Kagalakan—Isang Katangian Mula sa Diyos
NORMAL sa mga tao na maghangad ng masayang buhay. Pero sa mga huling araw na ito, lahat ay napapaharap sa mga problemang “mahirap pakitunguhan.” (2 Tim. 3:1) May mga dumaranas ng kawalang-katarungan, mahinang kalusugan, kawalan ng trabaho, pagdadalamhati, o iba pang dahilan ng kabalisahan. Dahil dito, unti-unting nawawala ang kanilang kagalakan. Kahit na mga lingkod ng Diyos ay puwedeng masiraan ng loob. Kung mangyari iyan sa iyo, paano mo maibabalik ang iyong kagalakan?
Para masagot iyan, alamin muna natin kung ano ang tunay na kagalakan at kung paano ito napanatili ng iba sa kabila ng mga pagsubok. Pagkatapos, titingnan natin kung paano natin mapananatili at mapasisidhi ang ating kagalakan.
ANO ANG KAGALAKAN?
Ang kagalakan ay hindi lang basta pagiging masayahin. Para ilarawan: Nakarami ng inom ang isang lasenggo at tawa siya nang tawa. Pero nang wala na ang epekto ng alak, tumigil siya sa pagtawa at muling nalungkot dahil naalaala niya ang problemado niyang buhay. Kaya ang kaniyang pansamantalang kasiyahan ay hindi tunay na kagalakan.—Kaw. 14:13.
Ang kagalakan ay isang masidhing damdamin na nasa puso. Tinukoy ito bilang “emosyong idinudulot ng pagtatamo o pag-asam ng mabuti.” Ang kagalakan ay ang pagiging maligaya, kaayaaya man ang sitwasyon o hindi. (1 Tes. 1:6) Sa katunayan, puwedeng mabahala ang isa dahil sa isang sitwasyon pero may kagalakan pa rin siya sa kaniyang puso. Halimbawa, dahil sa pagsasalita tungkol kay Kristo, pinagpapalo ang mga apostol. Pero “yumaon ang mga ito mula sa harap ng Sanedrin, na nagsasaya sapagkat ibinilang silang karapat-dapat na walaing-dangal alang-alang sa kaniyang pangalan.” (Gawa 5:41) Siguradong hindi sila nagsaya dahil sa mga palong tinanggap nila. Pero bilang mga lingkod ng Diyos, nagkaroon sila ng tunay na kagalakan dahil nakapanatili silang tapat.
Hindi tayo ipinanganak na may gayong kagalakan at hindi rin tayo awtomatikong nagkakaroon nito. Bakit? Dahil ang tunay na kagalakan ay bahagi ng bunga ng banal na espiritu ng Diyos. Sa tulong ng espiritu ng Diyos, lubusan nating malilinang ang “bagong personalidad,” kabilang dito ang kagalakan. (Efe. 4:24; Gal. 5:22) At kung mayroon tayong kagalakan, mas makakayanan nating harapin ang mga problema sa buhay.
MGA HALIMBAWA NA MATUTULARAN NATIN
Gusto ni Jehova na maging maganda ang buhay dito sa lupa, di-gaya ng masasamang kalagayang nakikita natin ngayon. Pero kahit maraming tao ang gumagawa ng masama, hindi nawawalan ng kagalakan si Jehova. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang lakas at ang kagalakan ay nasa kaniyang dako.” (1 Cro. 16:27) Karagdagan pa, ang mabubuting bagay na ginagawa ng kaniyang mga lingkod ay nagpapasaya sa puso ni Jehova.—Kaw. 27:11.
Matutularan natin si Jehova kung hindi tayo sobrang mag-aalala kapag hindi nangyari ang inaasahan natin. Sa halip, dapat tayong magpokus sa mabubuting bagay na mayroon tayo *
at magtiis habang hinihintay ang magagandang bagay na mangyayari sa hinaharap.May mga halimbawa rin sa Bibliya ng mga taong nakapagpanatili ng kanilang kagalakan sa mahihirap na kalagayan. Isa na rito si Abraham. Nakayanan niya ang mga sitwasyong nagsapanganib ng buhay niya at ang mga problemang idinulot ng iba. (Gen. 12:10-20; 14:8-16; 16:4, 5; 20:1-18; 21:8, 9) Sa kabila ng mga hamon, napanatili ni Abraham ang kagalakan sa kaniyang puso. Paano? Malinaw sa isip niya ang pag-asang mabuhay sa bagong sanlibutan sa ilalim ng pamamahala ng Mesiyas. (Gen. 22:15-18; Heb. 11:10) Sinabi ni Jesus: “Si Abraham na inyong ama ay nagsaya nang labis sa pag-asang makita ang aking araw.” (Juan 8:56) Matutularan natin si Abraham kung bubulay-bulayin natin ang kagalakang mararanasan natin sa hinaharap.—Roma 8:21.
Gaya ni Abraham, nagpokus din si apostol Pablo at si Silas sa mga pangako ng Diyos. Matibay ang kanilang pananampalataya, at napanatili nila ang kanilang kagalakan sa kabila ng di-magagandang karanasan. Halimbawa, matapos silang paghahampasin nang maraming ulit at ibilanggo, sa “kalagitnaan ng gabi sina Pablo at Silas ay nananalangin at pumupuri sa Diyos sa pamamagitan ng awit.” (Gawa 16:23-25) Nagkaroon sila ng kagalakan dahil alam nilang may pag-asa sila sa hinaharap at nagdurusa sila alang-alang sa pangalan ni Kristo. Matutularan natin sina Pablo at Silas kung isasaisip natin ang magagandang resulta ng ating tapat na paglilingkod sa Diyos.—Fil. 1:12-14.
Sa ngayon, marami ring kapatid ang mahuhusay na halimbawa dahil napanatili nila ang kanilang kagalakan sa harap ng mga pagsubok. Halimbawa, noong Nobyembre 2013, sinalanta ng Super Typhoon Yolanda (Haiyan) ang gitnang bahagi ng Pilipinas at winasak ang mahigit 1,000 tahanan ng mga pamilyang Saksi. Nakatira si George sa lunsod ng Tacloban at lubusang nawasak ang bahay niya. Sinabi niya: “Sa kabila ng nangyari, masaya pa rin ang mga kapatid. Hindi ko maipaliwanag ang kagalakang nararamdaman namin.” Kapag nakararanas tayo ng matitinding pagsubok, mapananatili natin ang ating kagalakan kung bubulay-bulayin natin at pahahalagahan ang mabubuting bagay na ginawa ni Jehova para sa atin. Ano pa ang inilaan ni Jehova na mga dahilan para makadama tayo ng kagalakan?
MGA DAHILAN NG ATING KAGALAKAN
Ano ang pangunahing dahilan ng ating kagalakan? Ang ating kaugnayan sa Diyos. Isipin ito: Kilala natin ang Soberano ng Uniberso. Siya ang ating Kaibigan, Diyos, at Ama!—Awit 71:17, 18.
Pinahahalagahan din natin ang regalong buhay at ang kasiyahang dulot nito. (Ecles. 3:12, 13) Dahil inilapit tayo ni Jehova sa kaniyang sarili, naunawaan natin ang kalooban niya para sa atin. (Col. 1:9, 10) Kaya nagkaroon ng tunay na kahulugan at direksiyon ang ating buhay. Pero hindi alam ng karamihan sa sangkatauhan ang layunin ng buhay. Tungkol sa pagkakaibang ito, isinulat ni Pablo: “‘Hindi nakita ng mata at hindi narinig ng tainga, ni naisip man sa puso ng tao ang mga bagay na inihanda ng Diyos para roon sa mga umiibig sa kaniya.’ Sapagkat sa atin isiniwalat ng Diyos ang mga ito sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.” (1 Cor. 2:9, 10) Hindi ba tayo nagagalak na nauunawaan natin ang kalooban at layunin ni Jehova?
Marami pang ginawa si Jehova para sa atin. Halimbawa, masaya tayo dahil pinapatawad niya ang ating mga kasalanan. (1 Juan 2:12) Dahil sa awa ng Diyos, nagkaroon tayo ng pag-asang mabuhay sa isang bagong sanlibutan na malapit nang dumating. (Roma 12:12) Ngayon pa lang, binigyan na tayo ni Jehova ng isang mahusay na kapatiran na kasama nating sumasamba sa kaniya. (Awit 133:1) Tinitiyak din sa atin ng Salita ng Diyos na poprotektahan ni Jehova ang kaniyang bayan laban kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo. (Awit 91:11) Kung bubulay-bulayin natin ang lahat ng pagpapalang ito ng Diyos, lalong sisidhi ang ating kagalakan.—Fil. 4:4.
PAANO MO MAPASISIDHI ANG IYONG KAGALAKAN?
Puwede pa bang mapasidhi ng isang Kristiyano ang kaniyang kagalakan? Oo. Sinabi ni Jesus: “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang mapasainyo ang aking kagalakan at ang inyong kagalakan ay malubos.” (Juan 15:11) Paano natin iyan magagawa? Bilang paghahambing: Para lalong mapaningas ang apoy, kailangan itong dagdagan ng panggatong. Sa katulad na paraan, ang banal na espiritu ay tumutulong para magkaroon tayo ng kagalakan. Kaya kung gusto nating magkaroon ng mas masidhing kagalakan, kailangan nating regular na manalangin para hilingin ang espiritu ni Jehova. Kailangan din nating patuloy na bulay-bulayin ang kaniyang Salita, na kinasihan ng espiritu.—Awit 1:1, 2; Luc. 11:13.
Mapasisidhi mo rin ang kagalakan mo kapag aktibo ka sa mga gawaing nakalulugod kay Jehova. (Awit 35:27; 112:1) Bakit? Sinasabi ng Eclesiastes 12:13: “Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” Sa ibang salita, nilikha tayo para gawin ang kalooban ni Jehova. Kaya kapag naglilingkod tayo kay Jehova, tiyak na mas masisiyahan tayo sa buhay. *
MAGAGANDANG RESULTA NG KAGALAKAN
Bukod sa masayang pakiramdam, may iba pang magagandang resulta ang pagkakaroon natin ng kagalakan. Halimbawa, mas napalulugdan natin ang ating makalangit na Ama habang naglilingkod tayo sa kaniya nang may kagalakan, anumang problema ang dumating. (Deut. 16:15; 1 Tes. 5:16-18) Dahil mayroon tayong tunay na kagalakan, iniiwasan din natin ang materyalistikong paraan ng pamumuhay. Sa halip, handa tayong magsakripisyo para sa Kaharian ng Diyos. (Mat. 13:44) Kapag nakikita natin ang magagandang resulta nito, sumisidhi ang ating kagalakan, nadaragdagan ang paggalang natin sa sarili, at napasasaya rin natin ang iba.—Gawa 20:35; Fil. 1:3-5.
“Kung ngayon pa lang ay masaya ka na at kontento sa buhay, mas malamang na magiging malusog ka sa hinaharap.” Iyan ang isinulat ng isang researcher sa University of Nebraska sa United States matapos gumawa ng ilang pag-aaral tungkol sa kalusugan. Kasuwato iyan ng sinasabi ng Bibliya: “Ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling.” (Kaw. 17:22) Oo, kung mas masaya tayo, lalong gaganda ang kalusugan natin.
Kahit punô ng problema ang panahon natin ngayon, puwede tayong magkaroon ng tunay at namamalaging kagalakan kung taglay natin ang banal na espiritu. Kaya dapat tayong manalangin, mag-aral, at magbulay-bulay ng Salita ni Jehova. Sisidhi rin ang ating kagalakan kung iisipin natin ang mga pagpapalang tinatanggap natin ngayon, tutularan ang pananampalataya ng iba, at gagawin ang kalooban ng Diyos. Sa ganitong paraan, mararanasan natin ang sinasabi ng Awit 64:10: “Ang matuwid ay magsasaya kay Jehova at manganganlong sa kaniya.”
^ par. 10 Ang mahabang pagtitiis ay tatalakayin sa isang artikulo sa seryeng ito tungkol sa “bunga ng espiritu.”
^ par. 20 Tingnan ang kahong “ Iba Pang Paraan Para Mapasidhi ang Kagalakan.”