Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpipigil sa Sarili—Kailangan Para Mapasaya si Jehova

Pagpipigil sa Sarili—Kailangan Para Mapasaya si Jehova

“Nang mag-away kami ng pinsan ko, sinakal ko siya at gusto ko siyang patayin.”​—Paul.

“Sa bahay namin, maliit na bagay lang, galit na galit na agad ako. Sinisira ko y’ong mga gamit namin, laruan, at lahat ng mahawakan ko.”​—Marco.

Baka hindi naman tayo ganiyan. Pero kung minsan, nahihirapan tayong kontrolin ang sarili natin. Nagmana kasi tayo ng kasalanan mula sa unang taong si Adan. (Roma 5:12) Gaya nina Paul at Marco, nahihirapan din ang ilan na kontrolin ang kanilang galit. Baka nahihirapan naman ang iba na kontrolin ang iniisip nila. Halimbawa, baka lagi nilang iniisip ang mga ikinakatakot nila o ang mga nagpapahina sa kanila. Baka nahihirapan naman ang ilan na labanan ang tuksong gumawa ng imoralidad, maglasing, o magdroga.

Nasira ang buhay ng mga taong hindi nakapagkontrol ng pag-iisip, kagustuhan, at pagkilos nila. Paano natin iyon maiiwasan? Maiiwasan natin iyon kung magsisikap tayong magkaroon ng pagpipigil sa sarili. Para magawa iyan, talakayin natin ang tatlong tanong: (1) Ano ang pagpipigil sa sarili? (2) Bakit ito mahalaga? (3) Paano tayo magkakaroon ng pagpipigil sa sarili, na isa sa “mga katangian na bunga ng espiritu”? (Gal. 5:22, 23) Pagkatapos, tatalakayin natin kung ano ang puwede nating gawin kung may mga pagkakataong hindi tayo makapagpigil sa sarili.

ANO ANG PAGPIPIGIL SA SARILI?

Ang taong may pagpipigil sa sarili ay hindi basta-basta nagre-react. Sa halip, pinipigilan niya ang sarili niya na magsalita o gumawa ng mga bagay na hindi nagpapasaya sa Diyos.

Maliwanag na nagpakita si Jesus ng pagpipigil sa sarili

Ipinakita ni Jesus kung ano ang ibig sabihin ng pagpipigil sa sarili. Sinasabi ng Bibliya: “Nang insultuhin siya, hindi siya gumanti ng pang-iinsulto. Nang magdusa siya, hindi siya nagbanta, kundi patuloy niyang ipinagkatiwala ang sarili niya sa Diyos na humahatol nang matuwid.” (1 Ped. 2:23) Pinigilan ni Jesus ang kaniyang sarili nang tuyain siya ng kaniyang mga kaaway habang nakabitin siya sa pahirapang tulos. (Mat. 27:39-44) Bago nito, nakapagpigil din siya nang pagtatanungin siya ng mga lider ng relihiyon para may masabi siyang mali. (Mat. 22:15-22) Napakaganda ng halimbawang ipinakita niya nang tangkain siyang batuhin ng galit na mga Judio! Sa halip na lumaban, “nagtago si Jesus at lumabas sa templo.”​—Juan 8:57-59.

Matutularan ba natin ang halimbawa ni Jesus? Oo naman. Sinabi ni apostol Pedro: “Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, at nag-iwan siya ng huwaran para sundan ninyong mabuti ang mga yapak niya.” (1 Ped. 2:21) Kahit hindi tayo perpekto, masusundan pa rin nating mabuti ang halimbawa ni Jesus ng pagpipigil sa sarili. Bakit kailangan natin itong gawin?

BAKIT KAILANGAN NG PAGPIPIGIL SA SARILI?

Kailangan natin ito para mapasaya si Jehova. Kahit matagal na tayong naglilingkod nang tapat kay Jehova, puwede pa ring mawala ang ating pakikipagkaibigan sa kaniya kung hindi natin kokontrolin ang ating ginagawa at sinasabi.

Noon, “si Moises ang pinakamaamo sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupa.” (Bil. 12:3) Mahabang panahon na matiyagang nakinig si Moises sa mga reklamo ng mga Israelita. Pero may pagkakataong hindi siya nakapagpigil. Nagalit siya nang magreklamo ulit sila tungkol sa kakulangan ng tubig. Pagalit niyang sinabi: “Makinig kayo ngayon, kayong mga mapaghimagsik! Maglalabas ba kami ng tubig para sa inyo mula sa malaking batong ito?”—Bil. 20:2-11.

Hindi na nakontrol ni Moises ang sarili niya. Hindi niya kinilalang si Jehova ang gumawa ng himala para magkaroon ng tubig. (Awit 106:32, 33) Dahil dito, hindi siya nakapasok sa Lupang Pangako. (Bil. 20:12) Malamang na habambuhay na pinagsisihan ni Moises ang ginawa niya.​—Deut. 3:23-27.

Ang aral? Kahit matagal na tayo sa katotohanan, hindi tayo dapat magsalita nang padalos-dalos sa mga umiinis sa atin o sa mga nangangailangan ng pagtutuwid. (Efe. 4:32; Col. 3:12) Ang totoo, habang tumatanda tayo, nababawasan ang pasensiya natin. Pero alalahanin si Moises. Hinding-hindi natin gugustuhing masira ang mahabang rekord natin ng tapat na paglilingkod dahil lang sa nawalan tayo ng pagpipigil sa sarili. Paano ba tayo magkakaroon ng mahalagang katangiang ito?

PAANO MAGKAKAROON NG PAGPIPIGIL SA SARILI?

Manalangin para sa banal na espiritu. Bakit? Dahil ang pagpipigil sa sarili ay isang katangian na bunga ng espiritu ng Diyos at ibinibigay ni Jehova ang kaniyang espiritu sa mga humihingi nito sa kaniya. (Luc. 11:13) Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, binibigyan tayo ni Jehova ng lakas na kailangan natin. (Fil. 4:13) Tinutulungan din niya tayo na magkaroon ng iba pang mga katangian na bunga ng espiritu, gaya ng pag-ibig, na tutulong sa atin para madali tayong makapagpigil sa sarili.​—1 Cor. 13:5.

Iwasan ang anumang bagay na magpapahina ng iyong pagpipigil sa sarili

Iwasan ang anumang bagay na magpapahina ng iyong pagpipigil sa sarili. Halimbawa, iwasan ang mga website at libangan na nagpapakita ng mga maling paggawi. (Efe. 5:3, 4) Oo, dapat nating iwasan ang anumang bagay na mag-uudyok sa atin na gumawa ng mali. (Kaw. 22:3; 1 Cor. 6:12) Halimbawa, ang mga romantikong aklat at pelikula ay baka kailangang iwasan ng isang taong may tendensiyang gumawa ng seksuwal na imoralidad.

Baka mahirap para sa atin na sundin ang payong ito. Pero kung magsisikap tayo, bibigyan tayo ni Jehova ng lakas na kailangan natin para makontrol ang sarili natin. (2 Ped. 1:5-8) Tutulungan niya tayong makontrol ang ating pag-iisip, pagsasalita, at paggawi. Sa katunayan, nakakapagtimpi na ng galit sina Paul at Marco, na binanggit kanina. Tingnan din natin ang isang brother na madaling uminit ang ulo habang nagmamaneho at napapaaway pa nga. Ano ang ginawa niya para makontrol ito? Sinabi niya: “Taimtim akong nananalangin araw-araw. Pinag-aaralan ko ang mga artikulo tungkol sa pagpipigil sa sarili at kinakabisa ang mga teksto sa Bibliya na puwedeng makatulong. Kahit ilang taon ko nang ginagawa ito, nakakatulong pa rin kapag ipinapaalala ko sa sarili ko araw-araw na maging kalmado. At maaga akong umaalis para hindi ako nagmamadali.”

KAPAG HINDI TAYO NAKAPAGPIGIL SA SARILI

Kung minsan, hindi tayo nakakapagpigil sa sarili. Kapag nangyari iyan, baka mahiya na tayong manalangin kay Jehova. Pero sa ganitong pagkakataon nga tayo dapat manalangin. Kaya manalangin agad kay Jehova. Humingi ng tawad sa kaniya, humingi ng tulong, at sikaping huwag nang maulit ang pagkakamaling iyon. (Awit 51:9-11) Huwag mong isiping hindi pakikinggan ni Jehova ang iyong paghingi ng awa. (Awit 102:17) Ipinapaalala sa atin ni apostol Juan na “nililinis tayo ng dugo ni Jesus . . . mula sa lahat ng kasalanan.” (1 Juan 1:7; 2:1; Awit 86:5) Alalahanin na sinabihan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na paulit-ulit na magpatawad. Kaya makakasiguro tayong papatawarin din niya tayo.​—Mat. 18:21, 22; Col. 3:13.

Hindi natuwa si Jehova nang mawalan ng pagpipigil sa sarili si Moises sa ilang. Pero pinatawad siya ni Jehova. At sinabi pa nga sa Salita ng Diyos na si Moises ay isang napakagandang halimbawa ng katapatan. (Deut. 34:10; Heb. 11:24-28) Hindi pinayagan ni Jehova si Moises na makapasok sa Lupang Pangako, pero papayagan niya itong tumira sa Paraisong lupa at bibigyan ng pag-asang mabuhay magpakailanman. Magkakaroon din tayo ng ganoong pag-asa kung magsisikap tayong magpakita ng mahalagang katangian ng pagpipigil sa sarili.​—1 Cor. 9:25.