan ng mag-asawa ang isa’t isa?

5 Dapat mahalin at igalang ng mag-asawa ang isa’t isa. (Basahin ang Efeso 5:33.) Itinuturo ng Bibliya na dapat tayong magpokus sa pagbibigay sa halip na sa pagtanggap. (Gawa 20:35) Anong katangian ang makakatulong sa mag-asawa na magpakita ng pagmamahal at paggalang? Kapakumbabaan. Uunahin ng mapagpakumbabang asawa “ang kapakanan ng [asawa niya], hindi ang sarili niya.”​—1 Cor. 10:24.

Imbes na mag-away, ang mapagpakumbabang mag-asawa ay nagtutulungan (Tingnan ang parapo 6)

6. Ano ang matututuhan mo sa sinabi nina Steven at Stephanie?

6 Nakatulong ang kapakumbabaan sa maraming Kristiyanong mag-asawa na maging mas masaya sa kanilang pag-aasawa. Halimbawa, sinabi ni Steven: “Kung magkakampi kayo, magtutulungan kayo, lalo na kapag may mga problema. Sa halip na isiping ‘ano ang pinakamabuti para sa akin?’ isiping ‘ano ang pinakamabuti para sa amin?’” Ganiyan din ang iniisip ng misis niyang si Stephanie. “Walang may gustong makasama sa bahay ang kaaway niya,” ang sabi ni Stephanie. “Kapag nagkaproblema, inaalam namin ang dahilan nito. Pagkatapos, nananalangin kami, nagre-research, at pinag-uusapan iyon. Imbes na mag-away, inaayos namin ang problema.” Talagang magiging mas masaya ang mag-asawa kung uunahin nila ang kapakanan ng isa’t isa.

MAGLINGKOD KAY JEHOVA NANG MAY ‘TUNAY NA KAPAKUMBABAAN’

7. Ano ang dapat na maging saloobin ng isang brother kapag nabigyan siya ng pribilehiyo?

7 Isang pribilehiyo para sa atin na maglingkod kay Jehova sa abot ng ating makakaya. (Awit 27:4; 84:10) Kung gusto ng isang brother na pumasok sa isang pantanging pribilehiyo ng paglilingkod, maganda iyon. Ang totoo, sinasabi ng Bibliya: “Kung nagsisikap ang isang lalaki na maging tagapangasiwa, magandang tunguhin iyan.” (1 Tim. 3:1) Pero kapag nakatanggap siya ng atas, hindi niya dapat isiping importanteng tao na siya. (Luc. 17:7-10) Ang dapat na maging tunguhin niya ay ang makapaglingkod sa iba nang may kapakumbabaan.​—2 Cor. 12:15.

8. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa nina Diotrepes, Uzias, at Absalom?

8 Mababasa sa Bibliya ang babalang halimbawa ng mga taong mataas ang tingin sa sarili. Gusto ni Diotrepes na “maging pinakaprominente” sa kongregasyon. (3 Juan 9) Sinubukang gawin ni Uzias ang isang bagay na hindi iniatas ni Jehova sa kaniya. (2 Cro. 26:16-21) Dahil gusto ni Absalom na maging hari, nagkunwari siya na mahal niya ang mga tao para suportahan nila siya. (2 Sam. 15:2-6) Gaya ng ipinapakita sa mga ulat na iyon, hindi natutuwa si Jehova sa mga taong naghahanap ng sariling karangalan. (Kaw. 25:27) Kapahamakan lang ang idudulot ng pagmamataas at ambisyon.​—Kaw. 16:18.

9. Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus?

9 Ibang-iba si Jesus sa mapagmataas na mga taong iyon. “Kahit umiiral siya sa anyong Diyos, hindi niya inisip na mang-agaw ng posisyon, o maging kapantay ng Diyos.” (Fil. 2:6) Kahit pangalawa si Jesus kay Jehova, hindi siya nag-isip nang higit tungkol sa sarili niya kaysa sa nararapat. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ang gumagawing gaya ng isang nakabababa sa gitna ninyong lahat ang talagang dakila.” (Luc. 9:48) Isa ngang pribilehiyo na maglingkod kasama ng mga payunir, ministeryal na lingkod, elder, at tagapangasiwa ng sirkito na tinutularan ang kapakumbabaan ni Jesus! Kung mapagpakumbaba tayo, makakapagpakita tayo ng pag-ibig na tanda ng tunay na mga Kristiyano.​—Juan 13:35.

10. Ano ang dapat mong gawin kung sa tingin mo ay may mga problema sa kongregasyon na hindi naaasikaso nang tama ng mga elder?

10 Ano ang dapat mong gawin kung sa tingin mo ay may mga problema sa kongregasyon na hindi naaasikaso nang tama ng mga elder? Sa halip na magreklamo, maging mapagpakumbaba at suportahan ang kanilang pangunguna. (Heb. 13:17) Para magawa iyan, tanungin ang sarili: ‘Talaga bang napakaseryoso ng problemang nakikita ko at kailangan na itong ituwid? Ito ba ang tamang panahon para ituwid iyon? Ako ba ang dapat magtuwid ng problema? Pero ano ba talaga ang totoo, gusto ko bang magkaisa ang kongregasyon o gusto ko lang iangat ang sarili ko?’

Ang mga nabigyan ng pribilehiyo ay dapat makilala hindi lang sa kanilang kakayahan, kundi pati na sa kanilang kapakumbabaan (Tingnan ang parapo 11) *

11. Ayon sa Efeso 4:2, 3, ano ang resulta kung magiging mapagpakumbaba tayo sa paglilingkod kay Jehova?

11 Mas mahalaga kay Jehova ang kapakumbabaan kaysa sa kakayahan, at ang pagkakaisa kaysa sa pagiging mahusay. Kaya gawin ang iyong buong makakaya na maging mapagpakumbaba sa paglilingkod kay Jehova. Sa paggawa nito, makakatulong ka sa pagkakaisa ng kongregasyon. (Basahin ang Efeso 4:2, 3.) Maging masigasig sa ministeryo. Humanap ng pagkakataon para makatulong sa iba. Maging mapagpatuloy sa lahat, pati na sa mga walang mabigat na pananagutan sa kongregasyon. (Mat. 6:1-4; Luc. 14:12-14) Kapag mapagpakumbaba kang naglilingkod sa kongregasyon, mapapansin ng iba hindi lang ang iyong kakayahan kundi pati ang iyong kapakumbabaan.

MAGPAKITA NG KAPAKUMBABAAN SA PAGGAMIT NG SOCIAL MEDIA

12. Pinapasigla ba tayo ng Bibliya na magkaroon ng mga kaibigan? Ipaliwanag.

12 Gusto ni Jehova na mag-enjoy tayo sa pakikipagsamahan sa ating mga kaibigan at kapamilya. (Awit 133:1) May mabubuting kaibigan si Jesus. (Juan 15:15) Mababasa sa Bibliya ang mga pakinabang kapag mayroon tayong tunay na mga kaibigan. (Kaw. 17:17; 18:24) At sinasabi dito na hindi natin dapat ibukod ang ating sarili. (Kaw. 18:1) Iniisip ng marami na social media ang paraan para magkaroon tayo ng maraming kaibigan at hindi malungkot. Pero dapat tayong mag-ingat sa paggamit nito.

13. Bakit malamang na madepres at malungkot ang ilang gumagamit ng social media?

13 Ayon sa pag-aaral, ang mga taong nagbababad sa pagtingin sa mga post sa social media ay malamang na madepres at malungkot. Bakit? Dahil ang kadalasang ipino-post ng mga tao sa social media ay ang magagandang nangyayari sa buhay nila at ang magagandang litrato nila, ng mga kaibigan nila, at ng mga pinuntahan nila. Puwedeng maisip ng mga tumitingin sa mga litratong iyon na malungkot at boring ang buhay nila. Inamin ng 19-anyos na sister, “Naiinggit ako kapag nakikita ko ang iba na nag-e-enjoy tuwing weekend, samantalang ako, nandito lang sa bahay.”

14. Paano makakatulong sa atin ang payo sa 1 Pedro 3:8 tungkol sa paggamit ng social media?

14 Siyempre, may pakinabang din sa social media. Halimbawa, nagagamit natin ito para makausap ang ating mga kapamilya at kaibigan. Pero napapansin mo ba na may mga nagpo-post sa social media para magpasikat lang? Para bang sinasabi nila, “Tingnan n’yo ’ko!” May mga nagko-comment pa nga ng di-maganda sa sarili nilang post o sa post ng iba. Hindi ito pagpapakita ng kapakumbabaan at pagmamahal sa kapatid na dapat makita sa mga Kristiyano.​—Basahin ang 1 Pedro 3:8.

Kapag nagpo-post ka sa social media, naiisip ba ng iba na nagyayabang ka o mapagpakumbaba ka? (Tingnan ang parapo 15)

15. Paano makakatulong ang Bibliya para hindi natin gustuhing hangaan tayo ng iba?

15 Kung gumagamit ka ng social media, tanungin ang sarili: ‘Mukha ba akong nagyayabang sa ipino-post kong mga litrato, video, o comment? Hindi kaya ako kainggitan ng iba?’ Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng bagay sa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at pagnanasa ng mga mata at pagyayabang ng mga pag-aari—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.” (1 Juan 2:16) Hindi mahalaga sa mga Kristiyano na hangaan sila ng iba. Sinusunod nila ang payo ng Bibliya: “Huwag tayong maging mapagmataas, huwag tayong makipagkompetensiya sa isa’t isa, at huwag nating kainggitan ang isa’t isa.” (Gal. 5:26) Kung mapagpakumbaba tayo, hindi tayo magiging gaya ng mga tao sa mundong ito na mapagmataas at gustong hangaan sila ng iba.

“IPAKITA NINYO ANG KATINUAN NG INYONG PAG-IISIP”

16. Bakit hindi tayo dapat maging mapagmataas?

16 Kailangan nating maging mapagpakumbaba dahil ang mga taong mapagmataas ay walang ‘katinuan ng pag-iisip.’ (Roma 12:3) Ang mga mapagmataas ay palaaway at makasarili. Dahil sa iniisip at ginagawa nila, kadalasan nang nasasaktan nila ang sarili nila at ang iba. Kung hindi sila magbabago, malamang na mabulag at malason ni Satanas ang pag-iisip nila. (2 Cor. 4:4; 11:3) Pero ang isang taong mapagpakumbaba ay may katinuan ng pag-iisip. Balanse at makatuwiran ang tingin niya sa sarili niya at itinuturing niya ang iba na nakatataas sa kaniya. (Fil. 2:3) Alam din ng taong mapagpakumbaba na “ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas, pero nagpapakita siya ng walang-kapantay na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.” (1 Ped. 5:5) Hindi kakalabanin ng mga may katinuan ng pag-iisip si Jehova.

17. Ano ang dapat nating gawin para manatiling mapagpakumbaba?

17 Para manatiling mapagpakumbaba, dapat nating sundin ang payo ng Bibliya na “hubarin . . . ang lumang personalidad, pati na ang mga gawain nito, at isuot . . . ang bagong personalidad.” Hindi iyan madali. Kailangan nating pag-aralan at sundang mabuti ang halimbawa ni Jesus. (Col. 3:9, 10; 1 Ped. 2:21) Kapag sinisikap nating maging mapagpakumbaba, magiging mas masaya ang pamilya natin, makakatulong tayo sa pagpapanatili ng pagkakaisa sa kongregasyon, at magagamit natin ang social media sa tamang paraan. Higit sa lahat, pagpapalain at sasang-ayunan tayo ni Jehova.

AWIT 117 Magpakita ng Kabutihan

^ par. 5 Nabubuhay tayo ngayon sa isang mundong punong- puno ng mapagmataas at makasariling mga tao. Dapat tayong mag-ingat para hindi tayo mahawa sa kanila. Tatalakayin sa artikulong ito ang tatlong bagay kung saan hindi tayo dapat mag-isip nang higit tungkol sa ating sarili kaysa sa nararapat.

^ par. 2 KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang isang mapagmataas na tao ay nakapokus lang sa sarili niya. Kaya makasarili ang isang mapagmataas na tao. Pero makakatulong ang kapakumbabaan para hindi maging makasarili ang isa. Ang kapakumbabaan ay nangangahulugang hindi mapagmataas o arogante at may kababaan ng pag-iisip.

^ par. 56 LARAWAN: Isang elder na nagpapahayag sa kombensiyon at nangangasiwa sa mga kapatid na nagpapahalaga rin sa pangunguna sa ministeryo at paglilinis ng Kingdom Hall.