1922—100 Taon Na ang Nakalipas
“IBINIBIGAY [ng Diyos] sa atin ang tagumpay sa pamamagitan [ni] Jesu-Kristo!” (1 Cor. 15:57) Sa mga salitang ito sa taunang teksto noong 1922, tiniyak sa mga Estudyante ng Bibliya na gagantimpalaan ang katapatan nila. At noong taóng iyon, pinagpala nga ni Jehova ang masisigasig na mángangarál na ito. Nagsimula silang mag-imprenta at mag-bind ng sarili nilang mga aklat at gumamit ng radyo para ipangaral ang mga katotohanan ng Kaharian. Pagkatapos, noong huling mga buwan ng taóng iyon, kitang-kita na naman na pinagpapala ni Jehova ang bayan niya. Nakapagdaos ng isang di-malilimutang kombensiyon ang mga Estudyante ng Bibliya sa Cedar Point, Ohio, U.S.A. Malaki ang naging epekto ng kombensiyong iyan sa gawain ng organisasyon ni Jehova mula noon hanggang ngayon.
“ISANG NAKAPANANABIK NA IDEA”
Dahil mas marami ang nangangaral, mas maraming literatura ang kailangan. Ang mga kapatid sa Brooklyn Bethel ang nag-iimprenta ng mga magasin. Pero para sa mga aklat na may matigas na pabalat, nakadepende pa rin sila sa mga kompanya na nag-iimprenta. Pero sa loob ng maraming buwan, hindi nakapag-imprenta ang mga kompanyang ito ng mga aklat na magagamit nila sa pangangaral. Kaya tinanong ni Brother Rutherford si Robert Martin, ang factory manager noon, kung posible bang makapag-imprenta sila ng mga aklat.
“Ito’y nakapananabik na idea,” ang sabi ni Brother Martin, “sapagkat nangangahulugan ito ng pagbubukas ng isang buong planta na may pasilidad sa typesetting, electroplating, paglilimbag, at pagpapabalat ng mga aklat.” Umupa ang mga kapatid ng pasilidad sa 18 Concord Street sa Brooklyn at bumili ng mga equipment na kailangan nila.
Hindi lahat ay natuwa sa ideya na mag-imprenta ng sarili nilang aklat. Ang bagong pasilidad na ito ay pinuntahan ng presidente ng isang kompanyang dating nag-iimprenta ng mga aklat natin. Sinabi niya: “Taglay ninyo ang primera-klaseng gusali sa paglilimbag, gayunman ay wala kayong anumang alam tungkol dito. Sa loob ng anim na buwan, lahat ng ito ay magiging isang malaking bunton ng basura.”
“Parang makatuwiran naman ito,” ang sabi ni Brother Martin, “ngunit hindi nito isinaalang-alang ang patnubay ng Panginoon; at siya’y laging sumasaatin.” Tama si Brother Martin. Di-nagtagal, 2,000 aklat kada araw ang iniimprenta sa bagong imprentahang ito.
LIBO-LIBO ANG NAPANGARALAN DAHIL SA RADYO
Bukod sa pag-iimprenta ng ilang aklat, sinimulan din ng bayan ni Jehova ang paggamit ng bagong paraan para ipangaral ang mabuting
balita—ang pagbobrodkast sa radyo. Noong Pebrero 26, 1922, Linggo ng hapon, nagsalita sa radyo si Brother Rutherford sa kauna-unahang pagkakataon. Ipinahayag niya ang paksang “Milyun-Milyong Nabubuhay Ngayon ang Hindi Na Kailanman Mamamatay” sa istasyon ng radyo na KOG sa Los Angeles, California, U.S.A.Tinatayang 25,000 ang nakapakinig sa programa. Ang ilan sa kanila ay nagpadala ng liham ng pasasalamat. Isa na rito si Willard Ashford, na taga-Santa Ana, California. Pinasalamatan niya si Brother Rutherford sa “maganda at nakakapagpatibay” na pahayag. Sinabi rin niya: “Tatlo ang maysakit sa pamilya namin, kaya hindi kami makakaalis ng bahay para makinig sa iyo, kahit sa kabilang kanto mo lang gawin ang pahayag.”
Marami pang napakinggang pahayag sa radyo noong sumunod na mga linggo. Sa pagtatapos ng taon, sinabi ng The Watch Tower na tinatayang “di-bababa sa 300,000 ang nakapakinig ng mensahe sa radyo.”
Dahil sa positibong resulta, nagpasiya ang mga Estudyante ng Bibliya na magkaroon ng sariling istasyon ng radyo sa Staten Island na malapit sa Brooklyn Bethel. Sa sumunod na mga taon, ginamit ng mga Estudyante ng Bibliya ang istasyong WBBR para ipangaral ang mensahe ng Kaharian sa maraming lugar.
“ADV”
Sinabi ng The Watch Tower, isyu ng Hunyo 15, 1922, na isang malaking kombensiyon ang gaganapin sa Cedar Point, Ohio, simula Setyembre 5 hanggang 13, 1922. Masayang-masaya ang mga Estudyante ng Bibliya nang dumating sila sa Cedar Point.
Sa kaniyang unang pahayag, sinabi ni Brother Rutherford sa mga tagapakinig: “Buo ang tiwala ko na pagpapalain ng Panginoon ang kombensiyong ito at magiging isang malaking patotoo ito sa buong mundo.” Paulit-ulit na pinasigla ng mga tagapagpahayag sa kombensiyong iyon ang mga kapatid na mangaral.
Pagkatapos, noong Biyernes, Setyembre 8, mga 8,000 ang dumating sa awditoryum, at sabik silang mapakinggan ang pahayag ni Brother Rutherford. Inaasahan nila na ipapaliwanag niya ang kahulugan ng “ADV” na nakaimprenta
sa mga imbitasyon nila. Sa pag-upo nila, tiyak na nakita ng ilan ang isang malaking banner na nakarolyo at nakasabit sa itaas ng entablado. Maganda ang napuwestuhan ni Arthur Claus, na nagbiyahe pa mula sa Tulsa, Oklahoma, U.S.A. Nakapuwesto siya sa lugar na maririnig niyang mabuti ang pahayag. Mahirap marinig noon ang mga pahayag dahil wala pang mga mikropono o loud speaker.“Nakaabang kami sa bawat salita”
Para matiyak na hindi magagambala ang pahayag, ipinatalastas ng chairman na wala nang papapasukin sa awditoryum sa panahon ng pahayag ni Brother Rutherford. Noong 9:30 n.u., sinimulan ni Brother Rutherford ang pahayag niya sa pagsipi sa mga salita ni Jesus sa Mateo 4:17: “Ang Kaharian ng langit ay malapit na.” Nang talakayin niya kung paano malalaman ng mga tao ang tungkol sa Kahariang ito, sinabi niya: “Sinabi mismo ni Jesus na sa panahon ng presensiya niya, magsasagawa siya ng pag-aani para tipunin ang mga tunay at tapat sa kaniya.”
Ganito ang naalala ni Brother Claus, na nakaupo mismo sa loob ng awditoryum: “Nakaabang kami sa bawat salita.” Pero biglang sumamâ ang pakiramdam niya kaya kinailangan niyang lumabas ng awditoryum. Ayaw sanang lumabas ni Arthur kasi alam niyang hindi na siya makakapasok.
Pagkaraan ng ilang minuto, gumanda na ang pakiramdam niya. Ikinuwento niya na habang pabalik siya ng awditoryum, nakarinig siya ng malakas na palakpakan. Lalo siyang nanabik! Naisip niya na kung kailangan man niyang umakyat sa bubong, gagawin niya iyon para lang marinig ang natitirang bahagi ng pahayag. Nakagawa ng paraan si Brother Claus, na 23 anyos lang noon, na makaakyat sa bubong. Nakabukas ang mga bintana, at sinabi niya na habang papalapit siya, “dinig na dinig niya ang pahayag.”
Pero hindi lang si Arthur ang nasa bubong. Naroon din ang ilan sa mga kaibigan niya. Nilapitan
siya ng isa sa kanila, si Frank Johnson, at nagtanong, “Mayroon ka bang maliit na kutsilyo?”“Oo, mayroon,” ang sabi ni Arthur.
“Sagot ka sa panalangin namin,” ang sabi ni Frank. “Nakikita mo ba ang nakarolyong iyon? Banner iyan na nakatali sa mga pako. Makinig kang mabuti kay Judge. a Kapag sinabi niyang ‘ianunsiyo, ianunsiyo,’ putulin mo ang apat na tali.”
Kaya hinintay ni Arthur at ng mga kasama niya ang signal habang hawak niya ang kutsilyo. Di-nagtagal, dumating na si Brother Rutherford sa pinakamahalagang bahagi ng pahayag niya. Punong-puno ng sigla si Brother Rutherford kaya sinabi niya nang malakas: “Maging tapat at tunay na mga saksi para sa Panginoon. Lumusob sa labanan hanggang ang bawat bakas ng Babilonya ay lubusang mapawi. Ipahayag ang balita sa lahat ng lugar. Dapat malaman ng buong daigdig na si Jehova ang Diyos at na si Jesu-Kristo ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Ito ang araw ng lahat ng mga araw. Masdan, namamahala na ang Hari! Kayo ang kaniyang mga kinatawang tagapagbalita. Kung gayon, ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang Kaharian!”
Ikinuwento ni Arthur na pinutol niya at ng iba pang brother ang tali at unti-unting bumaba ang nakarolyong banner. Mababasa sa banner: “Ianunsiyo ang Hari at Kaharian.” Ang mga letrang “ADV” na pinaikling anyo ng salitang Ingles na “advertise” ay katumbas ng salitang “ianunsiyo.”
ISANG MAHALAGANG GAWAIN
Ang kombensiyon sa Cedar Point ay tumulong sa mga kapatid na magpokus sa mahalagang gawain—ang pangangaral ng Kaharian. At masaya silang nakibahagi rito. Ganito ang isinulat ng isang colporteur (tinatawag ngayong pioneer) mula sa Oklahoma, U.S.A., “Nangangaral kami sa lugar kung saan marami ang nagtatrabaho sa minahan ng karbon, at mahihirap ang mga tao rito.” Sinabi niya na madalas, kapag nababasa ng mga tao ang mensahe sa magasing Golden Age, “napapaiyak sila.” Sinabi pa niya, “Masayang-masaya kami dahil nabibigyan namin sila ng pag-asa.”
Alam ng mga Estudyante ng Bibliya kung gaano kahalaga ang sinabi ni Jesus sa Lucas 10:2: “Marami ang aanihin, pero kakaunti ang mga manggagawa.” Sa pagtatapos ng taon, lalo pa silang naging determinado na ianunsiyo ang mensahe ng Kaharian sa mas maraming tao.
a Kung minsan, tinatawag na “Judge” si Brother Rutherford dahil may mga pagkakataong nagtatrabaho siya bilang judge sa Missouri, U.S.A.