Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 20

Sino ang “Hari ng Hilaga” Ngayon?

Sino ang “Hari ng Hilaga” Ngayon?

“Hahantong siya sa katapusan niya, at walang tutulong sa kaniya.”​—DAN. 11:45.

AWIT 95 Ang Liwanag ay Lalong Nagniningning

NILALAMAN *

1-2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

KITANG-KITA nating nabubuhay na tayo sa dulo ng mga huling araw ng sistemang ito. Malapit nang puksain ni Jehova at ni Jesu-Kristo ang lahat ng gobyernong laban sa Kaharian. Pero bago mangyari iyan, patuloy pa rin ang hari ng hilaga at ang hari ng timog sa pakikipaglaban sa isa’t isa at sa bayan ng Diyos.

2 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang hula sa Daniel 11:40–12:1. Malalaman natin kung sino ang hari ng hilaga ngayon at kung bakit tayo makakapanatiling panatag anuman ang mangyari sa hinaharap.

ANG BAGONG HARI NG HILAGA

3-4. Sino ang hari ng hilaga ngayon? Ipaliwanag.

3 Nang bumagsak ang Soviet Union noong 1991, tumanggap ang bayan ng Diyos sa lugar na iyon ng “kaunting tulong,” o sandaling panahon ng kalayaan. (Dan. 11:34) Malaya silang nakapangaral at di-nagtagal, daan-daang libo ang naging mamamahayag sa mga lugar na dating bahagi ng Soviet Union. Pero pagkalipas ng ilang taon, ang Russia at ang mga kaalyado nito ang naging hari ng hilaga. Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, para maging hari ng hilaga o hari ng timog ang isang gobyerno, dapat na (1) malaki ang epekto ng pamamahala nito sa bayan ng Diyos, (2) nakikita sa ginagawa nito na kaaway ito ni Jehova at ng bayan niya, at (3) nakikipagtulakan ito sa kalabang hari.

4 Ito ang tatlong dahilan kung bakit masasabing ang Russia at ang mga kaalyado nito ang hari ng hilaga ngayon: (1) Malaki ang epekto ng pamamahala nila sa bayan ng Diyos—ipinagbabawal nila ang pangangaral at pinag-uusig ang daan-daang libong kapatid na nasa mga lugar na kontrolado nila. (2) Ang ginagawa nilang iyan ay nagpapakitang napopoot sila kay Jehova at sa bayan niya. (3) Nakikipaglaban sila sa hari ng timog, ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Tingnan natin kung ano ang ginawa ng Russia at ng mga kaalyado nito, na nagpapatunay na sila ang hari ng hilaga.

PATULOY NA NAGTUTULAKAN ANG HARI NG HILAGA AT ANG HARI NG TIMOG

5. Tungkol saan ang Daniel 11:40-43, at ano ang mangyayari sa panahong iyon?

5 Basahin ang Daniel 11:40-43. Ang bahaging ito ng hula ay tungkol sa panahon ng wakas. Inilalarawan nito ang paglalabanan ng hari ng hilaga at ng hari ng timog. Sa panahon ng wakas, gaya ng inihula ni Daniel, ang hari ng timog ay “makikipagtulakan,” o “makikipagsuwagan,” sa hari ng hilaga.​—Dan. 11:40; tlb.

6. Paano patuloy na naglalabanan ang hari ng hilaga at ang hari ng timog?

6 Patuloy na naglalabanan ang hari ng hilaga at ang hari ng timog dahil pareho nilang gustong maging pinakamakapangyarihan sa buong mundo. Halimbawa, tingnan natin ang nangyari pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig nang makontrol ng Soviet Union at ng mga kaalyado nito ang malaking bahagi ng Europe. Napuwersa ang hari ng timog na bumuo ng alyansang militar kasama ang ibang bansa at tinawag itong NATO. Ang hari ng hilaga at ang hari ng timog ay naglalabanan din sa pagbuo ng pinakamakapangyarihang hukbong militar. Naglalabanan din sila sa pamamagitan ng pagsuporta sa kalaban ng isa’t isa sa mga digmaan sa Africa, Asia, at Latin America. Nitong nakaraang mga taon, ang Russia at ang mga kaalyado nito ay naging makapangyarihan sa buong mundo. Nakipaglaban din ito sa hari ng timog sa pamamagitan ng cyber war. Inakusahan ng mga haring ito ang isa’t isa ng paggamit ng mga computer program para sirain ang ekonomiya at gobyerno ng isa’t isa. At gaya ng inihula ni Daniel, patuloy pa ring sinasalakay ng hari ng hilaga ang bayan ng Diyos.​—Dan. 11:41.

PINASOK NG HARI NG HILAGA ANG “MAGANDANG LUPAIN”

7. Ano ang “Magandang Lupain”?

7 Sinasabi sa Daniel 11:41 na papasukin ng hari ng hilaga ang “Magandang Lupain.” Ano ang lupaing iyon? Noon, itinuturing ang literal na bansang Israel na “pinakamaganda sa lahat ng lupain.” (Ezek. 20:6) Naging espesyal lang ito dahil dito isinasagawa ang tunay na pagsamba. Pero mula Pentecostes 33 C.E., ang ‘Lupaing’ iyon ay hindi na isang literal na lugar kasi nasa buong mundo na ang mga lingkod ni Jehova. Kaya ang “Magandang Lupain” ay ang gawain ng bayan ni Jehova ngayon, kasama na ang pagsamba nila kay Jehova sa mga pulong at sa ministeryo.

8. Paano pinasok ng hari ng hilaga ang “Magandang Lupain”?

8 Sa mga huling araw, paulit-ulit na pinasok ng hari ng hilaga ang “Magandang Lupain.” Halimbawa, nang maging hari ng hilaga ang Nazi Germany, partikular na noong ikalawang digmaang pandaigdig, pinasok nito ang “Magandang Lupain” nang pag-usigin nito at patayin ang mga lingkod ng Diyos. Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, nang maging hari ng hilaga ang Soviet Union, pinasok nito ang “Magandang Lupain” nang pag-usigin nito ang mga lingkod ng Diyos at ipatapon sila sa malalayong lugar.

9. Nitong nakaraang mga taon, paano pinasok ng Russia at ng mga kaalyado nito ang “Magandang Lupain”?

9 Nitong nakaraang mga taon, pinasok din ng Russia at ng mga kaalyado nito ang “Magandang Lupain.” Paano? Noong 2017, ipinagbawal ng Russia ang gawain ng bayan ni Jehova at ipinakulong ang ilan sa mga kapatid doon. Ipinagbawal din nito ang mga publikasyon natin, kasama na ang Bagong Sanlibutang Salin. Kinumpiska rin nito ang tanggapang pansangay sa Russia pati na ang mga Kingdom Hall at Assembly Hall. Kaya noong 2018, tinukoy ng Lupong Tagapamahala ang Russia at ang mga kaalyado nito bilang ang hari ng hilaga. Pero kahit matindi ang pag-uusig sa mga kapatid, wala silang ginagawa para labanan o mabago ang gobyernong iyon. Sa halip, sinusunod nila ang payo ng Bibliya na ipanalangin ang “lahat ng may mataas na posisyon,” lalo na kapag gumagawa ang mga ito ng desisyong makakaapekto sa kalayaan sa pagsamba.​—1 Tim. 2:1, 2.

MAPAPABAGSAK BA NG HARI NG HILAGA ANG HARI NG TIMOG?

10. Mapapabagsak ba ng hari ng hilaga ang hari ng timog? Ipaliwanag.

10 Ang pokus ng Daniel 11:40-45 ay ang mga ginagawa ng hari ng hilaga. Ibig sabihin ba nito, mapapabagsak niya ang hari ng timog? Hindi. “Buháy pa” ang hari ng timog kapag pupuksain na ni Jehova at ni Jesus ang lahat ng gobyerno ng tao sa Armagedon. (Apoc. 19:20) Bakit tayo nakakasiguro? Pansinin ang ipinapakita ng mga hula sa Daniel at Apocalipsis.

Sa Armagedon, wawakasan ng Kaharian ng Diyos, na kumakatawan sa bato, ang lahat ng gobyerno ng tao, na kumakatawan sa napakalaking imahen (Tingnan ang parapo 11)

11. Ano ang ipinapakita ng Daniel 2:43-45? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

11 Basahin ang Daniel 2:43-45. Inilarawan ni propeta Daniel ang magkakasunod na gobyerno ng tao na may malaking epekto sa bayan ng Diyos. Ang mga ito ay inilarawan niya bilang bahagi ng napakalaking imaheng metal. Ang huling gobyerno ay inilarawan bilang mga paa ng imahen na gawa sa pinaghalong bakal at putik. Ang mga paa ay kumakatawan sa Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Ipinapakita ng hulang ito na namamahala pa rin ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano kapag pupuksain na ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng tao.

12. Saan kumakatawan ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop, at bakit mahalagang malaman iyan?

12 Inilarawan din ni apostol Juan ang magkakasunod na kapangyarihang pandaigdig na may malaking epekto sa bayan ni Jehova. Ang mga ito ay inilarawan niya bilang isang mabangis na hayop na may pitong ulo. Ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop ay kumakatawan sa Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Mahalagang malaman iyan kasi wala nang ulong lumitaw pagkatapos ng ikapito. Namamahala pa rin ang ikapitong ulo kapag pupuksain na ni Kristo at ng hukbo niya sa langit ang mabangis na hayop. *Apoc. 13:1, 2; 17:13, 14.

ANO ANG MALAPIT NANG GAWIN NG HARI NG HILAGA?

13-14. Sino si “Gog ng lupain ng Magog,” at ano ang posibleng dahilan ng pag-atake niya sa mga lingkod ng Diyos?

13 Sinasabi sa hula ni Ezekiel kung ano ang mga posibleng mangyari bago mapuksa ang hari ng hilaga at ang hari ng timog. Kung iisipin nating iisang yugto ng panahon ang tinutukoy ng mga hula sa Ezekiel 38:10-23; Daniel 2:43-45; 11:44–12:1; at Apocalipsis 16:13-16, 21, lumilitaw na posibleng mangyari ang sumusunod.

14 Mga ilang panahon pagkatapos magsimula ang malaking kapighatian, ang “mga hari ng buong lupa” ay bubuo ng isang koalisyon ng mga bansa. (Apoc. 16:13, 14; 19:19) Tinatawag ito ng Kasulatan na “Gog ng lupain ng Magog.” (Ezek. 38:2) Aatakihin ng koalisyong ito ang lahat ng lingkod ng Diyos para lipulin sila. Bakit? Sa isang hula tungkol sa panahong iyon, sinabi ni apostol Juan na babagsakan ng malalaking tipak ng yelo ang mga kaaway ng Diyos. Ang mga tipak ng yelong iyon ay maaaring kumatawan sa mabigat na mensahe ng paghatol na dala ng mga lingkod ni Jehova. Posibleng ikagalit ni Gog ng Magog ang mensaheng ito kung kaya aatakihin niya ang mga lingkod ng Diyos para lipulin sila.​—Apoc. 16:21.

15-16. (a) Saan posibleng tumukoy ang Daniel 11:44, 45? (b) Ano ang mangyayari sa hari ng hilaga at sa iba pang kabilang sa Gog ng Magog?

15 Ang mabigat na mensaheng ito at ang huling pag-atake ng mga kaaway ng Diyos ay posibleng tumutukoy sa iisang pangyayaring binabanggit sa Daniel 11:44, 45. (Basahin.) Sinasabi rito na “galit na galit” ang hari ng hilaga dahil “may mga ulat mula sa silangan at mula sa hilaga” na lumigalig sa kaniya, kaya “marami siyang pupuksain.” Lumilitaw na ang “marami” na tinutukoy rito ay ang mga lingkod ni Jehova. * Posibleng inilalarawan dito ni Daniel ang pinakamatindi at huling pag-atake sa bayan ng Diyos.

16 Dahil sa pag-atakeng ito ng hari ng hilaga at ng iba pang gobyerno ng tao, magagalit ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat at magsisimula ang digmaan ng Armagedon. (Apoc. 16:14, 16) Sa panahong iyon, mapupuksa ang hari ng hilaga, kasama ang lahat ng bansang kabilang sa Gog ng Magog, at “walang tutulong sa kaniya.”​—Dan. 11:45.

Sa Armagedon, pupuksain ni Jesu-Kristo at ng hukbo niya sa langit ang masamang sanlibutan ni Satanas at ililigtas ang bayan ng Diyos (Tingnan ang parapo 17)

17. Sino si Miguel, ang “dakilang prinsipe,” na binabanggit sa Daniel 12:1, at ano ang gagawin niya?

17 Ang sumunod na talata sa ulat ni Daniel ay magbibigay sa atin ng higit pang impormasyon kung paano mapupuksa ang hari ng hilaga at ang mga kaalyado nito at kung paano tayo maliligtas. (Basahin ang Daniel 12:1.) Ano ang ibig sabihin ng talatang ito? Miguel ang isa pang tawag sa Hari natin, si Kristo Jesus. “Nakatayo” na siya alang-alang sa bayan ng Diyos mula pa noong 1914 nang maging Hari siya ng Kaharian ng Diyos sa langit. Di-magtatagal, “tatayo” siya, o kikilos, para puksain ang mga kaaway niya sa Armagedon. Ang digmaang iyon ang huling pangyayari sa tinatawag ni Daniel na pinakamatinding “panahon ng kapighatian” sa kasaysayan. Sa hula naman ni Juan sa Apocalipsis, tinawag niyang “malaking kapighatian” ang panahong ito bago ang Armagedon.​—Apoc. 6:2; 7:14.

‘MAPAPASULAT BA SA AKLAT’ ANG PANGALAN MO?

18. Bakit tayo makakapanatiling panatag anuman ang mangyari sa hinaharap?

18 Makakapanatili tayong panatag anuman ang mangyari sa hinaharap dahil tiniyak nina Daniel at Juan na makakaligtas sa malaking kapighatian ang mga naglilingkod kay Jehova at kay Jesus. Sinabi ni Daniel na ang pangalan ng mga makakaligtas ay “nakasulat sa aklat.” (Dan. 12:1) Paano mapapasulat ang pangalan natin sa aklat na iyon? Dapat nating patunayang nananampalataya tayo kay Jesus, ang Kordero ng Diyos. (Juan 1:29) Kailangan nating ialay ang buhay natin sa Diyos at magpabautismo. (1 Ped. 3:21) Dapat din nating suportahan ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagtulong sa iba na makilala si Jehova.

19. Ano ang dapat nating gawin ngayon, at bakit?

19 Ito na ang panahon para patibayin ang pagtitiwala natin kay Jehova at sa organisasyon niya. Ito na ang panahon para suportahan ang Kaharian ng Diyos. Kung gagawin natin iyan, makakaligtas tayo kapag ang hari ng hilaga at ang hari ng timog ay pinuksa na ng Kaharian ng Diyos.

AWIT 149 Isang Awit ng Tagumpay

^ par. 5 Sino ang “hari ng hilaga” ngayon, at paano siya mapupuksa? Ang sagot sa mga tanong na iyan ay makakapagpatibay sa pananampalataya natin at makakatulong sa atin na makapaghanda para sa malaking kapighatian.

^ par. 15 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Mayo 15, 2015 na isyu ng Bantayan, p. 29-30.