Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 41

‘Sagana sa Awa’ ang Diyos Natin

‘Sagana sa Awa’ ang Diyos Natin

“Si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang habag [o, awa] niya ay makikita sa lahat ng ginagawa niya.”​—AWIT 145:9.

AWIT 44 Panalangin ng Nanghihina

NILALAMAN *

1. Ano ang puwedeng maisip natin kapag sinabing maawain ang isang tao?

KAPAG sinabing maawain ang isang tao, baka maisip natin na mabait siya, mapagmahal, mapagmalasakit, at mapagbigay. Baka maalala rin natin ang kuwento ni Jesus tungkol sa madamaying Samaritano. ‘Nagpakita siya ng awa’ sa isang Judio na binugbog at ninakawan. Kahit hindi niya ito kalahi, “naawa siya rito” at siniguradong maaalagaan ito. (Luc. 10:29-37) Kitang-kita sa ilustrasyong ito na maawain ang Diyos natin. Ang magandang katangiang iyan ang isang paraan ng Diyos para ipakitang mahal niya tayo.

2. Ano ang isa pang paraan kung paano maipapakita ang awa?

2 Baka maisip din natin ang isa pang paraan kung paano maipapakita ang awa. Iyan ay ang hindi pagpaparusa kahit may basehan para gawin iyon. Ganiyan nagpapakita ng awa si Jehova sa atin. “Hindi niya tayo pinaparusahan ayon sa mga kasalanan natin,” ang sabi ng salmista. (Awit 103:10) Pero kung minsan, naglalapat si Jehova ng mabigat na disiplina sa nagkasala.

3. Anong mga tanong ang tatalakayin natin?

3 Sa artikulong ito, sasagutin natin ang tatlong tanong: Bakit nagpapakita ng awa si Jehova? Ano ang koneksiyon ng awa at mabigat na disiplina? At ano ang makakatulong sa atin na maging maawain? Tingnan natin kung paano sinasagot ng Salita ng Diyos ang mga tanong na ito.

KUNG BAKIT NAGPAPAKITA NG AWA SI JEHOVA

4. Bakit nagpapakita ng awa si Jehova?

4 Gustong-gusto ni Jehova na magpakita ng awa. Isinulat ni apostol Pablo na ang Diyos ay ‘sagana sa awa.’ Ipinapakita dito ni Pablo na dahil sa awa ng Diyos, binigyan niya ng pag-asang mabuhay sa langit ang di-perpektong mga pinahirang lingkod niya. (Efe. 2:4-7) Pero hindi lang sa mga pinahiran nagpapakita ng awa si Jehova. Isinulat ng salmistang si David: “Si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang habag [o, awa] niya ay makikita sa lahat ng ginagawa niya.” (Awit 145:9) Dahil mahal ni Jehova ang mga tao, nagpapakita siya ng awa basta’t may nakita siyang basehan para gawin iyon.

5. Paano nalaman ni Jesus na maawain si Jehova?

5 Alam ni Jesus na gustong-gusto ni Jehova na magpakita ng awa kasi sa loob ng napakahabang panahon, magkasama sila ng Ama niya sa langit. (Kaw. 8:30, 31) Maraming beses na nakita ni Jesus kung paano naging maawain si Jehova sa mga nagkakasala. (Awit 78:37-42) Madalas na binabanggit ni Jesus ang magandang katangiang ito ng kaniyang Ama kapag nagtuturo siya.

Hindi ipinahiya ng ama ang kaniyang masuwaying anak; tinanggap niya itong muli (Tingnan ang parapo 6) *

6. Paano inilarawan ni Jesus ang pagiging maawain ng kaniyang Ama?

6 Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, gumamit si Jesus ng isang ilustrasyon tungkol sa masuwaying anak para ilarawan na gustong-gusto ni Jehova na magpakita ng awa. Umalis ang anak sa kanilang bahay at “nilustay ang mga pag-aari niya sa masamang pamumuhay.” (Luc. 15:13) Pero bandang huli, pinagsisihan din niya ang kaniyang imoral na pamumuhay, nagpakumbaba, at umuwi sa kanila. Ano kaya ang magiging reaksiyon ng kaniyang ama? Sinabi ni Jesus: “Malayo pa, natanaw na siya ng kaniyang ama at naawa ito sa kaniya; tumakbo ito at niyakap at hinalikan siya.” Hindi ipinahiya ng ama ang anak niya. Pinatawad niya ito at tinanggap muli sa pamilya. Nagkasala nang malubha ang masuwaying anak, pero dahil nagsisi siya, pinatawad siya ng kaniyang ama. Si Jehova ang maawaing ama sa ilustrasyon. Ipinapakita dito ni Jesus na handang patawarin ng kaniyang Ama ang mga nagkasala na tunay na nagsisisi.​—Luc. 15:17-24.

7. Ano ang koneksiyon ng karunungan ni Jehova sa pagpapakita niya ng awa?

7 Nagpapakita ng awa si Jehova dahil sa kaniyang di-mapapantayang karunungan. Ang karunungan ni Jehova ay hindi lang basta talino na walang malasakit. Sinasabi ng Bibliya na “ang karunungan mula sa itaas” ay “punô ng awa at mabubuting bunga.” (Sant. 3:17) Gaya ng isang mapagmahal na magulang, alam ni Jehova na kailangan ng mga anak niya ang awa niya. (Awit 103:13; Isa. 49:15) Dahil sa awa niya, nagkakaroon sila ng pag-asa kahit hindi sila perpekto. Kaya ang karunungan ni Jehova ang nagpapakilos sa kaniya na magpakita ng awa basta’t may nakita siyang basehan para gawin iyon. Pero alam din ni Jehova kung kailan hindi magpapakita ng awa. Alam niya ang kaibahan ng pagpapakita ng awa sa pangungunsinti.

8. Ano ang kailangang gawin kung minsan, at bakit?

8 Paano kung desidido ang isang lingkod ng Diyos na patuloy na mamuhay nang masama? “Tigilan ang pakikisama” sa kaniya, ang sabi ni Pablo. (1 Cor. 5:11) Itinitiwalag sa kongregasyon ang mga di-nagsisising nagkasala. Kailangang gawin iyon para maingatan ang tapat na mga kapatid at maipakita ang kabanalan ni Jehova. Pero baka nahihirapan ang iba na tanggapin na ang pagtitiwalag ay paraan ng Diyos ng pagpapakita ng awa. Ganoon nga ba? Tingnan natin.

PAGPAPAKITA BA NG AWA ANG MABIGAT NA DISIPLINA?

Kahit nakahiwalay ang isang may-sakit na tupa, patuloy pa rin siyang inaalagaan ng pastol (Tingnan ang parapo 9-11)

9-10. Ayon sa Hebreo 12:5, 6, bakit masasabi nating pagpapakita ng awa ang pagtitiwalag? Ilarawan.

9 Talagang nalulungkot tayo kapag ipinatalastas sa kongregasyon na ang isang malapít sa atin ay “hindi na isang Saksi ni Jehova.” Baka maisip natin kung kailangan ba talaga siyang itiwalag. Talaga bang pagpapakita ng awa ang pagtitiwalag? Oo. Hindi pagpapakita ng karunungan, awa, o pag-ibig ang hindi pagdidisiplina sa isa na nangangailangan nito. (Kaw. 13:24) Makakatulong ba ang pagtitiwalag para magbago ang isang di-nagsisising nagkasala? Oo. Nakita ng maraming nagkasala na ang ginawa ng mga elder ay nakatulong sa kanila na matauhan, magbago, at manumbalik kay Jehova.​—Basahin ang Hebreo 12:5, 6.

10 Tingnan ang ilustrasyong ito. Napansin ng isang pastol na may sakit ang isa sa mga tupa niya. Alam niya na para magamot ang sakit nito, kailangan itong ihiwalay sa kawan. Pero laging magkakasama ang mga tupa at baka mahirapan sila kapag napahiwalay sila sa iba. Kung gagawin ito ng pastol, ibig bang sabihin nito na malupit siya o walang awa? Siyempre hindi. Alam niya na puwedeng mahawa ang ibang tupa. Kaya kung ihihiwalay niya ang may-sakit na tupa, mapoprotektahan ang buong kawan.​—Ihambing ang Levitico 13:3, 4.

11. (a) Bakit parang may-sakit na tupa ang isang natiwalag? (b) Ano ang mga puwede pa ring gawin ng mga tiwalag, at paano sila tinutulungan?

11 Ang isang natiwalag ay parang may-sakit na tupa. May sakit siya sa espirituwal. (Sant. 5:14) Dahil ang may sakit sa espirituwal ay puwedeng makahawa, kailangan siyang ihiwalay sa kongregasyon kung minsan. Ang disiplinang ito ay pagpapakita ni Jehova ng pag-ibig sa tapat na mga kapatid sa kongregasyon, at baka makatulong ito sa nagkasala na matauhan at magsisi. Kahit tiwalag, makakadalo pa rin siya sa mga pulong kung saan makakakain siya at mapapatibay sa espirituwal. Makakakuha rin siya ng mga literatura na magagamit niya at makakapanood ng JW Broadcasting®. At kapag nakikita ng mga elder na ginagawa niya ang mga ito, puwede nila siyang payuhan paminsan-minsan ng mga dapat niyang gawin para maging malakas ulit sa espirituwal at maibalik bilang isang Saksi ni Jehova. *

12. Paano maipapakita ng mga elder ang pagmamahal at awa sa di-nagsisising nagkasala?

12 Mahalagang tandaan na ang mga nagkasala lang na hindi nagsisisi ang itinitiwalag. Alam ng mga elder na seryosong bagay ito, kaya pinag-iisipan nila itong mabuti. Alam nila na nagdidisiplina si Jehova “sa tamang antas.” (Jer. 30:11) Mahal nila ang mga kapatid, at ayaw nilang makagawa ng desisyon na makakasira sa kaugnayan ng mga ito kay Jehova. Pero kung minsan, para maipakita ang pagmamahal at awa sa isang nagkasala, kailangan muna nila siyang alisin sa kongregasyon.

13. Bakit kailangang itiwalag ang isang Kristiyano sa Corinto?

13 Tingnan ang ginawa ni apostol Pablo noon sa isang di-nagsisising nagkasala. Kinakasama ng isang Kristiyano sa Corinto ang asawa ng kaniyang ama. Sinabi noon ni Jehova sa mga Israelita: “Ang isang lalaking sumiping sa asawa ng kaniyang ama ay naglagay sa ama niya sa kahihiyan. Silang dalawa ay dapat patayin.” (Lev. 20:11) Hindi puwedeng ipag-utos ni Pablo na patayin ang taong ito. Pero sinabi niya sa mga taga-Corinto na dapat itong itiwalag. Nakakaimpluwensiya na sa kongregasyon ang masamang ginagawa ng taong ito. Hindi na nga iniisip ng ilan na masama ang pagiging imoral niya!—1 Cor. 5:1, 2, 13.

14. Paano nagpakita ng awa si Pablo sa natiwalag sa Corinto, at bakit? (2 Corinto 2:5-8, 11)

14 Bandang huli, nalaman ni Pablo na nagbago rin at talagang nagsisi ang taong itiniwalag. Kahit nagdala siya ng kahihiyan sa kongregasyon, ayaw ni Pablo na maging malupit sa pagdidisiplina sa kaniya. Sinabi ni Pablo sa matatanda sa kongregasyon: “Dapat na ninyo siyang patawarin nang buong puso at aliwin.” Pansinin ang dahilan ni Pablo: “Para hindi siya madaig ng sobrang kalungkutan.” Naawa si Pablo sa kaniya. At ayaw ni Pablo na sobra siyang malungkot o panghinaan ng loob at isipin niyang hindi na siya mapapatawad.​—Basahin ang 2 Corinto 2:5-8, 11.

15. Paano maipapakita ng mga elder na matatag sila sa pagdidisiplina pero maawain pa rin?

15 Tinutularan ng mga elder si Jehova at gustong-gusto rin nilang magpakita ng awa. Matatag sila sa pagdidisiplina kung kinakailangan, pero nagpapakita ng awa hangga’t posible basta’t may basehan para gawin iyon. Dahil kung hindi, hindi na iyon awa kundi pangungunsinti. Pero ang mga elder lang ba ang dapat magpakita ng awa?

ANO ANG MAKAKATULONG SA ATIN NA MAGING MAAWAIN?

16. Batay sa Kawikaan 21:13, ano ang gagawin ni Jehova sa mga hindi nagpapakita ng awa?

16 Sinisikap ng lahat ng Kristiyano na maging maawain gaya ni Jehova. Bakit? Dahil hindi pinapakinggan ni Jehova ang mga hindi nagpapakita ng awa sa iba. (Basahin ang Kawikaan 21:13.) Siguradong gusto nating lahat na pakinggan ni Jehova ang mga panalangin natin, kaya iniiwasan nating maging manhid at walang awa. Imbes na maging walang malasakit, dapat na lagi tayong handang makinig “kapag dumaraing ang mahirap.” Lagi rin nating tinatandaan ang sinasabi ng Bibliya: “Ang hindi nagpapakita ng awa ay hahatulan nang walang awa.” (Sant. 2:13) Kung magiging mapagpakumbaba tayo at iisipin na tayo mismo ay nangangailangan ng awa, mas malamang na magpakita tayo ng awa. Gusto nating maging maawain lalo na sa nagsising nagkasala na nakabalik sa kongregasyon.

17. Paano nagpakita ng awa si Haring David?

17 Makakatulong sa atin ang mga halimbawa sa Bibliya para maging maawain tayo at hindi malupit. Isa na diyan si Haring David. Maraming beses siyang nagpakita ng awa. Kahit noong gusto siyang patayin ni Saul, naging maawain si David sa piniling hari ng Diyos at hindi siya naghiganti.​—1 Sam. 24:9-12, 18, 19.

18-19. Ano ang dalawang pagkakataon na hindi nagpakita ng awa si David?

18 Pero hindi laging maawain si David. Halimbawa, nang insultuhin ng malupit na si Nabal si David at ang mga tauhan niya at pagdamutan sila ng pagkain, galit na galit si David at gusto niyang patayin ito at ang lahat ng lalaki sa sambahayan nito. Buti na lang at kumilos agad ang matiising asawa ni Nabal na si Abigail, kaya naiwasan ni David na magkasala sa dugo.​—1 Sam. 25:9-22, 32-35.

19 Noong minsan naman, nang ikuwento ni propeta Natan kay David na ninakaw ng taong mayaman ang kaisa-isang tupa ng taong mahirap, galit na galit na sinabi ni David: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, dapat mamatay ang taong gumawa nito!” (2 Sam. 12:1-6) Pamilyar si David sa sinasabi ng Kautusang Mosaiko. Kapag nagnakaw ang isang tao ng isang tupa, magbabayad siya ng apat na tupa. (Ex. 22:1) Kaya napakalupit ng parusang kamatayan na sinabi ni David! Pero ilustrasyon lang iyon ni Natan para ipakita kay David kung gaano kasama ang patong-patong na kasalanang ginawa niya. Makikita na talagang naging maawain si Jehova kay David, samantalang si David ay hindi naging maawain sa nagnakaw ng tupa sa ilustrasyon ng propeta.​—2 Sam. 12:7-13.

Hindi nagpakita ng awa si Haring David sa taong mayaman sa ilustrasyon ni Natan (Tingnan ang parapo 19-20) *

20. Ano ang matututuhan natin sa nangyari kay David?

20 Pansinin na noong nagpadala si David sa galit niya, hinatulan niya si Nabal at ang lahat ng lalaki sa sambahayan nito na dapat silang mamatay. Nang maglaon, hinatulan din niya ng kamatayan ang taong mayaman sa ilustrasyon ni Natan. Sa ikalawang pangyayaring ito, baka maisip natin, ‘Mabait naman si David kaya bakit napakalupit ng naging hatol niya?’ Kasi noong panahong iyon, mayroon siyang itinatagong kasalanan. At ang pagiging mapanghatol ay palatandaan ng hindi magandang kaugnayan kay Jehova. Nagbabala si Jesus sa mga tagasunod niya: “Huwag na kayong humatol para hindi kayo mahatulan; dahil kung paano kayo humahatol, gayon kayo hahatulan.” (Mat. 7:1, 2) Kaya patuloy nating sikapin na tularan ang ating Diyos na ‘sagana sa awa’ at iwasan nating maging malupit.

21-22. Ano ang ilang praktikal na paraan para maipakita natin ang awa?

21 Ang awa ay hindi lang basta nararamdaman. Dapat na makita rin ito sa gawa. Lahat tayo ay puwedeng maging palaisip sa pangangailangan ng ating pamilya, kongregasyon, at komunidad. Maraming pagkakataon para maipakita ang awa! May kilala ka ba na kailangang patibayin? Puwede ba tayong mag-alok ng praktikal na tulong, halimbawa, ipagluto sila ng pagkain o tulungan sa gawaing-bahay? Kailangan ba ng isang nakabalik sa kongregasyon ng isang kaibigan na aalalay at magpapalakas sa kaniya sa espirituwal? Puwede ba nating sabihin sa iba ang nakakapagpatibay na mensahe ng mabuting balita? Ilan lang ito sa pinakamagagandang paraan para maipakita natin ang awa.​—Job 29:12, 13; Roma 10:14, 15; Sant. 1:27.

22 Kung iisipin natin ang pangangailangan ng iba, marami tayong makikitang pagkakataon para maging maawain. At kapag nagpapakita tayo ng awa, siguradong mapapasaya natin ang ating Ama sa langit, ang Diyos na ‘sagana sa awa’!

AWIT 43 Isang Panalangin ng Pasasalamat

^ par. 5 Awa ang isa sa pinakamagagandang katangian ni Jehova na kailangan nating tularan. Sa artikulong ito, aalamin natin kung bakit nagpapakita ng awa si Jehova, kung bakit masasabing maawain siya kapag nagdidisiplina, at kung paano natin maipapakita ang magandang katangiang ito.

^ par. 11 Para malaman kung paano mapapatibay ulit ng mga nakabalik sa kongregasyon ang kaugnayan nila sa Diyos at kung paano sila matutulungan ng mga elder, tingnan ang artikulong “Patibayin Mong Muli ang Pakikipagkaibigan Mo kay Jehova” sa isyung ito.

^ par. 60 LARAWAN: Mula sa bubong ng bahay niya, nakita ng ama ang kaniyang masuwaying anak na pauwi sa kanila at dali-dali niya itong sinalubong para yakapin.

^ par. 64 LARAWAN: Dahil sa itinatago niyang kasalanan, naging mapanghatol si Haring David at galit na galit niyang sinabi na dapat mamatay ang taong mayaman sa ilustrasyon ni Natan.