ARALING ARTIKULO 31
Pahalagahan ang Pribilehiyo Mong Manalangin
“Ang panalangin ko nawa ay maging gaya ng inihandang insenso sa harap mo.”—AWIT 141:2.
AWIT 47 Manalangin Ka kay Jehova
NILALAMAN a
1. Ano ang nadarama natin sa pribilehiyong manalangin kay Jehova?
NAPAKAGANDANG pribilehiyo ang ibinigay sa atin ng Maylalang ng langit at lupa—ang lumapit sa kaniya sa panalangin. Isipin ito: Puwede nating sabihin ang nilalaman ng puso natin kay Jehova anumang oras at anumang wika, at hindi natin kailangang gumawa ng appointment bago gawin iyon. Puwede tayong manalangin sa kaniya kahit nasa ospital tayo o nasa bilangguan, at nagtitiwala tayo na pakikinggan tayo ng ating mapagmahal na Ama. Talagang pinapahalagahan natin ang pribilehiyong ito.
2. Paano ipinakita ni Haring David na pinapahalagahan niya ang pribilehiyong manalangin?
2 Pinahalagahan ni Haring David ang pribilehiyong manalangin. Umawit siya kay Jehova: “Ang panalangin ko nawa ay maging gaya ng inihandang insenso sa harap mo.” (Awit 141:1, 2) Noong panahon ni David, maingat na inihahanda ng mga saserdote ang sagradong insenso na ginagamit sa tunay na pagsamba. (Ex. 30:34, 35) Nang banggitin ni David ang tungkol sa insenso, ipinapakita niya na gusto niyang pag-isipang mabuti ang mga sasabihin niya sa kaniyang Ama sa langit. Iyan din ang gustong-gusto nating gawin. Gusto nating mapasaya si Jehova sa mga panalangin natin.
3. Ano ang dapat na maging saloobin natin kapag nananalangin tayo kay Jehova, at bakit?
3 Kapag nananalangin tayo kay Jehova, hindi tayo dapat maging masyadong pamilyar na para bang nawawalan na tayo ng paggalang sa kaniya. Sa halip, dapat tayong manalangin nang may matinding paggalang. Pag-isipan ang mga kahanga-hangang pangitain na nakita nina Isaias, Ezekiel, Daniel, at Juan. Magkakaiba ang mga pangitaing iyon, pero may mga pagkakapareho rin. Inilarawan si Jehova sa mga pangitaing ito bilang maringal na Hari. “Nakita [ni Isaias] si Jehova na nakaupo sa isang matayog at mataas na trono.” (Isa. 6:1-3) Nakita ni Ezekiel si Jehova na nakaupo sa kaniyang makalangit na karo at “nagniningning ang palibot niya gaya ng bahaghari.” (Ezek. 1:26-28) Nakita naman ni Daniel ang “Sinauna sa mga Araw” na nakasuot ng puting damit, at may mga liyab ng apoy na nanggagaling sa trono Niya. (Dan. 7:9, 10) At nakita ni Juan si Jehova na nakaupo sa trono na napapalibutan ng isang bahagharing kumikinang na gaya ng esmeralda. (Apoc. 4:2-4) Kapag pinag-iisipan natin ang walang-kapantay na kaluwalhatian ni Jehova, ipinapaalala nito sa atin ang napakalaking pribilehiyo na lumapit sa kaniya sa panalangin at na mahalagang gawin ito nang may matinding paggalang. Pero ano ang mga dapat nating ipanalangin?
“MANALANGIN KAYO SA GANITONG PARAAN”
4. Ano ang matututuhan natin sa mga unang sinabi ni Jesus sa modelong panalangin na nasa Mateo 6:9, 10?
4 Basahin ang Mateo 6:9, 10. Sa Sermon sa Bundok, tinuruan ni Jesus ang mga alagad niya kung paano mananalangin sa paraang magpapasaya sa Diyos. Matapos sabihing “manalangin kayo sa ganitong paraan,” unang sinabi ni Jesus ang mahahalagang bagay na may kinalaman sa layunin ni Jehova: ang pagpapabanal sa pangalan Niya; ang pagdating ng Kaharian na pupuksa sa lahat ng kaaway ng Diyos; at ang mabubuting bagay na gagawin ni Jehova para sa lupa at sa mga tao. Kapag isinasama natin ang mga ito sa mga panalangin natin, ipinapakita natin na mahalaga sa atin ang kalooban ng Diyos.
5. Tama lang ba na ipanalangin natin ang personal na mga bagay?
5 Sa sumunod na sinabi ni Jesus sa panalangin, ipinakita niya na tama lang na ipanalangin ang personal na mga bagay. Puwede nating hilingin kay Jehova na paglaanan tayo ng pagkain para sa araw na ito, patawarin tayo sa mga kasalanan natin, huwag tayong hayaang mahulog sa tukso, at iligtas tayo mula sa isa na masama. (Mat. 6:11-13) Kapag hinihiling natin kay Jehova ang mga ito, ipinapakita natin na umaasa tayo sa kaniya at na gusto natin siyang mapasaya.
6. Ang mga binanggit lang ba sa modelong panalangin ang puwede nating ipanalangin? Ipaliwanag.
6 Hindi naman gusto ni Jesus na gamitin ng mga alagad niya ang eksaktong mga salita sa modelong panalangin. Sa ibang mga panalangin ni Jesus, binanggit niya ang ibang mga bagay na ikinababahala niya sa panahong iyon. (Mat. 26:39, 42; Juan 17:1-26) Puwede rin nating ipanalangin ang mga ikinababahala natin. Halimbawa, kapag gagawa tayo ng desisyon, puwede nating hilingin sa panalangin ang karunungan at kaunawaan. (Awit 119:33, 34) Kapag tumanggap tayo ng mabigat na atas, puwede nating hilingin sa panalangin na tulungan tayong maunawaan kung paano gagawin iyon. (Kaw. 2:6) Puwedeng ipanalangin ng mga magulang ang mga anak nila, at ganoon din ang puwedeng gawin ng mga anak sa mga magulang nila. Dapat din nating ipanalangin ang mga Bible study natin at ang mga pinangangaralan natin. Pero siyempre, hindi lang puro kahilingan ang dapat na laman ng mga panalangin natin.
7. Bakit dapat nating purihin si Jehova sa panalangin?
7 Huwag din nating kalimutang purihin si Jehova sa ating mga panalangin. Walang ibang karapat-dapat purihin kundi ang ating Diyos. Siya ay “mabuti at handang magpatawad.” Siya rin ay “maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katapatan.” (Awit 86:5, 15) Tiyak na may dahilan tayo para purihin si Jehova dahil sa kung anong uri siya ng Diyos at dahil sa mga ginagawa niya.
8. Ano pa ang puwede nating ipagpasalamat kay Jehova? (Awit 104:12-15, 24)
8 Bukod sa pagpuri kay Jehova sa panalangin, dapat din natin siyang pasalamatan dahil sa magagandang bagay na ibinibigay niya sa atin. Halimbawa, puwede natin siyang pasalamatan sa magagandang kulay ng mga bulaklak, sa masasarap na pagkain, at sa masayang pakikipagsamahan sa mga kaibigan. Marami pang ibinibigay sa atin ang ating mapagmahal na Ama para maging masaya tayo. (Basahin ang Awit 104:12-15, 24.) Higit sa lahat, pinasasalamatan natin si Jehova sa saganang espirituwal na pagkain na inilalaan niya at sa napakagandang pag-asa natin sa hinaharap.
9. Ano ang makakatulong sa atin na maalalang pasalamatan si Jehova? (1 Tesalonica 5:17, 18)
9 Baka makalimutan nating pasalamatan si Jehova sa lahat ng ginagawa niya para sa atin. Ano ang makakatulong sa iyo para maalala ang mga iyon? Puwede mong ilista ang espesipikong mga ipinanalangin mo at paminsan-minsan, tingnan mo kung paano sinagot ni Jehova ang mga ito. Pagkatapos, pasalamatan mo siya dahil sa tulong niya. (Basahin ang 1 Tesalonica 5:17, 18.) Isipin ito: Masaya tayo kapag pinasasalamatan tayo ng iba. Tiyak na masaya rin si Jehova kapag naaalala nating pasalamatan siya dahil sa pagsagot niya sa mga panalangin natin. (Col. 3:15) Pero ano ang isa pang mahalagang dahilan para pasalamatan ang ating Diyos?
PASALAMATAN SI JEHOVA DAHIL SA KANIYANG MINAMAHAL NA ANAK
10. Ayon sa 1 Pedro 2:21, bakit dapat nating pasalamatan si Jehova dahil sa pagsusugo niya kay Jesus dito sa lupa?
10 Basahin ang 1 Pedro 2:21. Dapat nating pasalamatan si Jehova dahil isinugo niya ang kaniyang minamahal na Anak para turuan tayo. Kapag pinag-aralan natin ang buhay ni Jesus, napakarami nating matututuhan tungkol kay Jehova at sa kung paano natin Siya mapapasaya. Kung mananampalataya tayo sa sakripisyo ni Kristo, mapapalapít tayo sa Diyos na Jehova at magkakaroon tayo ng mapayapang kaugnayan sa Kaniya.—Roma 5:1.
11. Bakit tayo nananalangin kay Jehova sa pangalan ni Jesus?
11 Nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil puwede tayong manalangin sa kaniya sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Ginagamit ni Jehova si Jesus para ibigay ang mga hinihiling natin. Kapag nananalangin tayo sa pangalan ni Jesus, pinapakinggan at sinasagot ito ni Jehova. Sinabi ni Jesus: “Anuman ang hingin ninyo sa pangalan ko, ibibigay ko iyon, para maluwalhati ang Ama sa pamamagitan ng Anak.”—Juan 14:13, 14.
12. Ano pa ang isang dahilan para pasalamatan si Jehova sa pagbibigay ng kaniyang Anak?
12 Pinapatawad ni Jehova ang mga kasalanan natin dahil sa haing pantubos ni Jesus. Inilalarawan si Jesus sa Kasulatan bilang ang ating “mataas na saserdote [na nakaupo] sa kanan ng trono ng Dakilang Diyos sa langit.” (Heb. 8:1) Si Jesus ang ating “katulong . . . na kasama ng Ama.” (1 Juan 2:1) Talagang nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil binigyan niya tayo ng isang Mataas na Saserdote na nakakaunawa sa mga kahinaan natin at “nakikiusap . . . para sa atin.” (Roma 8:34; Heb. 4:15) Hindi tayo perpekto, kaya kung wala ang sakripisyo ni Jesus hindi tayo makakalapit kay Jehova sa panalangin. Tiyak na sasang-ayon ka na napakalaki ng utang na loob natin kay Jehova dahil sa napakahalagang regalo na ibinigay niya sa atin—ang kaniyang minamahal na Anak. Talagang ipinagpapasalamat natin ito!
IPANALANGIN ANG MGA KAPATID
13. Noong gabi bago mamatay si Jesus, paano niya ipinakita na mahal niya ang mga alagad niya?
13 Noong gabi bago mamatay si Jesus, nanalangin siya nang mahaba para sa mga alagad niya. Hiniling niya sa kaniyang Ama na “bantayan . . . sila dahil sa isa na masama.” (Juan 17:15) Talagang napakamapagmahal ni Jesus! Kahit alam niya na malapit na siyang dumanas ng paghihirap, inalala pa rin niya ang kapakanan ng mga apostol niya.
14. Paano natin ipinapakita na mahal natin ang mga kapatid?
14 Tinutularan natin si Jesus kung hindi tayo magpopokus sa sarili lang nating pangangailangan. Regular nating ipinapanalangin ang mga kapatid natin. Kapag ginagawa natin iyan, sinusunod natin ang utos ni Jesus na ibigin ang isa’t isa at ipinapakita natin kay Jehova kung gaano natin sila kamahal. (Juan 13:34) Hindi pag-aaksaya ng oras ang pananalangin para sa mga kapatid. Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na “napakalaki ng nagagawa ng pagsusumamo ng taong matuwid.”—Sant. 5:16.
15. Bakit kailangan ng mga kapatid ang mga panalangin natin?
15 Kailangan ng mga kapatid ang mga panalangin natin dahil dumaranas sila ng maraming problema. Puwede nating hilingin kay Jehova na tulungan sila na makayanan ang pagkakasakit, likas na mga sakuna, digmaan, pag-uusig, o iba pang pagsubok. Puwede rin nating ipanalangin ang mga kapatid natin na nagsasakripisyo para tulungan ang mga nangangailangan. Baka may kakilala kang dumaranas ng ganiyang mga pagsubok. Puwede mo siyang ipanalangin. Ipinapakita natin na talagang mahal natin sila kapag hinihiling natin kay Jehova na tulungan sila na makapagtiis.
16. Bakit dapat nating ipanalangin ang mga nangunguna sa atin?
16 Talagang pinapahalagahan ng mga nangunguna sa kongregasyon ang mga panalangin ng iba at malaking tulong ito para sa kanila. Totoong-totoo iyan kay apostol Pablo. Isinulat niya: “Ipanalangin din ninyo ako para malaman ko kung ano ang dapat sabihin kapag ibinuka ko ang aking bibig, para lakas-loob kong maihayag ang sagradong lihim ng mabuting balita.” (Efe. 6:19) Marami ring masisipag na brother ang nangunguna sa atin ngayon. Ipinapakita natin na mahal natin sila kapag hinihiling natin kay Jehova na pagpalain ang kanilang gawain.
KAPAG HINILINGAN TAYONG MANGUNA SA PANALANGIN
17-18. Sa anong mga pagkakataon tayo puwedeng hilingan na manguna sa panalangin, at ano ang dapat nating tandaan?
17 Kung minsan, hinihilingan tayong manguna sa panalangin. Halimbawa, baka hilingan ng isang sister na nagdaraos ng Bible study ang kapartner niyang sister na manguna sa panalangin. Baka hindi pa nito masyadong kakilala ang estudyante, kaya baka puwedeng pagkatapos na lang ng pag-aaral ito manguna sa panalangin. Sa ganitong paraan, mas madali niyang maibabagay ang panalangin niya sa pangangailangan ng estudyante.
18 Baka hilingan naman ang isang brother na manguna sa panalangin para sa paglilingkod sa larangan o sa pulong ng kongregasyon. Dapat niyang tandaan ang layunin ng pulong. Hindi dapat gamitin ang panalangin para payuhan ang kongregasyon o magsabi ng mga patalastas. Sa karamihan ng mga pulong ng kongregasyon, limang minuto lang ang itinakda para sa awit at panalangin. Kaya hindi dapat gumamit ng “maraming salita” ang brother na nangunguna sa panalangin, lalo na sa pambukas na panalangin.—Mat. 6:7.
GAWING PRIYORIDAD SA BUHAY MO ANG PANANALANGIN
19. Ano ang tutulong sa atin na maging handa sa araw ng paghatol ni Jehova?
19 Dapat na maging priyoridad sa buhay natin ang pananalangin habang papalapit tayo sa araw ng paghatol ni Jehova. Tungkol diyan, sinabi ni Jesus: “Manatili kayong gisíng, na nagsusumamo sa lahat ng panahon para makaligtas kayo mula sa lahat ng ito na kailangang maganap.” (Luc. 21:36) Oo, tutulungan tayo ng laging pananalangin na manatiling gisíng sa espirituwal at maging handa sa pagdating ng araw ng paghatol ng Diyos.
20. Paano magiging gaya ng mabangong insenso ang mga panalangin natin?
20 Ano ang natutuhan natin? Talagang pinapahalagahan natin ang pribilehiyong manalangin. Dapat na maging pangunahin sa mga panalangin natin ang mga bagay na may kinalaman sa layunin ni Jehova. Nagpapasalamat din tayo dahil sa Anak ng Diyos at sa pamamahala ng Kaharian. Ipinapanalangin din natin ang mga kapatid. At siyempre, puwede rin nating ipanalangin ang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan natin. Kapag pinag-iisipan nating mabuti ang mga sasabihin natin sa panalangin, ipinapakita natin na pinapahalagahan natin ang napakagandang pribilehiyong ito. Ang mga salita natin ay magiging gaya ng mabangong insenso kay Jehova na “kalugod-lugod sa kaniya.”—Kaw. 15:8.
AWIT 45 “Ang Pagbubulay-bulay ng Aking Puso”
a Talagang pinapahalagahan natin ang pribilehiyong lumapit kay Jehova sa panalangin. Gusto natin na ang mga panalangin natin ay maging gaya ng mabangong insenso na magpapasaya sa kaniya. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga puwede nating ipanalangin. Tatalakayin din natin ang ilang bagay na dapat nating tandaan kapag hinilingan tayong manguna sa panalangin.
b LARAWAN: Ipinapanalangin ng asawang lalaki kasama ng asawa niya ang kaligtasan ng anak nila sa paaralan, ang kalusugan ng isang may-edad nang magulang, at ang pagsulong ng isang Bible study.
c LARAWAN: Nagpapasalamat ang kabataang brother kay Jehova dahil sa haing pantubos ni Jesus, sa magandang mundong tinitirhan natin, at sa masusustansiyang pagkain.
d LARAWAN: Ipinapanalangin ng isang sister kay Jehova na pagpalain ng espiritu niya ang Lupong Tagapamahala at tulungan ang mga nagdurusa dahil sa sakuna at pag-uusig.