Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Dala ng Katotohanan ay ‘Tabak, Hindi Kapayapaan’

Ang Dala ng Katotohanan ay ‘Tabak, Hindi Kapayapaan’

“Huwag ninyong isipin na pumarito ako upang maglagay ng kapayapaan sa lupa; pumarito ako upang maglagay, hindi ng kapayapaan, kundi ng tabak.”—MAT. 10:34.

AWIT: 125, 135

1, 2. (a) Anong kapayapaan ang maaari nating tamasahin ngayon? (b) Bakit hindi posible ang ganap na kapayapaan sa panahong ito? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

GUSTO nating lahat na mamuhay nang payapa at hindi nababalisa. Kaya nagpapasalamat tayo dahil sa “kapayapaan ng Diyos,” isang uri ng kapanatagan na ibinibigay ni Jehova at nag-iingat sa ating isip at puso. (Fil. 4:6, 7) At dahil nag-alay tayo kay Jehova, mayroon din tayong “kapayapaan sa Diyos,” isang mabuting kaugnayan sa kaniya.—Roma 5:1.

2 Pero hindi pa panahon para pairalin ng Diyos ang ganap na kapayapaan. Ang mga huling araw na ito ay punô ng alitan, at marami ang mahilig makipagtalo. (2 Tim. 3:1-4) Bilang mga Kristiyano, kailangan nating labanan si Satanas at ang huwad na mga turo niya. (2 Cor. 10:4, 5) Pero malamang na ang pinakamatinding ikinababalisa natin ay ang di-sumasampalatayang mga kamag-anak natin. Baka tinutuya nila ang ating paniniwala, pinagbibintangan tayong sumisira ng pamilya, o pinagbabantaan tayong itakwil kung hindi natin tatalikuran ang ating pananampalataya. Ano ang dapat na maging pananaw natin sa pagsalansang ng mga kapamilya? Paano natin haharapin ang mga hamon na kaakibat nito?

TAMANG PANANAW SA PAGSALANSANG NG MGA KAPAMILYA

3, 4. (a) Ano ang epekto ng mga turo ni Jesus? (b) Kailan lalong nagiging mahirap ang pagsunod kay Jesus?

3 Alam ni Jesus na magkakabaha-bahagi ang mga tao dahil sa mga turo niya. Ang mga magpapasiyang sumunod sa kaniya ay mangangailangan ng lakas ng loob dahil sasalansangin sila. Ang pagsalansang na ito ay makaaapekto sa kapayapaan ng magkakapamilya. Sinabi ni Jesus: “Huwag ninyong isipin na pumarito ako upang maglagay ng kapayapaan sa lupa; pumarito ako upang maglagay, hindi ng kapayapaan, kundi ng tabak. Sapagkat pumarito ako upang magpangyari ng pagkakabaha-bahagi, ng lalaki laban sa kaniyang ama, at ng anak na babae laban sa kaniyang ina, at ng kabataang asawang babae laban sa kaniyang biyenang babae. Tunay nga, ang magiging mga kaaway ng isang tao ay mga tao sa kaniyang sariling sambahayan.”—Mat. 10:34-36.

4 Nang sabihin ni Jesus na “Huwag ninyong isipin na pumarito ako upang maglagay ng kapayapaan,” gusto niyang isaalang-alang ng mga tagapakinig niya ang magiging resulta ng pagsunod sa kaniya. Puwedeng magdulot ng pagkakabaha-bahagi ang kaniyang mensahe. Siyempre pa, ang tunguhin ni Jesus ay ipahayag ang katotohanan tungkol sa Diyos, hindi ang pagwatak-watakin ang magkakapamilya. (Juan 18:37) Pero mas mahirap manghawakan sa mga turo ni Kristo kung tinatanggihan ng ating malalapít na kaibigan o kapamilya ang katotohanan.

5. Ano ang naranasan ng mga tagasunod ni Jesus?

5 Sinabi ni Jesus na ang pagsalansang ng mga kapamilya ay kasama sa mga dapat batahin ng kaniyang mga tagasunod. (Mat. 10:38) Para maging karapat-dapat kay Kristo, kinailangang batahin ng mga alagad niya ang panunuya o pagtatakwil pa nga ng mga kapamilya. Pero mas malaki ang natamo kaysa sa naiwala nila.—Basahin ang Marcos 10:29, 30.

6. Ano ang dapat nating tandaan kung salansang ang mga kapamilya natin sa ating pagsamba kay Jehova?

6 Kahit sinasalansang tayo ng mga kamag-anak natin, mahal pa rin natin sila. Pero tandaan na dapat mauna ang pag-ibig natin sa Diyos at kay Kristo. (Mat. 10:37) Tandaan din natin na gagamitin ni Satanas ang pagmamahal natin sa ating mga kapamilya para sirain ang katapatan natin sa Diyos. Pag-usapan natin ang ilang mahihirap na sitwasyon may kinalaman sa ating mga kapamilya at kung paano natin haharapin ang mga ito.

DI-SUMASAMPALATAYANG ASAWA

7. Ano ang dapat na maging pananaw ng mga Kristiyanong may di-sumasampalatayang asawa sa kanilang sitwasyon?

7 Sinasabi ng Bibliya na ang mga nag-aasawa ay “magkakaroon ng kapighatian sa kanilang laman.” (1 Cor. 7:28) Kung hindi kapananampalataya ang asawa mo, baka mas maraming stress at kabalisahan sa pagsasama ninyo. Pero tingnan ang iyong sitwasyon ayon sa pananaw ni Jehova. Kung ayaw maglingkod ng asawa mo kay Jehova, hindi ito makatuwirang dahilan para hiwalayan o diborsiyuhin siya. (1 Cor. 7:12-16) At kahit hindi nangunguna sa espirituwal na mga bagay ang iyong di-sumasampalatayang asawang lalaki, kailangan mo pa rin siyang igalang dahil siya ang ulo ng pamilya. Dapat ding magpakita ng mapagsakripisyong pag-ibig at magiliw na pagmamahal ang Kristiyanong asawang lalaki sa kaniyang di-sumasampalatayang misis.—Efe. 5:22, 23, 28, 29.

8. Ano ang mga puwede mong itanong sa sarili kung nililimitahan ng asawa mo ang iyong pagsamba?

8 Pero paano kung nililimitahan ng asawa mo ang iyong pagsamba? Halimbawa, isang sister ang sinabihan ng kaniyang mister na puwede lang siyang makibahagi sa ministeryo sa ilang araw ng sanlinggo. Kung ganiyan ang sitwasyon mo, tanungin ang sarili: ‘Pinahihinto ba ako ng asawa ko sa pagsamba kay Jehova? Kung hindi naman, puwede ko bang pagbigyan ang kahilingan niya?’ Kung magiging makatuwiran ka, maiiwasan mo ang di-kinakailangang problema sa inyong pagsasama.—Fil. 4:5.

9. Paano matuturuan ng mga Kristiyano ang kanilang mga anak na parangalan ang kanilang di-sumasampalatayang magulang?

9 Mas mahirap ang pagsasanay sa mga anak kung hindi kapananampalataya ang asawa mo. Halimbawa, kailangan mong turuan ang iyong mga anak na sundin ang utos ng Bibliya: “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina.” (Efe. 6:1-3) Pero paano kung hindi sinusunod ng iyong asawa ang matataas na pamantayan ng Bibliya? Makapagpapakita ka ng mabuting halimbawa kung bibigyang-dangal mo ang iyong asawa. Isipin ang kaniyang magagandang katangian at pahalagahan ang mabubuting bagay na ginagawa niya. Huwag magsalita ng di-maganda tungkol sa iyong asawa sa harap ng mga anak ninyo. Sa halip, ipaliwanag sa kanila na ang bawat tao ay kailangang magpasiya kung maglilingkod siya kay Jehova o hindi. Kung pinararangalan ng mga anak ang kanilang di-sumasampalatayang magulang, puwede nila siyang maakay sa tunay na pagsamba.

Ituro sa iyong mga anak ang katotohanan sa Bibliya kapag may pagkakataon (Tingnan ang parapo 10)

10. Sa sambahayang nababahagi dahil sa relihiyon, paano maituturo ng mga magulang na Kristiyano ang katotohanan sa kanilang mga anak?

10 Gusto ng ilang di-sumasampalatayang asawa na magdiwang ng mga paganong selebrasyon ang kanilang mga anak o maturuan ang mga ito ng paniniwala ng huwad na relihiyon. Baka pagbawalan ng ilang mister ang kanilang asawang Kristiyano na turuan ang mga bata tungkol sa Bibliya. Sa kabila nito, sisikapin pa rin ng sister na ituro ang katotohanan sa kanilang mga anak. (Gawa 16:1; 2 Tim. 3:14, 15) Halimbawa, baka pagbawalan siya ng kaniyang mister na magdaos ng pormal na pag-aaral sa Bibliya sa kanilang menor-de-edad na mga anak o isama ang mga ito sa Kristiyanong pagpupulong. Igagalang ng sister ang pasiya ng kaniyang mister, pero puwede pa rin niyang ipakipag-usap sa kaniyang mga anak ang pananampalataya niya kapag may pagkakataon. Sa ganitong paraan, mabibigyan niya sila ng pagsasanay sa moral at ng kaalaman tungkol kay Jehova. (Gawa 4:19, 20) Sa bandang huli, ang mga anak ang kailangang gumawa ng sariling desisyon kung maglilingkod sila kay Jehova o hindi.—Deut. 30:19, 20. *

MGA KAMAG-ANAK NA SALANSANG

11. Ano ang maaaring pagmulan ng problema natin sa mga kamag-anak na di-Saksi?

11 Noong una, baka hindi natin sinabi sa mga kapamilya natin na nakikipag-aral tayo sa mga Saksi ni Jehova. Pero habang tumitibay ang ating pananampalataya, nakita natin na dapat nating ipaalám sa kanila ang ating mga paniniwala. (Mar. 8:38) Kung dahil sa iyong paninindigan ay nagkakaproblema ka sa mga kamag-anak na di-Saksi, tingnan ang ilang bagay na puwede mong gawin para mabawasan ang tensiyon at makapanatili ka pa ring tapat kay Jehova.

12. Bakit tayo sinasalansang ng mga kamag-anak na di-sumasampalataya? Pero paano tayo makapagpapakita ng empatiya sa kanila?

12 Magpakita ng empatiya sa mga kamag-anak na di-sumasampalataya. Tuwang-tuwa tayo dahil sa mga katotohanang natututuhan natin sa Bibliya. Pero baka iniisip ng mga kamag-anak natin na nalinlang tayo o naging miyembro ng isang kulto. Baka inaakala nila na hindi na natin sila mahal dahil hindi na tayo nagdiriwang ng mga kapistahan kasama nila. Baka natatakot pa nga sila na parurusahan tayo ng Diyos pagkamatay natin. Kaya naman pagpakitaan natin sila ng empatiya—unawain natin ang kanilang nadarama at pakinggang mabuti ang kanilang ikinababahala. (Kaw. 20:5) Sinikap ni apostol Pablo na unawain ang “lahat ng uri ng tao” para maibahagi niya sa kanila ang mabuting balita. Makatutulong sa atin kung tutularan natin siya.—1 Cor. 9:19-23.

13. Paano tayo dapat makipag-usap sa di-sumasampalatayang mga kamag-anak?

13 Magsalita nang may kahinahunan. “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob,” ang sabi ng Bibliya. (Col. 4:6) Hingin natin kay Jehova ang kaniyang banal na espiritu para maipakita natin ang bunga nito kapag nakikipag-usap sa mga kamag-anak natin. Hindi tayo dapat makipagtalo tungkol sa kanilang huwad na mga paniniwala. Kung nasaktan nila tayo dahil sa kanilang sinabi o ginawa, matutularan natin ang halimbawa ng mga apostol. Isinulat ni Pablo: “Kapag nilalait, kami ay nagpapala; kapag pinag-uusig, kami ay nagtitiis; kapag sinisiraang-puri, kami ay namamanhik [o, sumasagot nang may kahinahunan].”—1 Cor. 4:12, 13.

14. Ano ang magagandang resulta ng mainam na paggawi?

14 Panatilihin ang mainam na paggawi. Mahalaga ang mahinahong pakikipag-usap, pero mas mahalaga ang mabuting paggawi kapag nakikitungo sa mga kamag-anak na salansang. (Basahin ang 1 Pedro 3:1, 2, 16.) Sa pamamagitan ng iyong halimbawa, hayaang makita ng iyong mga kamag-anak na ang mga Saksi ni Jehova ay mabubuting asawa at magulang, at namumuhay nang malinis at masaya. Pero kahit hindi tanggapin ng mga kamag-anak natin ang katotohanan, masaya tayo dahil alam nating napalulugdan natin si Jehova dahil sa ating katapatan.

15. Paano natin mapaghahandaan ang mga sitwasyon na maaaring mauwi sa di-pagkakaunawaan?

15 Magplano nang patiuna. Isipin ang mga sitwasyon na maaaring mauwi sa di-pagkakaunawaan, at paghandaan ang mga ito. (Kaw. 12:16, 23) Ikinuwento ng isang sister sa Australia: “Napakasalansang sa katotohanan ng aking biyenang lalaki. Kaya bago namin siya tawagan para kumustahin, nananalangin kaming mag-asawa na tulungan kami ni Jehova na huwag ding magalit kapag nagagalit siya. Naghahanda kami ng magagandang paksa na mapag-uusapan. At para maiwasan ang mahahabang usapan na madalas mauwi sa pagtatalo sa relihiyon, nagtatakda kami ng oras kung gaano katagal kami makikipag-usap.”

16. Ano ang makatutulong sa iyo kung nakokonsensiya kang hindi mapalugdan ang iyong mga kamag-anak?

16 Siyempre pa, hindi mo maiiwasan ang lahat ng di-pagkakasundo sa iyong di-sumasampalatayang mga kamag-anak. Kaya baka makonsensiya ka dahil mahal na mahal mo sila at gusto mo silang palugdan. Kung ganito ang nadarama mo, unahin ang pagkamatapat kay Jehova bago ang pag-ibig mo sa iyong mga kapamilya. Baka sakaling makita ng mga kamag-anak mo na napakahalaga ng pagsunod sa katotohanang nasa Bibliya. Pero tandaan na hindi mo mapipilit ang iba na tanggapin ang katotohanan. Sa halip, hayaan mong makita nila na nakatulong sa iyo ang pagsunod sa mga daan ni Jehova. Iniaalok din sa kanila ng ating maibiging Diyos ang pagkakataong pumili kung maglilingkod sila sa kaniya.—Isa. 48:17, 18.

KAPAG TINALIKURAN NG ISANG KAPAMILYA SI JEHOVA

17, 18. Ano ang makatutulong sa iyo kapag tinalikuran ng isang kapamilya si Jehova?

17 Kapag may kapamilya tayong natiwalag o kusang humiwalay sa kongregasyon, para tayong sinaksak ng tabak. Paano mo makakayanan ang sakit na dulot nito?

18 Ipagpatuloy ang iyong espirituwal na rutin. Patibayin ang iyong sarili sa pamamagitan ng regular na pagbabasa ng Bibliya, paghahanda at pagdalo sa Kristiyanong pagpupulong, pakikibahagi sa ministeryo, at pananalangin para sa lakas na makapagbata. (Jud. 20, 21) Pero paano kung wala sa puso ang ginagawa mo, at parang napipilitan ka lang? Huwag sumuko! Ang mabuting espirituwal na rutin ay tutulong sa iyo na makontrol ang iyong isip at damdamin. Kuning halimbawa ang manunulat ng Awit 73. Nagkaroon siya ng maling pananaw at lubhang nabalisa, pero naituwid niya ang kaniyang pag-iisip nang pumasok siya sa lugar ng pagsamba sa Diyos. (Awit 73:16, 17) Magagawa mo rin iyan kung maglilingkod ka nang tapat kay Jehova.

19. Paano ka makapagpapakita ng paggalang sa kaayusan ni Jehova sa pagdidisiplina?

19 Igalang ang pagdidisiplina ni Jehova. Bagaman masakit ito sa simula, ang kaayusan ng Diyos sa pagdidisiplina ay para sa ikabubuti ng lahat, pati na ng nagkasala. (Basahin ang Hebreo 12:11.) Halimbawa, inuutusan tayo ni Jehova na “tigilan ang pakikihalubilo” sa di-nagsisising mga nagkasala. (1 Cor. 5:11-13) Kahit masakit ito at mahirap gawin, dapat nating iwasang makipag-ugnayan sa natiwalag na kapamilya sa pamamagitan ng telepono, text message, liham, e-mail, o social media.

20. Anong pag-asa ang hindi dapat mawala sa atin?

20 Huwag mawalan ng pag-asa. “Inaasahan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay,” kaya umaasa tayo na babalik kay Jehova ang mga tumalikod sa kaniya. (1 Cor. 13:7) Kung may nakikita kang katibayan na nagbabago na ang isang malapít na kapamilya, puwede mong ipanalangin na magkaroon sana siya ng lakas mula sa Bibliya para tugunin niya ang panawagan ni Jehova: “Manumbalik ka sa akin.”—Isa. 44:22.

21. Ano ang dapat mong gawin kung nababahagi ang inyong pamilya dahil sa pagsunod mo kay Jesus?

21 Sinabi ni Jesus na kung mas mahal natin ang sinumang tao kaysa sa kaniya, hindi tayo magiging karapat-dapat sa kaniya. Pero nakatitiyak si Jesus na ang kaniyang mga alagad ay may lakas ng loob na manatiling matapat sa kaniya sa kabila ng pagsalansang ng mga kapamilya. Kung ang pagsunod mo kay Jesus ay nagdala ng “tabak” sa inyong pamilya, manalig na tutulungan ka ni Jehova na makapagbata at magtagumpay. (Isa. 41:10, 13) Magiging masaya ka dahil nalulugod sa iyo si Jehova at si Jesus, at gagantimpalaan nila ang iyong katapatan.

^ par. 10 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pagsasanay sa mga anak sa sambahayang nababahagi dahil sa relihiyon, tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan, Agosto 15, 2002.