Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kabataan, Patibayin ang Inyong Pananampalataya

Mga Kabataan, Patibayin ang Inyong Pananampalataya

“Ang pananampalataya ay . . . ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.”—HEB. 11:1.

AWIT: 41, 69

1, 2. Anong pressure ang nararanasan ng mga kabataan sa ngayon, at ano ang magagawa nila para harapin ito?

“MATALINO ka naman, pero bakit ka naniniwala sa Diyos?” ang sabi ng kaklase ng isang kabataang sister sa Britain. Isinulat naman ng isang brother sa Germany: “Para sa mga teacher ko, alamat lang ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang. Parang wala lang sa kanila kung naniniwala ang mga estudyante sa ebolusyon.” At sinabi ng isang kabataang sister sa France: “Nagugulat ang mga teacher sa school namin na may mga estudyante pang naniniwala sa Bibliya.”

2 Bilang kabataang naglilingkod kay Jehova o nag-aaral tungkol sa Kaniya, nape-pressure ka bang sumunod sa paniniwala ng nakararami, gaya ng ebolusyon, sa halip na maniwala sa isang Maylikha? Kung oo, may magagawa ka para mapatibay ang iyong pananampalataya at mapanatili itong matatag. Ang isang paraan ay ang paggamit ng iyong bigay-Diyos na kakayahang mag-isip, na “magbabantay sa iyo.” Magsisilbi itong proteksiyon sa iyo sa sekular na mga pilosopiyang makasisira sa iyong pananampalataya.—Basahin ang Kawikaan 2:10-12.

3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

3 Ang tunay na pananampalataya ay nakasalig sa tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos. (1 Tim. 2:4) Kaya habang pinag-aaralan mo ang Salita ng Diyos at ang ating mga publikasyong Kristiyano, huwag lang magbasa nang pahapyaw. Gamitin ang iyong kakayahang mag-isip para ‘makuha ang diwa’ ng binabasa mo. (Mat. 13:23) Tingnan natin kung paano nito mapatitibay ang iyong pananampalataya sa Diyos bilang Maylikha at sa Bibliya—mga paksang sagana sa nakakukumbinsing ebidensiya.—Heb. 11:1.

KUNG PAANO PATITIBAYIN ANG IYONG PANANAMPALATAYA

4. Sa mga paniniwala tungkol sa Diyos at sa pinagmulan ng buhay, bakit laging may sangkot na pananampalataya? Kaya ano ang makatuwirang gawin natin?

4 May nagsabi na ba sa iyo na naniniwala sila sa ebolusyon dahil batay ito sa siyensiya samantalang ang paniniwala sa Diyos ay batay sa pananampalataya? Marami ang may ganiyang pananaw. Pero makabubuting tandaan: Anuman ang paniniwala ng isang tao tungkol sa Diyos o sa ebolusyon, kahit paano ay sangkot dito ang pananampalataya. Bakit? Walang sinuman sa atin ang nakakita sa Diyos o nakakita na nililikha ang isang bagay. (Juan 1:18) At walang tao—siyentipiko man o hindi—na nakakitang nag-evolve ang isang uri ng buhay tungo sa ibang uri ng buhay. Halimbawa, wala pang nakakita na ang isang reptile ay nag-evolve at naging isang mammal. (Job 38:1, 4) Kaya naman dapat nating suriin ang ebidensiya at gamitin ang ating kakayahang mag-isip para makagawa ng makatuwirang konklusyon. Tungkol sa paglalang, sinabi ni apostol Pablo na ang “di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, anupat wala silang maidadahilan.”—Roma 1:20.

Habang nangangatuwiran sa iba, gamitin ang mga pantulong na available sa inyong wika (Tingnan ang parapo 5)

5. Bilang bayan ng Diyos, paano tayo tinutulungan na magamit ang ating mga kakayahan sa pang-unawa?

5 “Napag-uunawa” natin ang isang bagay kapag nakikilala natin ito kahit hindi ito madaling makita o mahalata. (Heb. 11:3) Kaya naman, ginagamit ng mga taong may unawa, hindi lang ang kanilang mata at tainga, kundi pati ang kanilang isip. Maraming pantulong sa pagre-research ang ibinigay sa atin ng organisasyon ni Jehova. Gamit ang mga ito, ‘makikita’ natin ang Maylikha sa pamamagitan ng ating mata ng pananampalataya. (Heb. 11:27) Kasama sa mga ito ang video na The Wonders of Creation Reveal God’s Glory, ang mga brosyur na Saan Nagmula ang Buhay? at The Origin of Life—Five Questions Worth Asking, at ang aklat na Is There a Creator Who Cares About You? Sa ating mga magasin, marami tayong mababasa na puwede nating pag-isipan. Madalas itampok ng Gumising! ang mga interbyu sa mga siyentipiko at iba pa na ngayon ay naniniwala na sa Diyos. Ipinakikita naman ng seryeng “May Nagdisenyo Ba Nito?” ang mga halimbawa ng kamangha-manghang disenyo sa kalikasan. Sinisikap kopyahin ng mga siyentipiko ang mahuhusay na disenyong iyon.

6. Ano ang ilang pakinabang sa paggamit ng mga pantulong na available sa atin, at paano ka nakinabang sa mga ito?

6 Ganito ang sinabi ng isang 19-anyos na brother sa United States tungkol sa dalawang nabanggit na brosyur: “Napakahalaga ng mga ito sa akin. Maraming beses ko nang pinag-aralan ang mga brosyur na ito.” Isinulat naman ng isang sister sa France: “Hanga ako sa mga artikulong ‘May Nagdisenyo Ba Nito?’! Ipinakikita ng mga ito na puwedeng gayahin ng pinakamagagaling na engineer ang masalimuot na mga disenyo sa kalikasan pero hindi nila ito mapapantayan.” Sinabi ng mga magulang ng isang 15-anyos na dalagita sa South Africa: “Kadalasan, ang unang binabasa ng aming anak sa Gumising! ay ang artikulong ‘Interbyu.’” Kumusta ka naman? Ginagamit mo ba nang husto ang mga paglalaang ito? Makatutulong ang mga ito para ang pananampalataya mo ay maging gaya ng punongkahoy na may malalalim na ugat. Sa gayon, makakayanan ng pananampalataya mo ang malalakas na hangin ng mga maling turo.—Jer. 17:5-8.

ANG IYONG PANANAMPALATAYA SA BIBLIYA

7. Bakit gusto ng Diyos na gamitin mo ang iyong kakayahan sa pangangatuwiran?

7 Masama bang magtanong tungkol sa Bibliya? Hindi naman! Gusto ni Jehova na gamitin mo ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran” para mapatunayan mo sa iyong sarili ang katotohanan. Ayaw niyang maniwala ka dahil lang sa naniniwala ang iba. Kaya gamitin mo ang iyong kakayahang mag-isip para magkaroon ka ng tumpak na kaalaman. Ang kaalamang iyan ang magiging matibay na pundasyon ng tunay na pananampalataya. (Basahin ang Roma 12:1, 2; 1 Timoteo 2:4.) Ang isang paraan para magkaroon ng kaalamang iyan ay sa pamamagitan ng mga study project.

8, 9. (a) Anong mga study project ang pinipili ng iba? (b) Paano nakinabang ang ilan sa pagbubulay-bulay sa kanilang napag-aralan?

8 Pinili ng iba ang mga study project na may kinalaman sa hula ng Bibliya o sa pagiging tumpak ng Bibliya pagdating sa kasaysayan, arkeolohiya, at siyensiya. Ang isang hula na magandang pag-aralan ay ang Genesis 3:15. Ipinakikilala ng talatang iyan ang pangunahing tema ng Bibliya—ang pagbabangong-puri sa soberanya ng Diyos at ang pagpapabanal sa pangalan niya sa pamamagitan ng Kaharian. Sa makasagisag na pananalita, ipinakikita ng talatang iyan kung paano lulutasin ni Jehova ang lahat ng pagdurusa ng tao na nagsimula sa Eden. Paano mo maaaring pag-aralan ang Genesis 3:15? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng paggawa ng time line. Maaari mong ilista ang mahahalagang teksto na nagpapakita kung paano unti-unting isiniwalat ng Diyos ang mga indibiduwal at ang kaayusang tinutukoy sa talatang iyon at kung paano pinatutunayan ng mga tekstong ito na matutupad ang hulang iyon. Habang nakikita mong nagkakatugma-tugma ang mga teksto, tiyak na masasabi mo na ‘ginabayan ng banal na espiritu’ ang mga propeta at mga manunulat ng Bibliya.—2 Ped. 1:21.

9 Isinulat ng isang brother sa Germany: “Ang tema ng Kaharian ay parang gintong sinulid na nakahabi sa buong Bibliya. Totoo iyan kahit mga 40 lalaki ang sumulat ng Bibliya. Marami sa kanila ay nabuhay sa iba’t ibang panahon at hindi sila magkakakilala.” Isang sister sa Australia ang naantig sa isang araling artikulo sa Bantayan ng Disyembre 15, 2013, na tumalakay sa kahulugan ng Paskuwa. Ang espesyal na pagdiriwang na iyan ay may malapít na kaugnayan sa Genesis 3:15 at sa pagdating ng Mesiyas. “Dahil sa pag-aaral na iyon, nakita ko kung gaano kahusay si Jehova,” ang isinulat niya. “Akalain mo, naisip niya ang kaayusang ito para sa mga Israelita at tinupad ito kay Jesus! Talagang napahinto ako at napaisip dahil kahanga-hanga ang makahulang hapunan ng Paskuwa!” Bakit ganito ang nadama ng sister? Pinag-isipan niyang mabuti ang nabasa niya at ‘nakuha ang diwa nito.’ Ito ang nagpatibay ng kaniyang pananampalataya at naglapít sa kaniya kay Jehova.—Mat. 13:23.

10. Dahil sa katapatan ng mga manunulat ng Bibliya, paano napatitibay ang ating pananampalataya?

10 Nakapagpapatibay rin ng pananampalataya ang lakas ng loob at katapatan ng mga manunulat ng Bibliya. Labis na pinupuri ng sinaunang mga manunulat ang kanilang mga lider at dinadakila ang kanilang mga kaharian. Pero laging nagsasabi ng totoo ang mga propeta ni Jehova. Itinawag-pansin pa nga nila ang pagkukulang ng kanilang mga kababayan, pati na ng kanilang mga hari. (2 Cro. 16:9, 10; 24:18-22) At hindi nila itinago ang kanilang mga pagkakamali at ang pagkakamali ng iba pang lingkod ng Diyos. (2 Sam. 12:1-14; Mar. 14:50) “Bihira ang gayong katapatan,” ang sabi ng isang kabataang brother sa Britain. “Lalong nadaragdagan ang tiwala natin na talagang ang Bibliya ay nanggaling kay Jehova.”

11. Paano lalalim ang pagpapahalaga ng mga kabataan sa mga simulaing nasa Bibliya?

11 Dahil sa mga simulaing nasa Bibliya, marami ang kumbinsido na kinasihan ito ng Diyos. (Basahin ang Awit 19:7-11.) Isinulat ng isang kabataang sister sa Japan: “Talagang masaya kami kapag sinusunod ng pamilya namin ang mga turo ng Bibliya. Mayroon kaming kapayapaan, pagkakaisa, at pag-ibig.” Pinoprotektahan tayo ng mga simulain sa Bibliya mula sa huwad na pagsamba at sa mga pamahiing umaalipin sa marami. (Awit 115:3-8) May epekto ba sa mga tao ang mga pilosopiyang nagsasabi na walang Diyos? Pinalilitaw ng mga turong gaya ng ebolusyon na ang kalikasan ay parang isang diyos, na may kapangyarihang si Jehova lang ang nagmamay-ari. Inaangkin ng mga nagsasabi na walang Diyos na ang kinabukasan natin ay nasa ating mga kamay. Pero wala naman silang maialok na magandang pag-asa sa hinaharap.—Awit 146:3, 4.

KUNG PAANO MANGANGATUWIRAN SA IBA

12, 13. Ano ang epektibong paraan para ipakipag-usap sa mga kaeskuwela, guro, at iba pa ang tungkol sa paglalang o sa Bibliya?

12 Paano ka magiging mabisa kapag nangangatuwiran sa iba tungkol sa paglalang at sa Bibliya? Una, huwag agad isipin na alam mo na kung ano ang pinaniniwalaan ng iba. Sinasabi ng ilan na naniniwala sila sa ebolusyon, pero naniniwala rin sila na may Diyos. Ipinapalagay nila na ginamit ng Diyos ang ebolusyon para likhain ang iba’t ibang uri ng bagay na may buhay. Sinasabi naman ng iba na naniniwala sila sa ebolusyon dahil hindi ito ituturo sa paaralan kung hindi ito totoo. At may mga ayaw nang maniwala sa Diyos dahil nadismaya sila sa relihiyon. Kaya kapag ipinakikipag-usap sa iba ang pinagmulan ng buhay, makabubuting magtanong muna. Alamin muna kung ano ang paniniwala ng kausap mo. Kung makatuwiran ka at handang makinig, malamang na makinig din siya sa iyo.—Tito 3:2.

13 Kung parang kinukuwestiyon ng iba ang paniniwala mo sa paglalang, puwede mong mataktikang hilingin sa kaniya na ipaliwanag kung paano nagsimula ang buhay kung walang Maylikha. Para patuloy na umiral ang unang bagay na may buhay, kailangan itong makapagparami, o makagawa ng mga kopya ng sarili nito. Isang propesor ng chemistry ang nagsabi na ang ilang bagay na kailangan dito ay (1) isang balat na magsisilbing proteksiyon, (2) kakayahang makakuha at magproseso ng enerhiya, (3) impormasyon sa mga gene, at (4) kakayahang gumawa ng kopya ng impormasyong iyon. Dagdag pa niya: “Kahanga-hanga ang pagiging masalimuot kahit ng pinakasimpleng anyo ng buhay.”

14. Ano ang puwede mong gawin kung parang hindi ka handang ipakipag-usap ang ebolusyon o paglalang?

14 Kung parang hindi ka handang ipakipag-usap ang ebolusyon o paglalang, puwede mong subukan ang simpleng pangangatuwirang ginamit ni Pablo. Sinabi niya: “Bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.” (Heb. 3:4) Talagang makatuwiran at mabisa ang lohikang iyan! Oo, ang masalimuot na mga disenyo ay produkto ng isang matalinong isip. Puwede ka ring gumamit ng angkop na publikasyon. Ibinigay ng isang sister ang dalawang brosyur na nabanggit kanina sa isang kabataang lalaki na nagsabing hindi siya naniniwala na may Diyos at na tanggap niya ang ebolusyon. Pagkaraan ng mga isang linggo, inamin ng kabataang lalaki, “Naniniwala na ako sa Diyos.” Napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya, at ang kabataang ito ay naging kapatid.

15, 16. Paano mo maibabagay ang paraan ng pakikipag-usap mo tungkol sa Bibliya, at ano ang tunguhin mo?

15 Magagamit mo rin ang pamamaraang iyan kapag nakikipag-usap ka sa mga may pag-aalinlangan tungkol sa Bibliya. Alamin kung ano talaga ang pinaniniwalaan niya at kung sa anong mga paksa siya interesado. (Kaw. 18:13) Kung mahilig siya sa siyensiya, puwede mong ipakita sa kaniya na wasto ang Bibliya pagdating sa siyensiya. Baka maging interesado naman ang ilan kapag nakita nila na tumpak ang mga hula at kasaysayang nakaulat sa Bibliya. Puwede mo ring ipakita ang mga simulaing nasa Bibliya, gaya ng mga payo na mababasa sa Sermon sa Bundok.

16 Tandaan na ang tunguhin mo ay hindi ang manalo sa mga argumento kundi ang maabot ang kanilang puso. Kaya makinig nang mabuti. Magtanong, at magsalita nang malumanay at magalang, lalo na kapag may-edad ang kausap mo. Mas malamang na igalang nila ang iyong pananaw. Makikita rin nila na talagang pinag-isipan mo ang iyong paniniwala. Hindi iyan nagagawa ng maraming kabataan sa ngayon. Siyempre pa, tandaan na hindi ka obligadong sagutin ang mga namimilosopo o ang mga gusto lang pagtawanan ang mga paniniwala mo.—Kaw. 26:4.

DIBDIBIN MO ANG KATOTOHANAN

17, 18. (a) Ano ang makatutulong sa iyo na dibdibin ang katotohanan? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

17 Hindi sapat ang saligang kaalaman sa Bibliya para magkaroon ng matibay na pananampalataya. Kaya maghukay nang malalim sa Salita ng Diyos, na para bang naghahanap ka ng nakatagong kayamanan. (Kaw. 2:3-6) Gamitin ang ibang pantulong na available sa inyong wika, gaya ng Watchtower Library sa DVD, Watchtower ONLINE LIBRARY, gayundin ang Watch Tower Publications Index o ang Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova. Gawin mo ring tunguhin na mabasa ang buong Bibliya. Sikapin mong gawin iyan sa loob ng isang taon. Ang pagbabasa ng Salita ng Diyos ay isa sa pinakamagagandang paraan para mapatibay ang iyong pananampalataya. Naalaala ng isang tagapangasiwa ng sirkito ang kaniyang kabataan: “Nang mabasa ko ang buong Bibliya, lalo kong napahalagahan na ito ang Salita ng Diyos. Sa wakas, naintindihan ko na ang mga kuwento sa Bibliya na natutuhan ko noong bata pa ako. Mahalagang bahagi ito ng aking pagsulong sa espirituwal.”

18 Mga magulang—malaki ang papel ninyo sa espirituwal na pagsulong ng inyong mga anak. Paano ninyo sila matutulungang magkaroon ng matibay na pananampalataya? Tatalakayin iyan sa susunod na artikulo.