Huwag Lang Tumingin sa Hitsura
SINISIKAP ni Don, isang Saksi ni Jehova sa Canada, na makapagpatotoo sa mga palaboy sa lansangan. Ikinuwento ni Don: “May isang palaboy. Peter ang pangalan niya. Isa siya sa pinakamaruming tao na nakita ko sa iskinita. Makita pa lang siya ng mga tao, nilalayuan na siya. Lagi niyang tinatanggihan ang mga kabaitang ipinapakita sa kaniya.” Pero sa loob ng mahigit 14 na taon, sinikap ni Don na maging mabait sa palaboy na ito.
Isang araw, tinanong ni Peter si Don: “Ba’t mo ’ko ginugulo? Wala ngang pakialam sa akin ang mga tao. Bakit mo ’ko pinapakialaman?” Mataktikang gumamit si Don ng tatlong teksto para abutin ang puso ni Peter. Una, tinanong niya si Peter kung alam nito na may personal na pangalan ang Diyos at saka ipinabasa mismo sa Bibliya ang Awit 83:18. Sumunod, para ipakita kung bakit siya nagmamalasakit kay Peter, ipinabasa ni Don sa kaniya ang Roma 10:13, 14, na nagsasabing “ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” Pagkatapos, binasa ni Don ang Mateo 9:36 at ipinabasa rin ito kay Peter. Sinasabi sa tekstong iyon: “Pagkakita sa mga pulutong ay nahabag [si Jesus] sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” Napaluha si Peter at nagtanong: “Isa ba ako sa mga tupang iyon?”
Unti-unting inayos ni Peter ang sarili niya. Naligo siya, naggupit ng balbas, at nagsuot ng malinis na damit na bigay ni Don. Mula noon, lagi nang malinis ang hitsura ni Peter.
May diary si Peter. Malungkot ang unang bahagi nito, pero magaganda na ang isinulat niya nang maglaon. Halimbawa, mababasa roon: “Ngayong araw na ito, natutuhan ko ang pangalan ng Diyos. Kaya kay Jehova na ako nagdarasal ngayon. Napakasayang malaman ang kaniyang pangalan. Sinabi ni Don na puwede kong maging Kaibigan si Jehova, na laging nandiyan para makinig sa akin.”
Ang mga huling isinulat ni Peter ay para sa mga kapatid niya. Isinulat niya:
“Masama ang pakiramdam ko ngayon. Matanda na yata talaga ako. Kung ito man ang huling araw ko, alam ko na makikita kong muli ang kaibigan ko [si Don] sa Paraiso. Kung binabasa ninyo ito ngayon, wala na ako. Pero kung makita ninyo sa libing ko ang isang lalaki na hindi pamilyar sa inyo, kausapin ninyo siya, at pakisuyong basahin ang maliit at asul na aklat na ito [tumutukoy sa pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na “Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan” na natanggap niya maraming taon na ang nakalilipas]. * Sinasabi rito na muli kong makikita ang kaibigan ko sa Paraiso. Talagang naniniwala ako rito. Ang inyong minamahal na kapatid, Peter.”
Pagkatapos ng libing, sinabi ng ate ni Peter na si Ummi: “Mga dalawang taon na ang nakararaan, nakausap ko si Peter. Sa loob ng maraming taon, mukhang ngayon lang siya naging masaya. Ngumingiti pa nga siya.” Sinabi ni Ummi kay Don: “Babasahin ko ang aklat na ito kasi kung naantig nito ang kapatid ko, talagang espesyal ito.” Pumayag din si Ummi na makipag-aral sa isang Saksi ni Jehova gamit ang mas bagong aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
Kaya huwag lang tumingin sa hitsura. Magpakita ng tunay na pag-ibig at maging matiyaga sa lahat ng uri ng mga tao. (1 Tim. 2:3, 4) Kung gagawin natin iyan, baka makatulong tayo sa mga kagaya ni Peter, na hindi man kaayaaya sa paningin ng tao, pero may mabuting puso. “Tumitingin [ang Diyos] sa kung ano ang nasa puso,” kaya makatitiyak tayo na palalaguin niya ang katotohanan sa puso ng mga wastong nakaayon.—1 Sam. 16:7; Juan 6:44.
^ par. 7 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na inililimbag.