Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Makinabang sa Patnubay ni Jehova Ngayon

Makinabang sa Patnubay ni Jehova Ngayon

ISANG MATALINONG DESISYON—SA POLAND

“KINSE anyos ako nang mabautismuhan, at pagkaraan nang anim na buwan, nag-auxiliary pioneer ako. Makalipas ang isang taon, nag-aplay ako bilang regular pioneer. Nang magtapos ako ng high school, hiniling kong makapaglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga mangangaral ng Kaharian. Gusto ko kasing makaalis sa bayan namin at sa poder ng lola ko na hindi Saksi ni Jehova. Lungkot na lungkot ako nang sabihin ng tagapangasiwa ng sirkito na ang bayan din namin ang magiging teritoryo ko! Pero hindi ko iyon ipinahalata sa kaniya. Nakayuko akong naglakad palayo para pag-isipan ang sinabi niya. Sinabi ko sa partner ko sa ministeryo: “Parang nagiging si Jonas na yata ako. Pero nagpunta rin naman si Jonas sa Nineve nang bandang huli. Kaya, sige, maglilingkod ako kung saan ako inatasan.”

“Apat na taon na akong payunir ngayon sa bayan namin, at nakita ko kung gaano kahalagang sumunod sa ibinibigay na tagubilin. Negatibo kasi ako noon. Ngayon, masayang-masaya na ako. May isang buwan na nakapagdaos ako ng 24 na Bible study. Salamat kay Jehova, na-study ko pa nga ang lola ko na dating salansang.”

ANG SAYA NG KINALABASAN—SA FIJI

Isang Bible study ang kinailangang pumili kung dadalo siya sa isang Kristiyanong kombensiyon o sasama sa mister niya sa birthday party ng isang kamag-anak. Pinayagan siya ng mister niya na dumalo sa kombensiyon. Sinabi naman niya na susunod na lang siya sa party. Pero nang makauwi na mula sa kombensiyon, nadama niya na mas mabuting huwag niyang ilagay sa alanganin ang kaniyang espirituwalidad, kaya hindi na siya pumunta sa party.

Nang sabihin ng mister niya sa mga kamag-anak nito na susunod na lang ang misis niya pagkatapos dumalo sa “pulong ng mga Saksi,” sinabi nila, “Hindi ’yon pupunta; hindi nagse-celebrate ng birthday ang mga Saksi ni Jehova!” *

Tuwang-tuwa ang mister ng Bible study nang manindigan siya batay sa kaniyang budhi at mga paniniwala. Dahil sa kaniyang tapat na landasin, nakapagpatotoo siya sa mister niya, at sa iba. Ano ang resulta? Nagpa-Bible study ang kaniyang mister at dumadalo na sa pulong kasama niya.

^ par. 7 Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan, Disyembre 15, 2001.