Magtiwala sa Ating Aktibong Lider—Ang Kristo
“Ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo.”—MAT. 23:10.
1, 2. Anong mga hamon ang napaharap kay Josue nang mamatay si Moises?
NAAALAALA pa rin ni Josue ang sinabi ni Jehova: “Si Moises na aking lingkod ay patay na; at ngayon ay tumindig ka, tawirin mo itong Jordan, ikaw at ang buong bayang ito, patungo sa lupain na ibinibigay ko sa kanila.” (Jos. 1:1, 2) Isang biglang pagbabago iyon para kay Josue, na halos 40 taóng naging tagapaglingkod ni Moises!
2 Naging lider ng Israel si Moises sa loob ng mahabang panahon, kaya iniisip siguro ni Josue kung susunod sa kaniya ang bayan ng Diyos kapag siya na ang lider. (Deut. 34:8, 10-12) Tungkol sa Josue 1:1, 2, isang reperensiya sa Bibliya ang nagsabi: “Kapuwa sa sinauna at makabagong panahon, ang pagbabago ng lider ay isa sa pinakamapanganib na panahon sa seguridad ng estado.”
3, 4. Paano natin nalaman na hindi nagkamali si Josue sa pagtitiwala sa Diyos, at ano ang maitatanong natin sa ating sarili?
3 May makatuwirang dahilan naman si Josue para matakot, pero sa loob lang ng ilang araw, kumilos siya agad. (Jos. 1:9-11) Hindi siya nagkamaling magtiwala sa Diyos. Ayon sa ulat ng Bibliya, pinatnubayan ni Jehova si Josue at ang Kaniyang bayang Israel sa pamamagitan ng isang anghel. Makatuwirang isipin na ang anghel na ito ay ang Salita, ang panganay na Anak ng Diyos.—Ex. 23:20-23; Juan 1:1.
4 Sa tulong ni Jehova, maayos na tinanggap ng mga Israelita ang pangunguna ng bago nilang lider na si Josue. Nabubuhay rin tayo sa panahon ng makasaysayang pagbabago, at maitatanong natin, ‘Habang mabilis na sumusulong ang organisasyon ng Diyos, may mabubuting dahilan ba tayo para magtiwala kay Jesus bilang ating Lider?’ (Basahin ang Mateo 23:10.) Tingnan natin kung paano pinangunahan noon ni Jehova ang kaniyang bayan sa panahon ng pagbabago.
PAG-AKAY SA BAYAN NG DIYOS PAPASÓK SA CANAAN
5. Ano ang nangyari kay Josue noong malapit na siya sa Jerico? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
5 Pagkatawid ng Israel sa Jordan, may di-pangkaraniwang bagay na nangyari kay Josue. Noong malapit na siya sa Jerico, may nakita siyang isang lalaki na may hawak na tabak. Tinanong siya ni Josue: “Ikaw ba ay panig sa amin o panig sa aming mga kalaban?” Nagulat si Josue nang magpakilala ang mandirigma. Siya pala ang “prinsipe [o, pinuno] ng hukbo ni Jehova,” na magtatanggol sa bayan ng Diyos. (Basahin ang Josue 5:13-15.) Kahit si Jehova ang tinutukoy sa ibang teksto na tuwirang nakikipag-usap kay Josue, walang-alinlangang nakikipag-usap ang Diyos sa pamamagitan ng kaniyang kinatawang anghel, gaya ng madalas niyang ginagawa noon.—Ex. 3:2-4; Jos. 4:1, 15; 5:2, 9; Gawa 7:38; Gal. 3:19.
6-8. (a) Mula sa pananaw ng tao, bakit parang kakaiba ang ilang instruksiyon ni Jehova? (b) Paano napatunayang matalino at napapanahon ang mga instruksiyong iyon? (Tingnan din ang talababa.)
6 Malinaw ang instruksiyon ng anghel na iyon kay Josue kung paano masasakop ang Jerico. Sa simula, parang hindi makatuwiran ang ilang instruksiyon. Halimbawa, iniutos ni Jehova na tuliin ang lahat ng lalaki. Kung ganoon, paano sila makalalaban? Iyon nga ba ang tamang panahon para tuliin ang matitipunong lalaking iyon?—Gen. 34:24, 25; Jos. 5:2, 8.
7 Malamang na inisip ng mga kawal na Israelita kung paano nila mapoprotektahan ang kanilang pamilya kapag sinalakay ng mga kaaway ang kampo nila. Pero biglang kumalat ang balita na ang Jerico ay “mahigpit na nakasara dahil sa mga anak ni Israel.” (Jos. 6:1) Tiyak na napatibay ng di-inaasahang pangyayaring iyon ang pagtitiwala nila sa Diyos!
8 Bukod diyan, sa halip na salakayin ang Jerico, inutusan ang mga Israelita na magmartsa sa palibot ng lunsod nang isang beses bawat araw sa loob ng anim na araw, at pitong beses sa ikapitong araw. Baka inisip ng ilang kawal, ‘Mag-aaksaya lang tayo ng panahon at lakas!’ Pero alam na alam ng Lider ng Israel, si Jehova, ang kaniyang ginagawa. Ang estratehiyang ito ay hindi lang nagpatibay sa pananampalataya ng mga Israelita, nakatulong din ito para makaiwas sila sa direktang pakikipaglaban sa malalakas na mandirigma ng Jerico.—Jos. 6:2-5; Heb. 11:30. *
9. Bakit dapat nating sundin ang mga instruksiyong natatanggap natin mula sa organisasyon ng Diyos? Magbigay ng halimbawa.
9 Ano ang matututuhan natin sa ulat na ito? May mga pagkakataong hindi natin lubusang nauunawaan ang mga pagbabago sa organisasyon. Halimbawa, baka noong una, kinuwestiyon natin ang paggamit ng mga
gadyet sa personal na pag-aaral, sa ministeryo, at sa mga pulong. Pero ngayon, baka nauunawaan na natin na malaki ang pakinabang sa paggamit ng mga ito. Kapag nakikita natin ang positibong resulta ng ganitong mga pagsulong kahit nag-alinlangan tayo noon, mas tumitibay ang pananampalataya natin at mas nagkakaisa tayo.PANGUNGUNA NI KRISTO NOONG UNANG SIGLO
10. Sino ang nasa likod ng mahalagang pagpupulong ng lupong tagapamahala sa Jerusalem?
10 Mga 13 taon mula nang makumberte si Cornelio, sinasabi ng ilang mananampalatayang Judio na kailangan pa ring gawin ang pagtutuli. (Gawa 15:1, 2) Nang magkaroon ng di-pagkakasundo sa Antioquia, isinaayos na iharap ni Pablo ang usaping ito sa lupong tagapamahala sa Jerusalem. Pero sino ang nasa likod ng kaayusang ito? Sinabi ni Pablo: “Umahon ako dahil sa isang pagsisiwalat.” Maliwanag, si Kristo ang pumatnubay para malutas ng lupong tagapamahala ang di-pagkakasundo.—Gal. 2:1-3.
11. (a) Ano ang patuloy na pinaniniwalaan ng ilang mananampalatayang Judio tungkol sa pagtutuli? (b) Paano nasubok ang pagiging handang sumuporta ni Pablo sa matatanda sa Jerusalem? (Tingnan din ang talababa.)
11 Sa pangunguna ni Kristo, nilinaw ng lupong tagapamahala na hindi na kailangang magpatuli ang mga di-Judiong Kristiyano. (Gawa 15:19, 20) Pero kahit ilang taon na ang lumipas, marami pa ring mananampalatayang Judio ang nagpapatuli ng kanilang mga anak. Nang marinig ng matatanda sa Jerusalem ang usap-usapan na hindi sumusunod si Pablo sa Kautusang Mosaiko, nagbigay sila ng ilang di-inaasahang instruksiyon sa kaniya. * (Gawa 21:20-26) Inutusan nila si Pablo na magsama ng apat na lalaki sa templo para makita ng mga tao na “tumutupad [siya] sa Kautusan.” Puwede sanang kuwestiyunin ni Pablo ang ipinagagawa sa kaniya, at sabihing ang mga Judiong Kristiyano ang may problema dahil hindi nila lubos na nauunawaan ang usapin ng pagtutuli. Pero para ipakita ang pagsuporta niya sa kagustuhan ng matatanda na mapanatili ang pagkakaisa, mapagpakumbabang sumunod si Pablo. Baka maisip natin, ‘Bakit hinayaan ni Jesus na hindi nalulutas ang usaping ito gayong winakasan na ng kamatayan niya ang Kautusang Mosaiko?’—Col. 2:13, 14.
12. Bakit kaya pinahintulutan ni Kristo na lumipas pa ang panahon bago malutas ang usapin tungkol sa pagtutuli?
12 Para sa ilan, kailangan ng panahon para makapag-adjust sa mga paglilinaw sa ating paniniwala. Kinailangan ng mga Judiong Kristiyano ang sapat na panahon para mai-adjust ang kanilang pananaw. (Juan 16:12) Nahirapan ang ilan na tanggaping ang pagtutuli ay hindi na tanda ng espesyal na kaugnayan sa Diyos. (Gen. 17:9-12) Ayaw namang mapaiba ng ilan dahil sa takot na pag-usigin sila. (Gal. 6:12) Pero sa paglipas ng panahon, naglaan si Kristo ng higit pang tagubilin sa pamamagitan ng kinasihang mga liham mula kay Pablo.—Roma 2:28, 29; Gal. 3:23-25.
PINANGUNGUNAHAN PA RIN NI KRISTO ANG KONGREGASYON
13. Ano ang makatutulong sa atin na mapahalagahan ang pangunguna ni Kristo sa ngayon?
13 Kapag hindi natin lubusang nauunawaan ang mga dahilan ng ilang pagbabago sa organisasyon, makabubuting pag-isipan ang paraan ng pangunguna ni Kristo noon. Kahit noong panahon ni Josue o noong unang siglo, laging naglalaan si Kristo ng matalinong patnubay para protektahan ang bayan ng Diyos, patibayin ang kanilang pananampalataya, at panatilihin ang pagkakaisa ng mga lingkod ng Diyos.—Heb. 13:8.
14-16. Paano malinaw na nakikita sa mga tagubilin ng “tapat at maingat na alipin” ang malasakit ni Kristo sa ating espirituwal na kapakanan?
14 Ang maibiging pagmamalasakit ni Jesus sa ating espirituwal na kapakanan ay malinaw na nakikita sa mga napapanahong tagubilin na ibinibigay ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45) Sinabi ni Marc, na may apat na anak: “Inaatake ni Satanas ang mga pamilya para pahinain ang mga kongregasyon. Ngayong pinapasigla ang pagkakaroon ng family worship linggo-linggo, malinaw ang mensahe para sa mga ulo ng pamilya—ingatan ang inyong pamilya!”
15 Kapag nauunawaan natin ang tagubilin ni Kristo, madarama natin ang taimtim niyang interes sa ating espirituwal na pagsulong. Sinabi ni Patrick, na isang elder: “Sa umpisa, nalungkot ang ilan nang paliitin ang mga grupo sa paglabas tuwing weekend. Pero kitang-kita sa kaayusang ito ang isa sa mga pangunahing katangian ni Jesus—ang interes niya sa mga nakabababa. Mas naramdaman ng mga kapatid na mahiyain o di-regular sa paglabas sa larangan na mahalaga sila at nakakatulong. Dahil diyan, sumulong sila sa espirituwal.”
16 Bukod sa pangangalaga sa ating espirituwal na pangangailangan, tinutulungan din tayo ni Kristo na magpokus sa pinakamahalagang gawain sa lupa ngayon. (Basahin ang Marcos 13:10.) Noon pa man, masunurin na si André, isang bagong elder, sa mga pagbabago sa organisasyon ng Diyos. Sinabi niya: “Ang pagbabawas ng mga miyembro ng tanggapang pansangay ay nagpapaalaala sa atin na konti na lang ang natitirang panahon, at kailangang magpokus sa gawaing pangangaral.”
MATAPAT NA PAGSUNOD KAY KRISTO
17, 18. Bakit mahalagang magpokus sa mga pakinabang ng pag-a-adjust sa mga pagbabago?
17 Ang mga tagubilin mula sa ating nakaluklok na Hari, si Jesu-Kristo, ay tutulong sa atin ngayon at sa hinaharap. Sikapin nating magpokus sa mga pakinabang ng pag-a-adjust sa mga pagbabago. Sa panahon ng inyong pampamilyang pagsamba, bakit hindi talakayin kung paano kayo nakinabang sa mga pagbabago sa pulong o sa ministeryo?
18 Kung sisikapin nating unawain ang dahilan ng mga tagubiling natatanggap natin sa organisasyon ni Jehova at ang mga pakinabang ng pagsunod dito, malamang na mas madali para sa atin ang sumunod. Natutuwa tayo na mas nakatipid ang organisasyon nang bawasan ang bilang ng inililimbag na mga literatura at mas napalawak ang gawaing pang-Kaharian sa buong lupa nang gumamit ng mga bagong teknolohiya. Dahil diyan, ginagamit natin nang husto ang mga elektronikong publikasyon at media hangga’t maaari. Sa paggawa nito, sinusuportahan natin si Kristo sa pamamagitan ng matalinong paggamit ng mga pag-aari ng organisasyon.
19. Bakit dapat tayong sumunod sa pangunguna ni Kristo?
19 Kapag sumusunod tayo sa pangunguna ni Kristo, napatitibay natin ang pananampalataya ng iba at naitataguyod natin ang pagkakaisa. Tungkol sa pagbabawas ng bilang ng mga Bethelite sa buong mundo, sinabi ni André: “Ang magandang saloobing ipinakita ng mga dating Bethelite sa pagbabago ay tumulong sa akin na igalang sila at magtiwala kay Kristo. Umaalinsabay sila sa karo ni Jehova sa pamamagitan ng masayang pagganap sa anumang atas na ibinigay sa kanila.”
MAGTIWALA SA ATING LIDER TAGLAY ANG PANANAMPALATAYA
20, 21. (a) Bakit tayo makapagtitiwala kay Kristo, ang ating Lider? (b) Anong tanong ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
20 Malapit nang “lubusin [ni Jesu-Kristo na ating Lider] ang kaniyang pananaig” at gumawa ng “mga kakila-kilabot na bagay.” (Apoc. 6:2; Awit 45:4) Samantala, inihahanda niya ang bayan ng Diyos para sa bagong sanlibutan kung saan ang bawat isa ay makikibahagi sa malawakang pagtuturo sa mga binuhay-muli at pagpapaganda ng lupa para maging paraiso.
21 Magtatagumpay ang ating pinahirang Hari sa pag-akay sa atin sa bagong sanlibutan kung patuloy tayong magtitiwala sa kaniya sa kabila ng mga pagbabago. (Basahin ang Awit 46:1-3.) Kung minsan, baka mahirapan tayo kapag nagkaroon ng di-inaasahang pagbabago. Kung gayon, paano natin mapananatili ang panloob na kapayapaan at lubos na pagtitiwala kay Jehova? Iyan ang tatalakayin sa susunod na artikulo.
^ par. 8 Natuklasan ng mga arkeologo ang napakalaking reserba ng mga butil sa mga guho ng Jerico, na nagpapakitang mabilis na nasakop ang lunsod, at hindi naubos ang suplay nito ng pagkain. Kahit hindi pinahintulutang samsaman ng mga Israelita ang Jerico, tamang panahon pa rin ito para sakupin nila ang lupain, kasi panahon ito ng pag-aani at maraming pagkain ang makukuha sa labas ng Jerico.—Jos. 5:10-12.
^ par. 11 Tingnan ang kahong “Mapagpakumbabang Tumugon si Pablo sa Isang Pagsubok” sa Bantayan, Marso 15, 2003, p. 24.