TALAMBUHAY
Pinagpapala ang Tumutupad sa Hinihiling ni Jehova
“Puwede kami!” Iyan ang sagot namin ng mister ko, gayundin ni Kuya at ng asawa niya, nang imbitahan kaming gawin ang isang atas. Bakit namin ito tinanggap, at paano kami pinagpala ni Jehova? Pero bago iyan, ikukuwento ko muna sa inyo ang tungkol sa aking sarili.
IPINANGANAK ako noong 1923 sa Hemsworth, isang bayan sa Yorkshire, England. Mayroon akong kuya, si Bob. Noong mga siyam na taóng gulang ako, si Tatay, na galít sa pagpapaimbabaw ng mga relihiyon, ay nakakuha ng ilang libro na naglalantad sa huwad na relihiyon. Talagang nagustuhan niya ang nabasa niya. Makalipas ang ilang taon, dumalaw si Bob Atkinson sa bahay namin at nagpatugtog sa ponograpo ng isang plaka ng pahayag ni Brother Rutherford. Nakita namin na galing din ito sa grupong naglathala ng mga librong nabasa ni Tatay! Inimbitahan ng mga magulang namin si Brother Atkinson na maghapunan kasama namin gabi-gabi para sagutin ang aming mga tanong sa Bibliya. Niyaya niya kaming dumalo sa mga pulong sa bahay ng isang brother na ilang kilometro ang layo mula sa amin. Regular na kaming dumadalo, at isang maliit na kongregasyon ang nabuo sa Hemsworth. Di-nagtagal, nagpapatulóy na kami ng mga zone servant (tinatawag ngayon na mga tagapangasiwa ng sirkito) at nag-iimbita ng mga payunir mula sa kalapít na mga kongregasyon para magsalusalo. Talagang nakatulong sa akin ang pakikipagsamahan sa kanila.
Nagtayo ng negosyo ang pamilya namin, pero sinabi ni Tatay kay Kuya, “Kung gusto mong magpayunir, isasara natin ito.” Sumang-ayon si Kuya Bob, at umalis siya sa amin para magpayunir sa edad na 21. Pagkaraan ng dalawang taon, nagpayunir naman ako noong 16 anyos ako. Maliban kung Sabado at Linggo, madalas akong mangaral nang mag-isa, gamit ang testimony card at ponograpo. Pero binigyan ako ni Jehova ng isang masulong na Bible study. Nang maglaon, maraming kapamilya ng estudyanteng iyon ang tumanggap sa katotohanan. Nang sumunod na taon, naatasan ako bilang special pioneer, kasama ni Mary Henshall. Ipinadala kami sa isang unassigned territory sa lalawigan ng Cheshire.
Kalagitnaan na ng Digmaang Pandaigdig II, at ang mga kababaihan ay inutusang tumulong sa digmaan. Bilang mga buong-panahong ministro at special pioneer, inaasahan namin na bibigyan din kami ng eksemsiyon gaya ng ibang relihiyosong ministro. Pero hindi pumayag ang korte, kaya nasentensiyahan ako na mabilanggo nang 31 araw. Nang sumunod na taon, noong 19 anyos na ako, nagparehistro ako bilang isa na tumatangging maglingkod sa militar dahil sa budhi. Ipinatawag ako sa dalawang korte, pero Isa. 41:10, 13.
na-dismiss ang kaso ko. Sa karanasan kong ito, alam kong tinulungan ako ng banal na espiritu, at hinawakan ni Jehova ang aking kamay para tumibay ako at lumakas.—ISANG BAGONG PARTNER
Nakilala ko si Arthur Matthews noong 1946. Kalalaya lang niya mula sa kaniyang tatlong-buwang sentensiya dahil sa pagtangging maglingkod sa militar, at sinamahan niya ang kapatid niyang si Dennis, isang special pioneer sa Hemsworth. Mula pagkabata, tinuturuan na sila ng kanilang tatay tungkol kay Jehova, at nabautismuhan sila noong tin-edyer sila. Di-nagtagal, naatasan si Dennis sa Ireland, kaya naiwan si Arthur na walang partner. Inalok ng mga magulang ko si Arthur na tumira sa kanila dahil natutuwa sila sa masipag na kabataang payunir na ito. Kapag dumadalaw ako, kami ni Arthur ang naghuhugas ng mga pinagkainan. Nang maglaon, nagsimula na kaming magsulatan. Noong 1948, nasentensiyahan na naman si Arthur na mabilanggo nang tatlong buwan. Ikinasal kami noong Enero 1949, at tunguhin naming maglingkod nang buong panahon hangga’t posible. Dahil sa pagpapala ni Jehova at maingat na pagpaplano, ginamit namin ang bakasyon para kumita sa pamamagitan ng pamimitas ng mga prutas, kaya nakapagpatuloy kami sa pagpapayunir.
Pagkaraan lang ng mga isang taon, inatasan kami sa Northern Ireland, una sa Armagh at pagkatapos sa Newry, na parehong mga bayang Katoliko. Maigting ang sitwasyon dito, kaya dapat kaming mag-ingat kapag nakikipag-usap sa mga tao. Nagpupulong kami sa bahay ng isang mag-asawa na 16 na kilometro ang layo mula sa tinitirhan namin. Mga walo ang dumadalo. Kung minsan, doon na kami nagpapalipas ng gabi. Natutulog kami sa sahig, at pagkagising namin, nag-aalmusal kami nang mabuti. Nakatutuwang malaman na marami nang Saksi ngayon sa lugar na iyon.
“PUWEDE KAMI!”
Si Kuya at ang asawa niya, si Lottie, ay mga special pioneer sa Northern Ireland, at noong 1952, dumalo kaming apat sa isang pandistritong kombensiyon sa Belfast. Pinatuloy kaming lahat ng isang brother. Kasama rin namin si Pryce Hughes, na noon ay lingkod ng sangay sa Britain. Isang gabi, napag-usapan namin ang bagong buklet na Ang Daan ng Diyos ay Pag-ibig, na inilathala para sa mga taga-Ireland. Nabanggit ni Brother Hughes na mahirap mangaral sa mga Katoliko sa Ireland. Pinaaalis ang mga kapatid sa kanilang mga tuluyan at dumaranas sila ng pang-uumog dahil sa panunulsol ng mga pari. “Kailangan namin ng mga mag-asawa na may sasakyan para sa isang espesyal na kampanya ng pamamahagi ng buklet sa buong bansa,” ang sabi ni Brother Pryce. * Agad naming sinabi, “Puwede kami,” gaya ng nabanggit sa umpisa ng kuwento ko.
Isa sa mga lugar na puwedeng tuluyan ng mga payunir sa Dublin ay ang bahay ni Nanay Rutland,
isang tapat na sister na matagal nang naglilingkod kay Jehova. Nakituloy kami doon, at pagkatapos magbenta ng ilang ari-arian namin, sumakay kaming apat sa motorsiklo ni Kuya Bob na may sidecar, at naghanap ng kotse. Nakakita kami ng maayos na segunda-manong kotse at hiniling namin sa nagbebenta na ihatid ito sa amin dahil hindi kami marunong magmaneho. Magdamag na nakaupo si Arthur sa kama at kunwari ay nagkakambiyo ng sasakyan. Kinabukasan, habang sinusubukan niyang ilabas sa garahe ang kotse, dumating ang misyonerang si Mildred Willett (na napangasawa ni John Barr). Marunong siyang magmaneho! Tinuruan niya kami, at kaunting praktis lang, handa na kami!Ngayon, kailangan naman namin ng matutuluyan. Sinabihan kami na huwag tumira sa isang trailer dahil baka sunugin ito ng mga mananalansang. Kaya naghanap kami ng bahay, pero wala kaming makita. Nang gabing iyon, natulog kaming apat sa loob ng kotse. Kinabukasan, nakahanap kami ng isang maliit na trailer na may dalawang maliit na bunk bed. Ito ang naging tirahan namin. Buti na lang, hindi kami nagkaproblema dahil ipinaparada namin ang trailer sa lupa ng mababait na magsasaka. Nangangaral kami sa teritoryong may layo na 16 hanggang 24 na kilometro. Pagkatapos, binabalikan namin at dinadalaw ang mga tao kung saan kami nakiparada ng sasakyan.
Nadalaw namin nang walang problema ang lahat ng bahay sa timog-silangan ng Ireland, at nakapagbigay kami ng mahigit 20,000 buklet. Ipinasa namin sa tanggapang pansangay sa Britain ang mga pangalan ng mga interesado. Isa ngang pagpapala na daan-daan na ang mga Saksi doon ngayon!
BUMALIK SA ENGLAND, SAKA PUMUNTA SA SCOTLAND
Pagkaraan ng ilang taon, muli kaming inatasan sa south London. Ilang linggo pa lang, tinawagan si Arthur ng tanggapang pansangay sa Britain, at inatasan siyang maglingkod sa gawaing pansirkito kinabukasan! Pagkatapos ng isang-linggong pagsasanay, naglakbay na kami papunta sa aming sirkito sa Scotland. Gahol na sa oras si Arthur para makapaghanda ng mga pahayag, pero napatibay ako dahil handa siyang harapin ang mga hamon sa paglilingkod kay Jehova. Nag-enjoy talaga kami sa gawaing pansirkito. Ilang taon din kaming nasa unassigned territory, kaya tuwang-tuwa kami na makasama ang napakaraming brother at sister.
Nang makatanggap si Arthur ng imbitasyon na dumalo sa 10-buwang kurso sa Paaralang Gilead noong 1962, kailangan naming magpasiya. Napag-isip-isip namin na kahit maiiwan ako, tama lang na tanggapin ni Arthur ang pribilehiyong iyon. Dahil mawawalan ako ng partner, pinabalik muna ako sa Hemsworth bilang special pioneer. Pagbalik ni Arthur makaraan ang isang taon, inatasan kami sa gawaing pandistrito, at teritoryo namin ang Scotland, northern England, at Northern Ireland.
ISANG BAGONG ATAS SA IRELAND
Noong 1964, tumanggap si Arthur ng bagong atas bilang lingkod ng sangay sa Republika ng Ireland.
Nag-enjoy kami sa gawaing paglalakbay, kaya noong una, takót akong pumasok sa Bethel. Pero ngayon, nagpapasalamat ako na binigyan ako ng pribilehiyong makapaglingkod dito. Naniniwala ako na kapag tinanggap mo ang isang atas kahit hindi mo ito gustong gawin, palagi kang pagpapalain ni Jehova. Araw-araw, nagtatrabaho ako sa opisina, nagbabalot ng literatura, nagluluto, at naglilinis. Nakapaglingkod din kami sa gawaing pandistrito at nakilala ang mga kapatid sa buong bansa. Dahil dito, at sa pagsulong ng mga inaaralan namin sa Bibliya, nagkaroon kami ng matibay na kaugnayan sa mga kapatid sa Ireland. Isa ngang pagpapala!ISANG MAHALAGANG PANGYAYARI SA TEOKRATIKONG KASAYSAYAN NG IRELAND
Noong 1965, ginanap sa Dublin ang kauna-unahang internasyonal na kombensiyon sa Ireland. * Sa kabila ng matitinding pagsalansang, naging matagumpay ang kombensiyon. Dinaluhan ito ng 3,948, at 65 ang nabautismuhan. Lahat ng nagpatulóy sa 3,500 delegado mula sa ibang bansa ay nakatanggap ng liham ng pasasalamat. Pinapurihan naman ng mga may-bahay ang paggawi ng mga delegado. Talagang isa itong mahalagang pangyayari sa teokratikong kasaysayan ng Ireland.
Noong 1966, ang north at south Ireland ay pinagsama sa ilalim ng tanggapang pansangay sa Dublin—na kabaligtaran ng pagkakabaha-bahagi sa politika at relihiyon dito. Masaya kaming makita na maraming Katoliko ang nagiging Saksi at naglilingkod kasama ng mga kapatid na dating Protestante.
NAPALITAN ANG ATAS
Noong 2011, lubusang nagbago ang buhay namin nang pag-isahin ang mga sangay ng Britain at ng Ireland, at naatasan kami sa London Bethel. Nangyari iyan nang nagsisimula na akong mag-alala sa kalusugan ni Arthur. Na-diagnose siya na may Parkinson’s disease. At noong Mayo 20, 2015, pumanaw ang minamahal kong partner sa loob ng 66 na taon.
Nitong nakalipas na mga taon, nakadama ako ng pamimighati, depresyon, at matinding lungkot. Dati, laging nandiyan si Arthur para sa akin. Miss na miss ko na siya! Pero kapag pinagdaraanan mo ang ganitong mga sitwasyon, mas napapalapít ka kay Jehova. Nakaaaliw ring malaman na maraming nagmamahal kay Arthur. Nakatanggap ako ng mga liham mula sa mga kaibigan namin sa Ireland, Britain, at kahit sa United States. Ang mga liham na ito, pati na ang pampatibay-loob mula sa kapatid ni Arthur na si Dennis, sa asawa nitong si Mavis, at sa mga pamangkin kong sina Ruth at Judy, ay talagang nakatulong sa akin.
Malaking pampatibay sa akin ang Isaias 30:18, na nagsasabi: “Patuloy na maghihintay si Jehova upang mapagpakitaan kayo ng lingap, at sa gayon ay titindig siya upang pagpakitaan kayo ng awa. Sapagkat si Jehova ay Diyos ng kahatulan. Maligaya ang lahat ng patuloy na naghihintay sa kaniya.” Nakakagaan ng loob na malamang matiyagang naghihintay si Jehova para ayusin ang mga problema natin at bigyan tayo ng kapana-panabik na mga atas sa kaniyang bagong sanlibutan.
Kapag naiisip ko ang naging buhay namin ni Arthur, talagang kitang-kita ko ang paggabay at pagpapala ni Jehova sa gawain sa Ireland! Nagpapasalamat ako na nagkaroon ako ng maliit na bahagi sa espirituwal na pagsulong doon. Talagang totoo na pinagpapala ni Jehova ang mga tumutupad sa hinihiling niya.