Alam Mo Ba?
Paano nakapanatiling kalmado si Esteban noong pinag-uusig siya?
SI Esteban ay nasa harap ng isang grupo ng galít na mga lalaki. Ang 71 hukom na ito na miyembro ng pinakamataas na korte sa Israel, ang Sanedrin, ay kabilang sa pinakamakapangyarihang mga lalaki sa bansa. Tinipon sila ng mataas na saserdoteng si Caifas, na nangasiwa sa korte ilang buwan na ang nakararaan nang hatulan si Jesus ng kamatayan. (Mat. 26:57, 59; Gawa 6:8-12) Habang isa-isa nilang inihaharap ang bulaang mga tagapag-akusa, may napansin silang kakaiba kay Esteban—ang kaniyang mukha ay “gaya ng mukha ng isang anghel.”—Gawa 6:13-15.
Paano nakapanatiling kalmado at mahinahon si Esteban sa gayong nakatatakot na sitwasyon? Bago dalhin si Esteban sa harap ng Sanedrin, abalang-abala siya sa kaniyang ministeryo sa tulong ng makapangyarihang espiritu ng Diyos. (Gawa 6:3-7) Habang nililitis siya, ang espiritu ring iyon ang kumikilos sa kaniya bilang katulong o mang-aaliw, at bilang tagapagpaalaala. (Juan 14:16) Habang matapang na ipinagtatanggol ni Esteban ang kaniyang sarili gaya ng nakaulat sa Gawa kabanata 7, ibinalik ng banal na espiritu sa kaniyang isip ang mga 20 o higit pang teksto sa Hebreong Kasulatan. (Juan 14:26) Pero lalo pang napatibay ang pananampalataya niya nang makita niya sa pangitain na nakatayo si Jesus sa kanan ng Diyos.—Gawa 7:54-56, 59, 60.
Baka mapaharap din tayo sa mga pagbabanta at pag-uusig. (Juan 15:20) Kapag regular nating binabasa ang Salita ng Diyos at aktibong nakikibahagi sa ministeryo, hinahayaan nating kumilos sa atin ang espiritu ni Jehova. Magkakaroon din tayo ng lakas na harapin ang pagsalansang habang pinananatili natin ang panloob na kapayapaan.—1 Ped. 4:12-14.