Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 29

“Kung Kailan Ako Mahina, Saka Naman Ako Malakas”

“Kung Kailan Ako Mahina, Saka Naman Ako Malakas”

“Nalulugod ako sa mga kahinaan, insulto, panahon ng pangangailangan, at pag-uusig at problema alang-alang kay Kristo.”​—2 COR. 12:10.

AWIT 38 Tutulungan Ka Niya

NILALAMAN *

1. Ano ang inamin ni apostol Pablo?

INAMIN ni apostol Pablo na kung minsan, pakiramdam niya, mahina siya. Sinabi niya na “nanghihina” ang katawan niya, na nahihirapan siyang gawin ang tama, at na ang sagot ni Jehova sa mga panalangin niya ay hindi laging gaya ng inaasahan niya. (2 Cor. 4:16; 12:7-9; Roma 7:21-23) Sinabi rin ni Pablo na mahina * ang tingin sa kaniya ng mga kaaway niya. Pero kahit negatibo ang tingin sa kaniya ng iba at may mga kahinaan siya, hindi niya naramdamang wala siyang halaga.​—2 Cor. 10:10-12, 17, 18.

2. Ayon sa 2 Corinto 12:9, 10, anong mahalagang aral ang natutuhan ni Pablo?

2 May mahalagang aral na natutuhan si Pablo—puwedeng maging malakas ang isang tao kahit pakiramdam niya, mahina siya. (Basahin ang 2 Corinto 12:9, 10.) Sinabi ni Jehova kay Pablo na “lubusang makikita ang kapangyarihan [Niya] kapag mahina ang isa.” Ibig sabihin, ibibigay ni Jehova kay Pablo ang lakas na kailangan niya. Pero tingnan muna natin kung bakit hindi tayo dapat magpaapekto sa pang-iinsulto ng mga kaaway natin.

‘MALUGOD SA MGA INSULTO’

3. Bakit tayo malulugod sa mga insulto?

3 Ayaw nating iniinsulto tayo. Pero kung magpapaapekto tayo sa pang-iinsulto ng mga kaaway natin, puwede tayong panghinaan ng loob. (Kaw. 24:10) Kaya ano ang dapat nating maging tingin sa pang-iinsulto nila? Gaya ni Pablo, puwede tayong ‘malugod sa mga insulto.’ (2 Cor. 12:10) Bakit? Dahil ang pang-iinsulto at pag-uusig ay tanda ng pagiging tunay na mga alagad ni Jesus. (1 Ped. 4:14) Sinabi ni Jesus na pag-uusigin ang mga tagasunod niya. (Juan 15:18-20) Nangyari iyan sa mga Kristiyano noong unang siglo. Noon, iniisip ng mga taong naimpluwensiyahan ng mga Griego na walang alam at mahina ang mga Kristiyano. At para sa mga Judio, ang mga Kristiyano ay “hindi nakapag-aral at pangkaraniwan,” gaya nina apostol Pedro at Juan. (Gawa 4:13) Mukhang mahina ang mga Kristiyano; wala silang koneksiyon sa politika o kakayahang makipagdigma, at para sa mga tao, wala silang pakinabang sa komunidad.

4. Ano ang reaksiyon ng mga Kristiyano noon sa pang-iinsulto ng mga mang-uusig?

4 Napatigil ba ng mga mang-uusig ang mga Kristiyano noon? Hindi. Halimbawa, para kina apostol Pedro at Juan, isang karangalan na pag-usigin dahil sa pagsunod kay Jesus at sa pagtuturo tungkol sa kaniya. (Gawa 4:18-21; 5:27-29, 40-42) Walang dapat ikahiya ang mga alagad. Ang totoo, mas marami pang nagawang mabuti sa iba ang unang-siglong mga Kristiyanong iyon kaysa sa mga mang-uusig nila. Halimbawa, ang mga aklat sa Bibliya na isinulat ng ilang Kristiyano noon ay nakakatulong pa rin at nagbibigay ng pag-asa sa milyon-milyong tao hanggang ngayon. At ang Kaharian na ipinapangaral nila ay namamahala na ngayon sa langit at malapit nang mamahala sa buong lupa. (Mat. 24:14) Sa kabaligtaran, ang makapangyarihang gobyernong nang-usig sa kanila ay bahagi na lang ng kasaysayan. Pero ang tapat na mga alagad na iyon ay mga hari na ngayon sa langit. Isa pa, patay na ang mga mang-uusig, at kung buhayin man sila, magiging sakop sila ng Kaharian na ipinangaral ng mga Kristiyanong kinapootan nila.​—Apoc. 5:10.

5. Ayon sa Juan 15:19, bakit hinahamak ang mga lingkod ni Jehova?

5 Bilang mga lingkod ni Jehova, hinahamak tayo kung minsan at itinuturing na walang alam at mahina. Bakit? Dahil hindi natin ginagaya ang ugali ng mga tao sa ngayon. Sinisikap nating maging mapagpakumbaba, mahinahon, at masunurin. Sa kabaligtaran, gustong-gusto ng mundo sa ngayon ang mayayabang, arogante, at palaban. Isa pa, hindi tayo nakikisali sa politika at hindi rin tayo nagsusundalo. Ibang-iba tayo sa mga tao sa mundong ito. Kaya mababa ang tingin nila sa atin.​—Basahin ang Juan 15:19; Roma 12:2.

6. Ano ang naisasagawa ni Jehova sa pamamagitan ng mga lingkod niya?

6 Kahit mahina tayo sa tingin ng mga tao, ginagamit tayo ni Jehova para gawin ang di-pangkaraniwang mga bagay. Naisasagawa ni Jehova ang pinakamalawak na gawaing pangangaral sa pamamagitan ng mga lingkod niya. Sa ngayon, nakakapaglathala sila ng mga magasin na may pinakamaraming salin at kopyang naipapamahagi at natutulungan nila ang milyon-milyong tao na magkaroon ng magandang buhay gamit ang Bibliya. Ang lahat ng ito ay dahil kay Jehova. Ginagamit niya sa paggawa ng di-pangkaraniwang mga bagay ang mga taong sa tingin ng iba ay mahina. Paano naman tayo bilang indibidwal? Tutulungan din ba tayo ni Jehova na makagawa ng di-pangkaraniwang mga bagay? Kung oo, may dapat ba tayong gawin para matulungan niya? Talakayin natin ang tatlong aral na matututuhan natin kay apostol Pablo.

HUWAG UMASA SA SARILING LAKAS

7. Ano ang isang aral na matututuhan natin kay Pablo?

7 Ito ang isang aral na matututuhan natin kay Pablo: Huwag umasa sa sariling lakas o kakayahan kapag naglilingkod kay Jehova. Sa tingin ng tao, may dahilan si Pablo para magyabang at umasa sa sarili. Lumaki siya sa Tarso, ang kabiserang lunsod ng isang lalawigan ng Roma. Mayaman ang Tarso, at mayroon itong sikat na paaralan. Edukado si Pablo—tinuruan siya ni Gamaliel na isa sa mga pinakarespetadong Judiong lider noong panahon niya. (Gawa 5:34; 22:3) At may pagkakataong naging maimpluwensiya si Pablo sa mga Judio. Sinabi niya: “Mas masulong ako kaysa sa maraming kaedad ko sa aking bansa.” (Gal. 1:13, 14; Gawa 26:4) Pero hindi siya umasa sa sarili niya.

Para kay Pablo, “basura” ang mga bagay na pinapahalagahan ng mga tao sa mundo kung ikukumpara sa pribilehiyong maging tagasunod ni Kristo (Tingnan ang parapo 8) *

8. Ayon sa Filipos 3:8, ano ang tingin ni Pablo sa mga bagay na iniwan niya, at bakit siya ‘nalugod sa mga kahinaan’?

8 Masaya si Pablo na iniwan niya ang mga bagay na pinapahalagahan ng mga tao sa mundo. Ang totoo, itinuring pa nga niyang “basura” ang mga ito. (Basahin ang Filipos 3:8.) Maraming pinagdaanang hirap si Pablo nang maging tagasunod siya ni Kristo. Kinapootan siya ng sarili niyang bansa. (Gawa 23:12-14) Pinagpapalo siya at ibinilanggo ng mga kababayan niyang Romano. (Gawa 16:19-24, 37) At napag-isip-isip ni Pablo na napakahirap gawin ng tama kasi hindi siya perpekto. (Roma 7:21-25) Pero hindi siya nagpaapekto sa mga ito. Sa halip, ‘nalugod siya sa mga kahinaan.’ Bakit? Dahil kung kailan siya mahina, doon niya nakikita ang tulong ng Diyos.​—2 Cor. 4:7; 12:10.

9. Ano ang dapat na maging tingin natin sa mga kakulangan natin?

9 Kung gusto nating tulungan tayo ni Jehova, hindi natin dapat isipin na mahalaga tayo dahil sa ating lakas, edukasyon, pinagmulan, o kayamanan. Hindi ito ang kailangan para gamitin tayo ni Jehova. Ang totoo, hindi pumili si Jehova “ng maraming matalino ayon sa pananaw ng tao, ng maraming makapangyarihan, at ng maraming ipinanganak na maharlika.” Sa halip, pinili niya “ang itinuturing na mahihina sa sanlibutan.” (1 Cor. 1:26, 27) Kaya huwag mong isipin na hadlang sa paglilingkod kay Jehova ang mga kakulangan mo. Sa halip, isipin na pagkakataon ito para makita kung paano ka tinutulungan ni Jehova. Halimbawa, kung natatakot ka sa mga taong kumukuwestiyon sa paniniwala mo, manalangin kay Jehova na bigyan ka ng lakas ng loob na ipagtanggol ang pananampalataya mo. (Efe. 6:19, 20) O kung pinapahirapan ka ng malubhang sakit, humingi kay Jehova ng lakas para makapanatili kang abala sa paglilingkod sa kaniya. Sa tuwing nakikita mong tinutulungan ka ni Jehova, titibay ang pananampalataya mo at lalakas ka.

MATUTO MULA SA MGA HALIMBAWA SA BIBLIYA

10. Bakit dapat nating pag-aralan ang tapat na mga halimbawa sa Bibliya, gaya ng binabanggit sa Hebreo 11:32-34?

10 Masipag mag-aral ng Kasulatan si Pablo. Dahil dito, marami siyang nalamang impormasyon, pero natuto rin siya sa halimbawa ng tapat na mga tao na nakaulat sa Salita ng Diyos. Nang sulatan ni Pablo ang mga Kristiyanong Hebreo, sinabi niya na pag-isipan nila ang halimbawa ng tapat na mga lingkod ni Jehova. (Basahin ang Hebreo 11:32-34.) Isa sa mga ito si Haring David. Pinahirapan siya ng mga kaaway niya, pati na ng mga dati niyang kaibigan. Kung pag-iisipan natin ang halimbawa ni David, makikita natin kung paano nakatulong kay Pablo ang pagbubulay-bulay sa halimbawa ni David at kung paano natin matutularan si Pablo.

Hindi natakot si David na labanan si Goliat dahil alam niyang tutulungan siya ni Jehova. At iyon nga ang nangyari (Tingnan ang parapo 11)

11. Bakit mukhang mahina o walang kalaban-laban si David? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

11 Mahina o walang kalaban-laban ang tingin kay David ng malakas na mandirigmang si Goliat. Nang makita ni Goliat si David, “hinamak niya ito.” Kung titingnan nga naman, mas malaki si Goliat, mas kumpleto sa kagamitan, at mas sanay sa digmaan. Samantalang si David ay isang bata lang na walang kagamitan sa digmaan. Pero ang totoo, malakas si David dahil umasa siya kay Jehova. At tinulungan siya ni Jehova na matalo ang kaaway.​—1 Sam. 17:41-45, 50.

12. Ano pang hamon ang napaharap kay David?

12 Napaharap si David sa isa pang hamon na puwede sanang nagpahina sa kaniya. Si David ay tapat na lingkod ni Saul, ang inatasan ni Jehova bilang hari ng Israel. Noong una, nirerespeto ni Haring Saul si David. Pero nang maglaon, nainggit si Saul kay David. Naging masama na ang pagtrato ni Saul kay David, at sinubukan pa nga niya itong patayin.​—1 Sam. 18:6-9, 29; 19:9-11.

13. Ano ang naging reaksiyon ni David sa masamang pagtrato sa kaniya ni Haring Saul?

13 Kahit masama ang pagtrato ni Haring Saul kay David, patuloy niyang nirespeto ang inatasang hari ni Jehova. (1 Sam. 24:6) Hindi isinisi ni David kay Jehova ang masasamang ginawa ni Saul. Sa halip, umasa siyang bibigyan siya ni Jehova ng lakas para maharap ang problema.​—Awit 18:1, superskripsiyon.

14. Anong sitwasyon ang napaharap kay apostol Pablo na gaya ng kay David?

14 Napaharap si apostol Pablo sa sitwasyong gaya ng kay David. Mas makapangyarihan kay Pablo ang mga kaaway niya. Kinapopootan siya ng maraming maiimpluwensiyang lider noon. Madalas siyang binubugbog at ibinibilanggo. Gaya ng nangyari kay David, masama rin ang naging pagtrato kay Pablo ng mga taong dapat sana ay mga kaibigan niya. Kinalaban pa nga siya ng ilang Kristiyano. (2 Cor. 12:11; Fil. 3:18) Pero nadaig ni Pablo ang mga kumakalaban sa kaniya. Paano? Patuloy siyang nangaral sa kabila ng lahat ng ito. Nanatili siyang tapat sa mga kapatid kahit binigo nila siya. At higit sa lahat, naging tapat siya sa Diyos hanggang kamatayan. (2 Tim. 4:8) Nagawa niya ang lahat ng ito, hindi dahil malakas siya, kundi dahil umasa siya kay Jehova.

Maging magalang at mabait kapag ipinagtatanggol sa iba ang mga paniniwala mo (Tingnan ang parapo 15) *

15. Ano ang tunguhin natin, at paano natin ito magagawa?

15 Iniinsulto ka ba o inuusig ng mga kaklase mo, katrabaho, o kapamilyang di-Saksi? Masama ba ang trato sa iyo ng isang kakongregasyon mo? Kung oo, alalahanin sina David at Pablo. Magagawa mong “daigin ng mabuti ang masama.” (Roma 12:21) Hindi tayo kukuha ng bato para ibaon sa noo ng mga tao, gaya ng ginawa ni David. Sa halip, tunguhin nating gamitin ang Salita ng Diyos para maabot ang puso at isip nila. Magagawa mo iyan kung gagamitin mo ang Bibliya para sagutin ang tanong ng mga tao, kung magiging magalang at mabait ka sa mga gumagawa ng masama sa iyo, at kung gagawa ka ng mabuti sa lahat, kahit sa mga kaaway mo.​—Mat. 5:44; 1 Ped. 3:15-17.

TANGGAPIN ANG TULONG NG IBA

16-17. Ano ang hindi nakalimutan ni Pablo?

16 Bago naging alagad ni Kristo si apostol Pablo, wala siyang galang at pinag-uusig niya ang mga tagasunod ni Jesus. (Gawa 7:58; 1 Tim. 1:13) Si Jesus mismo ang nagpatigil kay Pablo, na dating si Saul, sa pang-uusig sa kongregasyong Kristiyano. Nakipag-usap si Jesus kay Pablo mula sa langit, at binulag niya ito. Para makakita ulit si Pablo, kailangan niyang magpatulong sa mga taong inuusig niya. Nagpakumbaba siya at tinanggap ang tulong ng alagad na si Ananias na nagpagaling sa kaniya.​—Gawa 9:3-9, 17, 18.

17 Nang maglaon, naging prominenteng miyembro ng kongregasyong Kristiyano si Pablo, pero hindi niya nakalimutan ang aral na itinuro ni Jesus noong papunta siya sa Damasco. Nanatiling mapagpakumbaba si Pablo, at tinanggap niya ang tulong ng mga kapatid. Sinabi pa nga niyang talagang “napapatibay” nila siya.​—Col. 4:10, 11, tlb.

18. Bakit ayaw nating magpatulong sa iba kung minsan?

18 Ano ang matututuhan natin kay Pablo? Noong una nating malaman ang katotohanan, baka gustong-gusto nating magpatulong sa iba, dahil alam nating sanggol pa lang tayo sa pagiging Kristiyano at marami pa tayong kailangang matutuhan. (1 Cor. 3:1, 2) Pero kumusta ngayon? Kung makaranasan na tayo at matagal nang naglilingkod kay Jehova, baka hindi na tayo ganoon kahandang tumanggap ng tulong, lalo na kung mas matagal na tayo sa katotohanan kaysa sa tutulong sa atin. Pero madalas na ginagamit ni Jehova ang mga kapatid para palakasin tayo. (Roma 1:11, 12) Kaya kung gusto nating mapalakas tayo ni Jehova, kailangan nating tanggapin ang tulong ng mga kapatid.

19. Bakit naging matagumpay si Pablo?

19 Nakagawa ng kahanga-hangang mga bagay si Pablo nang maging Kristiyano siya. Bakit? Dahil natutuhan niyang ang tagumpay ay hindi nakadepende sa sariling lakas, edukasyon, kayamanan, o pinagmulan; nakadepende ito sa kapakumbabaan at pagtitiwala kay Jehova. Para matularan natin si Pablo, dapat tayong (1) umasa kay Jehova, (2) matuto mula sa mga halimbawa sa Bibliya, at (3) tumanggap ng tulong mula sa mga kapatid. Kapag ginawa natin iyan, gaano man tayo kahina, palalakasin tayo ni Jehova!

AWIT 71 Tayo’y Hukbo ni Jehova!

^ par. 5 Tatalakayin sa artikulong ito ang halimbawa ni apostol Pablo. Makikita natin na kung mapagpakumbaba tayo, bibigyan tayo ni Jehova ng lakas para makayanan ang panghahamak ng iba at mapagtagumpayan ang mga kahinaan natin.

^ par. 1 KARAGDAGANG PALIWANAG: Baka maisip nating mahina tayo dahil sa iba’t ibang dahilan—hindi tayo perpekto, mahirap tayo, may sakit, o mababa ang pinag-aralan. Bukod diyan, pinapahina tayo ng mga kaaway natin sa pamamagitan ng masasakit na salita o pananakit sa pisikal.

^ par. 57 LARAWAN: Nang mangaral si Pablo tungkol kay Kristo, iniwan niya ang mga bagay na naging bahagi ng buhay niya bilang Pariseo. Malamang na kasama rito ang sekular na mga balumbon at sisidlang naglalaman ng kasulatan.

^ par. 61 LARAWAN: Isang brother na pinipilit ng mga katrabaho niya na sumali sa birthday party.