Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

May Natagpuan Akong Mas Mabuti Kaysa sa Pagiging Doktor

May Natagpuan Akong Mas Mabuti Kaysa sa Pagiging Doktor

“IYANG sinasabi n’yo sa ’kin, bata pa lang ako, ’yan na ang pangarap ko!” Ito ang nasabi ko sa dalawang bagong pasyente ko noong 1971. Kakabukas ko lang noon ng unang clinic ko bilang bagong doktor. Sino ang mga pasyenteng iyon? At ano ang pangarap na sinasabi ko? Ikukuwento ko sa inyo kung paano binago ng pag-uusap na iyon ang mga priyoridad ko sa buhay at kung bakit naniniwala ako na malapit nang matupad ang pangarap ko.

Ipinanganak ako noong 1941, sa isang simpleng pamilya sa Paris, France. Gustong-gusto kong mag-aral, kaya dismayadong-dismayado ako nang magkasakit ako ng tuberkulosis noong 10 taóng gulang ako at kinailangan kong tumigil sa pag-aaral. Inirekomenda ng doktor na kailangan kong magpahinga lang sa kama para hindi mapagod ang baga ko. Sa loob ng maraming buwan, wala akong ibang ginawa kundi ang magbasa ng diksyunaryo at makinig sa mga programa ng Radio Sorbonne ng University of Paris. Kaya masayang-masaya ako nang sabihin ng mga doktor na magaling na ako at puwede nang mag-aral ulit. Nasabi ko sa sarili ko, ‘Ang galing talaga ng mga doktor!’ Mula noon, pinangarap ko nang manggamot ng mga maysakit. Sa tuwing tatanungin ako ng tatay ko kung ano ang gusto kong maging paglaki ko, isa lang ang sagot ko, “Gusto ko pong maging doktor.” Kaya ang pagiging doktor ang naging first love ko.

MAS NAPALAPÍT AKO SA DIYOS DAHIL SA SCIENCE

Katoliko ang pamilya namin. Pero wala akong masyadong alam tungkol sa Diyos, at marami akong tanong na hindi nasasagot. Nang makapag-aral ako ng medisina sa unibersidad, saka lang ako nakumbinsi na may lumalang ng buhay.

Naalala ko pa nang una kung makita ang mga cell ng tulip sa microscope. Hangang-hanga ako kung paano ito nagre-react sa init at lamig. Napansin ko rin ang cytoplasm (isang substance sa loob ng cell). Lumiliit ito kapag nalagyan ng asin at lumalaki naman kapag inilagay sa purong tubig. Dahil sa mga ito at sa maraming iba pang kakayahan ng mga organismo, madali silang nakakapag-adjust sa nagbabagong kapaligiran. Sa tuwing nakikita ko kung gaano kakomplikado ang bawat cell, lalo akong nakukumbinsi na hindi lang nagkataon ang buhay.

Nang ikalawang taon ko sa pag-aaral ng medisina, marami pa akong nakitang ebidensiya na talagang may Diyos. Sa mga klase namin sa anatomy, napag-aralan namin kung paano nakakatulong ang mga muscle, ligament, at tendon sa mga braso natin para maibaluktot at maiunat ang mga daliri natin. Talagang kahanga-hanga iyon! Halimbawa, nalaman ko na ang mga tendon na nagdurugtong sa muscle ng braso papunta sa mga daliri ay nahahati sa dalawa. May mga tendon na nagsisilbing parang mga tulay na nakadugtong sa ikalawang buto ng daliri at ang iba naman ay nakagapang sa ilalim papunta sa dulo ng daliri. Kaya nananatili sa puwesto ang mga buto. May matitibay ring himaymay na nakakatulong sa mga tendon para manatili itong nakadikit sa mga buto ng daliri. Kung hindi ganito ang pagkakagawa sa mga daliri natin, hindi natin maibabaluktot at maiuunat ang mga ito. Kaya masasabi ko na talagang napakatalino ng nagdisenyo ng katawan ng tao.

Lalo pa akong humanga sa Disenyador ng buhay nang pag-aralan ko ang nangyayari kapag isinilang ang isang sanggol. Habang nasa sinapupunan ang sanggol, hindi niya kailangang huminga dahil nakakakuha siya ng oxygen mula sa nanay niya sa pamamagitan ng umbilical cord. Kaya naman, ang alveoli, o ang maliliit na air sac sa baga ng sanggol, ay wala pang hangin. Mga ilang linggo bago ipanganak ang sanggol, ang alveoli ay mababalutan ng substance na tinatawag na surfactant. Pagkapanganak sa sanggol, kamangha-mangha ang mga nangyayari kapag nagsimula na itong huminga. Nagsasara ang butas sa puso ng sanggol, kaya dadaloy ang dugo sa baga nito. Sa mahalagang sandaling ito, nakakatulong ang surfactant na nakabalot sa alveoli para hindi magkadikit-dikit ang mga ito habang nagkakahangin ang baga. Dahil dito, makakahinga na ang sanggol sa sarili niya.

Gusto ko pang makilala kung sino ang gumawa ng kamangha-manghang mga bagay na ito, kaya sineryoso ko ang pagbabasa ng Bibliya. Humanga ako sa mga utos ng Diyos sa bansang Israel tungkol sa kalinisan mahigit 3,000 taon na ang nakakaraan. Inutusan ng Diyos ang mga Israelita na tabunan ang dumi nila, regular na maligo, at ibukod ang sinumang may sintomas ng nakakahawang sakit. (Lev. 13:50; 15:11; Deut. 23:13) Matagal nang sinabi ng Bibliya kung paano kumakalat ang sakit bago pa ito natuklasan ng mga scientist. Nakita ko rin na ang mga utos tungkol sa kalinisan sa sekso na nasa aklat ng Levitico ay nakatulong sa kalusugan ng bansang Israel. (Lev. 12:1-6; 15:16-24) Naintindihan ko na ibinigay ng Maylalang sa mga Israelita ang mga utos na ito para sa kapakanan nila at napabuti ang mga sumunod sa utos niya. Nakumbinsi ako na ang Bibliya ay mula sa Diyos, pero hindi ko pa alam ang pangalan niya noon.

KUNG PAANO KO NAKILALA ANG ASAWA KO AT SI JEHOVA

Nang ikasal kami ni Lydie noong Abril 3, 1965

Habang nag-aaral ako ng medisina, nakilala ko si Lydie, at na-in love ako sa kaniya. Ikinasal kami noong 1965 habang nasa kalagitnaan ako ng pag-aaral. Pagdating ng 1971, may tatlo na kaming anak ni Lydie. Anim ang naging anak namin. Malaking suporta sa akin si Lydie sa trabaho ko bilang doktor at sa pamilya namin.

Nagtrabaho ako sa ospital nang tatlong taon bago ako nagtayo ng sarili kong clinic. Di-nagtagal, may mag-asawang nagpagamot sa akin. Sila ang dalawang bagong pasyente na binanggit ko sa simula. Magrereseta na sana ako para sa mister nang sabihin ng misis niya: “Doc, ’yong gamot po na walang dugo.” Nagulat ako, kaya tinanong ko siya: “Talaga? Bakit naman?” Ang sagot niya: “Saksi ni Jehova po kasi kami.” Wala akong alam tungkol sa mga Saksi ni Jehova o sa paniniwala nila tungkol sa dugo. Inilabas ng babae ang Bibliya niya at ipinakita ang sinasabi nito kung bakit hindi sila tumatanggap ng dugo. (Gawa 15:28, 29) Pagkatapos, ipinakita ng mag-asawa sa akin kung ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos; aalisin nito ang pagdurusa, sakit, at kamatayan. (Apoc. 21:3, 4) “Iyang sinasabi n’yo sa ’kin, bata pa lang ako, ’yan na ang pangarap ko!” ang sabi ko. “Kaya ako nagdoktor kasi gusto kong makatulong sa mga nagdurusa.” Inabot kami nang isa’t kalahating oras sa pag-uusap. Pagkaalis nila, hindi ko na gustong maging Katoliko, at natutuhan ko na may pangalan pala ang Maylalang na hinahangaan ko—Jehova!

Tatlong beses na nagpunta ang mag-asawang Saksi sa clinic ko, at lagi kaming inaabot nang mahigit isang oras sa pag-uusap. Inimbitahan ko sila sa bahay para mas makapag-usap pa kami tungkol sa Bibliya. Sumama naman si Lydie sa pagba-Bible study, pero hindi niya matanggap na mali ang ilang turo ng mga Katoliko. Kaya may pinapunta akong pari sa bahay namin. Ginabi na kami sa pag-uusap tungkol sa mga turo ng simbahan, gamit lang ang Bibliya. Doon nakumbinsi si Lydie na ang mga Saksi ni Jehova ang nagtuturo ng katotohanan. Mula noon, lumalim ang pag-ibig namin sa Diyos na Jehova at nagpabautismo kami noong 1974.

INUNA KO SI JEHOVA SA BUHAY KO

Nagbago ang mga priyoridad ko nang malaman ko ang layunin ng Diyos para sa tao. Naging pangunahin sa buhay namin ni Lydie ang paglilingkod kay Jehova. Determinado kaming gawing gabay ang Bibliya sa pagpapalaki sa mga anak namin. Tinuruan namin sila na mahalin ang Diyos at ang kapuwa. Ito ang naglapít sa amin sa isa’t isa.​—Mat. 22:37-39.

Natatawa na lang kami ni Lydie kapag naaalala namin ang tingin ng mga anak namin sa amin kasi palagi kaming pareho ng desisyon. Alam nila na sa bahay namin, ang ‘“Oo” ay oo at ang “Hindi” ay hindi,’ gaya ng sinabi ni Jesus. (Mat. 5:37) Halimbawa, noong 17 na ang isa sa mga anak naming babae, hindi siya pinayagan ni Lydie na lumabas kasama ng ibang kabataan. Sinabi ng isa sa kanila sa anak namin, “Kung ayaw kang payagan ng nanay mo, tanungin mo ang tatay mo!” Pero ang sagot ng anak namin: “Wala ring mangyayari. Hindi rin siya papayag.” Oo, nakita ng anim na anak namin na pareho naming sinusunod ni Lydie ang mga prinsipyo sa Bibliya. Laking pasasalamat namin kay Jehova na marami sa kapamilya namin ang naging mga lingkod niya.

Binago man ng katotohanan ang mga priyoridad ko, gusto ko pa ring gamitin ang pagiging doktor ko para tulungan ang mga lingkod ng Diyos. Kaya nagboluntaryo ako bilang doktor sa Bethel sa Paris at nang ilipat ito sa Louviers. Halos 50 taon din iyon. Noong panahong iyon, marami akong naging kaibigan sa Bethel, at ang ilan sa kanila ngayon ay 90 anyos na o higit pa. Minsan, nagulat ako nang makilala ko ang isang bagong Bethelite. Ako pala ang nagpaanak sa nanay niya nang ipanganak siya mga 20 taon na ang nakakalipas!

NAKITA KO KUNG PAANO PINAPANGALAGAAN NI JEHOVA ANG BAYAN NIYA

Sa loob ng maraming taon, lumalim ang pag-ibig ko kay Jehova habang nakikita ko kung paano niya pinapatnubayan at pinoprotektahan ang bayan niya sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Noong unang mga taon ng 1980’s, nagsaayos ang Lupong Tagapamahala ng programa sa United States para tulungan ang mga doktor na mas maintindihan kung bakit hindi tumatanggap ng dugo ang mga Saksi ni Jehova.

Noong 1988, bumuo ang Lupong Tagapamahala ng bagong departamento sa Bethel na tinatawag na Hospital Information Services. Noong umpisa, ang departamentong ito ang nangangasiwa sa mga Hospital Liaison Committee (HLC) sa United States para tulungan ang mga pasyenteng Saksi na makahanap ng mga doktor na makikipagtulungan sa desisyon natin tungkol sa dugo. Nang magtatag ng mga HLC sa iba’t ibang bansa, nagkaroon na rin dito sa France. Humanga ako nang makita ko kung paano inaalalayan ng organisasyon ni Jehova ang mga may-sakit na kapatid natin!

NATUPAD NA ANG PANGARAP KO

Masaya pa rin kaming nangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos

Pagiging doktor ang first love ko. Pero habang pinag-iisipan ko ang mga priyoridad ko, nakita ko na ang pinakamahalagang pagpapagaling ay sa espirituwal—ang pagtulong sa mga tao na makilala at paglingkuran ang Diyos na Jehova, ang Bukal ng buhay. Nang magretiro ako, nag-regular pioneer kami ni Lydie at ginamit namin ang maraming oras namin buwan-buwan sa pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ginagawa pa rin namin ang makakaya namin sa nagliligtas-buhay na gawaing ito.

Kasama si Lydie, 2021

Nanggagamot pa rin ako. Pero nakita ko na hindi kayang pagalingin kahit ng pinakamagaling na doktor ang lahat ng sakit o pigilan ang kamatayan. Kaya gustong-gusto ko nang dumating ang panahon na mawawala na ang kirot, sakit, at kamatayan. Sa bagong sanlibutan, nasa akin ang lahat ng panahon para pag-aralan ang mga nilalang ng Diyos, pati na ang kahanga-hangang pagkakadisenyo sa katawan ng tao. Malapit nang matupad ang lahat ng pangarap ko noong bata pa ako. At siguradong-sigurado ako na mangyayari iyon!