Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Noong sinaunang panahon, talaga bang may naghahasik ng panirang-damo sa bukid ng iba?

Ang kopyang ito ng Digest ni Emperador Justinian noong 1468 ay isa lang sa maraming rekord ng legal na mga usapin noong sinaunang panahon

SA Mateo 13:24-26, sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ng langit ay naging tulad ng isang tao na naghasik ng mainam na binhi sa kaniyang bukid. Habang natutulog ang mga tao, ang kaniyang kaaway ay dumating at naghasik ng mga panirang-damo sa gitna ng trigo, at umalis. Nang sumibol ang dahon at magluwal ng bunga, nang magkagayon ay lumitaw rin ang mga panirang-damo.” Kinukuwestiyon ng iba’t ibang manunulat kung dapat ituring na talagang nangyayari ang ilustrasyong ito. Pero ayon sa sinaunang mga legal na akdang Romano, dapat nga itong ituring na totoo.

“Ang paghahasik ng darnel [panirang-damo] bilang paghihiganti . . . ay isang krimen ayon sa batas ng mga Romano. Ang pagkakaroon ng ganitong batas ay nagpapahiwatig na hindi ito bihirang mangyari,” ang sabi ng isang diksyunaryo sa Bibliya. Binanggit ng iskolar na si Alastair Kerr na noong 533 C.E., inilathala ng Romanong emperador na si Justinian ang kaniyang Digest, isang sumaryo ng batas Romano at mga pagsipi sa mga dalubhasa sa batas na nabuhay noong yugtong klasikal ng batas (mga 100-250 C.E.). Ayon sa akdang ito (Digest, 9.2.27.14), binanggit ng dalubhasa sa batas na si Ulpian ang isang kasong hinawakan ng estadistang Romano na si Celsus na nabuhay noong ikalawang siglo. May naghasik ng panirang damo sa bukid ng iba kung kaya nasira ang ani. Makikita sa Digest ang legal na mga solusyon para sa may-ari, o sa magsasaka, para makakuha ng bayad-pinsala mula sa may kagagawan nito.

Ang gayong paninira ng ari-arian ng iba na iniulat noong sinaunang panahon sa Imperyo ng Roma ay nagpapakitang talagang nangyayari ang sitwasyong inilarawan ni Jesus.

Noong unang siglo, gaano kalaking kalayaan ang ibinibigay ng Roma sa mga Judiong awtoridad sa Judea?

NOONG unang siglo, ang Judea ay pinamamahalaan ng mga Romano, na kinakatawanan ng isang gobernador na may hukbo sa ilalim ng kaniyang pangangasiwa. Ang kaniyang pangunahing pananagutan ay ang mangolekta ng buwis para sa Roma at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan. Interesado ang mga Romano sa pagsugpo ng krimen at pagpaparusa sa mga nanggugulo. Maliban dito, kadalasang ipinauubaya na ng mga Romano sa lokal na mga lider ang pang-araw-araw na pangangasiwa sa probinsiya.

Isang pagdinig sa Judiong Sanedrin

Ang Sanedrin ang nagsisilbing korte suprema ng mga Judio at konsehong nagpapasiya tungkol sa mga usaping may kinalaman sa kautusang Judio. May mabababang hukuman sa buong Judea. Malamang na ang mga hukumang ito ang humahawak ng karamihan sa mga kasong sibil at kriminal nang hindi pinakikialaman ng mga tagapamahalang Romano. May isang bagay lang na hindi ipinahihintulot sa mga hukumang Judio. Ito ay ang paglalapat ng kamatayan sa mga kriminal—na para sa mga Romano ay karapatan lang nila. Ang isang kilalang halimbawa ng paglabag dito ay nang litisin ng mga miyembro ng Sanedrin si Esteban at ipag-utos na batuhin siya hanggang sa mamatay.—Gawa 6:8-15; 7:54-60.

Kaya naman, malawak ang kapangyarihan ng Judiong Sanedrin. Pero, “ang pinakamatinding restriksiyon nito,” ang sabi ng iskolar na si Emil Schürer, “ay na anumang oras, puwedeng kumilos ang mga Romanong awtoridad nang walang pahintulot, gaya ng ginagawa nila kapag may hinihinalang politikal na paglabag.” Isang halimbawa nito ay nangyari sa ilalim ng pangangasiwa ng kumandante ng militar na si Claudio Lisias, na dumakip kay apostol Pablo na isang mamamayang Romano.—Gawa 23:26-30.