Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Salita ng Ating Diyos ay Mananatili Magpakailanman

Ang Salita ng Ating Diyos ay Mananatili Magpakailanman

“Ang luntiang damo ay natuyo, ang bulaklak ay nalanta; ngunit kung tungkol sa salita ng ating Diyos, iyon ay mananatili hanggang sa panahong walang takda.”—ISA. 40:8.

AWIT: 116, 115

1, 2. (a) Paano kaya ang buhay kung wala ang Bibliya? (b) Ano ang tutulong para lalo tayong makinabang sa Salita ng Diyos?

NAIISIP mo ba ang magiging buhay mo kung wala ang Bibliya? Wala kang mapagkukunan ng maaasahang payo sa araw-araw na pamumuhay. Hindi masasagot ang mga tanong mo tungkol sa Diyos, sa buhay, at sa hinaharap. At hindi mo malalaman ang mga ginawa ni Jehova para sa mga tao noon.

2 Mabuti na lang, inilaan ni Jehova sa atin ang kaniyang Salita, ang Bibliya. At tinitiyak niya na mananatili ang mensahe nito magpakailanman. Sinipi ni apostol Pedro ang Isaias 40:8. Bagaman ang talatang iyon ay hindi espesipikong tumutukoy sa mismong Bibliya, maaari itong ikapit sa mensaheng nasa Bibliya. (Basahin ang 1 Pedro 1:24, 25.) Siyempre pa, lalo tayong makikinabang sa Bibliya kung mababasa natin ito sa wikang naiintindihan natin. Matagal nang alam iyan ng mga umiibig sa Salita ng Diyos. Kaya naman sa nagdaang mga siglo, may mga taimtim na indibiduwal na nagsikap na isalin at ipamahagi ang Kasulatan kahit hindi iyon madali. Ang tunguhin nila ay kaayon ng kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Tim. 2:3, 4.

3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano nakapanatili ang Salita ng Diyos sa kabila ng (1) mga pagbabago sa wika, (2) mga pagbabago sa politika na nakaimpluwensiya sa lingua franca, o karaniwang wika na ginagamit ng mga tao, at (3) pagsalansang sa pagsasalin ng Bibliya. Paano tayo makikinabang sa pagtalakay na ito? Mapalalalim nito ang pagpapahalaga natin sa Salita ng Diyos. Mapasisidhi rin nito ang pag-ibig natin sa Awtor ng Bibliya, na naglaan nito para makinabang tayo.—Mik. 4:2; Roma 15:4.

MGA PAGBABAGO SA WIKA

4. (a) Paano nagbabago ang mga wika sa paglipas ng panahon? (b) Ano ang nagpapakita na ang Diyos ay di-nagtatangi pagdating sa wika? At ano ang masasabi mo tungkol dito?

4 Nagbabago ang mga wika sa paglipas ng panahon. Puwedeng magbago ang kahulugan ng mga salita at ekspresyon. Baka may maiisip kang mga halimbawa nito sa inyong wika. Ganiyan din ang kaso ng mga wikang Hebreo at Griego, na ginamit sa pagsulat ng Bibliya. Ang modernong Hebreo at Griego ay ibang-iba na sa Hebreo at Griego noong panahon ng Bibliya. Kaya halos lahat ng gustong makaunawa ng Salita ng Diyos ay kailangang magbasa ng isang salin nito—kahit ang mga nakaiintindi ng modernong Hebreo at Griego. Iniisip ng ilan na kailangan nilang mag-aral ng sinaunang Hebreo at Griego para maunawaan ang Bibliya. Pero ang totoo, hindi iyon gaanong makatutulong gaya ng inaakala nila. * Kaya ipinagpapasalamat natin na naisalin ang Bibliya o ang mga bahagi nito sa halos 3,000 wika. Maliwanag, gusto ni Jehova na makinabang ang “bawat bansa at tribo at wika” sa kaniyang Salita. (Basahin ang Apocalipsis 14:6.) Dahil dito, mas napapalapít tayo sa ating maibigin at di-nagtatanging Diyos.—Gawa 10:34.

5. Bakit naging mahalaga ang King James Version?

5 Nakaapekto rin sa mga salin ng Bibliya ang pagbabago sa mga wika. Ang isang salin na madaling maunawaan noong una itong ilabas ay baka mahirap nang unawain sa paglipas ng panahon. Halimbawa, unang inilabas ang saling Ingles na King James Version noong 1611. Isa ito sa pinakapopular na Bibliya sa wikang Ingles, at malaki ang naging epekto nito sa wikang iyon. * Pero iilang beses lang ginamit ng King James Version ang pangalan ng Diyos. Gumamit ito ng “Jehovah” sa ilang talata, pero ginamit nito ang salitang “LORD” sa malalaking titik sa ibang mga talata kung saan orihinal na lumilitaw ang pangalan ng Diyos sa Hebreong Kasulatan. Nang maglaon, ginamit na rin sa ilang limbag nito ang salitang “LORD” sa malalaking titik sa ilang talata sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa ganitong paraan, kinilala ng King James Version ang tamang lugar ng pangalan ng Diyos sa tinatawag na Bagong Tipan.

6. Bakit tayo nagpapasalamat dahil sa Bagong Sanlibutang Salin?

6 Pero maraming salita sa King James Version ang naging makaluma sa paglipas ng mga siglo. Ganiyan din ang nangyari sa naunang mga salin ng Bibliya sa ibang wika. Kaya nagpapasalamat tayo na mayroon tayong makabagong-wikang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Makukuha ito o ang mga bahagi nito sa mahigit 150 wika, kung kaya maaari na itong mabasa ng karamihan ng mga tao sa mundo. Dahil gumagamit ito ng malinaw na pananalita, tumatagos sa ating puso ang mensahe ng Salita ng Diyos. (Awit 119:97) At ang pinakamahalaga, ibinalik ng Bagong Sanlibutang Salin ang pangalan ng Diyos sa tamang lugar nito sa Kasulatan.

KARANIWANG WIKA NA GINAGAMIT NG MGA TAO

7, 8. (a) Noong ikatlong siglo B.C.E., bakit hindi na naiintindihan ng maraming Judio ang Hebreong Kasulatan? (b) Ano ang Griegong Septuagint?

7 Kung minsan, ang mga pagbabago sa politika ay nakaiimpluwensiya sa lingua franca, o karaniwang wika na ginagamit ng mga tao. Kaya paano tiniyak ni Jehova na maiintindihan pa rin ng mga tao ang kaniyang Salita? Tingnan natin ang isang halimbawa. Ang unang 39 na aklat ng Bibliya ay isinulat ng mga Israelita, o mga Judio. Sa kanila unang “ipinagkatiwala . . . ang mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” (Roma 3:1, 2) Pero noong ikatlong siglo B.C.E., maraming Judio ang hindi na nakaiintindi ng Hebreo. Bakit? Dahil sa pananakop ni Alejandrong Dakila, lumawak ang teritoryo ng Imperyo ng Gresya. (Dan. 8:5-7, 20, 21) Kaya naman, Griego ang naging wika ng marami sa mga sakop nito, kasama na ang mga Judio na nakapangalat sa malawak na teritoryo nito. Nang dumami ang mga Judio na nagsasalita ng Griego, nahirapan na silang intindihin ang Hebreong Kasulatan. Ano ang solusyon?

8 Noong bandang kalagitnaan ng ikatlong siglo B.C.E., isinalin sa Griego ang unang limang aklat ng Bibliya. Natapos ang pagsasalin sa iba pang bahagi ng Hebreong Kasulatan noong ikalawang siglo B.C.E. Tinawag ang saling ito na Griegong Septuagint. Ang Septuagint ang kinikilalang unang nasusulat na salin ng buong Hebreong Kasulatan.

9. (a) Paano nakatulong sa mga mambabasa ng Salita ng Diyos ang Septuagint at iba pang naunang salin? (b) Anong bahagi ng Hebreong Kasulatan ang paborito mo?

9 Sa tulong ng Septuagint, nabasa ng mga Judiong nagsasalita ng Griego ang Hebreong Kasulatan. Isip-isipin kung gaano sila kasaya na marinig o mabasa ang Salita ng Diyos sa naging katutubong wika nila! Nang maglaon, naisalin din ang mga bahagi ng Bibliya sa iba pang karaniwang wika, gaya ng Syriac, Gothic, at Latin. Habang pinag-aaralan ng mga mambabasa ang Salita ng Diyos sa wikang naiintindihan nila, siguradong may mga bahagi ito na naging paborito nila, gaya rin natin sa ngayon. (Basahin ang Awit 119:162-165.) Oo, nakapanatili ang Salita ng Diyos sa kabila ng mga pagbabago sa karaniwang wika na ginagamit ng mga tao.

PAGSALANSANG SA PAGSASALIN NG BIBLIYA

10. Noong panahon ni John Wycliffe, bakit hindi na makabasa ng Bibliya ang karamihan?

10 Sinikap ng maraming makapangyarihang lider na ipagkait ang Bibliya sa karaniwang mga tao. Pero may mga taimtim na indibiduwal na nanindigan sa pagsalansang na ito. Isa sa kanila si John Wycliffe, isang teologo noong ika-14 na siglo. Naniniwala siya na dapat mabasa ng lahat ang Salita ng Diyos. Pero halos imposible ito para sa karaniwang mga tao sa Inglatera noon. Bakit? Ang mga kopya ng Bibliya ay sulat-kamay at napakamahal. Isa pa, karamihan ng mga tao ay hindi marunong bumasa. At kahit naririnig nila na binabasa ang Bibliya sa simbahan, malamang na hindi nila iyon naiintindihan. Bakit? Dahil ang opisyal na Bibliya ng Simbahan (ang Vulgate) ay nasa wikang Latin. At noong Edad Medya, hindi na naiintindihan ng karaniwang mga tao ang Latin. Paano nila mauunawaan ang mahalagang mensahe ng Bibliya?—Kaw. 2:1-5.

Tulad ni Wycliffe at ng iba, gusto mo rin bang mabasa ng lahat ang Salita ng Diyos? (Tingnan ang parapo 11)

11. Ano ang epekto ng Bibliya ni Wycliffe?

11 Noong 1382, inilabas ang saling Ingles na nakilala bilang Bibliya ni Wycliffe. Agad itong naging popular sa mga tagasunod niya, ang mga Lollard. Para tumagos sa puso at isip ng karaniwang mga tao ang Salita ng Diyos, ang mga mángangarál na ito ay naglakbay sa mga nayon sa buong Inglatera. Kadalasan, ang mga Lollard ay nagbabasa ng mga teksto mula sa Bibliya ni Wycliffe sa kanilang mga nakakausap, at nag-iiwan sila ng sulat-kamay na mga kopya nito. Dahil sa kanilang pagsisikap, nagising ang interes ng mga tao sa Salita ng Diyos.

12. Ano ang reaksiyon ng klero kay Wycliffe at sa mga tagasunod niya?

12 Ano ang naging reaksiyon ng klero? Namuhi sila kay Wycliffe, sa kaniyang Bibliya, at sa mga tagasunod niya. Pinag-usig ng mga lider ng relihiyon ang mga Lollard at pinaghahanap ang mga kopya ng Bibliya ni Wycliffe para sirain. Kahit patay na si Wycliffe, idineklara pa rin siyang erehe. Pero hindi na puwedeng parusahan ang taong patay na. Kaya ipinahukay ng klero ang mga buto ni Wycliffe at sinunog, at ang mga abo ay itinapon sa ilog ng Swift. Pero hindi napigilan ng Simbahan ang mga taong gustong makabasa at makaunawa sa Salita ng Diyos. Sa sumunod na mga siglo, marami sa Europa at sa ibang panig ng mundo ang nagsalin at namahagi ng Bibliya para makinabang ang karaniwang mga tao.

“ANG ISA NA NAGTUTURO SA IYO UPANG MAKINABANG KA”

13. Sa ano tayo kumbinsido? At paano nito napatitibay ang pananampalataya natin?

13 Bagaman ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos, hindi ibig sabihin nito na kinasihan niya ang pagsasalin sa Septuagint, sa Bibliya ni Wycliffe, sa King James Version, o sa iba pang salin ng Bibliya. Pero pinatutunayan ng mga saling ito na tinupad ni Jehova ang kaniyang pangako na mananatili ang kaniyang Salita. Tiyak na napatitibay ang pananampalataya natin na matutupad ang iba pang ipinangako ni Jehova!—Jos. 23:14.

14. Paano napasisidhi ng Salita ng Diyos ang pag-ibig natin sa kaniya?

14 Ang pagtalakay natin sa ginawa ni Jehova para maingatan ang Bibliya ay hindi lang nagpapatibay ng pananampalataya natin. Pinasisidhi rin nito ang pag-ibig natin sa kaniya. * Bakit nga ba niya inilaan ang kaniyang Salita? Bakit niya ipinangakong mananatili ito? Dahil mahal niya tayo, at gusto niya tayong turuan para makinabang tayo. (Basahin ang Isaias 48:17, 18.) Kaya gusto rin nating ibigin si Jehova at sundin ang kaniyang mga utos.—1 Juan 4:19; 5:3.

15. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?

15 Dahil pinahahalagahan natin ang Salita ng Diyos, gusto nating makinabang nang lubos sa pagbabasa nito. Pero paano? Paano natin matutulungan ang mga tao sa ating ministeryo na pahalagahan din ang Bibliya? At paano matitiyak ng mga nagtuturo sa entablado na nakasalig sa Kasulatan ang itinuturo nila? Tatalakayin natin ang mga ito sa susunod na artikulo.

^ par. 4 Tingnan ang artikulong “Kailangan Mo Pa Bang Matuto ng Hebreo at Griego?” sa Ang Bantayan, Nobyembre 1, 2009.

^ par. 5 Maraming idyoma sa wikang Ingles ang nagmula sa King James Version. Halimbawa: “fell flat on his face,” “the skin of my teeth,” at “pour out your heart.”—Bil. 22:31; Job 19:20; Awit 62:8.

^ par. 14 Tingnan ang kahong “ Isang Bible Museum.”