1921—100 Taon Na ang Nakalipas
“ANO, kung gayon, ang gawain na aabangan natin sa taóng ito?” Iyan ang tanong ng Watch Tower noong Enero 1, 1921 sa mga Estudyante ng Bibliya. Bilang sagot, sinipi nito ang Isaias 61:1, 2, na nagpaalala sa kanila ng atas nilang mangaral. “Pinahiran ako ni Jehova upang maghayag ng mabuting balita sa maaamo . . . , upang ihayag ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos.”
WALANG-TAKOT NA MGA MÁNGANGARÁL
Para magawa ang atas nila, dapat na malakas ang loob ng mga Estudyante ng Bibliya. Bukod kasi sa pangangaral ng “mabuting balita” sa maaamo, kailangan din nilang ihayag ang “araw ng paghihiganti” sa masasama.
Si Brother J. H. Hoskin, na taga-Canada, ay lakas-loob na nangaral kahit may mga kumokontra. Noong tagsibol ng 1921, may nakausap siyang ministro ng Metodista. Sinabi ni Brother Hoskin sa ministro: “Dapat nating pag-usapan nang maayos ang Kasulatan. Kung hindi man tayo magkasundo sa ilang bagay, hindi naman natin kailangang mag-away at puwede pa rin tayong maging magkaibigan.” Pero hindi ganiyan ang nangyari. Naalala ni Brother Hoskin: “Ilang minuto pa lang kaming nag-uusap, sinuntok [ng ministro] nang sobrang lakas ang pinto. Akala ko nga, malalaglag y’ong malaking salamin ng pinto.”
“Ba’t hindi kayo do’n magpunta sa mga di-Kristiyano at sila ang kausapin n’yo?” ang sigaw ng ministro. Hindi sumagot si Brother Hoskin. Pero habang papaalis siya, naisip niya, ‘Pakiramdam ko nga, di-Kristiyano ang nakausap ko eh!’
Kinabukasan, sa sermon ng ministro, marami itong sinabing di-maganda tungkol kay Brother Hoskin. “Siniraan niya ako sa mga miyembro nila. Sinabi niya na ako daw ang pinakasinungaling na pumunta sa bayan nila at dapat akong barilin,” ang sabi ni Brother Hoskin. Pero hindi siya nasiraan ng loob. Nagpatuloy lang siya sa pangangaral, at marami siyang nakausap. Sinabi niya: “Ngayon lang ako naging ganito kasaya sa pangangaral. May mga nagsabi pa nga sa akin, ‘Alam kong lingkod ka ng Diyos!’ at nagtanong kung may maitutulong sila sa akin.”
PERSONAL AT PAMPAMILYANG PAG-AARAL
Para matulungan ang mga tao na mas maintindihan ang Kasulatan, naglathala ang mga Estudyante ng Bibliya sa The Golden Age * ng mga programa ng pag-aaral sa Bibliya. Sa programa na Juvenile Bible Study, may mga tanong na magagamit ang mga magulang sa pagtuturo sa mga anak nila. ‘Ipapakita ng mga magulang sa mga anak nila ang mga tanong at tutulungan ang mga ito na mahanap ang sagot sa Bibliya.’ Ang ilang tanong gaya ng “Ilan ang aklat sa Bibliya?” ay nagtuturo ng mga simpleng bagay tungkol sa Bibliya. Ang ibang tanong naman gaya ng “Dapat bang asahan ng lahat ng tunay na Kristiyano na pag-uusigin sila?” ay tumutulong sa mga kabataan na lakas-loob na mangaral.
Sa programa na Advanced Studies in the Divine Plan of the Ages, may mga tanong para sa mga Estudyante ng Bibliya na marami nang alam sa Kasulatan. Makikita ang mga sagot sa unang tomo ng Studies in the Scriptures. Malaki ang naitulong ng mga programang ito sa libo-libong mambabasa noon. Pero sinabi sa The Golden Age ng Disyembre 21, 1921 na ititigil na ang mga ito. Bakit naman?
ISANG BAGONG AKLAT!
Naisip ng mga nangunguna na kailangang matutuhan ng mga nagsisimula pa lang mag-aral ng Bibliya ang mahahalagang katotohanan sa sistematikong paraan. Kaya noong Nobyembre 1921, inilabas ang aklat na The Harp of God. Ang mga interesado na tumanggap ng aklat ay itinala rin sa The Harp Bible Study Course. Nakatulong ito sa kanila na maunawaan ang “layunin ng Diyos na pagpalain ang mga tao at bigyan ng buhay na walang hanggan.” Pero paano ginawa ang pag-aaral na ito?
Kapag tumanggap ng aklat ang isang interesado, makakatanggap din siya ng isang maliit na card at makikita niya doon ang mga pahinang babasahin niya sa aklat. Pagkalipas ng isang linggo, makakatanggap siya ng isa pang card na may mga tanong tungkol sa binasa niya. Makikita rin sa card na ito ang mga susunod na babasahin niya.
Ang kurso ay aabot nang 12 linggo. At kada linggo, makakatanggap ang estudyante ng isang card, na ipapadala sa kaniya ng klase, o kongregasyon, na malapit sa kaniya. Ipinapadala ang mga card sa pamamagitan ng sulat, at madalas, ang gumagawa nito ay ang mga may-edad sa kongregasyon o ang mga hindi na kayang magbahay-bahay. Halimbawa, sinabi ni Anna K. Gardner, na taga-Millvale, Pennsylvania, U.S.A.: “Nang ilabas ang The Harp of God, dumami ang puwedeng gawin ng kapatid kong may kapansanan na si Thayle. Siya ang nagpapadala linggo-linggo ng mga card na may mga tanong.” Kapag natapos ng isang estudyante ang kurso, may dadalaw sa kaniya para matulungan siyang mas matuto pa tungkol sa Bibliya.
MARAMI PANG GAWAIN
Sa pagtatapos ng taon, sumulat si Brother J. F. Rutherford sa lahat ng klase. Sinabi niya na “ang pagpapatotoo tungkol sa Kaharian sa taóng ito ay mas malawak at mas epektibo kaysa noong nakaraang mga taon.” Sinabi pa niya: “Marami pang kailangang gawin. Pasiglahin ang iba pa na sumama sa mahalagang gawaing ito.” Malinaw na sinunod ito ng mga Estudyante ng Bibliya dahil noong 1922, lakas-loob nilang ipinangaral ang tungkol sa Kaharian sa ekstraordinaryong paraan.
^ par. 9 Ang The Golden Age ay tinawag na Consolation noong 1937 at Awake! noong 1946.