Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 7

AWIT BLG. 15 Purihin ang Panganay ni Jehova!

Kung Paano Ka Nakikinabang sa Pagpapatawad ni Jehova

Kung Paano Ka Nakikinabang sa Pagpapatawad ni Jehova

“Sa iyo ay may tunay na kapatawaran.”​—AWIT 130:4.

MATUTUTUHAN

Mas mapapahalagahan natin ang tunay na pagpapatawad ni Jehova kung pag-aaralan natin ang mga ilustrasyon sa Bibliya tungkol dito.

1. Ano ang mapapansin natin sa paraan ng pagpapatawad ng mga tao?

 “PINATAWAD NA KITA.” Ang sarap marinig niyan, lalo na kapag may nagawa ka o nasabing nakasakit sa iba. Pero minsan, mahirap malaman kung ano talaga ang ibig sabihin ng isang tao kapag sinabi niya iyan. Gusto ba niyang sabihin na magkaibigan na kayo ulit? O sinabi lang niya iyan dahil ayaw na niyang pag-usapan ang nangyari? Kaya may mga pagkakataon na mahirap malaman kung talagang pinatawad ka na ng isang tao.

2. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapatawad ni Jehova? (Tingnan din ang talababa.)

2 Ibang-iba ang pagpapatawad ni Jehova kumpara sa pagpapatawad ng di-perpektong mga tao. Hinding-hindi natin mapapantayan ang paraan ng pagpapatawad niya. Sinabi ng salmista tungkol kay Jehova: “Sa iyo ay may tunay na kapatawaran, para ikaw ay lubos na igalang.” a (Awit 130:4) “Tunay na kapatawaran” ang ibinibigay ni Jehova. Ipinakita niya kung ano talaga ang ibig sabihin ng pagpapatawad. Sa ilang talata sa Hebreong Kasulatan, may isang salita na ginamit ang mga manunulat ng Bibliya para tukuyin ang pagpapatawad ni Jehova na hindi ginamit para tukuyin ang pagpapatawad ng tao.

3. Bakit naiiba ang pagpapatawad ni Jehova? (Isaias 55:​6, 7)

3 Kapag pinatawad ni Jehova ang isang tao, talagang binubura niya ang naging kasalanan nito. Lubusan din niyang ibinabalik ang pakikipagkaibigan niya dito. Talagang nagpapasalamat tayo dahil lubusan tayong pinapatawad ni Jehova at handa siyang gawin ito nang paulit-ulit.​—Basahin ang Isaias 55:​6, 7.

4. Paano tayo tinulungan ni Jehova na maintindihan ang paraan niya ng pagpapatawad?

4 Kung iba ang paraan ng pagpapatawad ni Jehova kumpara sa di-perpektong mga tao, paano natin iyon maiintindihan? Nagbigay siya sa atin ng magagandang ilustrasyon. Tatalakayin sa artikulong ito ang ilan sa mga iyan. Makikita natin kung paano inaalis ni Jehova ang kasalanan at kung paano niya inaayos ang nasirang ugnayan dahil dito. Habang tinatalakay natin ang mga ilustrasyong iyan, mas mapapamahal tayo sa mabait at maawain nating Ama na nagpapatawad nang lubusan.

INAALIS NI JEHOVA ANG KASALANAN

5. Ano ang ginagawa ni Jehova kapag pinapatawad niya ang mga kasalanan natin?

5 Madalas itulad ng Bibliya ang kasalanan sa mabigat na pasan. Ganito ang sinabi ni Haring David tungkol sa mga kasalanan niya: “Lampas-ulo na ang mga pagkakamali ko; gaya ng mabigat na pasan, hindi ko na kayang dalhin ang mga ito.” (Awit 38:4) Pero kapag nagsisi ang isa, alam nating papatawarin siya ni Jehova. (Awit 25:18; 32:5) Ang salitang Hebreo na isinaling “patawarin” ay nangangahulugang “buhatin” o “dalhin.” Kaya kapag pinapatawad tayo ni Jehova, para bang binubuhat niya, o dinadala, ang mabigat na pasan natin at inilalayo ito.

“Pinatawad” (Awit 32:5)


6. Gaano kalayo dinadala ni Jehova ang mga kasalanan natin?

6 Makikita sa isa pang ilustrasyon kung gaano kalayo dinadala ni Jehova ang mga kasalanan natin. Sinasabi sa Awit 103:12: “Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon niya inilalayo sa atin ang mga kasalanan natin.” Silangan ang pinakamalayong lugar mula sa kanluran. Hinding-hindi magtatagpo ang dalawang lugar na ito. Ibig sabihin, inilalayo ni Jehova ang mga kasalanan natin sa pinakamalayong lugar na maiisip natin. Tinitiyak nito sa atin na talagang pinapatawad tayo ni Jehova!

“Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw” (Awit 103:12)


7. Anong mga ilustrasyon ang ginamit sa Bibliya para ilarawan ang ginagawa ni Jehova sa mga kasalanan natin? (Mikas 7:​18, 19)

7 Sinabi natin kanina na para bang dinadala ni Jehova ang mga kasalanan natin at inilalayo ito. Pero lagi lang ba niyang dala-dala ito at hindi binibitawan? Hindi. Sinabi ni Haring Hezekias tungkol kay Jehova: “Itinapon mo sa likuran mo [o sa talababa, “inalis mo sa paningin mo”] ang lahat ng kasalanan ko.” (Isa. 38:​9, 17; tlb.) Ipinapakita sa ilustrasyong iyan na itinatapon ni Jehova ang kasalanan ng mga nagsisisi at hindi na niya ito tinitingnan ulit. Puwede ring isalin iyan sa ganitong paraan: “Napangyari mo [ang aking mga kasalanan] na para bang hindi ko ginawa ang mga ito.” Para mas maidiin ang puntong iyan, gumamit ang Bibliya ng isa pang ilustrasyon. Makikita iyon sa Mikas 7:​18, 19. (Basahin.) Sinasabi dito na para bang inihahagis ni Jehova sa kalaliman ng dagat ang mga kasalanan natin. Noong panahon ng Bibliya, imposible nang makita ulit ang anumang bagay na nahulog sa kalaliman ng dagat.

“Itinapon mo sa likuran mo ang lahat ng kasalanan ko” (Isa. 38:17)

“Ihahagis mo sa kalaliman ng dagat ang lahat ng kanilang kasalanan” (Mik. 7:19)


8. Ano na ang natutuhan natin?

8 Sa mga ilustrasyong natalakay natin, natutuhan natin na kapag nagpatawad si Jehova, inilalayo niya nang husto ang mga kasalanang nagpapabigat sa atin para maginhawahan tayo. Gaya ng sinabi ni David, “maligaya ang mga pinagpaumanhinan sa kasamaan nila at pinatawad sa mga kasalanan nila; maligaya ang tao na ang kasalanan ay hindi na aalalahanin pa ni Jehova.” (Roma 4:​6-8) Iyan ang tunay na pagpapatawad!

BINUBURA NI JEHOVA ANG KASALANAN

9. Anong ilustrasyon ang ginamit ni Jehova para ipakitang lubusan siyang nagpapatawad?

9 Dahil sa pantubos, puwedeng burahin ni Jehova ang kasalanan ng mga nagsisisi. Sinasabi sa Bibliya na hinuhugasan ni Jehova ang mga kasalanan nila, kaya nadadalisay, o nalilinis, sila. (Awit 51:7; Isa. 4:4; Jer. 33:8) Ipinaliwanag ni Jehova ang resulta ng prosesong ito ng paglilinis: “Kahit na ang mga kasalanan ninyo ay gaya ng iskarlata, mapapuputi ang mga ito na gaya ng niyebe; kahit na simpula ang mga ito ng telang krimson, magiging simputi ng lana ang mga ito.” (Isa. 1:18) Napakahirap alisin ng mantsa na kulay iskarlata o krimson. Pero idinidiin ni Jehova sa ilustrasyong ito na puwedeng mahugasan, o mapaputi, ang mga kasalanan natin hanggang sa wala na itong bakas.

“Kahit na ang mga kasalanan ninyo ay gaya ng iskarlata, mapapuputi ang mga ito na gaya ng niyebe” (Isa. 1:18)


10. Ano pang ilustrasyon ang ginamit ni Jehova para ipakitang napakamapagpatawad niya?

10 Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, itinulad ang kasalanan sa utang. (Mat. 18:​32-35) Kaya sa tuwing nagkakasala tayo kay Jehova, parang lalo tayong nalulubog sa utang. Masasabing napakalaki ng utang natin sa kaniya! Pero kapag nagpatawad si Jehova, hindi na niya pinapabayaran ang mga utang natin. Hindi na niya tayo sisingilin para sa mga kasalanang pinatawad na niya. Tuwang-tuwa ang isang tao kapag hindi na siya pinagbayad ng utang. Ganiyan din ang nararamdaman natin kapag pinapatawad ni Jehova ang mga kasalanan natin.

“Hindi ko na pinabayaran sa iyo ang lahat ng utang mo” (Mat. 18:32)


11. Ano ang ibig sabihin ng Bibliya kapag sinasabi nito na binura ang mga kasalanan natin? (Gawa 3:19)

11 Basahin ang Gawa 3:19. Sa orihinal na wika, ang pandiwang Griego na isinaling “mapatawad” sa tekstong ito ay nangangahulugang “burahin sa pamamagitan ng pagpunas.” Bukod sa hindi na tayo pinagbabayad ni Jehova sa mga utang, o kasalanan, natin, may iba pa siyang ginagawa—“binubura” niya ang mga ito. Hindi lang niya basta nilalagyan ng malaking X ang rekord ng utang natin; kung ganito lang ang gagawin niya, mababasa pa rin ang rekord. Para mas maintindihan natin ang ilustrasyon, tandaan na madaling mabura ng tubig ang tinta na ginagamit ng mga tao noon. Puwedeng gumamit ng basang sponge para burahin ang mga nakasulat. Kaya kapag binura ang utang natin, wala nang makakabasa at makakaalam nito—parang hindi talaga tayo nagkautang. Nagpapasalamat tayo kay Jehova na hindi na niya tayo pinagbabayad sa mga kasalanan natin at binubura pa niya iyon na parang hindi iyon nangyari!—Awit 51:9.

“Para mapatawad [o, mabura] ang inyong mga kasalanan” (Gawa 3:19)


12. Ano ang natutuhan natin sa ilustrasyon tungkol sa makapal na ulap?

12 May isa pang ilustrasyon na ginamit si Jehova para maintindihan natin kung paano siya nagpapatawad. Sinabi niya: “Tatakpan ko ang mga pagkakamali mo na parang nasa likod ng ulap at ang mga kasalanan mo na parang nasa likod ng makapal na ulap.” (Isa. 44:22) Kapag nagpapatawad si Jehova, para bang gumagamit siya ng makapal na ulap para itago ang mga kasalanan natin. Kaya wala nang makakakita nito!

“Tatakpan ko ang mga pagkakamali mo na parang nasa likod ng ulap” (Isa. 44:22)


13. Ano ang dapat nating tandaan kapag pinatawad na ni Jehova ang mga kasalanan natin?

13 Ano ang itinuturo sa atin ng mga ilustrasyong ito? Tandaan natin na kapag pinatawad na ni Jehova ang mga kasalanan natin, hindi na tayo dapat makonsensiya na parang may naiwan pang mantsa sa atin. Dahil sa dugo ni Jesu-Kristo, lubusan nang nabayaran ang mga kasalanan natin. Binura niya iyon na para bang hindi tayo nagkautang. Ganiyan tayo pinapatawad ni Jehova kapag pinagsisisihan natin ang mga kasalanan natin.

IBINABALIK NI JEHOVA ANG PAGKAKAIBIGAN

Puwede nating maging kaibigan ang Ama natin sa langit dahil sa pagpapatawad niya sa atin (Tingnan ang parapo 14)


14. Bakit tayo makakapagtiwala na nagpapatawad nang lubusan si Jehova? (Tingnan din ang mga larawan.)

14 Kapag pinatawad na tayo ni Jehova, makakasigurado tayo na naibalik na ang nasirang pakikipagkaibigan natin sa kaniya. Kaya hindi na tayo dapat sobrang makonsensiya sa mga nagawa natin. Hindi rin tayo dapat mag-alala na baka galit pa rin si Jehova sa atin at naghahanap siya ng pagkakataon para parusahan tayo. Hinding-hindi iyan mangyayari! Bakit nga ba tayo makakapagtiwala kapag sinabi na ni Jehova na pinatawad na tayo? Sinabi ni Jehova kay propeta Jeremias: “Patatawarin ko ang pagkakamali nila, at hindi ko na aalalahanin ang kasalanan nila.” (Jer. 31:34) Iyan ang nasa isip ni apostol Pablo nang isulat niya: “Hindi ko na aalalahanin ang mga kasalanan nila.” (Heb. 8:12) Pero ano ang ibig sabihin niyan?

“Hindi ko na aalalahanin ang kasalanan nila” (Jer. 31:34)


15. Sa anong paraan hindi na inaalala ni Jehova ang mga kasalanan natin?

15 Sa Bibliya, ang pananalitang “alalahanin” ay hindi laging tumutukoy sa pag-alala o pag-iisip sa mga nangyari sa nakaraan. Puwede rin itong tumukoy sa gagawin ng isa. Halimbawa, hiniling kay Jesus ng kriminal na nakapako rin sa tulos: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong Kaharian.” (Luc. 23:​42, 43) Hindi lang niya basta hinihiling kay Jesus na alalahanin, o isipin, siya. Gusto niyang may gawin si Jesus para sa kaniya, at ipinangako naman ni Jesus na bubuhayin siya. Kaya kapag sinabi ni Jehova na hindi na niya aalalahanin ang mga kasalanan natin, ibig sabihin, wala na siyang gagawin laban sa atin. Hindi na niya tayo paparusahan para sa mga kasalanang pinatawad na niya.

16. Saan tayo itinulad ng Bibliya?

16 Gumamit ang Bibliya ng isa pang ilustrasyon para maintindihan natin ang kalayaang resulta ng pagpapatawad ni Jehova. Sinasabi nito na dahil hindi tayo perpekto, para tayong ‘alipin ng kasalanan.’ Pero dahil sa pagpapatawad ni Jehova, “pinalaya [tayo] mula sa kasalanan.” (Roma 6:​17, 18; Apoc. 1:5) Gaya ng isang pinalayang alipin, napakasaya rin natin kapag pinapatawad ni Jehova ang mga kasalanan natin.

“Pinalaya kayo mula sa kasalanan” (Roma 6:18)


17. Bakit masasabing napapagaling tayo kapag pinapatawad tayo? (Isaias 53:5)

17 Basahin ang Isaias 53:5. Sinasabi sa Bibliya na dahil makasalanan tayo, para tayong may nakamamatay na sakit. Pero dahil sa pantubos na inilaan ni Jehova sa pamamagitan ng Anak niya, para tayong pinagaling. (1 Ped. 2:24) Kapag nagkakasala kasi tayo, nagkakasakit tayo sa espirituwal—nasisira ang kaugnayan natin kay Jehova. Pero dahil sa pantubos, puwede niya tayong mapatawad para maibalik ang pakikipagkaibigan natin sa kaniya. Gaya ng isang taong gumaling sa isang malubhang sakit, nagiginhawahan din tayo kapag napapagaling tayo sa espirituwal at naibabalik ang pakikipagkaibigan natin kay Jehova.

“Dahil sa mga sugat niya ay gumaling kami” (Isa. 53:5)


KUNG PAANO TAYO NAKIKINABANG SA PAGPAPATAWAD NI JEHOVA

18. Ano ang natutuhan natin sa mga ilustrasyon tungkol sa pagpapatawad ni Jehova? (Tingnan din ang kahong “Kung Paano Tayo Pinapatawad ni Jehova.”)

18 Ano ang natutuhan natin sa mga ilustrasyon sa Bibliya tungkol sa pagpapatawad ni Jehova? Nakita natin na kapag nagpatawad siya, lubusan ito at permanente. Dahil dito, puwede niya tayong maging kaibigan. Pero dapat nating tandaan na isang regalo ang pagpapatawad ni Jehova. Ibinibigay niya ito dahil sa pag-ibig at walang-kapantay na kabaitan niya, hindi dahil sa karapat-dapat tayong tumanggap nito.​—Roma 3:24.

19. (a) Ano ang dapat nating ipagpasalamat? (Roma 4:8) (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

19 Basahin ang Roma 4:8. Talagang dapat nating ipagpasalamat na “tunay na kapatawaran” ang ibinibigay ng Diyos nating si Jehova! (Awit 130:4) Pero may dapat tayong gawin na mahalagang bagay para mapatawad tayo. Sinabi ni Jesus: “Kung hindi ninyo pinatatawad ang mga pagkakamali ng iba, hindi rin patatawarin ng inyong Ama ang mga pagkakamali ninyo.” (Mat. 6:​14, 15) Maliwanag na dapat nating tularan ang pagpapatawad ni Jehova. Pero paano natin magagawa iyan? Tatalakayin iyan sa susunod na artikulo.

AWIT BLG. 46 Salamat, Jehova

a Gumamit ang orihinal na tekstong Hebreo ng ekspresyong nagpapahiwatig na si Jehova lang ang makakapagpakita ng tunay na pagpapatawad. Hindi napalitaw ng maraming salin ng Bibliya ang puntong ito, pero napanatili ito ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Kaya naiiba ang salin nito para sa Awit 130:4.