Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakamit Niya Sana ang Pagsang-ayon ng Diyos

Nakamit Niya Sana ang Pagsang-ayon ng Diyos

NAGLILINGKOD tayo kay Jehova at gusto nating makamit ang pagsang-ayon niya, hindi ba? Pero kanino ibinibigay ng Diyos ang kaniyang pagsang-ayon at pagpapala? Noong panahon ng Bibliya, may mga sinang-ayunan ang Diyos kahit dati silang nakagawa ng malulubhang kasalanan. May magagandang katangian naman ang iba pero hindi sinang-ayunan ng Diyos. Kaya maitatanong natin, “Ano ang pangunahing hinahanap ni Jehova sa bawat isa sa atin?” Alamin natin ang sagot mula sa halimbawa ni Rehoboam, ang hari ng Juda.

DI-MAGANDANG PASIMULA

Si Rehoboam ay anak ni Solomon, na 40-taóng namahala sa Israel. (1 Hari 11:42) Namatay si Solomon noong 997 B.C.E. Pagkatapos, naglakbay si Rehoboam pahilaga mula Jerusalem hanggang Sikem para pahiran bilang hari. (2 Cro. 10:1) Naiisip mo bang nangangamba siya na baka hindi niya matularan ang halimbawa ni Solomon, na kilalá sa kaniyang pambihirang karunungan? Nakikini-kinita ba ni Rehoboam na malapit nang masubok ang kaniyang kakayahang lumutas ng mabibigat na problema?

Malamang na napansin ni Rehoboam ang matinding tensiyon sa Israel. Nang maglaon, lumapit sa kaniya ang mga kinatawan ng bayan at sinabi ang kanilang ikinababahala: “Pinahirap ng iyong ama, sa ganang kaniya, ang aming pamatok; at ngayon ay pagaanin mo ang mahirap na paglilingkod sa iyong ama at ang mabigat na pamatok na iniatang niya sa amin, at paglilingkuran ka namin.”—2 Cro. 10:3, 4.

Nahirapang magdesisyon si Rehoboam! Kung pakikinggan niya ang hiling nila, baka mabawasan ang luho niya, ng pamilya niya, at ng mga kasama niya sa palasyo, at hindi na sila makapag-uutos nang husto sa bayan. Kung tatanggi naman siya, baka magrebelde ang bayan. Ano’ng gagawin niya? Humingi muna ng payo ang bagong hari sa matatandang lalaki na naging tagapayo ni Solomon. Pero pagkatapos nito, humingi rin siya ng payo sa mga nakababatang lalaki na kaedaran niya. Sinunod niya ang payo ng mga kaedaran niya at ipinasiyang pagmalupitan ang bayan. Sinabi niya: “Gagawin kong mas mabigat ang inyong pamatok, at ako, sa ganang akin, ay magdaragdag doon. Ang aking ama, sa ganang kaniya, ay nagparusa sa inyo sa pamamagitan ng mga hampas, ngunit ako naman ay sa pamamagitan ng mga hagupit.”—2 Cro. 10:6-14.

Nakuha mo ba ang aral? Maliwanag, kadalasan nang isang karunungan ang makinig sa mga nakatatanda at maygulang sa espirituwal. Dahil makaranasan na sila, malamang na nakikini-kinita nila ang kalalabasan ng isang desisyon kaya makapagbibigay sila sa atin ng magandang payo.—Job 12:12.

“SINUNOD NILA ANG SALITA NI JEHOVA”

Dahil sa paghihimagsik na iyon, tinipon ni Rehoboam ang kaniyang hukbo. Pero namagitan si Jehova sa pamamagitan ni propeta Semaias, sa pagsasabi: “Huwag kayong umahon at makipaglaban sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel. Bumalik kayo sa kani-kaniyang bahay, sapagkat dahil nga sa utos ko kung kaya nangyari ang bagay na ito.”—1 Hari 12:21-24. *

Huwag makipaglaban? Naiisip mo bang napakahirap nito para kay Rehoboam? Ano na lang ang iisipin ng bayan sa isang hari na nagbantang parurusahan ng “mga hagupit” ang mga sakop niya, pero ngayon ay wala man lang siyang ginawa sa mga nagrerebelde sa kaniya? (Ihambing ang 2 Cronica 13:7.) Gayunman, “sinunod [ng hari at ng kaniyang hukbo] ang salita ni Jehova, at umuwi sila sa kani-kanilang tahanan ayon sa salita ni Jehova.”

Ang aral? Isang katalinuhang sundin ang Diyos kahit pa tuyain tayo ng iba. Kung susundin natin ang Diyos, makakamit natin ang pagsang-ayon at pagpapala niya.—Deut. 28:2.

Ano ang nangyari kay Rehoboam? Hindi niya itinuloy ang plano niyang makipagdigma sa bagong tatag na bansa gaya ng iniutos sa kaniya, sa halip, nagpokus siya sa pagtatayo ng mga lunsod sa teritoryo ng Juda at Benjamin na pinamamahalaan pa rin niya. “Lubha” niyang pinatibay ang maraming lunsod. (2 Cro. 11:5-12) At mas mahalaga, sinunod niya ang mga kautusan ni Jehova sa loob ng ilang panahon. Nang mahulog sa idolatriya ang 10-tribong kaharian ng Israel sa ilalim ng pamamahala ni Jeroboam, marami sa kanila ang naglakbay papuntang Jerusalem para suportahan si Rehoboam at ang tunay na pagsamba. (2 Cro. 11:16, 17) Dahil sa pagsunod ni Rehoboam, naging matatag ang kaniyang paghahari.

KASALANAN—AT ISANG ANTAS NG PAGSISISI

Pero nang maging matatag ang paghahari ni Rehoboam, may ginawa siyang nakagugulat. Iniwan niya ang kautusan ni Jehova kapalit ng paganong pagsamba! Bakit? Dahil ba ito sa impluwensiya ng kaniyang ina, na isang Ammonita? (1 Hari 14:21) Anuman ang dahilan, tinularan siya ng bayan. Kaya pinahintulutan ni Jehova na sakupin ni Haring Sisak ng Ehipto ang maraming lunsod sa Juda, kahit pinatibay ni Rehoboam ang mga ito!—1 Hari 14:22-24; 2 Cro. 12:1-4.

Lumubha ang sitwasyon nang makarating si Sisak sa Jerusalem, kung saan naghahari si Rehoboam. Sa puntong ito, inihatid ni propeta Semaias ang mensahe ng Diyos kay Rehoboam at sa kaniyang mga prinsipe: “Inyo nga akong iniwan, at iniwan ko rin naman kayo sa kamay ni Sisak.” Paano tumugon si Rehoboam sa disiplinang ito? Maganda ang ginawa niya! Iniulat ng Bibliya: “Ang mga prinsipe ng Israel at ang hari ay nagpakumbaba at nagsabi: ‘Si Jehova ay matuwid.’” Kaya naman iniligtas ni Jehova si Rehoboam, at hindi nawasak ang Jerusalem.—2 Cro. 12:5-7, 12.

Pagkatapos nito, patuloy na naghari si Rehoboam sa timugang kaharian. Bago siya mamatay, namigay siya ng maraming regalo sa mga anak niya para hindi sila maghimagsik laban sa kanilang kapatid na si Abias, ang susunod na hari. (2 Cro. 11:21-23) Sa bagay na ito, nagpakita si Rehoboam ng isang antas ng kaunawaan na hindi niya naipakita dati.

MABUTI O MASAMA?

Kahit may nagawang mabuti si Rehoboam, hindi niya nakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ganito inilarawan ng Bibliya ang kaniyang paghahari: “Gumawa siya ng masama.” Bakit? Dahil “hindi niya lubusang pinagtibay ang kaniyang puso upang hanapin si Jehova.”—2 Cro. 12:14.

Di-gaya ni Haring David, hindi nagkaroon si Rehoboam ng malapít na kaugnayan kay Jehova

Ano ang ipinakikita nito? May mga panahong sumunod si Rehoboam sa Diyos. May nagawa rin siyang mabubuting bagay para sa kapakanan ng bayan ni Jehova. Pero hindi siya nagkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova o ng masidhing pagnanais na paluguran Siya. Kaya nakagawa siya ng masama at nahulog sa huwad na pagsamba. Baka maisip mo: ‘Nang tanggapin ni Rehoboam ang pagtutuwid ng Diyos, talaga bang nagsisisi siya at gustong paluguran ang Diyos o dahil lang ito sa impluwensiya ng iba?’ (2 Cro. 11:3, 4; 12:6) Sa huling bahagi ng kaniyang buhay, bumalik siya sa paggawa ng masama. Ibang-iba siya sa lolo niyang si Haring David! Oo, nakagawa si David ng mga pagkakamali, pero nakilala siya na may pag-ibig kay Jehova, debosyon para sa tunay na pagsamba, at tunay na pagsisisi sa kaniyang kasalanan.—1 Hari 14:8; Awit 51:1, 17; 63:1.

May matututuhan tayong aral kay Rehoboam. Kapuri-puri ang mga taong naglalaan para sa kanilang pamilya at nagsisikap gumawa ng mga bagay na makabuluhan. Pero para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, dapat na maging pangunahin sa atin ang pagsuporta sa tunay na pagsamba at patuloy itong gawin.

Magagawa natin iyan kung sisikapin nating mapanatili ang ating masidhing pag-ibig kay Jehova. Kung paanong ginagatungan natin ang apoy para mapanatili itong nagliliyab, mapananatili rin nating nagliliyab ang pag-ibig natin sa Diyos sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng kaniyang Salita, pagbubulay-bulay ng ating binabasa, at pagmamatiyaga sa pananalangin. (Awit 1:2; Roma 12:12) Ang pag-ibig naman natin kay Jehova ang mag-uudyok sa atin na paluguran siya sa lahat ng ating ginagawa. Pakikilusin din tayo nito na taimtim na magsisi kung kailangan. Di-gaya ni Rehoboam, makapananatili tayong matatag sa tunay na pagsamba.—Jud. 20, 21.

^ par. 9 Dahil sa pagiging di-tapat ni Solomon, patiuna nang sinabi ng Diyos na mahahati ang kaharian.—1 Hari 11:31.