Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naluluwalhati Mo Ba ang Diyos sa Iyong Pananamit?

Naluluwalhati Mo Ba ang Diyos sa Iyong Pananamit?

“Gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—1 COR. 10:31.

AWIT: 34, 61

1, 2. Bakit mataas ang pamantayan ng mga Saksi ni Jehova sa pananamit? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

“MARAMI ang nakasuot ng casual, lalo na kapag mainit,” ang ulat ng isang pahayagang Dutch tungkol sa isang miting ng mga lider ng simbahan. “Pero hindi ganiyan sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova.” Binanggit pa ng pahayagan na ang mga lalaki ay nakaamerikana at kurbata, samantalang ang palda ng mga babae ay mahinhin ang haba pero moderno. Madalas purihin ang mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang “maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip, . . . na angkop sa mga . . . nag-aangking nagpipitagan sa Diyos.” (1 Tim. 2:9, 10) Mga babae ang tinutukoy rito ni apostol Pablo, pero ganito rin ang pamantayan para sa mga lalaking Kristiyano.

2 Bilang bayan ni Jehova, mahalaga sa atin ang angkop na pamantayan sa pananamit, at mahalaga rin ito sa Diyos na sinasamba natin. (Gen. 3:21) Malinaw sa Kasulatan na ang Soberano ng uniberso ay may pamantayan ng pananamit para sa kaniyang mga tunay na mananamba. Kaya hindi lang kagustuhan natin ang dapat masunod sa ating pananamit at pag-aayos. Dapat din nating isaalang-alang ang nakalulugod sa Soberanong Panginoong Jehova.

3. Sa Kautusan ng Diyos sa mga Israelita, ano ang matututuhan natin tungkol sa pananamit?

3 Halimbawa, ang Kautusan ng Diyos sa mga Israelita ay may mga alituntuning nagsasanggalang sa kanila sa napakaimoral na pamumuhay ng mga bansang nakapalibot sa kanila. Ipinakita ng Kautusan na ayaw na ayaw ni Jehova sa pananamit na nagpapalabo sa pagkakaiba ng lalaki at babae—tinatawag ito sa ngayon na unisex fashion. (Basahin ang Deuteronomio 22:5.) Ayon sa batas na iyon, nakita natin na hindi natutuwa ang Diyos sa mga istilo ng pananamit na pinagmumukhang babae ang mga lalaki, pinagmumukhang lalaki ang mga babae, o ginagawang mahirap makilala ang pagkakaiba ng lalaki at babae.

4. Ano ang tutulong sa mga Kristiyano sa pagpili ng tamang pananamit?

4 Sa Salita ng Diyos, may mga simulain na tutulong sa mga Kristiyano sa pagpili ng tamang pananamit, anuman ang kanilang kultura, saanman sila nakatira, at anuman ang klima. Hindi natin kailangan ng detalyadong listahan ng mga istilo ng pananamit na katanggap-tanggap o hindi katanggap-tanggap. Sa halip, nagpapagabay tayo sa mga simulain ng Kasulatan, na nagbibigay rin sa atin ng kalayaang pumili. Talakayin natin ang ilang simulain na tutulong sa atin na malaman “ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos” kapag pumipili ng pananamit.—Roma 12:1, 2.

‘INIREREKOMENDA NATIN ANG ATING SARILI BILANG MGA MINISTRO NG DIYOS’

5, 6. Ano ang dapat na maging epekto sa iba ng pananamit natin?

5 Kinasihan si apostol Pablo na banggitin ang isang mahalagang simulaing makikita sa 2 Corinto 6:4. (Basahin.) Ang ating hitsura ay maraming sinasabi tungkol sa atin. Nagkakaroon ng impresyon o opinyon ang iba tungkol sa atin batay sa “kung ano ang nakikita ng mga mata.” (1 Sam. 16:7) Kaya bilang mga ministro ng Diyos, hindi lang tayo basta nagsusuot ng kung ano ang komportable o gusto natin. Dahil sa mga simulaing natutuhan natin sa Salita ng Diyos, iniiwasan natin ang mga damit na hapit na hapit, naglalantad ng katawan, o mapang-akit. Hindi tayo nagsusuot ng mga damit na nagpapakita o nagtatampok ng mga pribadong bahagi ng ating katawan. Hindi dapat mailang o umiwas ng tingin ang sinuman dahil naaasiwa sila sa pananamit natin.

6 Kapag tayo ay maayos, malinis, at mahinhing manamit, mas malamang na igagalang tayo ng mga tao bilang mga ministro ng Soberanong Panginoong Jehova. At posibleng maging interesado sila sa Diyos na sinasamba natin. Kung angkop ang ating pananamit, mas igagalang din nila ang organisasyong kinakatawan natin at mas malamang na makinig sila sa ating nagbibigay-buhay na mensahe.

7, 8. Kailan lalo nang mahalagang magsuot ng angkop na pananamit?

7 Pananagutan natin sa ating banal na Diyos, sa ating espirituwal na mga kapatid, at sa mga tao sa ating teritoryo na manamit sa paraang nagbibigay ng dignidad sa ating mensahe at lumuluwalhati kay Jehova. (Roma 13:8-10) Mahalaga ito lalo na kapag dumadalo tayo sa mga pulong o nangangaral. Dapat tayong manamit “sa paraan na angkop sa mga [taong] nag-aangking nagpipitagan sa Diyos.” (1 Tim. 2:10) Siyempre pa, may ilang damit na angkop sa isang lugar pero baka hindi naman angkop sa ibang lugar. Kaya naman, saanman tayo nakatira, bilang bayan ni Jehova, isinasaalang-alang natin ang lokal na mga kostumbre para hindi makatisod sa iba.

Ang pananamit mo ba ay nag-uudyok sa iba na igalang ang Diyos na pinaglilingkuran mo? (Tingnan ang parapo 7, 8)

8 Basahin ang 1 Corinto 10:31. Kapag dumadalo sa mga asamblea at kombensiyon, dapat tayong manamit nang angkop at mahinhin sa halip na sumunod sa kakaibang mga istilo na uso sa sanlibutan. Ayaw rin nating maging sobrang casual o burara kapag nasa hotel, o kapag namamasyal bago at pagkatapos ng sesyon ng kombensiyon. Kaya naman hindi tayo mahihiyang magpakilala bilang mga Saksi ni Jehova. Malaya rin tayong makapagpapatotoo kung may pagkakataon.

9, 10. Bakit dapat makaapekto sa ating pananamit ang Filipos 2:4?

9 Basahin ang Filipos 2:4. Bakit dapat isipin ng mga Kristiyano ang magiging epekto ng pananamit nila sa kanilang mga kapananampalataya? Dahil sinisikap ng bayan ng Diyos na sundin ang payong ito: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso.” (Col. 3:2, 5) Ayaw nating maging mahirap para sa ating mga kapananampalataya na sundin ang payong iyan. Ang mga brother at sister na tumalikod sa imoral na pamumuhay ay baka nakikipaglaban pa rin sa maling mga pagnanasa. (1 Cor. 6:9, 10) Ayaw nating maging mas mahirap ang kanilang pakikipaglaban, hindi ba?

10 Kapag kasama natin ang ating mga kapatid, sa pagpupulong man o sa ibang pagkakataon, dapat itaguyod ng ating pananamit ang kalinisan sa moral ng kongregasyon. May kalayaan tayong pumili ng isusuot. Pero pananagutan nating manamit sa paraang magiging madali para sa iba na manatiling malinis sa moral at masunod ang mga pamantayan ng Diyos sa kabanalan—sa pag-iisip, pagsasalita, at paggawi. (1 Ped. 1:15, 16) Ang tunay na pag-ibig ay “hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan.”—1 Cor. 13:4, 5.

PANANAMIT NA ANGKOP SA PANAHON AT LUGAR

11, 12. Ano ang makatuwirang tandaan sa pagpili ng isusuot?

11 Sa pagpili ng pananamit, tinatandaan ng mga lingkod ng Diyos na “sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, isang panahon nga para sa bawat pangyayari.” (Ecles. 3:1, 17) Ang klima at pagbabago ng panahon ay nakaaapekto sa isinusuot natin. Pati na rin ang iba’t ibang kalagayan natin at pamumuhay. Pero di-gaya ng lagay ng panahon, ang mga pamantayan ni Jehova ay hindi pabago-bago.—Mal. 3:6.

12 Kapag mainit ang panahon, mas nagiging hamon na tiyaking kagalang-galang at mahinhin ang ating pananamit. Kaya pinahahalagahan ng ating mga kapatid kung iniiwasan natin ang mga damit na hapit na hapit o napakaluwag kung kaya nalalantad na ang katawan. (Job 31:1) Kapag nasa beach o swimming pool naman, dapat tayong magsuot ng mahinhing pampaligo. (Kaw. 11:2, 20) Kahit marami sa sanlibutan ang nagsusuot ng di-mahinhing pampaligo, dapat nating tiyakin na ang ating isusuot ay magbibigay ng karangalan sa ating banal na Diyos na si Jehova.

13. Bakit dapat makaapekto ang payo sa 1 Corinto 10:32, 33 sa pagpili natin ng pananamit?

13 May isa pang mahalagang simulain na tutulong sa atin sa pagpili ng angkop na pananamit—ang malasakit sa budhi ng ating mga kapananampalataya at ng iba. (Basahin ang 1 Corinto 10:32, 33.) Pananagutan nating iwasan ang mga damit na makatitisod sa iba. “Palugdan ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapuwa sa anumang mabuti para sa kaniyang ikatitibay,” ang isinulat ni Pablo. Pagkatapos, sinabi niya ang dahilan: “Sapagkat maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili.” (Roma 15:2, 3) Oo, para magawa ang kalooban ng Diyos, inuna ni Jesus ang pagtulong sa iba, hindi ang kaniyang sariling kagustuhan. Kaya hindi tayo magsusuot ng mga damit na gusto natin pero magiging dahilan naman ng pagtanggi ng mga tao sa ating mensahe.

14. Paano sasanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak na luwalhatiin ang Diyos sa kanilang paraan ng pananamit?

14 Pananagutan ng Kristiyanong mga magulang na turuan ang kanilang pamilya na sundin ang mga simulain sa Bibliya. Kaya tinitiyak nila na ang pananamit at pag-aayos nila at ng kanilang mga anak ay makapagpapasaya sa puso ng Diyos. (Kaw. 22:6; 27:11) Maitatanim ng mga magulang sa puso ng kanilang mga anak ang paggalang sa ating banal na Diyos sa pamamagitan ng kanilang mabuting halimbawa at pagtuturo. Napakaganda nga kung tutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak kung saan at paano sila makakakita ng angkop na mga damit! Hindi lang ito pananamit na gusto nila kundi pananamit din na angkop sa mga kinatawan ng Diyos na Jehova.

GAMITIN NANG TAMA ANG IYONG KALAYAAN

15. Ano ang dapat na maging gabay natin sa pagpili ng pananamit?

15 Binibigyan tayo ng Salita ng Diyos ng gabay para makagawa ng tamang desisyon na magdudulot ng kaluwalhatian sa Diyos. Pero may kalayaan pa rin tayong magpasiya pagdating sa ating pananamit. Iba-iba ang panlasa natin, pati na ang ating pinansiyal na kalagayan. Pero ang ating pananamit ay dapat na laging maayos, malinis, mahinhin, angkop sa okasyon, at katanggap-tanggap.

16. Bakit sulit ang pagsisikap na makahanap ng angkop na pananamit?

16 Totoo, hindi laging madaling makahanap at makapili ng mahinhin at angkop na pananamit. Karaniwan na, mga usong damit ang ibinebenta sa mga tindahan, kaya mas matagal at mas mahirap makakita ng mahinhing palda, bestida, at blusa o long sleeves at pantalon na hindi sobrang hapit. Pero mapapansin at pahahalagahan ng ating mga kapananampalataya ang pagsisikap nating makahanap ng maganda at angkop na pananamit. At dahil naluluwalhati natin ang ating makalangit na Ama, sulit ang anumang pagtitiis at pagsasakripisyo natin pagdating sa ating pananamit.

17. Ano ang mga dapat isaalang-alang kung angkop bang magkaroon ng balbas ang isang brother?

17 Angkop bang magkaroon ng balbas ang mga brother? Kahilingan ito ng Kautusang Mosaiko sa mga lalaki. Pero ang mga Kristiyano ay wala na sa ilalim ng Kautusang Mosaiko at hindi na sila obligadong sundin ito. (Lev. 19:27; 21:5; Gal. 3:24, 25) Sa ilang kultura, ang maayos na balbas ay baka katanggap-tanggap at kagalang-galang, at hindi naman maaasiwa ang mga tao sa teritoryo. May mga inatasang brother pa nga na may balbas. Pero ipinasiya ng ilang brother na huwag magkaroon ng balbas. (1 Cor. 8:9, 13; 10:32) Sa ibang kultura o lupain, hindi kaugalian ang pagkakaroon ng balbas at hindi ito itinuturing na katanggap-tanggap para sa mga ministrong Kristiyano. Sa katunayan, baka maging hadlang pa nga ito sa isang brother sa pagluwalhati niya sa Diyos at sa kaniyang pagiging “di-mapupulaan.”—Roma 15:1-3; 1 Tim. 3:2, 7.

18, 19. Paano makatutulong ang Mikas 6:8 sa pagpili ng pananamit na nakalulugod sa Diyos?

18 Salamat at hindi tayo binibigyan ni Jehova ng detalyadong listahan ng mga alituntunin sa pananamit at pag-aayos. Sa halip, hinahayaan niya tayong gamitin ang ating kalayaang magpasiya, habang nagpapagabay sa mga simulain ng Bibliya. Kaya maging sa ating pananamit at pag-aayos, maipakikita natin na gusto nating “maging mahinhin sa paglakad na kasama ng [ating] Diyos.”—Mik. 6:8.

19 Kasama sa pagiging mahinhin ang pagkilala na si Jehova ay dalisay at banal at na ang mga pamantayan niya ang pinakamabuti para sa atin. Kasama rin dito ang paggalang sa damdamin at opinyon ng iba. Kaya ‘nagiging mahinhin tayo sa paglakad na kasama ng Diyos’ kapag sinusunod natin ang kaniyang matataas na pamantayan at iginagalang ang budhi ng iba.

20. Ano ang dapat na maging epekto sa iba ng ating pananamit at pag-aayos?

20 Kapag tinitingnan ng mga tao ang ating pananamit, hindi sila dapat mag-alinlangan kung mananamba nga tayo ni Jehova. Dapat na kumbinsido ang ating mga kapatid at ang ibang tao na mga kinatawan tayo ng ating matuwid na Diyos. Matataas ang pamantayan niya, at masaya nating sinusunod ang mga iyon. Dapat bigyan ng komendasyon ang mga brother at sister sa kanilang maayos na hitsura at mainam na paggawi. Dahil dito, nagiging interesado sa mensahe ng Bibliya ang mga tapat-puso at nagdudulot ito ng kaluwalhatian at kagalakan kay Jehova. Kapag tama ang pagpili natin ng pananamit, patuloy tayong makapagbibigay ng kaluwalhatian sa Isa na nadaramtan ng “dangal at karilagan.”—Awit 104:1, 2.