Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Makinabang Nang Lubos sa mga Paglalaan ni Jehova

Makinabang Nang Lubos sa mga Paglalaan ni Jehova

“Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka.”​—ISA. 48:17.

AWIT: 117, 114

1, 2. (a) Ano ang pananaw ng mga Saksi ni Jehova sa Bibliya? (b) Ano ang paborito mong bahagi ng Bibliya?

MAHAL ng mga Saksi ni Jehova ang Bibliya. Nagbibigay ito ng maaasahang turo, kaaliwan, at pag-asa. (Roma 15:4) Tinatanggap natin ang Bibliya, hindi bilang koleksiyon ng mga ideya ng tao, kundi “gaya ng kung ano nga ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos.”​—1 Tes. 2:13.

2 Siguradong lahat tayo ay may paboritong bahagi ng Bibliya. Gusto ng ilan ang mga Ebanghelyo dahil inilalarawan ng mga ito ang personalidad ni Jehova gaya ng ipinakita ng kaniyang Anak. (Juan 14:9) Natutuwa naman ang iba sa makahulang mga bahagi ng Bibliya, gaya ng Apocalipsis, dahil isinisiwalat nito ang “mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan.” (Apoc. 1:1) At sino sa atin ang hindi nakasusumpong ng kaaliwan sa Mga Awit o ng praktikal na mga aral mula sa Mga Kawikaan? Talagang ang Bibliya ay isang aklat para sa lahat.

3, 4. (a) Ano ang pananaw natin sa ating mga publikasyon? (b) Anong mga publikasyon ang natatanggap natin para sa espesipikong mga grupo ng tao?

3 Dahil mahal natin ang Bibliya, mahalaga rin sa atin ang ating mga publikasyong salig sa Bibliya. Halimbawa, pinahahalagahan natin ang espirituwal na pagkaing natatanggap natin sa pamamagitan ng mga aklat, brosyur, magasin, at iba pang literatura. Alam natin na ang mga paglalaang ito ni Jehova ay tumutulong sa atin na manatiling gising at busog sa espirituwal, at “malusog sa pananampalataya.”​—Tito 2:2.

4 Bukod sa mga publikasyong para sa lahat ng mga Saksi ni Jehova, tumatanggap din tayo ng salig-Bibliyang materyal para sa espesipikong mga grupo. Ang ilang materyal ay dinisenyo para tulungan ang mga kabataan; ang ibang materyal naman ay para sa kanilang mga magulang. Karamihan ng materyal na inililimbag o makikita sa ating website ay inihanda para sa mga di-Saksi. Ipinaaalaala ng saganang espirituwal na pagkaing ito na tinutupad ni Jehova ang kaniyang pangako na ‘gagawa siya ng isang piging para sa lahat ng mga bayan.’​—Isa. 25:6.

5. Ano ang pinahahalagahan ni Jehova?

5 Malamang na gusto sana nating magkaroon ng higit pang panahon para basahin ang Bibliya at ang mga publikasyong salig sa Bibliya. Makatitiyak tayong pinahahalagahan ni Jehova ang pagsisikap nating ‘bilhin ang naaangkop na panahon’ para sa regular na pagbabasa ng Bibliya at personal na pag-aaral. (Efe. 5:15, 16) Ang totoo, baka hindi natin napaglalaanan ng magkakasindaming panahon ang lahat ng espirituwal na pagkain. Pero dapat tayong mag-ingat sa isang panganib. Ano iyon?

6. Ano ang puwedeng maging dahilan para hindi tayo makinabang sa ilang paglalaan ni Jehova?

6 May panganib na baka hindi tayo makinabang sa ilang espirituwal na paglalaan dahil inaakala nating hindi kapit sa atin ang mga iyon. Halimbawa, paano kung parang hindi praktikal sa ating sitwasyon ang isang bahagi ng Bibliya? Paano naman kung hindi para sa atin pangunahing isinulat ang isang publikasyon? Pinahahapyawan lang ba natin ang mga ito o talagang hindi na natin binabasa? Kung oo, baka pinagkakaitan natin ang ating sarili ng impormasyong mapapakinabangan sana natin. Paano natin maiiwasan ang panganib na ito? Tandaan na ang Diyos ang Pinagmumulan ng espirituwal na mga paglalaan. Sa pamamagitan ni propeta Isaias, sinabi niya: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka.” (Isa. 48:17) Makatutulong kung isasaalang-alang natin ang tatlong mungkahi para makinabang tayo sa lahat ng bahagi ng Bibliya at sa iba’t ibang uri ng espirituwal na pagkain.

MGA MUNGKAHI PARA MAKINABANG SA PAGBABASA NG BIBLIYA

7. Bakit natin kailangang basahin ang Bibliya nang may bukás na isip?

7 Magbasa nang may bukás na isip. Malinaw na sinasabi ng Bibliya na ang “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.” (2 Tim. 3:16) Totoo, may ilang bahagi ng Bibliya na espesipikong isinulat para sa isang indibiduwal o grupo. Kaya kailangan nating basahin ang Kasulatan nang may bukás na isip. “Kapag nagbabasa ako ng Bibliya, sinisikap kong tandaan na maraming aral ang puwedeng makuha sa isang teksto,” ang sabi ng isang brother. Tumutulong ito sa kaniya na makita ang mga aral na hindi agad napapansin. Kaya bago magbasa ng Salita ng Diyos, makabubuting manalangin na magkaroon tayo ng bukás na isip at karunungan para maunawaan ang mga aral na gusto ni Jehova na matutuhan natin.​—Ezra 7:10; basahin ang Santiago 1:5.

Nakikinabang ka ba nang lubos sa pagbabasa mo ng Bibliya? (Tingnan ang parapo 7)

8, 9. (a) Kapag nagbabasa ng Bibliya, anong mga tanong ang puwede nating pag-isipan? (b) Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova mula sa mga kuwalipikasyon para sa mga Kristiyanong elder?

8 Magtanong. Kapag nagbabasa ng isang bahagi ng Bibliya, huminto at itanong sa sarili ang gaya ng mga ito: ‘Ano ang sinasabi nito sa akin tungkol kay Jehova? Paano ko maikakapit ang impormasyong ito sa buhay ko? Paano ko ito magagamit para matulungan ang iba?’ Kapag binubulay-bulay natin ang gayong mga tanong, tiyak na mas marami tayong matututuhan sa pagbabasa natin ng Bibliya. Halimbawa, tingnan ang makakasulatang mga kuwalipikasyon para sa mga Kristiyanong elder. (Basahin ang 1 Timoteo 3:2-7.) Dahil hindi naman elder ang karamihan sa atin, baka isipin nating hindi ito gaanong kapit sa atin. Pero kung pag-iisipan natin ang posibleng mga sagot sa sumusunod na mga tanong, makikita natin na may matututuhan tayong mga aral mula sa listahan ng mga kuwalipikasyong ito.

9 Ano ang sinasabi nito sa akin tungkol kay Jehova? Ipinakikita ng listahang ito ng mga kuwalipikasyon na mataas ang pamantayan ni Jehova para sa mga naglilingkod bilang elder. Inaasahan niyang magiging mabuting halimbawa sila, at magsusulit sila sa kaniya sa paraan ng pakikitungo nila sa kongregasyon, “na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.” (Gawa 20:28) Gusto ni Jehova na makadama tayo ng kapanatagan sa pangangalaga ng kaniyang mga inatasan bilang katulong na pastol. (Isa. 32:1, 2) Ipinaaalaala ng mga kuwalipikasyong iyan para sa mga elder kung gaano tayo kamahal ni Jehova.

10, 11. (a) Kapag binabasa natin ang mga kuwalipikasyon para sa mga elder, paano natin maikakapit ang impormasyong ito sa ating buhay? (b) Paano natin magagamit ang impormasyong ito para matulungan ang iba?

10 Paano ko maikakapit ang impormasyong ito sa buhay ko? Sa pana-panahon, dapat suriin ng isang hinirang na brother ang kaniyang sarili ayon sa espirituwal na mga kuwalipikasyong ito para makita kung may puwede pa siyang pasulungin. Kailangan namang bigyang-pansin ng isang brother na “umaabot sa katungkulan ng tagapangasiwa” ang mga kuwalipikasyong ito at sikapin itong maabot. (1 Tim. 3:1) Sa katunayan, ang bawat Kristiyano ay may matututuhan sa mga kuwalipikasyong iyon dahil karamihan sa mga iyon ay hinihiling din ni Jehova sa lahat ng Kristiyano. Halimbawa, lahat tayo ay dapat maging makatuwiran at matino sa pag-iisip. (Fil. 4:5; 1 Ped. 4:7) Kapag ang mga elder ay nagiging “halimbawa sa kawan,” matututo tayo sa kanila at ‘matutularan natin ang kanilang pananampalataya.’​—1 Ped. 5:3; Heb. 13:7.

11 Paano ko magagamit ang impormasyong ito para matulungan ang iba? Magagamit natin ang listahang ito ng mga kuwalipikasyon ng mga Kristiyanong tagapangasiwa para tulungan ang mga interesado o mga tinuturuan sa Bibliya na makita ang pagkakaiba ng mga elder ng mga Saksi ni Jehova at ng klero ng Sangkakristiyanuhan. Isa pa, kapag binabasa natin ang listahang ito, naipaaalaala rin sa atin ang pagsisikap ng mga elder sa ating kongregasyon alang-alang sa atin. Kapag binubulay-bulay natin ang pagsasakripisyo nila, lumalalim ang ating paggalang sa “mga nagpapagal sa gitna” natin. (1 Tes. 5:12) At habang ipinakikita natin ang ating taimtim na paggalang sa masisipag nating tagapangasiwa, nadaragdagan natin ang kagalakan nila.​—Heb. 13:17.

12, 13. (a) Gamit ang ating mga pantulong, ano ang puwede nating saliksikin? (b) Magbigay ng halimbawa kung paano nakatutulong ang karagdagang impormasyon para makita ang mga aral na hindi agad napapansin.

12 Magsaliksik. Gamit ang ating mga pantulong, puwede nating saliksikin ang sumusunod:

  • Sino ang sumulat ng bahaging ito ng Kasulatan?

  • Saan at kailan ito isinulat?

  • Anong mahahalagang pangyayari ang naganap nang isulat ang isang aklat ng Bibliya?

Ang mga impormasyong tulad nito ay tutulong sa atin na makita ang mga aral na hindi agad napapansin.

13 Halimbawa, pag-isipan ang Ezekiel 14:13, 14, na nagsasabi: “Kung tungkol sa isang lupain, sakaling magkasala iyon laban sa akin sa paggawi nang di-tapat, iuunat ko rin ang aking kamay laban doon at babaliin ko roon ang mga tungkod na kinabibitinan ng hugis-singsing na mga tinapay, at pasasapitan ko iyon ng taggutom at lilipulin ko mula roon ang makalupang tao at ang alagang hayop. ‘At kung ang tatlong lalaking ito ay napasagitna niyaon, si Noe, si Daniel at si Job, sila mismo dahil sa kanilang katuwiran ay makapagliligtas ng kanilang kaluluwa,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova.” Kung magsasaliksik tayo, malalaman natin na ang bahaging ito ng Ezekiel ay isinulat noong mga 612 B.C.E. Nang panahong iyon, daan-daang taon nang patay sina Noe at Job, at ang kanilang rekord ng katapatan ay nasa alaala ng Diyos. Pero buháy pa noon si Daniel. Sa katunayan, malamang na mga 20 anyos lang siya nang sabihin ni Jehova na matuwid siya, gaya nina Noe at Job. Ang aral? Nakikita at pinahahalagahan ni Jehova ang katapatan ng lahat ng kaniyang mananamba, kasama na ang mga nasa kabataan pa.​—Awit 148:12-14.

MAKINABANG SA IBA’T IBANG PUBLIKASYON

14. Paano makatutulong sa mga kabataan ang materyal na inilalathala para sa kanila, at paano rin makikinabang dito ang iba? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

14 Kung paanong nakikinabang tayo sa pag-aaral sa lahat ng bahagi ng Salita ng Diyos, makikinabang din tayo sa lahat ng espirituwal na pagkaing inilalaan sa atin. Tingnan ang ilang halimbawa. Materyal para sa mga kabataan. Nitong nakaraang mga taon, marami sa ating literatura ang inilathala para sa mga kabataan. [1] Ang ilan sa mga ito ay dinisenyo para tulungan silang harapin ang panggigipit sa paaralan o ang mga hamon ng pagiging tin-edyer. Tayong lahat ay makikinabang sa pagbabasa sa gayong materyal. Paano? Ipinaaalaala ng mga ito kung ano ang pinagdaraanan ng tapat nating mga kabataan. Kaya naman, mas nasa kalagayan tayong tulungan at patibayin sila.

15. Bakit dapat maging interesado ang mga adultong Kristiyano sa impormasyong para sa mga kabataan?

15 Marami sa mga problema ng mga kabataan ay nararanasan din natin. Halimbawa, kailangan nating lahat na ipagtanggol ang ating pananampalataya, kontrolin ang emosyon, labanan ang panggigipit ng iba, at iwasan ang masasamang kasama at libangan. Ang mga paksang ito at ang iba pa ay tinatalakay sa materyal na dinisenyo para sa mga tin-edyer. Dapat bang isipin ng mga adultong Kristiyano na hindi na sila bata para magbasa ng gayong mga publikasyon? Siyempre hindi. Bagaman isinulat ang materyal na ito para sa mga kabataan, ang impormasyon ay salig sa di-kumukupas na mga simulain sa Kasulatan, at lahat tayo ay makikinabang sa espirituwal na mga paglalaang ito.

16. Sa anong paraan pa tinutulungan ng ating mga publikasyon ang mga kabataan?

16 Tinutulungan din ng ating mga publikasyon ang mga kabataan na sumulong sa espirituwal at maging malapít kay Jehova. (Basahin ang Eclesiastes 12:1, 13.) Makikinabang din dito ang mga adultong Kristiyano. Halimbawa, makikita sa Abril 2009 isyu ng Gumising! ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Gagawing Kawili-wili ang Pagbabasa ng Bibliya?” Ang artikulong ito ay may mga mungkahi at isang kahon na puwedeng gupitin at ilagay sa Bibliya bilang reperensiya. Nakinabang din ba ang mga adulto sa artikulong ito? “Hamon sa akin ang pagbabasa ng Bibliya,” ang isinulat ng isang 24-anyos na ina ng tahanan. “Sinunod ko ang mga mungkahi sa artikulo at ginagamit ko na ang ibinigay na iskedyul. Pinananabikan ko na ngayon ang pagbabasa ng Bibliya. Ang mga aklat ng Bibliya pala ay magkakasuwato at bumubuo ng isang magandang mensahe. Gustung-gusto ko na ang magbasa ng Bibliya.”

17, 18. Paano tayo makikinabang sa pagbabasa ng materyal na isinulat para sa publiko? Magbigay ng halimbawa.

17 Materyal para sa publiko. Pasimula noong 2008, nasisiyahan na tayo sa edisyon para sa pag-aaral ng Bantayan, na inilalathala pangunahin na para sa mga Saksi ni Jehova. Pero kumusta naman ang mga magasin natin na pangunahing para sa publiko? Makikinabang din ba tayo sa pagbabasa sa mga ito? Pag-isipan ang ilustrasyong ito: Bago magsimula ang pahayag pangmadla, tuwang-tuwa ka nang dumating sa Kingdom Hall ang isang inanyayahan mo. Habang nakikinig ka sa tagapagsalita, iniisip mo kung paano makikinabang ang bisita sa pahayag. Para bang pinakikinggan mo iyon mula sa kaniyang pananaw. Dahil dito, pagkatapos ng pahayag, nagkaroon ka ng panibagong pagpapahalaga sa paksang iyon.

18 Ganito rin ang nararanasan natin kapag nagbabasa tayo ng materyal na isinulat para sa publiko. Halimbawa, tinatalakay sa edisyong pampubliko ng Bantayan ang makakasulatang paksa sa pananalitang madaling maintindihan ng mga di-Saksi. Ganiyan din ang pagkakasulat ng marami sa mga artikulong nasa jw.org, gaya ng nasa mga seksiyong “Sagot sa mga Tanong sa Bibliya” at “Karaniwang mga Tanong.” Kapag binabasa natin ang mga impormasyong ito, lalo nating napahahalagahan ang mga katotohanang pamilyar na sa atin. At matututo rin tayo ng bagong pamamaraan para ipaliwanag ang ating paniniwala sa ministeryo. Sa katulad na paraan, pinatitibay ng Gumising! ang ating pagtitiwala na talagang umiiral ang tunay na Diyos, at tinuturuan tayong ipagtanggol ang ating paniniwala.​—Basahin ang 1 Pedro 3:15.

19. Paano natin maipakikita ang ating pasasalamat kay Jehova sa kaniyang mga paglalaan?

19 Maliwanag, sagana ang mga paglalaan ni Jehova para masapatan ang ating “espirituwal na pangangailangan.” (Mat. 5:3) Patuloy nawa nating gamitin ang lahat ng espirituwal na paglalaang ibinibigay sa atin. Sa gayon, maipakikita natin ang ating pasasalamat sa Isa na nagtuturo sa atin para makinabang tayo.​—Isa. 48:17.

^ [1] (parapo 14) Kasama rito ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1 at 2, at ang seryeng “Tanong ng mga Kabataan,” na available na lang online.