Natatandaan Mo Ba?
Nabasa mo bang mabuti ang nakaraang mga isyu ng Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:
Anong apat na bagay ang puwede nating gawin para mapahusay ang ating pag-awit?
Makatitindig tayo nang maayos kung itataas natin ang ating aklat-awitan. Dapat na tama ang ating paghinga. Kung ibubuka nating mabuti ang ating bibig, makaaawit tayo nang malakas.—w17.11, p. 5.
Ano ang kahanga-hanga tungkol sa mga lokasyon at daang papunta sa mga kanlungang lunsod sa Israel?
May anim na magkakahiwalay na kanlungang lunsod sa lupain, at maaayos ang daan papunta sa mga iyon. Kaya magiging madali at kumbinyente itong puntahan ng isang taong manganganlong dito.—w17.11, p. 14.
Bakit ang pantubos ni Jesus ang pinakamagandang regalo sa atin ng Diyos?
Dahil sa pantubos, posible tayong mabuhay nang walang hanggan at mapalaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Mahal ng Diyos ang mga supling ni Adan, kaya ibinigay Niya si Jesus para sa atin samantalang tayo ay makasalanan pa.—wp17.6, p. 6-7.
Paano tinukoy ng Awit 118:22 ang pagkabuhay-muli ni Jesus?
Si Jesus ay itinakwil bilang Mesiyas at pinatay. Para maging “ulo ng panulukan [o, pangulong batong-panulok],” kailangan siyang buhaying muli.—w17.12, p. 9-10.
Ang mga may karapatan sa pagkapanganay lang ba ang puwedeng maging ninuno ng Mesiyas?
Kung minsan, mga panganay na lalaki ang pinipiling maging ninuno ni Jesus, pero hindi lagi. Hindi panganay na anak ni Jesse si David; pero sa angkan ni David nagmula ang Mesiyas.—w17.12, p. 14-15.
Ano ang ilang prinsipyo tungkol sa medisina na mababasa sa Bibliya?
Ayon sa Kautusan, dapat ibukod ang mga taong may nakahahawang sakit. Kailangang maghugas ng kamay pagkatapos humawak ng bangkay. Hinihiling din sa Kautusan ang tamang pagtatapon ng dumi ng tao. Ang pagtutuli ay dapat gawin sa ikawalong araw matapos ipanganak ang isa, kung kailan nasa normal na antas ang kakayahan ng dugo na mamuo.—wp18.1, p. 7.
Bakit hindi naman maling ibigin ng isang Kristiyano ang kaniyang sarili?
Dapat nating ibigin ang ating kapuwa gaya ng ating sarili. (Mar. 12:31) “Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan,” ang sabi sa Efeso 5:28. Pero puwedeng maging pilipit ang pag-ibig sa sarili.—w18.01, p. 23.
Ano ang ilang hakbang para sumulong tayo sa espirituwal?
Kailangan nating pag-aralan ang Salita ng Diyos, bulay-bulayin ito, at ikapit ang mga natututuhan natin. Dapat din nating panatilihing bukás ang ating puso at isip sa patnubay ng banal na espiritu, at pahalagahan at tanggapin ang tulong ng iba.—w18.02, p. 26.
Bakit ang astrolohiya at panghuhula ay hindi susi para alamin ang hinaharap?
May iba’t ibang dahilan, pero pangunahin nang dahil kinokondena ng Bibliya ang dalawang gawaing ito.—wp18.2, p. 4-5.
Ano ang dapat na maging pananaw natin kapag tumatanggap tayo ng imbitasyon para kumain?
Kapag tinanggap natin ang isang imbitasyon, sikaping maging tapat sa ating pangako. (Awit 15:4) Hindi natin ito dapat kanselahin kung walang makatuwirang dahilan. Baka nakapaghanda na ang nag-anyaya.—w18.03, p. 18.
Ano ang matututuhan kay Timoteo ng mga hinirang na lalaki?
Talagang nagmalasakit si Timoteo sa mga tao at inuna niya ang espirituwal na mga bagay. Nagpagal siya sa sagradong paglilingkod at ikinapit ang mga natutuhan niya. Patuloy niyang sinanay ang kaniyang sarili at umasa sa espiritu ni Jehova. Matutularan ng mga elder at ng iba pa ang halimbawa niya.—w18.04, p. 13-14.