Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tinutulungan Mo Ba ang Iyong Anak na Sumulong Tungo sa Bautismo?

Tinutulungan Mo Ba ang Iyong Anak na Sumulong Tungo sa Bautismo?

“Bakit ka nagpapaliban? Tumindig ka, magpabautismo ka.”—GAWA 22:16.

AWIT: 51, 135

1. Ano ang gustong tiyakin ng Kristiyanong mga magulang bago magpabautismo ang kanilang mga anak?

“SA PAGLAKAD ng mga buwan ay patuloy na sinabi ko kina Itay at Inay na ibig kong pabautismo, at malimit na kinakausap nila ako tungkol dito. Ibig nilang tiyakin na alam ko kung gaano kahalaga ang naging pasiya ko. Noong Disyembre 31, 1934, sumapit ang araw para sa mahalagang pangyayaring ito sa aking buhay.” Ganito ang paglalarawan ni Blossom Brandt nang magpasiya siyang magpabautismo. Sa ngayon, interesado rin ang Kristiyanong mga magulang na tulungan ang kanilang mga anak na gumawa ng matatalinong desisyon. Maaaring mapahamak sa espirituwal ang kanilang anak kung ipagpapaliban nito ang pagpapabautismo nang walang makatuwirang dahilan. (Sant. 4:17) Pero bago magpabautismo ang kanilang anak, gusto nilang tiyakin na talagang handa na ito na balikatin ang pananagutan ng isang alagad ni Kristo.

2. (a) Ano ang ikinababahala ng ilang tagapangasiwa ng sirkito? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

2 Nababahala ang ilang tagapangasiwa ng sirkito dahil napansin nila na may mga kabataang halos o mahigit 20 anyos na at lumaki sa mga pamilyang Kristiyano pero hindi pa nagpapabautismo. Kadalasan, ang mga ito ay dumadalo naman sa mga pulong at nakikibahagi sa ministeryo. Saksi ni Jehova ang turing nila sa kanilang sarili. Pero sa ilang kadahilanan, nag-aatubili silang mag-alay ng kanilang sarili kay Jehova at magpabautismo. Bakit kaya? Ang ilan sa kanila ay sinabihan ng kanilang mga magulang na huwag munang magpabautismo. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang apat na dahilan kung bakit hindi tinutulungan ng ilang Kristiyanong magulang ang kanilang mga anak na sumulong tungo sa bautismo.

NASA TAMANG EDAD NA BA ANG ANAK KO?

3. Ano ang ikinabahala ng mga magulang ni Blossom?

3 Nabahala ang mga magulang ni Blossom, na nabanggit sa unang parapo, kung nasa tamang edad na siya para maunawaan ang kahulugan at pagiging seryoso ng bautismo. Paano malalaman ng mga magulang kung handa nang mag-alay kay Jehova ang kanilang anak?

4. Paano makatutulong sa mga magulang ang utos ni Jesus sa Mateo 28:19, 20?

4 Basahin ang Mateo 28:19, 20. Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, walang binabanggit ang Bibliya na kahilingang edad para sa bautismo. Pero makabubuting pag-isipan ng mga magulang ang sinasabi ng Mateo 28:19. Dito, nag-utos si Jesus na “gumawa ng mga alagad.” Ibig sabihin, turuan ang mga tao sa layuning maging mag-aarál o alagad ang mga ito. Ang isang alagad ay isa na nag-aaral at nakauunawa sa mga turo ni Jesus at determinadong sumunod sa mga iyon. Kaya dapat na maging tunguhin ng lahat ng Kristiyanong magulang na turuan ang kanilang mga anak mula sa pagkasanggol para maging bautisadong mga alagad ni Kristo ang mga ito. Siyempre, ang isang sanggol ay hindi maaaring maging kuwalipikado sa bautismo. Pero ipinakikita ng Bibliya na kahit ang maliliit na bata ay maaaring makaunawa at magpahalaga sa mga katotohanan sa Bibliya.

5, 6. (a) Batay sa paglalarawan sa kaniya ng Bibliya, ano ang masasabi natin tungkol sa bautismo ni Timoteo? (b) Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak?

5 Si Timoteo ay isang alagad na nagpasiyang maglingkod kay Jehova habang bata pa. Sinabi ni apostol Pablo na natutuhan ni Timoteo ang katotohanan sa Kasulatan “mula sa pagkasanggol.” Kahit magkaiba ang relihiyon ng mga magulang niya, tinulungan siya ng kaniyang nanay at lolang Judio na magkaroon ng pagpapahalaga sa Kasulatan. Dahil dito, nagkaroon siya ng matibay na pananampalataya. (2 Tim. 1:5; 3:14, 15) Noong mga 20 anyos siya, si Timoteo ay kuwalipikado nang tumanggap ng espesyal na mga atas sa kongregasyon.—Gawa 16:1-3.

6 Magkakaiba ang mga bata; kahit magkakaedad, hindi pare-pareho ang pagsulong nila. Sa murang edad, ang ilan ay matured na sa isip at emosyon, at gusto nang magpabautismo. Ang ilan naman ay kailangan pang maghintay nang kaunti. Kaya sa halip na piliting magpabautismo, dapat tulungan ng mga magulang ang bawat anak na sumulong sa sarili nitong bilis at antas. Matutuwa ang mga magulang kapag isinapuso ng kanilang anak ang Kawikaan 27:11. (Basahin.) Dapat nilang tandaan ang kanilang tunguhin—tulungan ang kanilang mga anak na maging alagad ni Kristo. Kaya naman, maitatanong nila, ‘Sapat na ba ang kaalaman ng anak ko para mag-alay ng kaniyang sarili sa Diyos at magpabautismo?’

SAPAT NA BA ANG KAALAMAN NG ANAK KO?

7. Kailangan ba ang napakalawak na kaalaman sa Bibliya bago magpabautismo? Ipaliwanag.

7 Bilang mga guro sa loob ng pamilya, gusto ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay magkaroon ng matibay na pundasyon ng kaalaman. Pero hindi kailangan ang napakalawak na kaalaman bago makapag-alay sa Diyos at magpabautismo. Tutal, pagkatapos ng bautismo, bawat alagad ay kailangang patuloy na sumulong sa tumpak na kaalaman. (Basahin ang Colosas 1:9, 10.) Kaya gaano karaming kaalaman ang kailangan ng isa bago magpabautismo?

8, 9. Anong mga aral ang matututuhan natin sa ulat tungkol kay Pablo at sa tagapagbilanggo?

8 May matututuhan ang mga magulang sa karanasan ng isang pamilya noong unang siglo. (Gawa 16:25-33) Noong mga 50 C.E., sa kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero, dumalaw si Pablo sa Filipos. Doon, siya at ang kasamahan niyang si Silas ay inaresto sa maling paratang at ibinilanggo. Noong gabi, niyanig ng isang lindol ang mga pundasyon ng piitan at nabuksan ang lahat ng pinto. Sa pag-aakalang nakatakas ang mga bilanggo, magpapakamatay na sana ang tagapagbilanggo, pero tinawag siya ni Pablo. Nakapagpatotoo sina Pablo at Silas sa tagapagbilanggo at sa pamilya nito. Pinahalagahan nila ang mga katotohanan tungkol kay Jesus. Ano ang ginawa nila? Nagpabautismo sila nang walang pagpapaliban. Ano ang matututuhan natin dito?

9 Posibleng ang tagapagbilanggo ay isang retiradong sundalong Romano. Wala siyang alam sa Kasulatan. Para magkaroon ng matibay na pundasyon ng kaalaman, kailangan niyang matutuhan ang saligang mga turo ng Bibliya, maunawaan ang mga kahilingan para sa mga lingkod ng Diyos, at maging determinadong sumunod sa mga turo ni Jesus. Sa maikling panahon, ang kaalaman at pagpapahalaga niya sa saligang mga katotohanan ng Kasulatan ay nagpakilos sa kaniya na magpabautismo. Tiyak na patuloy niyang dinagdagan ang kaalaman niya pagkatapos ng bautismo. Batay sa halimbawang ito, ano ang puwede mong gawin kapag sinabi ng anak mo na pinahahalagahan at nauunawaan na niya ang saligang mga turo ng Kasulatan, kasama na ang pag-aalay at bautismo? Baka ipasiya mong puwede na siyang makipag-usap sa mga elder para malaman kung kuwalipikado na siyang magpabautismo. * Tulad ng ibang bautisadong alagad, patuloy na madaragdagan ang kaalaman niya tungkol sa layunin ni Jehova habambuhay, at magpakailanman pa nga.—Roma 11:33, 34.

ANO ANG PINAKAMAHUSAY NA EDUKASYON PARA SA ANAK KO?

10, 11. (a) Ano ang inaakala ng ilang magulang? (b) Ano ang dapat na maging priyoridad ng mga magulang?

10 Inaakala ng ilang magulang na makabubuting ipagpaliban muna ng kanilang anak ang pagpapabautismo para makakuha ng mataas na edukasyon at magandang karera. Baka mabuti naman ang hangarin nila, pero makatutulong kaya ito para maging tunay na matagumpay ang kanilang anak? At mas mahalaga, kaayon ba ito ng sinasabi ng Kasulatan? Ano ang iminumungkahi ng Salita ni Jehova?—Basahin ang Eclesiastes 12:1.

11 Tandaan na ang sanlibutang ito at ang lahat ng bahagi nito ay salungat sa kalooban at pag-iisip ni Jehova. (Sant. 4:7, 8; 1 Juan 2:15-17; 5:19) Ang malapít na kaugnayan kay Jehova ang pinakamahusay na proteksiyon ng iyong anak laban kay Satanas, sa sanlibutan, at sa di-makadiyos na pag-iisip nito. Kung gagawing priyoridad ng mga magulang ang edukasyon at magandang karera para sa kanilang anak, baka malito ito at isiping mas mahalaga ang mga bagay sa sanlibutan kaysa sa kaugnayan niya kay Jehova. Hahayaan ba ng maibiging Kristiyanong mga magulang na hubugin ng sanlibutang ito ang pananaw ng kanilang anak sa tagumpay? Ang totoo, magiging tunay na maligaya at matagumpay lang tayo kung si Jehova ang uunahin natin sa ating buhay.—Basahin ang Awit 1:2, 3.

PAANO KUNG MAGKASALA ANG ANAK KO?

12. Bakit sinasabihan ng ilang magulang ang kanilang anak na huwag munang magpabautismo?

12 Ipinaliwanag ng isang sister kung bakit sinabihan niya ang kaniyang anak na huwag munang magpabautismo: “Nakakahiya man, pero ang pangunahing dahilan ay ang kaayusan sa pagtitiwalag.” Tulad ng sister na ito, ikinakatuwiran ng ilang magulang na makabubuting huwag munang magpabautismo ang kanilang anak hangga’t bata pa ito at maaaring kumilos nang may kamangmangan. (Gen. 8:21; Kaw. 22:15) Baka iniisip nila, ‘Kung hindi bautisado ang anak ko, hindi siya matitiwalag.’ Pero bakit mali ang pangangatuwirang ito?—Sant. 1:22.

13. Ligtas ba ang isa sa pananagutan kay Jehova kung hindi siya bautisado? Ipaliwanag.

13 Siyempre pa, ayaw ng Kristiyanong mga magulang na mabautismuhan ang kanilang anak kung hindi pa talaga ito handang mag-alay ng sarili kay Jehova. Pero isang pagkakamali na isiping hindi mananagot kay Jehova ang kanilang anak dahil hindi pa ito bautisado. Bakit? Dahil ang pananagutan kay Jehova ay hindi nakadepende sa pagiging bautisado. Sa halip, ang isang bata ay mananagot sa Diyos kapag alam na niya ang tama at mali sa paningin ni Jehova. (Basahin ang Santiago 4:17.) Kaya imbes na pigilan ang isang bata na magpabautismo, ang mga magulang ay nagsisikap na magpakita ng tamang halimbawa. Mula sa pagkasanggol, itatanim nila sa kanilang anak ang pagmamahal sa matataas na pamantayang moral ni Jehova. (Luc. 6:40) Ang pag-ibig sa Diyos ang pinakamagandang proteksiyon ng bata laban sa paggawa ng masama dahil pakikilusin siya nito na gawin ang tama sa paningin ni Jehova.—Isa. 35:8.

MAKATUTULONG ANG IBA

14. Paano makatutulong ang mga elder sa pagsisikap ng mga magulang?

14 Bilang espirituwal na mga pastol, makatutulong ang mga elder sa pagsisikap ng mga magulang kung ipakikipag-usap nila ang espirituwal na mga tunguhin. Naalaala ng isang sister na kinausap siya ni Brother Charles T. Russell noong anim na taóng gulang lang siya. Sinabi ng sister, “Naglaan siya ng 15 minuto para kausapin ako tungkol sa espirituwal na mga tunguhin ko.” Ang resulta? Ang sister na ito ay nagpayunir nang mahigit 70 taon! Oo, panghabambuhay ang epekto ng positibong mga salita at pampatibay-loob. (Kaw. 25:11) Puwede ring anyayahan ng mga elder ang mga magulang at ang kanilang mga anak sa mga proyekto sa Kingdom Hall at bigyan ng atas ang mga bata depende sa edad at kakayahan ng mga ito.

15. Sa anong mga paraan mapatitibay ng iba ang mga kabataan?

15 Paano makatutulong ang iba sa kongregasyon? Puwede silang magpakita ng angkop na personal na interes sa mga kabataan, gaya ng pagbibigay-pansin sa mga palatandaan ng pagsulong sa espirituwal. Halimbawa, mahusay ba ang komento ng isang bata, o gumanap ba siya ng bahagi sa pulong sa gitnang sanlinggo? Napagtagumpayan ba ng isang kabataan ang isang pagsubok sa katapatan o nakapagpatotoo siya sa paaralan? Bigyan siya agad ng komendasyon. Puwede rin nating gawing tunguhin—bago o pagkatapos ng pulong—na kausapin ang isang kabataan at magpakita ng personal na interes. Ipadama natin sa mga bata na bahagi sila ng “malaking kongregasyon.”—Awit 35:18.

TULUNGAN ANG IYONG ANAK NA SUMULONG TUNGO SA BAUTISMO

16, 17. (a) Bakit mahalaga ang bautismo? (b) Anong kagalakan ang maaaring maranasan ng Kristiyanong mga magulang? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

16 Ang pagpapalaki ng anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova” ay isa sa pinakadakilang pribilehiyo ng mga magulang. (Efe. 6:4; Awit 127:3) Sa sinaunang bansang Israel, ang mga anak ay isinisilang na bahagi ng bansang nakaalay kay Jehova; hindi ganiyan ang mga anak ng Kristiyanong mga magulang sa ngayon. Hindi rin namamana ang pag-ibig sa Diyos at sa katotohanan. Mula nang araw na isilang ang kanilang anak, tunguhin na ng mga magulang na gawin itong isang alagad at tulungan na maging isang nakaalay at bautisadong lingkod ni Jehova. Wala nang mas mahalaga pa riyan! Kung ang isa ay nag-alay, nagpabautismo, at tapat na naglilingkod sa Diyos, puwede siyang tumanggap ng marka para maligtas sa dumarating na malaking kapighatian.—Mat. 24:13.

Dapat na maging tunguhin ng mga magulang na tulungan ang kanilang anak na maging isang alagad (Tingnan ang parapo 16, 17)

17 Nang sabihin ni Blossom Brandt na gusto na niyang magpabautismo, tiniyak ng mga magulang niya na talagang handa na niyang gawin ang pinakamahalagang pasiya sa kaniyang buhay. Nang sigurado na sila, sinuportahan nila ang kaniyang desisyon. Noong gabi bago ang kaniyang bautismo, may magandang bagay na ginawa ang tatay niya. Ikinuwento ni Blossom: “Lahat kami ay kaniyang pinaluhod, at siya’y nanalangin. Sinabi niya kay Jehova na siya ay totoong maligaya dahil sa pasiya ng kaniyang munting anak na ialay sa Kaniya ang kaniyang buhay.” Pagkaraan ng mahigit 60 taon, sinabi ni Blossom: “Sa lahat ng darating na panahon, hindi ko kailanman malilimutan ang gabing [iyon]!” Mga magulang, maranasan din sana ninyo ang kagalakan na makitang ang inyong mga anak ay maging nakaalay at bautisadong mga lingkod ni Jehova.

^ par. 9 Puwedeng repasuhin ng mga magulang sa kanilang anak ang impormasyon sa Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, p. 304-310. Tingnan din ang “Tanong” sa Ating Ministeryo sa Kaharian, Abril 2011, p. 2.