Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sino ang mga Tagapagpala na binanggit ni Jesus noong gabi bago siya mamatay, at bakit sila nabigyan ng gayong titulo?
Noong gabi bago siya mamatay, pinayuhan ni Jesus ang mga apostol na huwag maghangad ng prominenteng posisyon sa gitna ng mga kapananampalataya nila. Sinabi niya: “Ang mga hari ng mga bansa ay namamanginoon sa kanila, at yaong mga nagtataglay ng awtoridad sa kanila ay tinatawag na mga Tagapagpala. Gayunman, hindi kayo dapat magkagayon.”—Luc. 22:25, 26.
Sino ang tinutukoy ni Jesus na mga Tagapagpala? Isinisiwalat ng mga inskripsiyon, mga barya, at mga akda na naging kaugalian na ng mga Griego at Romano na parangalan ang mga kilaláng tao at tagapamahala sa paggamit ng titulong Euergetes, o Tagapagpala. Pinararangalan sila dahil sa nagawa nilang paglilingkod sa publiko.
May ilang haring nagkaroon ng titulong Tagapagpala. Kasama rito ang mga tagapamahala ng Ehipto na nakilala bilang si Ptolemy III Euergetes (mga 247-222 B.C.E.) at si Ptolemy VIII Euergetes II (mga 147-117 B.C.E.). Naging titulo rin ito ng mga tagapamahala ng Roma na si Julio Cesar (48-44 B.C.E.) at si Augusto (31 B.C.E.–14 C.E.), pati na rin ang hari ng Judea na si Herodes na Dakila. Maaaring pinarangalan si Herodes dahil nag-angkat siya ng trigo para malutas ang taggutom na nararanasan ng kaniyang mga sakop at nagbigay ng damit sa nangangailangan.
Ayon sa Alemang iskolar ng Bibliya na si Adolf Deissmann, karaniwan nang ginagamit noon ang titulong Tagapagpala. Sinabi niya: “Sa sandaling panahon, makakakita ka kaagad ng mahigit sandaang halimbawa [ng paggamit ng titulong ito] sa mga inskripsiyon.”
Kung gayon, ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya sa mga alagad: “Gayunman, hindi kayo dapat magkagayon”? Sinasabi ba niyang hindi sila dapat magmalasakit sa mga tao, na hindi nababahala sa kapakanan ng mga ito? Hindi. Maaaring ang nasa isip ni Jesus ay ang motibo sa pagbibigay.
Noong panahon ni Jesus, ang mayayaman ay nag-iisponsor ng mga palabas at laro sa arena, nagpapatayo ng mga parke at templo, at sumusuporta sa katulad na mga aktibidad para magkaroon sila ng magandang reputasyon. Pero ginagawa nila iyon para hangaan sila, maging popular, o iboto ng mga tao. “Kahit totoo naman ang pagkabukas-palad ng ilan,” ang sabi ng isang reperensiyang akda, “madalas na ginagawa nila iyon para sa politikal na kapakinabangan nila.” Ang gayong ambisyoso at makasariling saloobin ang sinasabi ni Jesus na dapat iwasan ng mga tagasunod niya.
Makalipas ang ilang taon, idiniin ni apostol Pablo ang gayon ding mahalagang katotohanan tungkol sa pagkakaroon ng tamang motibo sa pagbibigay. Isinulat niya sa kaniyang mga kapananampalataya sa Corinto: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.”—2 Cor. 9:7.