Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kakayahan ni Jehova na alamin ang mangyayari sa hinaharap?
Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na kayang alamin ni Jehova ang mangyayari sa hinaharap. (Isa. 45:21) Pero hindi nito sinasabi ang lahat ng detalye kung paano o kailan niya ito ginagawa at kung gaano karami ang inaalam niya sa hinaharap. Kaya hindi talaga natin lubusang maiintindihan ang kakayahang ito ni Jehova. Pero ito ang mga bagay na alam natin:
Kayang gawin ni Jehova ang lahat ng bagay, pero pinipili lang niya kung ano ang gagawin niya. Dahil walang limitasyon ang karunungan ni Jehova, kaya niyang alamin ang mangyayari sa hinaharap kung gugustuhin niya. (Roma 11:33) Pero perpekto rin ang pagpipigil niya sa sarili, kaya puwede niyang piliin kung ano lang ang aalamin niya.—Ihambing ang Isaias 42:14.
Pinangyayari ni Jehova na matupad ang kalooban niya. Ano ang koneksiyon ng kakayahang ito ni Jehova sa kakayahan niyang alamin ang mangyayari sa hinaharap? Ganito ang sinasabi sa Isaias 46:10: “Mula sa pasimula ay sinasabi ko na ang mangyayari, at mula noong sinaunang panahon, ang mga bagay na hindi pa nagagawa. Sinasabi ko, ‘Matutupad ang pasiya ko, at gagawin ko ang anumang gusto ko.’”
Kaya ang isa sa mga dahilan kung bakit kayang alamin ni Jehova ang hinaharap ay dahil kaya rin niyang pangyarihin ang isang bagay. Hindi ito gaya ng pagpa-fast forward ng pelikula para malaman ang mangyayari sa dulo. Sa halip, puwedeng magpasiya si Jehova kung ano ang mangyayari sa isang espesipikong panahon, at kikilos siya para matupad iyon sa panahong itinakda niya.—Ex. 9:5, 6; Mat. 24:36; Gawa 17:31.
Dahil diyan, ginagamit sa Bibliya ang mga terminong “inihanda,” “binuo,” at “layunin” para ilarawan kung ano ang ginagawa ni Jehova may kinalaman sa ilang mangyayari sa hinaharap. (2 Hari 19:25; tlb.; Isa. 46:11) Ang mga terminong ito ay salin para sa salitang nauugnay sa isang termino na nangangahulugang “magpapalayok.” (Jer. 18:4) Kung paanong hinuhubog ng isang mahusay na magpapalayok ang luwad para gawin itong isang magandang vase, kaya ring hubugin, wika nga, o maniobrahin ni Jehova ang mga bagay-bagay para matupad ang kalooban niya.—Efe. 1:11.
Iginagalang ni Jehova ang kalayaan nating magpasiya. Hindi niya itinatadhana ang mangyayari sa bawat tao. Hindi rin niya kinokontrol ang mabubuting tao na gumawa ng mga bagay na ikakapahamak nila. Hinahayaan tayo ni Jehova na pumili ng paraan ng pamumuhay na gusto natin, pero itinuturo din niya kung ano ang pinakamagandang paraan ng pamumuhay.
Pag-isipan ang dalawang halimbawa. Ang una ay tungkol sa mga naninirahan sa Nineve. Patiunang sinabi ni Jehova na pupuksain ang lunsod dahil sa kasamaan nito. Pero nang makita ni Jehova na nagsisi ang mga taga-Nineve, “hindi na niya itinuloy ang parusang sinabi niya.” (Jon. 3:1-10) Ginamit ng mga Ninevita ang kalayaan nilang magpasiya, at nagbago ng isip si Jehova dahil nagsisi sila at nagbago nang marinig nila ang babala.
Ang ikalawang halimbawa ay ang hula tungkol sa isang mananakop na nagngangalang Ciro—ang magpapalaya sa mga Judio mula sa pagkabihag at mag-uutos na muling itayo ang templo ni Jehova. (Isa. 44:26–45:4) Si Haring Ciro ng Persia ang tumupad sa hulang ito. (Ezra 1:1-4) Pero hindi siya mananamba ng tunay na Diyos. Ginamit ni Jehova si Ciro para matupad ang hulang ito, pero hindi niya kinontrol si Ciro para maging mananamba niya.—Kaw. 21:1.
Ito lang ang mga bagay na alam natin tungkol sa kakayahan ni Jehova na malaman ang mangyayari sa hinaharap. Hindi natin lubusang maiintindihan ang mga kaisipan at kakayahan ni Jehova. (Isa. 55:8, 9) Pero sapat na ang alam natin para magtiwala tayong laging ginagawa ni Jehova ang tama—pati na kapag sinasabi niya kung ano ang mangyayari sa hinaharap.