Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 40

Manatiling Abala sa Dulo ng “mga Huling Araw”

Manatiling Abala sa Dulo ng “mga Huling Araw”

“Maging matatag kayo, di-natitinag at laging maraming ginagawa para sa Panginoon.”—1 COR. 15:58.

AWIT 58 Hanapin ang mga Kaibigan ng Kapayapaan

NILALAMAN *

1. Bakit tayo kumbinsidong nabubuhay na tayo sa “mga huling araw”?

IPINANGANAK ka ba pagkatapos ng 1914? Kung oo, mula pagkasanggol ay nabubuhay ka na sa “mga huling araw” ng sistemang ito. (2 Tim. 3:1) Nababalitaan natin ang katuparan ng mga inihula ni Jesus tungkol sa panahong ito. Kasama rito ang mga digmaan, taggutom, lindol, epidemya, paglaganap ng kasamaan, at pag-uusig sa bayan ni Jehova. (Mat. 24:3, 7-9, 12; Luc. 21:10-12) Nakikita rin natin sa ngayon ang ugali ng mga tao na inihula ni apostol Pablo. (Tingnan ang kahong “ Ang mga Tao sa Ngayon.”) Bilang mga mananamba ni Jehova, kumbinsido tayong nabubuhay na tayo sa “huling bahagi ng mga araw.”—Mik. 4:1.

2. Anong mga tanong ang kailangan nating masagot?

2 Dahil maraming panahon na ang lumipas mula noong 1914, siguradong nabubuhay na tayo sa dulo ng “mga huling araw.” Napakalapit na ng wakas, kaya kailangan nating malaman ang sagot sa mahahalagang tanong na ito: Anong mga pangyayari ang magaganap sa pagtatapos ng “mga huling araw”? Ano ang inaasahan ni Jehova na gagawin natin habang hinihintay ang mga pangyayaring iyon?

ANO ANG MANGYAYARI SA PAGTATAPOS NG “MGA HULING ARAW”?

3. Ayon sa hula sa 1 Tesalonica 5:1-3, ano ang iaanunsiyo ng mga bansa?

3 Basahin ang 1 Tesalonica 5:1-3. Binanggit dito ni Pablo ang “araw ni Jehova.” Sa tekstong ito, tumutukoy iyan sa yugto ng panahon na magsisimula sa pag-atake sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, at magtatapos sa Armagedon. (Apoc. 16:14, 16; 17:5) Bago magsimula ang “araw” na iyan, iaanunsiyo ng mga bansa, “Kapayapaan at katiwasayan!” (Sinasabi sa ilang salin: “Kapayapaan at kaligtasan.”) Kung minsan, ginagamit ng mga lider ng mga bansa ang mga ekspresyong gaya nito kapag tinutukoy nila ang pagpapatatag sa ugnayan ng mga bansa. * Pero ang pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan” na tinutukoy sa Bibliya ay naiiba. Bakit? Kasi kapag nangyari ito, baka isipin ng mga tao na nagtagumpay na ang mga lider ng mga bansa na gawing mas ligtas at tiwasay ang mundo. Pero ang totoo, magsisimula na pala ang “malaking kapighatian” at “biglang darating ang . . . pagkapuksa.”—Mat. 24:21.

Huwag maniwala kapag sinabi ng mga bansa na nakamit na nila ang “kapayapaan at katiwasayan” (Tingnan ang parapo 3-6) *

4. (a) Ano pa ang hindi natin alam tungkol sa pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan”? (b) Ano na ang alam natin tungkol dito?

4 Alam na natin ang ilang bagay tungkol sa pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan.” Pero may mga hindi pa tayo alam. Hindi natin alam kung ano ang magiging dahilan para ideklara ito ng mga bansa o kung paano nila iyon gagawin. Hindi rin natin alam kung ito ay isang deklarasyon lang o isang serye ng mga deklarasyon. Anuman ang mangyari, ito ang alam natin: Hindi tayo dapat madayang kaya ng mga lider ng mga bansa na gawing payapa ang mundo. Sa halip, ang deklarasyong iyon ang sinasabi ng Bibliya na dapat nating abangan. Senyales iyon na magsisimula na ang “araw ni Jehova”!

5. Paano nakakatulong ang 1 Tesalonica 5:4-6 para mapaghandaan natin ang “araw ni Jehova”?

5 Basahin ang 1 Tesalonica 5:4-6. Sinasabi ni Pablo kung paano natin mapaghahandaan ang “araw ni Jehova.” Sinasabi niyang “huwag na tayong matulog gaya ng ginagawa ng iba.” Dapat na “manatili tayong gisíng at alerto.” Halimbawa, dapat tayong maging alerto para hindi natin maikompromiso ang ating neutralidad at hindi tayo masangkot sa isyu sa politika. Sa gayon, maiiwasan nating maging “bahagi . . . ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Alam nating Kaharian ng Diyos lang ang makakapagbigay ng kapayapaan sa mundo.

6. Ano pa ang kailangan nating gawin, at bakit?

6 Bukod sa kailangan nating manatiling gisíng, kailangan din nating gisingin ang mga tao—ipaalám natin sa kanila ang inihula ng Bibliya na mangyayari sa mundo. Tandaan natin na kapag nagsimula na ang malaking kapighatian, hulí na para magpasiya ang mga tao na sambahin si Jehova. Kaya napakaapurahan ng ating pangangaral! *

MANATILING ABALA SA PANGANGARAL

Sa pangangaral natin, ipinapakita nating sa pamamagitan lang ng Kaharian ng Diyos magiging tunay na ligtas at tiwasay ang mundo (Tingnan ang parapo 7-9)

7. Ano ang inaasahan ni Jehova na gagawin natin ngayon?

7 Sa maikling panahong natitira bago magsimula ang “araw ni Jehova,” inaasahan niyang mananatili tayong abala sa pangangaral. Kailangan nating tiyakin na ‘marami tayong ginagawa para sa Panginoon.’ (1 Cor. 15:58) Inihula ni Jesus ang gagawin natin. Nang sabihin niya ang mga bagay na mangyayari sa mga huling araw, idinagdag niya: “Gayundin, kailangan munang ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng bansa.” (Mar. 13:4, 8, 10; Mat. 24:14) Isipin ito: Sa tuwing nakikibahagi ka sa ministeryo, tumutulong ka sa pagtupad sa hulang iyan!

8. Paano patuloy na sumusulong ang pangangaral tungkol sa Kaharian?

8 Ano ang masasabi natin sa pagsulong ng pangangaral tungkol sa Kaharian? Taon-taon, parami nang parami ang napapangaralan ng mabuting balita. Halimbawa, isipin ang pagdami ng mamamahayag ng Kaharian sa buong mundo sa mga huling araw. Noong 1914, may 5,155 mamamahayag sa 43 lupain. Ngayon, mayroon nang mga 8.5 milyong mamamahayag sa 240 lupain! Pero hindi pa tapós ang ating gawain. Dapat nating patuloy na ipangaral na ang Kaharian ng Diyos ang tanging solusyon sa lahat ng problema ng tao.—Awit 145:11-13.

9. Bakit dapat nating patuloy na ipangaral ang tungkol sa Kaharian?

9 Patuloy nating ipangangaral ang tungkol sa Kaharian hangga’t hindi pa sinasabi ni Jehova na tapós na ang gawaing ito. Gaano pa kahabang panahon ang natitira para makilala ng mga tao ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo? (Juan 17:3) Hindi natin alam. Ang alam natin, hangga’t hindi pa nagsisimula ang malaking kapighatian, ang sinumang “nakaayon sa buhay na walang hanggan” ay may pagkakataon pang tumanggap ng mabuting balita at maglingkod kay Jehova. (Gawa 13:48) Paano natin matutulungan ang mga taong ito bago mahulí ang lahat?

10. Anong tulong ang ibinibigay sa atin ni Jehova para maituro sa mga tao ang katotohanan?

10 Sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, ibinibigay ni Jehova ang lahat ng kailangan natin para maituro sa mga tao ang katotohanan. Halimbawa, sinasanay tayo linggo-linggo sa pulong sa gitnang sanlinggo. Natututuhan natin dito kung ano ang sasabihin sa unang pag-uusap at sa mga pagdalaw-muli. Tinuturuan din tayo nito kung paano magdaraos ng Bible study. Binigyan din tayo ng organisasyon ni Jehova ng Toolbox sa Pagtuturo. Magagamit natin ito para . . .

  • makapagpasimula ng pag-uusap,

  • makuha ang interes ng mga tao,

  • mapasigla ang mga tao na matuto pa nang higit,

  • maituro ang katotohanan sa mga Bible study, at

  • maipakilala sa mga interesado ang ating website at maimbitahan sila sa ating Kingdom Hall.

Siyempre, hindi sapat na mayroon tayo ng ganitong mga pantulong. Dapat nating gamitin ang mga ito. * Halimbawa, kung pagkatapos mong makipag-usap sa isang interesado ay nakapag-iwan ka ng tract o magasin, may mababasa siyang karagdagang impormasyon hanggang sa mabalikan mo siya. Pananagutan ng bawat isa sa atin na manatiling abala sa pangangaral tungkol sa Kaharian bawat buwan.

11. Bakit ginawa ang Online Bible Study Lessons?

11 Ang Online Bible Study Lessons sa jw.org® ay isa pang paraan na ginagamit ni Jehova para matulungan ang mga tao na malaman ang katotohanan. Bakit ito ginawa? Bawat buwan, libo-libo ang nagse-search sa Internet para matuto tungkol sa Bibliya. Ang mga online lesson sa website natin ay makakatulong sa mga taong nagsisimula pa lang matuto tungkol sa Salita ng Diyos. Baka ang ilan sa nakakausap mo ay nag-aalangang magpa-Bible study. Puwede mong ipakita sa kanila ang feature na ito ng ating website o i-send ang link nito. *

12. Ano ang mga matututuhan sa Online Bible Study Lessons?

12 Sa Online Bible Study Lessons, tinatalakay ang mga paksang ito: “The Bible and Its Author,” “The Bible’s Main Characters,” at “The Bible’s Message of Hope.” Sa mga paksang iyon, matututuhan:

  • Kung paano makakatulong ang Bibliya sa atin

  • Kung sino si Jehova, si Jesus, at ang mga anghel

  • Kung bakit nilalang ng Diyos ang tao

  • Kung bakit may pagdurusa at kasamaan

Tinatalakay rin nito kung paano . . .

  • aalisin ni Jehova ang pagdurusa at kamatayan,

  • bubuhaying muli ni Jehova ang mga namatay, at

  • aalisin ni Jehova ang bigong mga gobyerno ng tao at papalitan ang mga ito ng Kaharian ng Diyos.

13. Ang mga online lesson ba ay pamalit sa iniaalok nating Bible study? Ipaliwanag.

13 Ang mga online lesson ay hindi pamalit sa iniaalok nating Bible study. Binigyan tayo ni Jesus ng pribilehiyong gumawa ng alagad. Umaasa tayo na kapag pinag-aralan ng mga interesado ang mga online lesson, mapapahalagahan nila ang mga natututuhan nila at gugustuhin nilang matuto pa nang higit. Kapag nangyari iyon, baka magpa-Bible study na sila. Sa dulo ng bawat lesson, inaanyayahan ang mambabasa na humiling ng pag-aaral sa Bibliya kasama ang isang tagapagturo. Sa website natin, mga 230 ang humihiling ng pag-aaral sa Bibliya sa buong mundo araw-araw! Napakahalagang maturuan nang personal ang bawat indibidwal!

PATULOY NA MAGSIKAP NA GUMAWA NG ALAGAD

14. Ayon sa iniutos ni Jesus sa Mateo 28:19, 20, ano ang kailangan nating pagsikapang gawin, at bakit?

14 Basahin ang Mateo 28:19, 20. Kapag nagdaraos tayo ng pag-aaral sa Bibliya, kailangan nating magsikap para ‘makagawa ng mga alagad, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ni Jesus.’ Tulungan natin ang mga tao na maintindihan kung gaano kahalagang manindigan para kay Jehova at sa kaniyang Kaharian. Ibig sabihin, kailangan natin silang pasiglahin na isabuhay ang mga natututuhan nila, ialay ang kanilang buhay kay Jehova, at magpabautismo. Sa ganitong paraan lang sila maliligtas sa araw ni Jehova.—1 Ped. 3:21.

15. Saan natin hindi uubusin ang panahon natin, at bakit?

15 Gaya ng nabanggit na, kaunting panahon na lang ang natitira bago magwakas ang sistemang ito. Kaya hindi natin uubusin ang panahon natin sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga taong walang intensiyong maging alagad ni Kristo. (1 Cor. 9:26) Apurahan ang gawain natin! Marami pang taong kailangang makarinig ng mensahe ng Kaharian bago mahulí ang lahat.

MANATILING HIWALAY SA HUWAD NA RELIHIYON

16. Ayon sa Apocalipsis 18:2, 4, 5, 8, ano ang dapat nating gawin? (Tingnan din ang talababa.)

16 Basahin ang Apocalipsis 18:2, 4, 5, 8. Ipinapakita ng mga talatang ito ang isa pang inaasahan ni Jehova sa mga mananamba niya. Dapat tiyakin ng lahat ng tunay na Kristiyano na hindi sila nasasangkot sa Babilonyang Dakila sa anumang paraan. Bago natutuhan ng isang Bible study ang katotohanan, baka miyembro siya ng isang huwad na relihiyon. Baka nagsisimba siya doon at sumasali sa mga gawain nito. O baka nag-aabuloy siya sa ganoong organisasyon. Bago siya maaprobahan bilang di-bautisadong mamamahayag, dapat niyang putulin ang anumang kaugnayan niya sa huwad na relihiyon. Dapat siyang magbigay ng sulat na nagsasabing humihiwalay na siya sa simbahan o dapat niyang tiyakin na hindi na siya miyembro ng dati niyang relihiyon at ng anumang organisasyon na may kaugnayan sa Babilonyang Dakila. *

17. Anong uri ng trabaho ang dapat iwasan ng isang Kristiyano, at bakit?

17 Dapat tiyakin ng isang tunay na Kristiyano na walang kinalaman sa Babilonyang Dakila ang trabaho niya. (2 Cor. 6:14-17) Halimbawa, hindi siya dapat maging empleado ng isang simbahan. Kung siya ay namamasukan sa isang kompanya, hindi siya tatanggap ng malaking trabaho sa isang pasilidad na ginagamit sa huwad na pagsamba. At kung siya naman ay may sariling negosyo, hindi siya mag-aalok ng serbisyo o tatanggap ng trabaho para sa anumang may kaugnayan sa Babilonyang Dakila. Bakit ganoon na lang ang paninindigan natin? Ayaw kasi nating magkaroon ng bahagi sa mga gawain at kasalanan ng mga relihiyong marumi sa paningin ng Diyos.—Isa. 52:11. *

18. Paano nanindigan ang isang brother sa mga simulain sa Bibliya pagdating sa trabaho?

18 Ilang taon na ang nakakalipas, isang elder, na may sariling negosyo, ang inalukan ng isang maliit na proyekto sa isang simbahan sa bayan nila. Alam ng kontraktor ng proyekto na hindi tumatanggap ang brother ng trabaho para sa mga simbahan. Pero desperado ang kontraktor na makahanap ng gagawa. Sa kabila nito, nanindigan ang brother sa mga simulain sa Bibliya at tinanggihan niya ang trabaho. Nang sumunod na linggo, ipinakita sa lokal na diyaryo ang litrato ng isang karpintero na nagkakabit ng krus sa simbahan. Kung nakipagkompromiso ang brother, baka litrato niya ang nasa diyaryo. Isipin na lang ang magiging epekto nito sa reputasyon niya sa mga kapuwa niya Kristiyano! Isipin din kung ano ang madarama ni Jehova.

ANO ANG NATUTUHAN NATIN?

19-20. (a) Ano na ang natutuhan natin? (b) Ano pa ang matututuhan natin?

19 Ipinapakita ng mga hula sa Bibliya na ang susunod na pangyayaring malapit nang maganap ay ang pagsigaw ng mga bansa ng “kapayapaan at katiwasayan.” Dahil kay Jehova, nalaman nating hindi talaga makakamit ng mga bansa ang tunay at permanenteng kapayapaan. Ano ang dapat nating gawin bago matupad ang hulang iyon na susundan ng biglang pagkapuksa? Inaasahan ni Jehova na mananatili tayong abala sa pangangaral tungkol sa Kaharian at sisikapin nating gumawa ng higit pang alagad. Kailangan din nating manatiling hiwalay sa lahat ng huwad na relihiyon. Kasama diyan ang pag-alis sa mga organisasyong may kaugnayan sa Babilonyang Dakila at pag-iwas sa mga trabahong may kinalaman dito.

20 May iba pang mangyayari sa dulo ng “mga huling araw.” At may iba pang bagay na inaasahan sa atin si Jehova. Ano-ano ito, at paano tayo makakapaghanda sa lahat ng malapit nang mangyari? Aalamin natin iyan sa susunod na artikulo.

AWIT 71 Tayo’y Hukbo ni Jehova!

^ par. 5 Malapit nang sabihin ng mga bansa na nakamit na nila ang “kapayapaan at katiwasayan.” Senyales iyan na magsisimula na ang malaking kapighatian. Ano ang inaasahan ni Jehova na gagawin natin bago mangyari iyon? Matutulungan tayo ng artikulong ito na malaman ang sagot.

^ par. 3 Halimbawa, sinasabi sa website ng United Nations na ‘pinananatili nito ang kapayapaan at katiwasayan sa buong mundo.’

^ par. 10 Para sa detalye kung paano gagamitin ang Toolbox sa Pagtuturo, tingnan ang artikulong “Magturo ng Katotohanan” sa Oktubre 2018 isyu ng Bantayan.

^ par. 11 Ang Online Bible Study Lessons ay available na sa English at Portuguese at magiging available din sa ibang wika.

^ par. 16 Dapat din nating iwasan ang mga organisasyon na pangkabataan na may kaugnayan sa huwad na relihiyon o ang mga pasilidad na ginagamit nila sa kanilang mga aktibidad. Kasama rito ang YMCA (Young Men’s Christian Association) at ang YWCA (Young Women’s Christian Association). Kahit sabihin ng mga asosasyong ito na wala naman talagang kaugnayan sa relihiyon ang mga aktibidad nila, ang totoo, nagtataguyod sila ng mga relihiyosong ideya at tunguhin.

^ par. 17 Para sa higit pang pagtalakay tungkol sa pananaw ng Bibliya sa trabahong may kaugnayan sa mga relihiyon, tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Abril 15, 1999, isyu ng Bantayan.

^ par. 83 LARAWAN: Ang mga kostumer sa isang coffee shop ay interesadong-interesado sa balita sa TV tungkol sa pagdedeklara ng “kapayapaan at katiwasayan.” Ang mag-asawang Saksi, na nagmemeryenda galing sa ministeryo, ay hindi nadaya ng deklarasyong ito.