ARALING ARTIKULO 9
Pag-ibig at Katarungan sa Sinaunang Israel
“Siya ay maibigin sa katuwiran at katarungan. Ang lupa ay punô ng maibiging-kabaitan ni Jehova.”—AWIT 33:5.
AWIT 3 Ikaw ang Aming Pag-asa at Lakas
NILALAMAN *
1-2. (a) Ano ang gusto nating lahat? (b) Saan tayo makasisiguro?
GUSTO nating lahat na may nagmamahal sa atin. Gusto rin nating tratuhin tayo nang tama. Kung paulit-ulit tayong napagkakaitan ng pag-ibig at katarungan, baka madama nating wala tayong pag-asa at halaga.
2 Alam ni Jehova na kailangang-kailangan natin ng pag-ibig at katarungan. (Awit 33:5) Makasisiguro tayo na mahal na mahal tayo ng ating Diyos at ayaw niyang naaapi tayo. Makikita ito kung susuriin natin ang Kautusang ibinigay ni Jehova kay Moises para sa bansang Israel. Kung salat ka sa pag-ibig o biktima ng kawalang katarungan, matutuwa kang malaman kung paano ipinapakita ng Kautusang Mosaiko * ang malasakit ni Jehova sa kaniyang bayan.
3. (a) Gaya ng ipinapaliwanag sa Roma 13:8-10, ano ang malalaman natin kapag pinag-aralan natin ang Kautusang Mosaiko? (b) Ano-anong tanong ang sasagutin sa artikulong ito?
3 Kapag pinag-aralan natin ang Kautusang Mosaiko, malalaman nating nagmamalasakit sa atin ang ating maibiging Diyos, si Jehova. (Basahin ang Roma 13:8-10.) Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang ilang batas na ibinigay sa Israel. Sasagutin din ang mga tanong na ito: Bakit natin masasabi na salig sa pag-ibig ang Kautusan? Paano natin masasabi na nagtataguyod ito ng katarungan? Paano dapat ipatupad ng mga nasa awtoridad ang Kautusan? At sino ang espesipikong pinoprotektahan ng Kautusan? Ang sagot sa mga tanong na iyan ay makapagpapaginhawa, makapagbibigay ng pag-asa, at makapaglalapít sa atin sa ating maibiging Ama.—Gawa 17:27; Roma 15:4.
ISANG KAUTUSANG SALIG SA PAG-IBIG
4. (a) Bakit natin masasabing nakasalig sa pag-ibig ang Kautusang Mosaiko? (b) Gaya ng nakaulat sa Mateo 22:36-40, anong mga utos ang idiniin ni Jesus?
4 Masasabi nating nakasalig sa pag-ibig ang Kautusang Mosaiko dahil ang lahat ng ginagawa ni Jehova ay udyok ng pag-ibig. (1 Juan 4:8) May dalawang saligang utos ang buong Kautusan ni Jehova—ibigin ang Diyos, at ibigin ang iyong kapuwa. (Lev. 19:18; Deut. 6:5; basahin ang Mateo 22:36-40.) Kaya makatitiyak tayo na ang bawat isa sa mahigit 600 utos sa Kautusan ay may itinuturo tungkol sa pag-ibig ni Jehova. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
5-6. Ano ang gusto ni Jehova na gawin ng mga mag-asawa, at ano ang alam na alam ni Jehova tungkol sa kanila? Magbigay ng halimbawa.
5 Maging tapat sa asawa mo, at alagaan ang iyong mga anak. Gusto ni Jehova na mahalin ng mag-asawa ang isa’t isa habambuhay. (Gen. 2:24; Mat. 19:3-6) Ang pangangalunya ang isa sa pinakamalupit na krimeng magagawa ng isang tao. Kaya naman ipinagbawal ng ikapito sa Sampung Utos ang pangangalunya. (Deut. 5:18) Kasalanan ito “laban sa Diyos,” at napakasakit nito para sa kabiyak. (Gen. 39:7-9) Maaaring hindi malimutan ng isang biktima ng pangangalunya ang sakit na mapagtaksilan, kahit maraming taon pa ang lumipas.
6 Alam na alam ni Jehova kung paano pinakikitunguhan ng mag-asawa ang isa’t isa. Gusto niya na ang mga asawang babaeng Israelita ay tratuhing mabuti. Mamahalin ng asawang lalaki na may paggalang sa Kautusan ang kaniyang asawa, at hindi niya ito basta-basta didiborsiyuhin. (Deut. 24:1-4; Mat. 19:3, 8) Pero kung magkaroon ng malubhang problema at nagdiborsiyo sila, kailangan niyang bigyan ang asawang babae ng kasulatan ng diborsiyo. Ang kasulatang ito ay proteksiyon sa asawang babae mula sa mga maling bintang ng imoralidad. Gayundin, bago madiborsiyo ng asawang lalaki ang asawa niya, lumilitaw na dapat muna siyang kumonsulta sa matatandang lalaki ng lunsod. Sa ganitong paraan, makatutulong sila sa mag-asawa na isalba ang kanilang pagsasama. Hindi palaging nakikialam si Jehova kapag dinidiborsiyo ng isang lalaking Israelita ang kaniyang asawa kahit walang kadahi-dahilan. Pero nakikita niya ang pagluha ng asawang babae, at nasasaktan siya sa pagdurusa nito.—Mal. 2:13-16.
7-8. (a) Ano ang iniutos ni Jehova sa mga magulang? (Tingnan ang larawan sa pabalat.) (b) Ano-anong aral ang natutuhan natin?
7 Makikita rin sa Kautusan na talagang nagmamalasakit si Jehova sa kapakanan ng mga bata. Inutusan ni Jehova ang mga magulang na ilaan sa kanilang mga anak hindi lang ang materyal na pangangailangan kundi pati na ang espirituwal. Dapat gamitin ng mga magulang ang bawat pagkakataon para tulungan ang kanilang mga anak na maintindihan at mapahalagahan ang Kautusan ni Jehova at turuan silang ibigin siya. (Deut. 6:6-9; 7:13) Ang kakila-kilabot na pagtrato sa mga bata ay isang dahilan kung bakit pinarusahan ni Jehova ang mga Israelita noon. (Jer. 7:31, 33) Hindi dapat pabayaan o abusuhin ng mga magulang ang kanilang mga anak, dahil hindi sila basta pag-aari, kundi isang mana o regalo mula kay Jehova na dapat mahalin.—Awit 127:3.
8 Aral: Nakikita ni Jehova kung paano pinakikitunguhan ng mga mag-asawa ang isa’t isa. Gusto niyang mahalin ng mga magulang ang kanilang mga anak, at mananagot sila sa kaniya kapag minaltrato nila ang mga ito.
9-11. Bakit ipinagbawal ni Jehova ang pag-iimbot?
9 Huwag mag-imbot. Ipinagbabawal ng pinakahuli sa Sampung Utos ang pag-iimbot, Deut. 5:21; Roma 7:7) Ibinigay ni Jehova ang utos na ito para magturo ng mahalagang aral: Dapat bantayan ng kaniyang bayan ang kanilang puso—ang kanilang kaisipan, damdamin, at pangangatuwiran. Alam niya na ang masamang gawa ay nagmumula sa masamang kaisipan at maling damdamin. (Kaw. 4:23) Kung hahayaan ng isang Israelita na tumubo sa kaniyang puso ang maling pagnanasa, malamang na hindi siya maging maibigin sa pagkilos niya. Ganiyan ang nangyari kay Haring David. Mabuting tao siya. Pero inimbot niya ang asawa ng iba. Ang pagnanasang iyon ay umakay sa kasalanan. (Sant. 1:14, 15) Nagkasala ng pangangalunya si David, tinangkang linlangin ang asawa ng babae, at ipinapatay ito.—2 Sam. 11:2-4; 12:7-11.
o maling pagnanasa sa mga bagay na hindi naman sa iyo. (10 Alam ni Jehova kapag hindi sinusunod ng isang Israelita ang utos tungkol sa pag-iimbot—kaya Niyang basahin ang puso. (1 Cro. 28:9) Ipinapakita ng utos laban sa pag-iimbot na dapat iwasan ng bayan ang mga kaisipang umaakay sa maling pagkilos. Talagang marunong at mapagmahal na Ama si Jehova!
11 Aral: Hindi lang panlabas na anyo ang nakikita ni Jehova. Alam niya kung sino talaga tayo; nababasa niya ang ating puso. (1 Sam. 16:7) Hindi natin maitatago sa kaniya ang ating iniisip, nadarama, o ginagawa. Hinahanap niya ang mabubuting katangiang mayroon tayo, at gusto niyang mapasulong natin ang mga ito. Pero gusto rin niyang makita natin ang ating maling kaisipan at makontrol ito bago mauwi sa maling pagkilos.—2 Cro. 16:9; Mat. 5:27-30.
KAUTUSANG NAGTATAGUYOD NG KATARUNGAN
12. Ano ang itinuturo sa atin ng Kautusang Mosaiko?
12 Itinuturo din sa atin ng Kautusang Mosaiko na iniibig ni Jehova ang katarungan. (Awit 37:28; Isa. 61:8) Ipinakita niya ang perpektong halimbawa ng patas na pagtrato sa iba. Kapag sinusunod ng mga Israelita ang mga utos ni Jehova, pinagpapala sila. Kapag binabale-wala nila ang makatarungan at matuwid na pamantayan niya, nagdurusa sila. Tingnan natin ang dalawa pang kautusan mula sa Sampung Utos.
13-14. Ayon sa unang dalawang kautusan ng Sampung Utos, ano ang dapat gawin ng mga Israelita, at paano nakabuti sa kanila ang pagsunod sa mga utos na ito?
13 Si Jehova lang ang dapat sambahin. Ayon sa unang dalawang kautusan sa Sampung Utos, si Jehova lang ang dapat sambahin ng mga Israelita. Nagbabala rin ito laban sa pagsamba sa mga idolo. (Ex. 20:3-6) Hindi naman para sa ikabubuti ni Jehova ang mga utos na iyon. Ang totoo, para iyon sa ikabubuti ng kaniyang bayan. Kapag nananatiling tapat ang bayan, pinagpapala sila. Kapag sumasamba sila sa ibang diyos, nagdurusa sila.
14 Kuning halimbawa ang mga Canaanita. Winalang-dangal nila ang sarili nila dahil sumasamba sila sa walang-buhay na mga idolo imbes na sa tunay at buháy na Diyos. (Awit 115:4-8) Bahagi ng kanilang pagsamba ang nakapandidiring seksuwal na mga gawain at kakila-kilabot na paghahain nila ng kanilang mga anak. Nang talikuran ng mga Israelita si Jehova at piliing sambahin ang mga idolo, winalang-dangal din nila ang kanilang sarili at sinaktan ang kanilang pamilya. (2 Cro. 28:1-4) Binale-wala ng mga nasa awtoridad ang pamantayan ng katarungan ni Jehova. Umabuso sila sa kapangyarihan, at pinagmalupitan nila ang mahihina at walang kalaban-laban. (Ezek. 34:1-4) Nagbabala si Jehova sa mga Israelita na paparusahan niya ang mga nagmamaltrato sa mga babae at batang walang kalaban-laban. (Deut. 10:17, 18; 27:19) Pero pinagpapala niya ang bayan kapag tapat sila sa kaniya at nakikitungo nang patas sa isa’t isa.—1 Hari 10:4-9.
15. Ano-anong aral ang natutuhan natin tungkol kay Jehova?
Isa. 49:15) Kahit parang pinalalampas niya ito ngayon, darating ang panahon na hahatulan niya ang mga gumagawa ng masama sa iba at hindi nagsisisi.
15 Aral: Hindi dapat sisihin si Jehova kapag napapahamak ang iba dahil sa pagbale-wala ng mga nag-aangking lingkod niya sa pamantayan niya. Mahal tayo ni Jehova, at alam niya kapag nagiging biktima tayo ng kawalang-katarungan. Kung nasasaktan ang isang ina sa paghihirap ng kaniyang sanggol, mas nasasaktan si Jehova sa pagdurusa natin. (PAANO DAPAT IPATUPAD ANG KAUTUSAN?
16-18. Ano ang saklaw ng Kautusang Mosaiko, at anong mga aral ang natutuhan natin?
16 Saklaw ng Kautusang Mosaiko ang maraming aspekto ng buhay ng isang Israelita, kaya ang hinirang na matatanda ay dapat maglapat ng matuwid na hatol sa bayan ni Jehova. Responsibilidad nilang asikasuhin hindi lang ang mga bagay na may kaugnayan sa pagsamba, kundi pati na ang usaping sibil at kasong kriminal. Tingnan ang sumusunod na halimbawa.
17 Kung ang isang Israelita ay nakapatay, hindi siya agad parurusahan. Mag-iimbestiga muna ang matatandang lalaki sa lunsod bago magpasiya kung karapat-dapat siya sa parusang kamatayan. (Deut. 19:2-7, 11-13) Humahatol din ang matatanda sa iba’t ibang aspekto ng pang-araw-araw na buhay—mula sa pagresolba sa usapin hinggil sa mga pag-aari hanggang sa pag-ayos sa away ng mag-asawa. (Ex. 21:35; Deut. 22:13-19) Kapag patas ang matatanda at sumusunod ang mga Israelita sa Kautusan, nakikinabang ang lahat at nakapagbibigay ng karangalan kay Jehova ang bansa.—Lev. 20:7, 8; Isa. 48:17, 18.
18 Aral: Mahalaga kay Jehova ang bawat aspekto ng ating buhay. Gusto niyang maging makatarungan tayo at mahalin natin ang ating kapuwa. Alam niya ang sinasabi at ginagawa natin kahit nasa loob tayo ng ating bahay.—Heb. 4:13.
19-21. (a) Paano dapat pakitunguhan ng matatandang lalaki at mga hukom ang bayan ng Diyos? (b) Anong mga batas ang ginawa ni Jehova para protektahan ang kaniyang bayan, at ano-anong aral ang natutuhan natin?
19 Gustong maingatan ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa masamang impluwensiya ng mga bansang nakapalibot sa kanila. Kaya inutusan niya ang matatandang lalaki at mga hukom na ipatupad nang patas ang Kautusan. Hindi sila dapat maging malupit o sobrang higpit sa bayan. Dapat nilang ibigin ang katarungan.—Deut. 1:13-17; 16:18-20.
20 Nagmamalasakit si Jehova sa kaniyang bayan, kaya nagbigay siya ng mga batas para walang sinuman ang maagrabyado. Halimbawa, dahil sa Kautusan, naiiwasan ang posibilidad na mapagbintangan ang isa sa krimeng hindi niya ginawa. May karapatan ang akusado na malaman kung sino ang nag-aakusa sa kaniya. (Deut. 19:16-19; 25:1) At mahahatulan lang siya kung may tetestigo na di-bababa sa dalawa. (Deut. 17:6; 19:15) Paano kung isa lang ang nakakita sa ginawang krimen ng isang Israelita? Hindi niya dapat isipin na matatakasan niya ito. Nakita ni Jehova ang ginawa niya. Sa pamilya, binigyan ng awtoridad ang mga ama, pero may limitasyon iyon. Sa ilang problema sa pamilya, puwedeng makialam at humatol ang matatandang lalaki sa lunsod.—Deut. 21:18-21.
21 Aral: Ipinakita ni Jehova ang perpektong halimbawa; lahat ng gawa niya ay makatarungan. (Awit 9:7) Pinagpapala niya ang mga tapat na sumusunod sa kaniyang pamantayan, pero pinaparusahan niya ang umaabuso sa kapangyarihan. (2 Sam. 22:21-23; Ezek. 9:9, 10) Baka mukhang nakaiiwas sa parusa ang ilang gumagawa ng masama, pero naglalapat si Jehova ng hustisya sa tamang panahon. (Kaw. 28:13) At kung hindi sila nagsisisi, makikita nila na “nakatatakot ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.”—Heb. 10:30, 31.
SINO ANG PANGUNAHING PINOPROTEKTAHAN NG KAUTUSAN?
22-24. (a) Sino ang pangunahing pinoprotektahan ng Kautusan, at ano ang natutuhan natin tungkol kay Jehova? (b) Anong babala ang makikita sa Exodo 22:22-24?
22 Pangunahing pinoprotektahan ng Kautusan ang mga walang kalaban-laban, gaya ng mga ulila, biyuda, at banyaga. Ganito ang iniutos sa mga hukom ng Israel: “Huwag mong babaluktutin ang kahatulan sa naninirahang dayuhan o sa batang lalaking walang ama, at huwag mong aagawin ang kasuutan ng isang babaing balo bilang panagot.” (Deut. 24:17) Talagang pinrotektahan ni Jehova ang mga walang kalaban-laban, at pinarusahan niya ang mga nagmaltrato sa kanila.—Basahin ang Exodo 22:22-24.
23 Ipinagbawal din ng Kautusan ang anumang uri ng insesto para protektahan ang mga miyembro ng pamilya mula sa seksuwal na pang-aabuso. (Lev. 18:6-30) Di-tulad ng mga tao sa mga bansang nakapalibot sa Israel na nagpapahintulot o kumukunsinti pa nga sa gawaing ito, dapat kasuklaman ng bayan ni Jehova ang krimeng ito, gaya ng pagkasuklam dito ng Diyos.
24 Aral: Gusto ni Jehova na maging mapagmahal at mapagmalasakit ang mga tagapangasiwa. Napopoot ang Diyos sa anumang uri ng seksuwal na pang-aabuso. Gusto niyang tiyakin na ang lahat, lalong-lalo na ang mga walang kalaban-laban, ay maprotektahan at makatanggap ng hustisya.
ANG KAUTUSAN, “ANINO NG MABUBUTING BAGAY NA DARATING”
25-26. (a) Bakit natin masasabi na ang pag-ibig at katarungan ay tulad ng hininga at buhay? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo sa seryeng ito?
25 Ang pag-ibig at katarungan ay tulad ng hininga at buhay; sa lupa, walang hininga kung walang buhay at walang buhay kung walang hininga. Kapag kumbinsido tayong makatarungan si Jehova sa atin, lalong lumalalim ang pag-ibig natin sa kaniya. At kapag iniibig natin ang Diyos at ang kaniyang matutuwid na pamantayan, napapakilos tayong ibigin ang iba at maging makatarungan sa kanila.
26 Nakatulong ang Kautusang Mosaiko para magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova ang mga Israelita. Pero nang matupad na ni Jesus ang sinasabi ng Kautusan, nawalan na ito ng bisa at pinalitan ng mas maganda. (Roma 10:4) Inilarawan ni apostol Pablo ang Kautusan bilang “anino ng mabubuting bagay na darating.” (Heb. 10:1) Tatalakayin sa susunod na artikulo sa seryeng ito ang ilan sa mabubuting bagay na iyan, pati na ang kahalagahan ng pag-ibig at katarungan sa kongregasyong Kristiyano.
AWIT 109 Umibig Nang Masidhi Mula sa Puso
^ par. 5 Ito ang una sa apat na artikulong tatalakay kung bakit tayo makasisigurong nagmamalasakit sa atin si Jehova. Mababasa ang susunod na tatlong artikulo sa Mayo 2019 na isyu ng Bantayan. Ang mga artikulong iyon ay pinamagatang “Pag-ibig at Katarungan sa Kongregasyong Kristiyano,” “Pag-ibig at Katarungan sa Harap ng Kakila-kilabot na Kasamaan,” at “Tulong Para sa mga Biktima ng Pang-aabuso.”
^ par. 2 KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang mahigit 600 kautusan na ibinigay ni Jehova kay Moises para sa mga Israelita ay tinatawag na “Kautusan,” “Kautusan ni Moises,” “Kautusang Mosaiko,” at “mga utos.” Ang unang limang aklat din ng Bibliya (Genesis hanggang Deuteronomio) ay madalas tawaging Kautusan. Minsan, ginagamit ang terminong ito para tumukoy sa buong Hebreong Kasulatan.
^ par. 60 LARAWAN SA PABALAT: Gusto ni Jehova na maramdaman ng mga bata na ligtas sila at panatag sa piling ng mga magulang na nagtuturo at nagmamahal sa kanila
LARAWAN: Nakikipagkuwentuhan ang isang nanay na Israelita sa kaniyang mga anak habang naghahanda ng pagkain. Makikita sa likuran ang tatay habang tinuturuan ang kaniyang anak na magpastol ng tupa.
^ par. 64 LARAWAN: Tinutulungan ng matatandang lalaki sa pintuang-daan ng lunsod ang isang biyuda at ang anak nito na sinamantala ng isang mangangalakal.