Paano Ka Makakapag-adjust sa Iyong Bagong Kongregasyon?
“KINABAHAN ako noong lumipat ako dito,” ang sabi ni Allen. * “Hindi ko alam kung magkakaroon ako ng mga kaibigan o kung tatanggapin nila ako.” Nag-a-adjust si Allen sa kaniyang bagong kongregasyon, na mahigit 1,400 kilometro ang layo sa dati niyang tirahan.
Kung bagong lipat ka ng kongregasyon, baka kinakabahan ka rin. Ano ang tutulong sa iyo na makapag-adjust? Ano ang puwede mong gawin kung mas mahirap ito kaysa sa inaakala mo? Kung may mga bagong lipat naman sa inyong kongregasyon, paano mo sila tutulungang makapag-adjust?
PAANO KA MAKAKAPAG-ADJUST AT MAGIGING HIYANG?
Pag-isipan ang halimbawang ito: Kapag inililipat ang isang puno, naii-stress ito. Habang binubunot ito sa lupa, pinuputol ang karamihan sa mga ugat nito para madali itong ilipat. At kapag naitanim na ito uli, kailangan nitong magpatubo agad ng mga bagong ugat. Sa katulad na paraan, baka nakaranas ka ng stress nang lumipat ka ng kongregasyon. “Nakaugat” ka na sa dati mong kongregasyon—mayroon ka nang matatalik na kaibigan at nakasanayang espirituwal na rutin. Ngayon, kailangan mong magpatubo ng mga bagong “ugat” para sumulong sa iyong bagong kongregasyon. Ano ang makatutulong sa iyo? Ang pagkakapit ng mga simulain sa Kasulatan. Tingnan natin ang ilan sa mga ito.
Ang taong regular na nagbabasa ng Salita ng Diyos ay “tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig, na nagbibigay ng sariling bunga nito sa kaniyang kapanahunan at ang mga dahon nito ay hindi nalalanta, at ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.”—Awit 1:1-3.
Kung paanong kailangan ng isang puno ang regular na suplay ng tubig para makapanatiling malusog, kailangan din ng isang Kristiyano ang regular na espirituwal na pagkain mula sa Salita ng Diyos para makapanatiling malakas sa espirituwal. Kaya patuloy na basahin ang Bibliya araw-araw at regular na dumalo sa mga pulong ng kongregasyon. Panatilihin ang iyong magandang rutin ng pampamilyang pagsamba at personal na pag-aaral. Para tumibay sa espirituwal, kailangan mong ipagpatuloy ang anumang ginagawa mo noon sa iyong dating kongregasyon.
“Ang saganang dumidilig sa iba ay sagana ring didiligin.”—Kaw. 11:25.
Mapasisigla ka at mas madaling makakapag-adjust kung lubusan kang makikibahagi sa ministeryo. “Ang pinakanakatulong sa aming mag-asawa ay ang pag-o-auxiliary pioneer pagkarating na pagkarating namin sa aming bagong kongregasyon,” ang sabi ng elder na si Kevin. “Agad naming nakilala ang mga kapatid, ang mga payunir, at naging pamilyar kami sa teritoryo.” Si Roger, na lumipat sa isang lugar na mahigit 1,600 kilometro mula sa dati niyang tinitirhan, ay nagsabi: “Ang pinakamagandang paraan para maging hiyang ka sa bagong kongregasyon ay ang madalas na paglilingkod sa larangan. Maganda rin kung sasabihin mo sa mga elder na handa kang tumulong sa anumang paraan, halimbawa, sa paglilinis ng Kingdom Hall, paghalili sa mga bahagi, o pag-aalok sa iba ng masasakyan papunta sa mga pulong. Kapag nakikita ng mga kapatid na mapagsakripisyo ang isang bagong lipat, mas madali nila siyang kaibiganin.”
“Magpalawak.”—2 Cor. 6:13.
Palawakin ang iyong pagmamahal na pangkapatid. Pagkalipat ni Melissa at ng pamilya niya sa isang
kongregasyon, agad silang nakipagkaibigan. “Nakikihalubilo kami sa Kingdom Hall bago at pagkatapos ng mga pulong,” ang sabi niya. “Dahil dito, nakakausap namin ang mga kapatid, hindi lang basta nababati.” Nakatulong din ito para agad nilang matandaan ang pangalan ng mga kapatid. Nagpalawak din sila sa pamamagitan ng pagiging mapagpatuloy, kaya tumibay ang kaugnayan nila sa kanilang bagong mga kaibigan. “Nagpalitan kami ng phone number,” ang sabi niya, “para puwede nila kaming kontakin at yayain sa espirituwal na mga gawain at iba pa.”Kung kinakabahan kang makipag-usap sa hindi mo kakilala, ano ang puwede mong gawin? Ngumiti, kahit naaasiwa ka. Nakakahawa ang pagngiti. “Ang ningning ng mga mata ay nagpapasaya ng puso.” (Kaw. 15:30) “Mahiyain talaga ako,” ang sabi ni Rachel, na lumipat sa lugar na malayo sa kinalakhan niya. “Minsan kailangan kong pilitin ang sarili ko na makipag-usap sa mga kapatid sa aking bagong kongregasyon. Hinahanap ko y’ong nakaupo lang sa Kingdom Hall at hindi nakikipag-usap sa iba. Baka kapareho ko siya na mahiyain din.” Puwede mo bang gawing tunguhin na makipag-usap sa iba bago o pagkatapos ng mga pulong?
O baka naman excited kang makipagkilala sa iba sa unang mga linggo pagkalipat mo. Pero pagtagal-tagal, baka lumipas ito. Kapag ganiyan na ang sitwasyon, kailangan mong patuloy na magsikap na makipagkaibigan.
MAGLAAN NG PANAHON PARA MAKAPAG-ADJUST
May mga punong natatagalan bago makatayong matatag sa kanilang bagong lugar. Sa katulad na paraan, hindi lahat ay nakakapag-adjust agad sa kanilang bagong kongregasyon. Kung matagal ka nang lumipat pero nahihirapan ka pa rin, makatutulong ang mga simulaing ito sa Bibliya:
“Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.”—Gal. 6:9.
Maglaan ng higit na panahon para makapag-adjust kaysa sa inaasahan mo. Halimbawa, maraming misyonerong nag-aral sa Gilead ang nananatili nang ilang taon sa kanilang atas bago magbakasyon sa sarili nilang bansa. Dahil dito, napapalapít sila sa mga kapatid at natututong makibagay sa kultura ng mga ito.
Ilang beses nang lumipat si Alejandro, kaya alam niyang hindi puwedeng madaliin ang pag-a-adjust. Sinabi niya: “Pagkatapos ng huling lipat namin, sinabi ng asawa ko, ‘Lahat ng kaibigan ko ay nasa dati nating kongregasyon!’” Ipinaalaala ni Alejandro sa kaniya na iyan din ang sinabi niya dalawang taon na ang nakararaan—noong huling paglipat nila. Pero sa dalawang taon na iyon, nagpakita ang asawa niya ng personal na interes sa mga kapatid, kaya nagkaroon siya ng malalapít na kaibigan.
“Huwag mong sabihin: ‘Bakit nga ba ang mga araw noong una ay mas mabuti kaysa sa mga ito?’ sapagkat hindi dahil sa karunungan kung kaya ka nagtanong tungkol dito.”—Ecles. 7:10.
Huwag ikumpara ang bago mong kongregasyon sa dati. Halimbawa, baka mas tahimik o mas prangka ang mga kapatid sa bago mong kongregasyon kaysa sa nakasanayan mo. Tingnan ang kanilang positibong mga katangian, gaya ng gusto mong gawin nila sa iyo. Dahil sa kanilang paglipat, napaisip ang ilan, ‘Talaga bang mahal ko ang “buong samahan ng mga kapatid”?’—1 Ped. 2:17.
“Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo.”—Luc. 11:9.
Patuloy na humingi ng tulong sa pamamagitan ng panalangin. “Huwag mong solohin ang problema,” ang sabi ng elder na si David. “Maraming bagay ang magagawa lang natin sa tulong ni Jehova. Ipanalangin mo ’yon!” Sang-ayon diyan si Rachel, na nabanggit kanina. “Kapag nararamdaman naming mag-asawa na parang hindi kami bahagi ng kongregasyon,” ang sabi niya, “espesipiko kaming nananalangin kay Jehova, ‘Tulungan n’yo po kaming makita kung may nagagawa kami na nagpapalayo ng loob ng mga kapatid sa amin.’ Pagkatapos, sinisikap namin na mas makasama pa sila.”
Mga magulang, kung nahihirapang makibagay ang inyong mga anak, manalanging kasama nila tungkol dito. Tulungan sila na magkaroon ng bagong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagsasaayos ng nakapagpapatibay na pakikipagsamahan sa iba.
IPADAMA SA MGA BAGONG LIPAT NA TANGGAP SILA
Ano ang magagawa mo para tulungan ang mga bagong lipat sa inyong kongregasyon? Maging tunay na kaibigan sa simula pa lang. Para magawa iyan, isipin mong ikaw ang bagong lipat. Anong mga bagay ang gusto mong gawin ng iba para sa iyo? Gawin mo ang mga iyon sa mga bagong lipat. (Mat. 7:12) Puwede mo ba silang isama sa inyong pampamilyang pagsamba o sa panonood ng buwanang programa ng JW Broadcasting? Puwede mo ba silang yayain na samahan ka sa ministeryo? Kahit sa simpleng salusalo lang, hindi nila makakalimutan ang iyong pagkamapagpatuloy. Paano mo pa matutulungan ang mga bagong lipat?
“Noong bagong lipat kami ng kongregasyon, may sister na nagbigay sa amin ng listahan ng mga tindahan na may murang paninda. Ang laking tulong n’on!” ang sabi ni Carlos. Pahahalagahan naman ng mga nanggaling sa lugar na may ibang klima kung may magtuturo sa kanila kung paano manamit sa mainit, malamig, o maulang panahon sa lugar ninyo. Puwede mo rin silang tulungan na maging mas epektibo sa ministeryo kung ikukuwento mo ang kasaysayan ng inyong lugar o ipaliliwanag ang paniniwala ng mga tagaroon.
SULIT ANG MAG-ADJUST
Si Allen, na binanggit sa simula, ay mahigit isang taon na sa kaniyang bagong kongregasyon. Nasabi niya: “Sa umpisa, talagang kailangan kong magsikap na kilalanin ang mga kapatid. Pero ngayon, masaya ako kasi parang kapamilya ko na sila.” Nakita ni Allen na hindi siya nawalan ng mga kaibigan nang lumipat siya. Ang totoo, nagkaroon pa nga siya ng bagong mga kaibigan, na posibleng maging kaibigan niya habambuhay.
^ par. 2 Binago ang ilang pangalan.