ARALING ARTIKULO 21
Papalakasin Ka ni Jehova
“Kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.”—2 COR. 12:10.
AWIT 73 Bigyan Mo Kami ng Katapangan
NILALAMAN *
1-2. Anong mga problema ang napapaharap sa maraming Saksi?
HINIMOK ni apostol Pablo si Timoteo at ang lahat ng Kristiyano na isagawa nang lubusan ang kanilang ministeryo. (2 Tim. 4:5) Kaya sinisikap nating sundin ang payo ni Pablo. Pero may mga problema. Marami tayong kapatid na kailangan ng lakas ng loob para makapangaral. (2 Tim. 4:2) Halimbawa, isipin ang mga kapatid nating nakatira sa mga lugar na hinihigpitan o ipinagbabawal pa nga ang gawain natin. Nangangaral sila kahit puwede silang makulong!
2 Ang bayan ni Jehova ay napapaharap sa iba’t ibang problema na nakakasira ng loob. Halimbawa, kailangang kumayod nang husto ang maraming kapatid para mailaan ang pangunahing pangangailangan ng pamilya nila. Gusto sana nilang mas marami pang magawa sa ministeryo, pero pagod na sila pagdating ng weekend. Ang iba naman ay nalilimitahan ng malalang sakit o pagtanda; baka hindi pa nga sila makaalis ng bahay. Mayroon ding laging nakakaramdam na wala silang halaga. Sinabi ni Mary, * isang sister na taga-Middle East: “Kailangan ko talagang magsikap para malabanan ang pagiging negatibo, at nakakaubos iyon ng lakas. Nakokonsensiya ako kasi napunta doon ang panahon at lakas ko na para sana sa ministeryo.”
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Anuman ang sitwasyon natin, puwede tayong mapalakas ni Jehova para maharap ang mga problema at patuloy na makapaglingkod sa kaniya sa abot ng makakaya natin. Bago natin talakayin kung paano tayo matutulungan ni Jehova, alamin muna natin kung paano niya pinalakas sina Pablo at Timoteo para maisagawa ang ministeryo nila kahit may mga problema.
LAKAS PARA PATULOY NA MAKAPANGARAL
4. Anong mga problema ang napaharap kay Pablo?
4 Maraming naging problema si Pablo. Kailangan niya ng lakas lalo na nang hampasin siya, pagbabatuhin, at ibilanggo. (2 Cor. 11:23-25) Inamin niya na pinaglalabanan niya kung minsan ang pagiging negatibo. (Roma 7:18, 19, 24) Mayroon din siyang iniindang “tinik sa laman,” na gustong-gusto niyang alisin ng Diyos.—2 Cor. 12:7, 8.
5. Ano ang naisagawa ni Pablo kahit may mga problema siya?
5 Pinalakas ni Jehova si Pablo na maisagawa ang ministeryo niya kahit may mga problema. Tingnan ang mga naisagawa ni Pablo. Halimbawa, noong naka-house arrest siya sa Roma, masigasig niyang ipinangaral ang mabuting balita sa mga Judiong lider at malamang na sa matataas na opisyal din. (Gawa 28:17; Fil. 4:21, 22) Nakapagpatotoo din siya sa maraming Guwardiya ng Pretorio at sa lahat ng dumadalaw sa kaniya. (Gawa 28:30, 31; Fil. 1:13) Nang panahon ding iyon, ginabayan ng Diyos si Pablo para isulat ang mga liham na nakatulong sa tunay na mga Kristiyano noon, pati na sa ngayon. Napalakas din ng halimbawa ni Pablo ang kongregasyon sa Roma, kaya “lalo pa nilang [inihayag] ang salita ng Diyos nang walang takot.” (Fil. 1:14) Kahit may mga pagkakataong limitado lang ang magagawa ni Pablo, ginawa niya ang buong makakaya niya, at nakatulong iyon “sa ikasusulong ng mabuting balita.”—Fil. 1:12.
6. Ayon sa 2 Corinto 12:9, 10, ano ang nakatulong kay Pablo para maisagawa ang ministeryo niya?
6 Alam ni Pablo na ang lahat ng nagagawa niya sa paglilingkod ay dahil sa tulong ni Jehova at hindi dahil sa sarili niyang lakas. Sinabi niya na “lubusang makikita ang kapangyarihan [ng Diyos] kapag mahina ang isa.” (Basahin ang 2 Corinto 12:9, 10.) Dahil sa banal na espiritu ni Jehova, nagkaroon si Pablo ng lakas na isagawa nang lubusan ang ministeryo niya—kahit pinag-usig siya, ibinilanggo, at nagkaroon ng iba pang problema.
7. Anong mga problema ang kailangang pagtagumpayan ni Timoteo para maisagawa ang ministeryo niya?
7 Kailangan ding umasa ni Timoteo, ang mas batang kasama ni Pablo, sa kapangyarihan ng Diyos para maisagawa ang ministeryo niya. Sinamahan ni Timoteo si Pablo 1 Cor. 4:17) Baka iniisip ni Timoteo na hindi siya kuwalipikado. Posibleng iyan ang dahilan kaya sinabi sa kaniya ni Pablo: “Hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan mo.” (1 Tim. 4:12) At noong panahong iyon, may sariling tinik sa laman si Timoteo—ang “madalas [niyang] pagkakasakit.” (1 Tim. 5:23) Pero alam niya na papalakasin siya ng makapangyarihang banal na espiritu ni Jehova para maipangaral ang mabuting balita at makapaglingkod sa mga kapatid.—2 Tim. 1:7.
sa mahahabang paglalakbay nito bilang misyonero. Pinapunta din siya ni Pablo sa mga kongregasyon para dalawin at patibayin ang mga ito. (LAKAS PARA MAKAPANATILING TAPAT KAHIT MAY MGA PROBLEMA
8. Paano pinapalakas ni Jehova ang bayan niya ngayon?
8 Sa ngayon, binibigyan ni Jehova ang bayan niya ng “lakas na higit sa karaniwan” para patuloy silang makapaglingkod nang tapat sa kaniya. (2 Cor. 4:7) Talakayin natin ang apat na paraan kung paano tayo pinapalakas ni Jehova at tinutulungang makapanatiling tapat: panalangin, Bibliya, pakikipagsamahan sa mga kapatid, at ministeryo.
9. Paano makakatulong sa atin ang panalangin?
9 Panalangin. Sa Efeso 6:18, hinihimok tayo ni Pablo na manalangin “sa bawat pagkakataon.” Sasagutin ng Diyos ang mga panalanging iyan at papalakasin tayo. Naranasan iyan ni Jonnie, na taga-Bolivia, nang magkapatong-patong ang problema niya. Sabay na nagkaroon ng malubhang sakit ang asawa niya at mga magulang. Hirap na hirap si Jonnie na alagaan silang tatlo. Namatay ang nanay niya, at matagal-tagal din bago naka-recover ang asawa at tatay niya. Tungkol sa mahirap na sitwasyong iyon, sinabi ni Jonnie, “Kapag sobra na akong nai-stress, laging nakakatulong sa akin ang pagiging espesipiko sa mga panalangin ko.” Binigyan ni Jehova si Jonnie ng lakas para makapagtiis. Nalaman ni Ronald, isang elder sa Bolivia, na may kanser ang nanay niya. Namatay ito pagkalipas ng isang buwan. Ano ang nakatulong sa kaniya para makayanan iyon? Sinabi niya: “Kapag nananalangin ako kay Jehova, sinasabi ko sa kaniya ang lahat ng nararamdaman ko. Alam kong siya ang pinakanakakaintindi sa akin; mas naiintindihan pa nga niya ako kaysa sa sarili ko.” Baka may mga panahong sobra na tayong nabibigatan o hindi natin alam kung ano ang ipapanalangin natin. Pero gusto ni Jehova na manalangin tayo sa kaniya kahit pa nahihirapan tayong ipaliwanag kung ano ang iniisip natin at nararamdaman.—Roma 8:26, 27.
10. Gaya ng makikita sa Hebreo 4:12, bakit napakahalaga ng pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay?
10 Bibliya. Umasa si Pablo sa Kasulatan para sa lakas at pampatibay. Kailangan din nating gawin iyan. (Roma 15:4) Habang binabasa natin at binubulay-bulay ang Salita ng Diyos, puwedeng gamitin ni Jehova ang espiritu niya para mas makita natin kung paano makakatulong ang Bibliya sa sitwasyon natin. (Basahin ang Hebreo 4:12.) Sinabi ni Ronald, na binanggit kanina: “Masaya ako kasi gabi-gabi akong nakakapagbasa ng Bibliya. Binubulay-bulay ko ang mga katangian ni Jehova at kung paano niya pinapangalagaan ang mga lingkod niya. Napapalakas ako nito.”
11. Paano napalakas ng Bibliya ang isang nagdadalamhating sister?
11 Makakatulong ang pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos para magkaroon tayo ng tamang pananaw kapag may mga problema
tayo. Tingnan kung paano nakatulong ang Bibliya sa isang nagdadalamhating biyuda. Sinabi sa kaniya ng isang elder na marami siyang matututuhan sa aklat ng Job. Nang basahin niya iyon, nainis siya sa maling mga naiisip ni Job. Sa loob-loob ng sister, parang sinasabi niya, “Job, huwag ka ngang negatibo!” Pero na-realize niya na pareho pala silang mag-isip ni Job. Nakatulong ito sa kaniya para mabago ang pananaw niya at makayanan ang pagkamatay ng asawa niya.12. Paano ginagamit ni Jehova ang mga kapatid para palakasin tayo?
12 Pakikipagsamahan sa mga kapatid. Ginagamit din ni Jehova ang mga kapatid para palakasin tayo. Sinabi ni Pablo na nananabik na siyang ‘makipagpatibayan’ sa mga kapatid. (Roma 1:11, 12) Gustong-gusto ni Mary, na binanggit kanina, na makasama ang mga kapatid. Sinabi niya: “Ginagamit ni Jehova kahit ang mga kapatid na hindi nakakaalam sa mga pinagdadaanan ko. Pinapatibay nila ako o pinapadalhan ng card kung kailan kailangang-kailangan ko iyon. Malaking tulong din ang pakikipag-usap sa ibang sister na kapareho ko ng naging sitwasyon, at natuto ako sa kanila. At laging ipinaparamdam sa akin ng mga elder na mahalaga ako sa kongregasyon.”
13. Paano natin mapapalakas ang isa’t isa sa mga pulong?
13 Magandang pagkakataon ang mga pulong para mapatibay natin ang isa’t isa. Kapag nasa pulong, puwede mo bang komendahan at pasalamatan ang iba para mapatibay sila? Halimbawa, bago magsimula ang pulong, sinabi ng elder na si Peter sa isang sister na di-Saksi ang asawa: “Talagang napapatibay kami kapag nakikita ka namin sa pulong. Lagi mong kasama ang anim na anak mo, at lagi silang handang magkomento.” Mangiyak-ngiyak na sinabi ng sister: “Kung alam mo lang, sobra akong napatibay sa sinabi mo.”
14. Paano nakakatulong sa atin ang ministeryo?
14 Ministeryo. Kapag sinasabi natin sa iba ang mga katotohanan sa Bibliya, gumagaan ang pakiramdam natin at napapalakas tayo, makinig man sila o hindi. (Kaw. 11:25) Naranasan iyan ng sister na si Stacy. Nang matiwalag ang isang kapamilya niya, lungkot na lungkot siya at lagi niyang itinatanong sa sarili niya, ‘Ano pa sana ang ginawa ko para natulungan siya?’ Iyon lagi ang laman ng isip ni Stacy. Ano ang nakatulong sa kaniya? Ang ministeryo! Kapag nangangaral siya, nakakapagpokus siya sa mga tao sa teritoryo na nangangailangan ng tulong niya. Sinabi niya: “Noong panahong iyon, binigyan ako ni Jehova ng Bible study na mabilis sumulong. Talagang napalakas ako n’on. Ministeryo ang pinakanakatulong sa akin.”
15. Ano ang natutuhan mo sa sinabi ni Mary?
15 Dahil sa sitwasyon ng ilan, baka iniisip nilang kulang ang nagagawa nila sa ministeryo. Kung ganiyan ang nararamdaman mo, tandaan na natutuwa si Jehova kapag ginagawa mo ang buong makakaya mo. Tingnan ulit ang halimbawa ni Mary. Nang lumipat siya sa isang lugar na iba ang wika, pakiramdam niya, wala siyang masyadong nagagawa sa paglilingkod. Sinabi niya, “Matagal-tagal din na ang nagagawa ko lang ay makapagbigay ng simpleng komento, magbasa ng teksto, o magbigay ng tract sa ministeryo.” Kaya nadama niyang kaunti lang ang nagagawa niya kung ikukumpara sa mahuhusay sa wikang iyon. Pero binago niya ang pananaw niya. Na-realize niya na puwede pa
rin siyang gamitin ni Jehova kahit hindi siya kasing husay ng iba. Sinabi niya, “Simple lang ang mga katotohanan sa Bibliya, at kayang baguhin ng mga iyon ang buhay ng mga tao.”16. Ano ang makakapagpalakas sa mga hindi makaalis ng bahay?
16 Nakikita at pinapahalagahan ni Jehova ang kagustuhan nating makibahagi sa ministeryo kahit hindi tayo makaalis ng bahay. Puwede siyang gumawa ng paraan para makapagpatotoo tayo sa mga caregiver o mga doktor at nurse. Baka panghinaan lang tayo ng loob kung ikukumpara natin ang nagagawa natin noon sa nagagawa natin ngayon. Pero kung iisipin natin kung paano tayo tinutulungan ni Jehova ngayon, magkakaroon tayo ng lakas na kailangan natin para matiis ang kahit anong problema at maging masaya pa rin.
17. Ayon sa Eclesiastes 11:6, bakit dapat tayong patuloy na mangaral kahit hindi natin agad nakikita ang mga resulta?
17 Hindi natin alam kung alin sa mga binhi ng katotohanang itinanim natin ang tutubo. (Basahin ang Eclesiastes 11:6.) Halimbawa, laging nagte-telephone witnessing at letter writing ang sister na si Barbara, na mahigit 80 taóng gulang na. Isinama niya sa isa sa mga sulat niya ang isyu ng Bantayan na Marso 1, 2014, na may artikulong “Ang Ginawa ng Diyos Para sa Iyo.” Wala siyang kamalay-malay na naipadala pala niya ang sulat sa isang mag-asawa na hindi na Saksi ni Jehova. Paulit-ulit nilang binasa ang magasin. Pakiramdam ng asawang lalaki, para siyang kinakausap ni Jehova. Dumalo na ulit sa mga pulong ang mag-asawa, at nakabalik sila sa organisasyon pagkalipas ng mahigit 27 taon. Siguradong tuwang-tuwa si Barbara sa napakagandang resulta ng naipadala niyang sulat!
18. Ano ang dapat nating gawin para mapalakas tayo ng Diyos?
18 Pinapalakas tayo ni Jehova sa iba’t ibang paraan—ginagamit niya ang panalangin, Bibliya, pakikipagsamahan sa mga kapatid, at ministeryo. Kung sasamantalahin natin ang mga paglalaang iyon, ipinapakita nating nagtitiwala tayo na kaya at gusto tayong tulungan ni Jehova. Lagi sana tayong magtiwala sa ating Ama sa langit na gustong-gustong ‘ipakita ang lakas niya alang-alang sa mga nagbibigay ng buong puso nila sa kaniya.’—2 Cro. 16:9.
AWIT 61 Sulong, mga Saksi!
^ par. 5 Mahirap ang panahon natin sa ngayon, pero tinutulungan tayo ni Jehova para makayanan natin iyon. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano tinulungan ni Jehova si apostol Pablo at si Timoteo na patuloy na makapaglingkod sa Kaniya kahit may mga problema. Pag-uusapan natin ang apat na paraan kung paano tayo tinutulungan ni Jehova sa ngayon.
^ par. 2 Binago ang pangalan.