Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 46

Iniingatan Mo Ba ang Iyong “Malaking Kalasag ng Pananampalataya”?

Iniingatan Mo Ba ang Iyong “Malaking Kalasag ng Pananampalataya”?

“Kunin . . . ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya.”​—EFE. 6:16.

AWIT 119 Dapat Magkaroon ng Pananampalataya

NILALAMAN *

1-2. (a) Ayon sa Efeso 6:16, bakit natin kailangan ang “malaking kalasag ng pananampalataya”? (b) Ano-anong tanong ang sasagutin natin?

MAYROON ka bang “malaking kalasag ng pananampalataya”? (Basahin ang Efeso 6:16.) Sigurado iyan. Gaya ng malaking kalasag na pumoprotekta sa katawan, pinoprotektahan ka ng iyong pananampalataya mula sa imoralidad, karahasan, at iba pang bagay na hindi ayon sa pamantayan ng Diyos.

2 Pero nabubuhay na tayo sa “mga huling araw,” at patuloy pang masusubok ang pananampalataya natin. (2 Tim. 3:1) Kaya paano mo masusuri ang iyong kalasag ng pananampalataya para matiyak na matibay ito? At paano mo ito mapapanatiling matibay? Sasagutin natin ang mga tanong na iyan.

SURIING MABUTI ANG KALASAG MO

Pagkatapos ng labanan, tinitiyak ng mga sundalo na maaayos ang sira ng kalasag nila (Tingnan ang parapo 3)

3. Ano ang ginagawa ng mga sundalo sa kalasag nila, at bakit?

3 Noong panahon ng Bibliya, kadalasan nang nababalutan ng katad ang kalasag ng mga sundalo. Nilalangisan ng mga sundalo ang kalasag nila para mas magtagal ang katad at hindi kalawangin ang metal na bahagi nito. Kung makita ng isang sundalo na may sira ang kalasag niya, titiyakin niyang maaayos ito para lagi siyang handa sa susunod na labanan. Paano natin iyan maiuugnay sa ating pananampalataya?

4. Bakit dapat mong suriin ang iyong kalasag ng pananampalataya, at paano mo iyan gagawin?

4 Gaya ng mga sundalo noon, dapat na regular mo ring suriin at alagaan ang iyong kalasag ng pananampalataya para lagi kang handa sa labanan. Bilang mga Kristiyano, may pakikipaglaban tayo sa espirituwal na paraan, at kabilang sa mga kalaban natin ang napakasasamang espiritu. (Efe. 6:10-12) Walang ibang puwedeng mag-alaga sa iyong kalasag ng pananampalataya kundi ikaw. Paano mo matitiyak na handa ka sa mga pagsubok? Una, manalangin para sa tulong ng Diyos. Pagkatapos, gamitin ang Salita ng Diyos para makita mo kung ano ang tingin niya sa iyo. (Heb. 4:12) Sinasabi ng Bibliya: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso, at huwag kang umasa sa sarili mong unawa.” (Kaw. 3:5, 6) Ngayon, pag-isipan ang mga desisyong ginawa mo kamakailan. Baka napaharap ka sa matinding problema sa pinansiyal. Naisip mo ba ang pangako ni Jehova sa Hebreo 13:5: “Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan”? Napatibay ba ng pangakong iyan ang pagtitiwala mo na tutulungan ka ni Jehova? Kung oo, ipinapakita niyan na pinapanatili mong matibay ang iyong kalasag ng pananampalataya.

5. Ano ang posible mong makita kapag sinuri mo ang iyong pananampalataya?

5 Baka magulat ka kapag sinuri mo ang iyong pananampalataya. Posibleng may makita kang kahinaan na hindi mo napapansin dati. Halimbawa, baka makita mong humina na pala ang pananampalataya mo dahil sa sobrang pag-aalala, mga kasinungalingan, at pagkasira ng loob. Kung humina na ang pananampalataya mo, paano mo ito mapoprotektahan para hindi ito tuluyang masira?

PROTEKTAHAN ANG SARILI MULA SA SOBRANG PAG-AALALA, KASINUNGALINGAN, AT PAGKASIRA NG LOOB

6. Ano ang ilang álalahanín na masasabing mabuti?

6 Masasabing mabuti ang ilang álalahanín. Halimbawa, gusto nating masiguro na napapaluguran natin si Jehova at si Jesus. (1 Cor. 7:32) Kapag nakagawa tayo ng malubhang kasalanan, nababagabag tayo at gusto nating ayusin ang kaugnayan natin sa Diyos. (Awit 38:18) Iniisip din natin kung paano natin mapapasaya ang asawa natin, maaalagaan ang ating pamilya, at matutulungan ang mga kapatid.—1 Cor. 7:33; 2 Cor. 11:28.

7. Ayon sa Kawikaan 29:25, bakit hindi tayo dapat matakot sa tao?

7 Sa kabilang banda, ang sobrang pag-aalala ay makakasira ng pananampalataya. Halimbawa, baka lagi tayong nag-aalala tungkol sa kakainin natin at isusuot. (Mat. 6:31, 32) Kaya baka magpokus tayo sa pagkakaroon ng materyal na mga bagay. Baka magkaroon pa nga tayo ng pag-ibig sa pera. Kung hahayaan nating mangyari iyan, hihina ang pananampalataya natin at masisira ang kaugnayan natin kay Jehova. (Mar. 4:19; 1 Tim. 6:10) Ang isa pa ay ang sobrang pag-aalala sa iniisip ng iba. Baka dahil sa takot sa pang-iinsulto at pag-uusig, maikompromiso natin ang katapatan natin kay Jehova. Para maiwasan iyan, dapat tayong humiling kay Jehova ng pananampalataya at lakas ng loob para maharap ang hamon.—Basahin ang Kawikaan 29:25; Luc. 17:5.

(Tingnan ang parapo 8) *

8. Ano ang dapat nating gawin sa mga kasinungalingan tungkol kay Jehova at sa mga kapatid?

8 Ginagamit ni Satanas, na “ama ng kasinungalingan,” ang mga naimpluwensiyahan niya para magkalat ng kasinungalingan tungkol kay Jehova at sa mga kapatid. (Juan 8:44) Halimbawa, nagkakalat ng kasinungalingan ang mga apostata at pinipilipit nila ang katotohanan tungkol sa organisasyon ni Jehova gamit ang mga website, palabas sa TV, at iba pa. Kasama ito sa mga “nagliliyab na palaso” ni Satanas. (Efe. 6:16) Ano ang gagawin natin sa ganitong mga kasinungalingan? Hindi natin papansinin ang mga ito! Bakit? Dahil nagtitiwala tayo kay Jehova at sa mga kapatid natin. Ang totoo, hindi tayo nakikipag-ugnayan sa mga apostata. Hinding-hindi tayo makikipagtalo sa kanila, kahit pa para lang malaman ang iniisip nila.

9. Ano ang puwedeng maging epekto sa atin ng pagkasira ng loob?

9 Nakakapagpahina ng pananampalataya ang pagkasira ng loob. Nasisiraan tayo ng loob kapag nagkakaproblema tayo. Siyempre, hindi naman natin puwedeng bale-walain ang mga problema natin. Pero hindi rin tamang isipin ito nang isipin, kasi baka makalimutan natin ang magagandang pangako ni Jehova sa atin. (Apoc. 21:3, 4) At baka sa sobrang pagkasira ng loob, maubos ang lakas natin at sumuko tayo. (Kaw. 24:10) Pero puwede nating maiwasan iyan.

10. Ano ang natutuhan mo sa sulat ng isang sister?

10 Pansinin kung ano ang ginawa ng isang sister sa United States para mapanatiling matibay ang pananampalataya niya habang nag-aalaga sa asawa niyang may malubhang sakit. Sumulat siya sa punong-tanggapan: “Nakaka-stress at nakakasira ng loob kung minsan ang sitwasyon namin, pero nananatiling malinaw sa isip namin ang pag-asa natin. Talagang nagpapasalamat ako sa mga impormasyong natatanggap namin para patibayin ang aming pananampalataya at palakasin kami. Kailangan talaga namin ng payo at pampatibay. Nakakapagpatuloy kami dahil dito at natitiis namin ang mga pagsubok na ibinabato sa amin ni Satanas.” Nakita natin sa sinabi ng sister na kaya nating mapagtagumpayan ang pagkasira ng loob! Paano? Laging isipin na ang mga pagsubok ay galing kay Satanas. Magtiwalang papatibayin ka ni Jehova. At pahalagahan ang espirituwal na pagkaing inilalaan niya.

Iniingatan mo ba ang iyong “malaking kalasag ng pananampalataya”? (Tingnan ang parapo 11) *

11. Para makita kung matibay ang pananampalataya natin, anong mga tanong ang puwede nating pag-isipan?

11 Kailangan mo bang patibayin ang iyong kalasag ng pananampalataya? Nitong nakaraang mga buwan, naiwasan mo ba ang sobrang pag-aalala? Naiwasan mo bang makinig at makipagtalo sa mga apostata tungkol sa mga kasinungalingang ikinakalat nila? Nalabanan mo ba ang pagkasira ng loob? Kung oo, matibay ang pananampalataya mo. Pero dapat pa rin tayong mag-ingat dahil may iba pang sandatang ginagamit si Satanas. Talakayin natin ngayon ang isa sa mga iyan.

PROTEKTAHAN ANG SARILI LABAN SA MATERYALISMO

12. Ano ang puwedeng mangyari sa atin dahil sa materyalismo?

12 Dahil sa materyalismo, puwede tayong mawala sa pokus at mapabayaan natin ang ating kalasag ng pananampalataya. Sinabi ni apostol Pablo: “Hindi magnenegosyo ang sinumang sundalo kung gusto niyang makuha ang pabor ng nagpasok sa kaniya.” (2 Tim. 2:4) Sa katunayan, hindi puwedeng magkaroon ng ibang trabaho ang isang sundalong Romano. Ano ang puwedeng mangyari kung lalabag siya sa utos na iyan?

13. Bakit hindi dapat magnegosyo ang isang sundalo?

13 Pag-isipan ito. Isang umaga, habang nagsasanay sa paggamit ng espada ang isang grupo ng mga sundalo, wala roon ang isa sa mga kasamahan nila. Nasa bayan pala ang sundalong iyon at nagbebenta ng pagkain. Pagdating ng gabi, habang tinitingnan ng iba ang kondisyon ng kanilang kasuotang pandigma at pinapatalas ang espada nila, abalang-abala naman ang sundalo ring iyon sa paghahanda ng ibebenta niya sa susunod na araw. Pero kinabukasan, biglang umatake ang kalaban. Sino kaya sa mga sundalo ang mas handa sa labanan at makakapagpasaya sa kumandante niya? Sino ang pipiliin mong makasama sa labanan—ang sundalo na nakapaghanda o ang sundalo na wala sa pokus?

14. Bilang mga sundalo ni Kristo, ano ang mahalaga sa atin?

14 Gaya ng mahuhusay na sundalo, hindi nawawala ang pokus natin sa pangunahin nating tunguhin—ang mapasaya ang ating mga Kumandante, si Jehova at si Kristo. Para sa atin, mas mahalaga iyan kaysa sa anumang maiaalok ng sanlibutan ni Satanas. Tinitiyak natin na may panahon tayo at lakas para mapaglingkuran si Jehova at para mapanatiling matibay ang ating kalasag ng pananampalataya at ang iba pang bahagi ng ating espirituwal na kasuotang pandigma.

15. Anong babala ang ibinigay sa atin ni Pablo, at bakit?

15 Dapat tayong manatiling alerto! Bakit? Nagbabala si apostol Pablo na ‘ang mga determinadong yumaman ay maililihis sa pananampalataya.’ (1 Tim. 6:9, 10) Ipinapakita ng pananalitang ‘maililihis’ na posible tayong mawala sa pokus kung sisikapin nating magkaroon ng mga bagay na hindi naman natin kailangan. Baka tumubo sa puso natin ang “maraming walang-saysay at nakapipinsalang pagnanasa.” Dapat nating tandaan na ginagamit ni Satanas ang mga pagnanasang iyan para pahinain ang pananampalataya natin.

16. Anong mga tanong ang dapat nating pag-isipan pagkatapos pag-aralan ang ulat sa Marcos 10:17-22?

16 Baka marami tayong kayang bilhin. Mali bang bilhin ang mga bagay na gusto natin pero hindi naman natin kailangan? Hindi naman. Pero pag-isipan ang mga ito: Kahit na kaya nating bilhin ang isang bagay, mayroon ba talaga tayong panahon at lakas para gamitin at alagaan iyon? Hindi kaya masyadong mapamahal sa atin ang mga pag-aari natin? Posible kayang dahil sa pagmamahal sa mga pag-aari natin, magaya tayo sa lalaki na tumanggi sa imbitasyon ni Jesus na paglingkuran nang higit ang Diyos? (Basahin ang Marcos 10:17-22.) Di-hamak na mas mabuting mamuhay tayo nang simple at gamitin ang ating panahon at lakas sa paggawa ng kalooban ng Diyos!

HAWAKANG MABUTI ANG IYONG KALASAG NG PANANAMPALATAYA

17. Ano ang hindi natin dapat kalimutan?

17 Huwag nating kakalimutang nasa isang digmaan tayo at dapat na handa tayong makipaglaban sa bawat araw. (Apoc. 12:17) Hindi puwedeng ang mga kapatid ang magdala ng ating kalasag ng pananampalataya. Dapat na tayo mismo ang humawak nang mabuti sa sarili nating kalasag.

18. Bakit hinahawakang mabuti ng mga sundalo noon ang kalasag nila?

18 Noon, pinaparangalan ang isang sundalo dahil sa katapangan sa pakikipagdigma. Pero mapapahiya siya kung uuwi siyang walang kalasag. Sinabi ng Romanong istoryador na si Tacitus: “Napakalaking kahihiyan para sa isang sundalo na maiwanan ang kaniyang kalasag.” Iyan ang isang dahilan kung bakit hinahawakang mabuti ng mga sundalo ang kalasag nila.

Hinahawakang mabuti ng isang sister ang kaniyang malaking kalasag ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagbabasa ng Salita ng Diyos, regular na pagdalo sa pulong, at lubusang pakikibahagi sa ministeryo (Tingnan ang parapo 19)

19. Paano natin hahawakang mabuti ang ating kalasag ng pananampalataya?

19 Hinahawakan nating mabuti ang ating kalasag ng pananampalataya sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa pulong at pagsasabi sa iba ng tungkol sa pangalan ni Jehova at sa kaniyang Kaharian. (Heb. 10:23-25) Binabasa rin natin ang Salita ng Diyos araw-araw at nananalangin tayo kay Jehova na tulungan tayong sundin ang sinasabi nito. (2 Tim. 3:16, 17) Sa gayon, walang anumang sandata si Satanas na permanenteng makakapinsala sa atin. (Isa. 54:17) Poprotektahan tayo ng ating “malaking kalasag ng pananampalataya.” Makakapanindigan tayong kasama ng mga kapatid. Mananalo tayo sa pakikipaglaban natin araw-araw. At higit sa lahat, magiging karangalan nating mapabilang sa panig ni Jesus kapag nanalo na siya sa pakikipagdigma niya kay Satanas at sa mga kampon nito.—Apoc. 17:14; 20:10.

AWIT 118 Palakasin Mo ang Aming Pananampalataya

^ par. 5 Kailangan ng mga sundalo ng kalasag para maprotektahan sila. Ang pananampalataya natin ay gaya ng isang kalasag. At gaya ng isang literal na kalasag, kailangan natin itong ingatan para manatili itong matibay. Tatalakayin sa artikulong ito kung ano ang puwede nating gawin para matiyak na matibay ang ating “malaking kalasag ng pananampalataya.”

^ par. 58 LARAWAN: Nang may lumabas na balita sa TV tungkol sa mga apostata na nagkakalat ng kasinungalingan tungkol sa mga Saksi ni Jehova, pinatay agad ng pamilyang Saksi ang TV.

^ par. 60 LARAWAN: Pagkatapos, sa pampamilyang pagsamba nila, ginamit ng ama ang isang ulat sa Bibliya para patibayin ang pananampalataya ng pamilya niya.