Tanggihan ang Makasanlibutang Kaisipan
“Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang . . . ng sanlibutan.”—COL. 2:8.
1. Anong payo ang isinulat ni apostol Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
ISINULAT ni apostol Pablo ang kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Colosas noong mga 60-61 C.E., habang nakabilanggo siya sa Roma. Ipinaliwanag niya sa kanila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng “espirituwal na pagkaunawa.” (Col. 1:9) Sinabi pa ni Pablo: “Ito ay sinasabi ko upang walang sinumang tao ang luminlang sa inyo sa mapanghikayat na mga argumento. Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.” (Col. 2:4, 8) Saka ipinaliwanag ni Pablo kung bakit mali ang ilang popular na ideya noon at kung bakit gusto ng maraming tao ang mga iyon. Halimbawa, dahil sa mga ideyang iyon, baka isipin ng isa na mas marunong siya at mas magaling kaysa sa iba. Kaya naman lumiham si Pablo para tulungan ang mga kapatid na tanggihan ang makasanlibutang kaisipan at maling mga gawain.—Col. 2:16, 17, 23.
2. Bakit natin tatalakayin ang mga halimbawa ng makasanlibutang kaisipan?
2 Binabale-wala o minamaliit ng makasanlibutang kaisipan ang mga pamantayan ni Jehova, at kung hindi tayo mag-iingat, maaari
nitong unti-unting pahinain ang ating pananampalataya. Lahat tayo sa ngayon ay nalalantad sa makasanlibutang kaisipan—sa telebisyon, Internet, trabaho, at sa paaralan. Sa artikulong ito, susuriin natin kung paano natin maiiwasan ang masamang impluwensiya nito. Tatalakayin natin ang limang halimbawa ng makasanlibutang kaisipan at kung paano natin tatanggihan ang mga ito.KAILANGAN BA NATING MANIWALA SA DIYOS?
3. Anong ideya ang gusto ng maraming tao, at bakit?
3 “Puwede akong maging mabuting tao kahit hindi ako naniniwala sa Diyos.” Sa maraming bansa, hindi na kataka-taka na may mga taong hindi naniniwala sa Diyos; para sa kanila, wala silang relihiyon. Baka hindi naman nila nasuri kung totoo ngang may Diyos, pero gusto nila ang ideya na malaya silang gawin ang anumang nais nila. (Basahin ang Awit 10:4.) Pakiramdam ng iba, matalino sila kapag sinasabi nila, “May prinsipyo ako kahit hindi ako naniniwala sa Diyos.”
4. Ano ang puwede nating sabihin sa mga naniniwalang walang Maylikha?
4 Makatuwiran ba ang sinasabi ng mga naniniwalang walang Maylikha? Kung sa siyensiya ka aasa para sa kasagutan, baka malito ka dahil sa pagkarami-raming impormasyon. Pero simple lang naman talaga ang sagot. Kung ang isang gusali ay nangangailangan ng tagapagtayo, lalong higit ang mga bagay na may buhay! Sa katunayan, ang pinakasimpleng buháy na mga selula ay mas masalimuot kaysa sa alinmang bahay dahil nagagawa nila ang di-kayang gawin ng alinmang bahay—ang magparami. Ang mga selulang ito ay nakakapag-imbak at nakakakopya ng impormasyong kailangan para makapagparami sila. Saan galing ang disenyo para sa buháy na mga selula? Ang sagot ng Bibliya: “Bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.”—Heb. 3:4.
5. Ano ang masasabi natin tungkol sa ideya na kaya nating alamin kung ano ang mabuti kahit hindi tayo naniniwala sa Diyos?
5 Paano tayo mangangatuwiran sa mga naniniwala na kaya nating alamin kung ano ang mabuti kahit hindi tayo naniniwala sa Diyos? Kinikilala ng Bibliya na mayroon ding magagandang prinsipyo sa buhay ang mga hindi naniniwala sa Diyos. (Roma 2:14, 15) Halimbawa, baka iginagalang naman nila at minamahal ang kanilang mga magulang. Pero gaano katatag ang mga pamantayang moral ng taong hindi kumikilala sa karapatan ng ating maibiging Maylikha na magtakda ng mga pamantayan ng tama at mali? (Isa. 33:22) Dahil sa kalunos-lunos na mga kalagayan sa mundo, aaminin ng maraming taong bukás ang isip na kailangan ng mga tao ang tulong ng Diyos. (Basahin ang Jeremias 10:23.) Kaya huwag nating isipin na kaya nating alamin kung ano ang mabuti kahit hindi tayo naniniwala sa Diyos at hindi sumusunod sa kaniyang mga pamantayan.—Awit 146:3.
KAILANGAN BA NATIN ANG RELIHIYON?
6. Ano ang pananaw ng maraming tao tungkol sa relihiyon?
6 “Puwede kang maging masaya kahit wala kang relihiyon.” Gusto ng marami ang makasanlibutang kaisipan na ito dahil para sa kanila, ang relihiyon ay nakababagot at walang silbi. Lumalayo rin ang mga tao sa Diyos dahil sa maraming relihiyon na nagtuturo tungkol sa impiyerno, nangongolekta ng pera, o nakikialam sa politika. Kaya naman parami nang parami ang nagsasabing masaya sila kahit wala silang relihiyon. Baka sabihin nila, “Interesado ako sa espirituwal na mga bagay pero ayokong umanib sa isang relihiyon.”
7. Paano ka magiging masaya sa tulong ng tunay na relihiyon?
7 Puwede nga ba tayong maging masaya kahit walang relihiyon? Puwedeng maging masaya ang isang tao kahit walang huwad na relihiyon, pero para maging tunay na maligaya, kailangan niyang magkaroon ng kaugnayan 1 Tim. 1:11) Lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kapakanan natin. At masaya ang kaniyang mga lingkod dahil nakapokus sila sa pagtulong sa iba. (Gawa 20:35) Halimbawa, tingnan kung paanong ang tunay na pagsamba ay nakatutulong para maging maligaya ang mga pamilya. Tinuturuan tayo nito na parangalan at igalang ang ating asawa, ituring na sagrado ang panata sa pag-aasawa, umiwas sa pangangalunya, palakihin ang mga anak na maging magalang, at magpakita ng tunay na pag-ibig. Kaya dahil sa tunay na pagsamba, ang mga lingkod ng Diyos ay nagkakaisa bilang kongregasyon at bilang isang maligayang pandaigdig na kapatiran.—Basahin ang Isaias 65:13, 14.
kay Jehova, ang “maligayang Diyos.” (8. Paano natin magagamit ang Mateo 5:3 para sagutin ang tanong na, Ano ang nagpapasaya sa mga tao?
8 Himayin natin ang makasanlibutang ideya na puwede tayong maging masaya kahit hindi naglilingkod sa Diyos. Pag-isipan ito: Ano nga ba ang nagpapasaya sa tao? Ang ilan ay masaya dahil sa kanilang propesyon, sports, o hobby. Ang iba naman ay nasisiyahan sa pag-aasikaso sa kanilang mga kapamilya o kaibigan. Kasiya-siya naman ang mga ito, pero may mas dakilang layunin ang buhay natin na nagdudulot ng namamalaging kaligayahan. Di-gaya ng mga hayop, puwede nating makilala ang ating Maylikha at paglingkuran siya nang tapat. Nilikha tayo sa paraang magiging maligaya tayo sa paggawa niyan. (Basahin ang Mateo 5:3.) Halimbawa, masaya tayo at napapatibay sa mga pagtitipon kasama ng mga kapatid para sambahin si Jehova. (Awit 133:1) Nasisiyahan din tayo dahil bahagi tayo ng nagkakaisang kapatiran, namumuhay nang malinis, at may magandang pag-asa sa hinaharap.
KAILANGAN BA NATIN NG MGA PAMANTAYANG MORAL?
9. (a) Anong ideya tungkol sa sekso ang laganap sa mundo? (b) Bakit ipinagbabawal ng Salita ng Diyos ang pagtatalik ng mga hindi mag-asawa?
9 “Ano’ng masama sa pagtatalik ng mga hindi mag-asawa?” Baka may magsabi: “Dapat i-enjoy ang buhay. Bakit n’yo hinuhusgahan ang pagtatalik ng mga hindi kasal?” Pero mali ito dahil ipinagbabawal ng Salita ng Diyos ang seksuwal na imoralidad. * (Basahin ang 1 Tesalonica 4:3-8.) Karapatan ni Jehova na gumawa ng mga batas para sa atin dahil nilikha niya tayo. Ang utos ng Diyos na nagsasabing ang pagtatalik ay para lang sa lalaki at babae na mag-asawa ay mahalagang bahagi ng kaayusan sa pag-aasawa. Binigyan tayo ng Diyos ng mga utos dahil mahal niya tayo. Ang mga ito ay para sa kapakinabangan natin. Ang mga pamilyang sumusunod sa mga ito ay nagmamahalan, may paggalang sa isa’t isa, at panatag. Hindi kukunsintihin ng Diyos ang tahasang pagsuway sa kaniyang kautusan.—Heb. 13:4.
10. Paano maiiwasan ng isang Kristiyano ang seksuwal na imoralidad?
10 Tinuturuan tayo ng Salita ng Diyos kung paano natin maiiwasan ang seksuwal na imoralidad. Ang isang mahalagang paraan ay ang pagkontrol sa ating mga tinitingnan. Sinabi ni Jesus: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso. Ngayon, kung ang kanang mata mong iyan ay nagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon mula sa iyo.” (Mat. 5:28, 29) Kung gayon, dapat iwasan ng isang Kristiyano ang pornograpya at ang pakikinig sa musikang may imoral na mga liriko. Sumulat si apostol Pablo sa mga kapuwa Kristiyano: “Patayin ninyo . . . ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid [o, seksuwal na imoralidad].” (Col. 3:5) Kailangan din nating kontrolin ang mga bagay na iniisip at pinag-uusapan natin.—Efe. 5:3-5.
DAPAT BA TAYONG MAGPOKUS SA SEKULAR NA KARERA?
11. Bakit marami ang gustong magkaroon ng magandang karera?
11 “Magandang karera ang susi sa kaligayahan.” Pinasisigla tayo ng marami na gawing tunguhin sa buhay ang pagkakaroon ng sekular na karera. Tutulong daw ito para tayo ay maging tanyag, makapangyarihan, at mayaman. Dahil marami ang may ganitong tunguhin, baka mahawa ang isang Kristiyano sa ganitong kaisipan.
12. Matagumpay na karera ba ang susi sa kaligayahan?
12 Talaga nga kayang magiging maligaya ang isa dahil sa karerang nagbibigay ng kapangyarihan at katanyagan? Hindi. Tandaan na nasilo si Satanas ng paghahangad ng kapangyarihan at katanyagan, pero galít siya at hindi maligaya. (Mat. 4:8, 9; Apoc. 12:12) Limitado lang ang kasiyahang dulot ng sekular na karera kung ihahambing sa namamalaging kasiyahang nagmumula sa pagtulong sa iba na makinabang sa karunungan ng Diyos at magkamit ng buhay na walang hanggan. Napakatindi rin ng kompetisyon sa mundo. Dahil dito, ang mga tao ay nagsisikap na makaangat sa iba at nag-iinggitan, kaya sa bandang huli, para silang ‘naghahabol sa hangin.’—Ecles. 4:4.
13. (a) Ano ang dapat nating maging pananaw sa sekular na trabaho? (b) Ayon sa liham ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, ano ang nagdulot sa kaniya ng tunay na kaligayahan?
13 Totoo, kailangan nating maghanapbuhay, at hindi masamang pumili ng trabahong gusto natin. Pero hindi dapat maging pangunahin sa buhay natin ang ating trabaho. Sinabi ni Jesus: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon; sapagkat alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o pipisan siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” (Mat. 6:24) Kung pangunahin sa atin ang paglilingkod kay Jehova at ang pagtuturo sa iba ng kaniyang Salita, magiging maligaya tayo. Isa si apostol Pablo sa nakaranas niyan. Noong una, mayroon siyang matagumpay na karera sa Judaismo. Pero naging maligaya siya nang tulungan niya ang mga tao na maging alagad at makitang nagbago ang buhay nila dahil sa mensahe ng Diyos. (Basahin ang 1 Tesalonica 2:13, 19, 20.) Wala nang ibang karera ang makapagdudulot ng ganiyang kasiyahan.
KAYA BA NATING LUTASIN ANG MGA PROBLEMA SA MUNDO?
14. Bakit gusto ng marami ang ideya na kayang lutasin ng mga tao ang kanilang mga problema?
14 “Kayang lutasin ng mga tao ang kanilang mga problema.” Gusto ng marami ang ideyang ito. Bakit? Dahil kung totoo ito, hindi na kailangan ng mga tao ang patnubay ng Diyos, at puwede nilang gawin ang anumang gusto nila. Mukhang kapani-paniwala rin ang ideyang ito dahil ayon sa ilang pag-aaral, nababawasan na ang digmaan, krimen, sakit, at kahirapan. Ayon sa isang report: “Kaya bumubuti ang lagay ng sangkatauhan ay dahil nagpasiya na ang mga tao na pagandahin ang kalagayan ng mundo.” Ibig bang sabihin, nalulutas na ng mga tao ang mga problemang matagal nang nagpapahirap sa kanila? Para masagot iyan, suriin nating mabuti ang mga problemang iyon.
15. Ano ang nagpapakita na malala na ang mga problema ng sangkatauhan?
15 Digmaan: Dahil sa dalawang digmaang pandaigdig, tinatayang 60 milyon o mahigit pa ang namatay. Pero mula noon, hindi naman natutong umiwas sa digmaan ang sangkatauhan. Pagsapit ng 2015, umabot na nang mga 65 milyon ang nagsilikas dahil sa digmaan o pag-uusig. Tinatayang 12.4 milyon ang nagsilikas noong 2015 lang. Krimen: Totoong nabawasan ang ilang uri ng krimen sa ilang lugar, pero nakababahala ang pagtaas ng bilang ng mga krimen na gaya ng cybercrime, karahasan sa pamilya, at terorismo. Bukod diyan, marami ang naniniwala na lumala ang korapsiyon sa mundo. Hindi kayang alisin ng tao ang krimen. Sakit: May mga sakit na kontrolado na. Pero ayon sa isang report noong 2013, taon-taon, mahigit siyam na milyon katao na wala pang edad 60 ang namamatay dahil sa sakit sa puso, stroke, cancer, respiratory disease, at diabetes. Kahirapan: Ayon sa World Bank, sa Africa pa lang, tumaas ang bilang ng mga dumaranas ng matinding kahirapan mula 280 milyon noong 1990 at naging 330 milyon noong 2012.
16. (a) Bakit Kaharian lang ng Diyos ang makalulutas sa problema ng sangkatauhan? (b) Anong mga pagpapala ng Kaharian ang inihula ni Isaias at ng isang salmista?
16 Ang kasalukuyang sistema ng ekonomiya at politika ay hawak ng sakim na mga tao. Kaya maliwanag na hindi nila kayang alisin ang digmaan, krimen, sakit, at kahirapan. Kaharian lang ng Diyos ang makagagawa nito. Isip-isipin kung ano ang gagawin ni Jehova para sa mga tao. Digmaan: Aalisin ng Kaharian ng Diyos ang ugat ng digmaan, gaya ng kasakiman, korapsiyon, pagkamakabayan, huwad na relihiyon, at si Satanas mismo. (Awit 46:8, 9) Krimen: Tinuturuan na ng Kaharian ng Diyos ang milyon-milyon na mahalin at pagkatiwalaan ang isa’t isa, na di-kayang gawin ng alinmang gobyerno. (Isa. 11:9) Sakit: Bibigyan ni Jehova ng sakdal na kalusugan ang kaniyang mga lingkod. (Isa. 35:5, 6) Kahirapan: Aalisin ito ni Jehova at bibigyan niya ang kaniyang bayan ng kasaganaan sa espirituwal at pisikal, na mas mahalaga kaysa sa anumang kayamanan.—Awit 72:12, 13.
‘ALAMIN KUNG PAANO KAYO DAPAT MAGBIGAY NG SAGOT’
17. Paano mo tatanggihan ang makasanlibutang kaisipan?
17 Kung makarinig ka ng makasanlibutang ideya na parang kumukuwestiyon sa iyong pananampalataya, magsaliksik at alamin ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol dito at ipakipag-usap ito sa isang makaranasang kapatid. Pag-isipan kung bakit gusto ng mga tao ang ideyang iyon, kung bakit hindi tama iyon, at kung paano mo iyon mapasisinungalingan. Oo, puwede nating protektahan ang ating sarili laban sa makasanlibutang kaisipan kung susundin natin ang paalaalang ibinigay ni Pablo sa kongregasyon sa Colosas: “Patuloy na lumakad na may karunungan sa mga nasa labas. [Alamin] kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.”—Col. 4:5, 6.
^ par. 9 Marami ang hindi nakaaalam na ang ulat sa Juan 7:53–8:11 sa ilang Bibliya ay idinagdag lang at hindi kasama sa orihinal na kinasihang mga akda. Dahil sa ulat na ito, sinasabi ng ilan na tanging ang tao na walang kasalanan ang puwedeng humusga sa taong nagkasala ng pangangalunya. Pero ayon sa kautusang ibinigay ng Diyos sa bansang Israel: “Kung ang isang lalaki ay masumpungang sumisiping sa isang babaing pag-aari ng isang may-ari, silang dalawa ay dapat ngang mamatay na magkasama.”—Deut. 22:22.