Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Makonsiderasyon at Mabait Gaya ni Jehova

Maging Makonsiderasyon at Mabait Gaya ni Jehova

“Maligaya ang sinumang gumagawi nang may pakundangan sa maralita.”—AWIT 41:1.

AWIT: 130, 107

1. Paano makikita sa bayan ng Diyos ang pag-ibig?

ANG bayan ng Diyos ay isang espirituwal na pamilya—isa na kilalá sa pag-ibig. (1 Juan 4:16, 21) Ang pag-ibig na iyan ay karaniwang nakikita, hindi sa paminsan-minsang kabayanihan, kundi sa maraming simpleng paraan, gaya ng mababait na salita at gawa. Kapag tayo ay mabait at makonsiderasyon, ‘nagiging mga tagatulad tayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal.’—Efe. 5:1.

2. Paano tinularan ni Jesus ang pag-ibig ni Jehova?

2 Lubusang tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama. “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan,” ang sabi ni Jesus, “at pagiginhawahin ko kayo . . . , sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso.” (Mat. 11:28, 29) Kapag tinularan natin ang halimbawa ni Kristo anupat “gumagawi nang may pakundangan [o, konsiderasyon] sa maralita,” matatamo natin ang pagsang-ayon ng ating makalangit na Ama at tayo ay magiging tunay na maligaya. (Awit 41:1) Tingnan natin kung paano natin maipakikita ang konsiderasyon sa pamilya, sa kongregasyon, at sa ministeryo.

MAGING MAKONSIDERASYON SA PAMILYA

3. Para sa asawang lalaki, bakit masasabing magkaugnay ang pagiging maunawain at makonsiderasyon? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

3 Dapat manguna ang mga asawang lalaki sa pagiging makonsiderasyon sa pamilya. (Efe. 5:25; 6:4) Halimbawa, pinayuhan silang makitungo sa kanilang asawa “ayon sa kaalaman”—isang pananalitang maaari ding isaling “pagiging makonsiderasyon sa kanila; maunawain sa kanila.” (1 Ped. 3:7) Ang pagiging maunawain at makonsiderasyon ay magkaugnay. Halimbawa, alam ng maunawaing asawang lalaki na ang kaniyang asawa, bilang kapupunan niya, ay iba sa kaniya sa maraming paraan, pero hindi nakabababa. (Gen. 2:18) Kaya mabait niyang isinasaalang-alang ang damdamin nito, na pinakikitunguhan siya nang may dignidad at dangal. Isang misis sa Canada ang nagsabi tungkol sa kaniyang asawa: “Hindi niya minamaliit ang damdamin ko o sinasabi, ‘Ang arte mo naman!’ Pinakikinggan din niya ako. Kapag tinutulungan niya akong baguhin ang pananaw ko, ginagawa niya iyon nang may kabaitan.”

4. Paano dapat magpakita ng konsiderasyon ang isang asawang lalaki sa kaniyang asawa kapag nakikitungo sa ibang babae?

4 Isinasaisip din ng isang makonsiderasyong asawang lalaki ang damdamin ng kaniyang asawa kapag nakikitungo siya sa ibang babae. Hindi siya nakikipag-flirt o nagpapakita ng di-angkop na atensiyon sa kanila; ni nagpapakita man siya ng gayong interes kapag gumagamit ng social media o Internet. (Job 31:1) Oo, tapat siya sa kaniyang asawa, hindi lang dahil mahal niya siya kundi dahil iniibig niya ang Diyos at kinapopootan ang masama.—Basahin ang Awit 19:14; 97:10.

5. Paano makapagpapakita ng konsiderasyon ang asawang babae sa kaniyang asawa?

5 Kapag tinutularan ng asawang lalaki ang kaniyang ulo, si Jesu-Kristo, natutulungan niya ang kaniyang asawa na malinang ang “matinding paggalang” sa kaniya. (Efe. 5:22-25, 33) Ang paggalang naman ang magpapakilos sa asawang babae na maging makonsiderasyon sa kaniyang asawa, marahil kapag kailangan nitong maglaan ng ekstrang oras sa mga teokratikong pananagutan o kapag may iniisip siyang problema. “Paminsan-minsan, nahahalata ng misis ko na may gumugulo sa isip ko,” ang sabi ng isang asawang lalaki sa Britain. “Saka niya ikakapit ang Kawikaan 20:5, kahit maghintay pa siya ng tamang panahon para ‘salukin,’ wika nga, ang iniisip ko kung puwede naman itong sabihin sa kaniya.”

6. Paano mapasisigla ng lahat ang mga bata na maging makonsiderasyon, at paano makikinabang ang mga ito?

6 Kapag makonsiderasyon sa isa’t isa ang mag-asawa, nagiging mabuting halimbawa sila sa mga anak nila. Sabihin pa, ang mga magulang ang pangunahing may pananagutan na magturo sa mga anak na maging makonsiderasyon. Halimbawa, matuturuan nila ang mga ito na huwag magpatakbo-takbo sa Kingdom Hall. Kapag may salusalo, puwede nilang sabihan ang mga bata na paunahin sa pagkuha ng pagkain ang mga may-edad. Siyempre pa, makatutulong ang lahat sa kongregasyon. Halimbawa, kapag ginawan tayo ng kabaitan ng isang bata—gaya ng pagbubukas ng pinto—purihin natin siya. Maganda ang magiging epekto niyan sa kaniya at tatatak sa puso niya na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.

“ISAALANG-ALANG NATIN ANG ISA’T ISA” SA KONGREGASYON

7. Paano nagpakita ng konsiderasyon si Jesus sa isang lalaking bingi, at ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jesus?

7 Minsan, noong nasa Decapolis si Jesus, “dinala [ng mga tao] sa kaniya ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita.” (Mar. 7:31-35) Imbes na pagalingin sa harap ng mga tao, “inilayo niya ito” at saka pinagaling. Bakit? Baka kasi nahihiya ito dahil sa kaniyang kapansanan. Maaaring nahalata iyon ni Jesus kaya pinagaling niya ito sa pribado. Siyempre pa, hindi natin kayang maghimala. Pero maipakikita—at dapat nating ipakita—ang konsiderasyon sa pangangailangan at damdamin ng ating mga kapatid. Isinulat ni apostol Pablo: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.” (Heb. 10:24) Naunawaan ni Jesus ang damdamin ng lalaking bingi at naging makonsiderasyon siya rito. Napakagandang halimbawa!

8, 9. Sa ano-anong paraan tayo makapagpapakita ng konsiderasyon sa mga may-edad, maysakit, at may kapansanan? (Magbigay ng mga halimbawa.)

8 Magpakita ng konsiderasyon sa mga may-edad, maysakit, at may kapansanan. Ang kongregasyong Kristiyano ay kilalá, hindi lang sa pagiging produktibo, kundi sa pagpapakita ng pag-ibig. (Juan 13:34, 35) Ang pag-ibig na ito ay nagpapakilos sa atin na magsakripisyo para makatulong sa mga may-edad at may kapansanan na makadalo sa pulong at makapangaral ng mabuting balita. Ginagawa natin iyan kahit na limitado ang nagagawa nila. (Mat. 13:23) Si Michael, na naka-wheelchair, ay lubos na nagpapahalaga sa tulong ng kaniyang pamilya at mga kagrupo sa paglilingkod sa larangan. “Dahil sa tulong nila,” ang sabi niya, “madalas akong nakakadalo sa pulong at regular na nakakapangaral. Paborito ko ang pampublikong pagpapatotoo.”

9 Sa maraming tahanang Bethel, may mga may-edad na at maysakit. Bilang konsiderasyon sa tapat na mga kapatid na ito, ang mapagmalasakit na mga tagapangasiwa ay nagsasaayos ng pagpapatotoo sa telepono at sa sulat. “Pinahahalagahan namin ang pribilehiyong gumawa ng mga sulat,” ang sabi ng 86-anyos na si Bill, na sumusulat sa mga nasa liblib na lugar. Sinabi ni Nancy, na halos 90 anyos na: “Para sa akin, ang paggawa ng sulat ay hindi lang basta paglalagay ng sulat sa sobre. Paglilingkod ito sa larangan. Kailangang malaman ng mga tao ang katotohanan!” Sinabi naman ni Ethel, na isinilang noong 1921: “Laging nananakit ang katawan ko. Kung minsan, hiráp na ako kahit magbihis lang.” Pero nagagawa pa rin niyang magpatotoo sa telepono at may mahuhusay siyang return visit. Ipinaliwanag ng 85-anyos na si Barbara: “Dahil mahina na ako, hirap na hirap na akong maglingkod sa larangan nang regular. Pero nakakapagpatotoo ako sa telepono. Salamat, Jehova!” Wala pang isang taon, ang isang grupo ng mahal nating mga may-edad ay nakagugol ng 1,228 oras sa ministeryo, nakapamahagi ng 6,315 publikasyon, at nakagawa ng 6,265 sulat at mahigit 2,000 tawag sa telepono! Tiyak na napasaya nila ang puso ni Jehova!—Kaw. 27:11.

10. Paano natin matutulungan ang mga kapatid na makinabang nang lubos sa mga pulong?

10 Magpakita ng konsiderasyon sa mga Kristiyanong pagpupulong. Gusto nating makinabang nang lubos sa mga pulong ang mga kapatid. Makatutulong sa kanila ang pagiging makonsiderasyon natin. Paano? Ang isang paraan ay ang pagdating nang nasa oras para hindi tayo makagambala. Siyempre pa, baka mahulí tayo kung minsan dahil sa mga di-inaasahang pangyayari. Pero kung nakasanayan na nating dumating nang hulí, dapat nating pag-isipan kung paano tayo magiging mas makonsiderasyon. Alalahanin din na si Jehova at ang kaniyang Anak ang nag-imbita sa atin. (Mat. 18:20) Talagang karapat-dapat sila sa ating matinding paggalang!

11. Bakit dapat sundin ng mga may bahagi sa pulong ang tagubilin sa 1 Corinto 14:40?

11 Ang pagiging makonsiderasyon sa mga kapatid ay nangangahulugan din ng pagsunod sa tagubiling ito: “Maganap ang lahat ng bagay nang disente at ayon sa kaayusan.” (1 Cor. 14:40) Nasusunod iyan ng mga brother na may bahagi sa pulong kapag hindi sila nag-o-overtime. Pagpapakita iyan ng konsiderasyon hindi lang sa susunod na may bahagi kundi pati na rin sa kongregasyon. Baka malayo pa ang bahay ng ilang kapatid. Ang iba naman ay nagko-commute lang. At baka ang ilan ay may asawang di-Saksi na naiinip na sa paghihintay.

12. Bakit karapat-dapat sa “di-pangkaraniwang konsiderasyon sa pag-ibig” ang masisipag na elder? (Tingnan ang kahong “ Magpakita ng Konsiderasyon sa mga Nangunguna.”)

12 Ang mga espirituwal na pastol na masisipag sa kongregasyon at masisigasig sa pangunguna sa ministeryo ay karapat-dapat sa pantanging konsiderasyon. (Basahin ang 1 Tesalonica 5:12, 13.) Tiyak na pinahahalagahan mo ang pagsisikap na ginagawa ng mga elder para sa iyo. Kaya gawin mo ang lahat para maipakitang handa kang makipagtulungan at sumuporta. Tutal, “patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit.”—Heb. 13:7, 17.

MAGING MAKONSIDERASYON SA MINISTERYO

13. Ano ang matututuhan natin sa paraan ng pakikitungo ni Jesus sa mga tao?

13 Tungkol kay Jesus, inihula ni Isaias: “Ang lamog na tambo ay hindi niya babaliin; at kung tungkol sa malamlam na linong mitsa, hindi niya iyon papatayin.” (Isa. 42:3) May empatiya si Jesus sa mga tao dahil mahal niya sila. Naunawaan niya ang damdamin ng mga taong tulad ng bugbog na tambo o ng mitsa ng lamparang aandap-andap na. Kaya naman siya ay naging makonsiderasyon, mabait, at matiisin. Maging ang mga bata ay naging malapít sa kaniya. (Mar. 10:14) Siyempre pa, hindi natin mapapantayan ang unawa at kakayahan ni Jesus sa pagtuturo! Pero maipakikita natin—at dapat nating ipakita—ang pagiging makonsiderasyon sa mga tao sa ating teritoryo. Kasama rito kung paano tayo nakikipag-usap sa kanila, kung kailan natin ito ginagawa, at kung gaano katagal.

14. Bakit tayo dapat maging maingat sa paraan ng pakikipag-usap sa mga tao?

14 Paano tayo dapat makipag-usap sa mga tao? Sa ngayon, milyon-milyon ang “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan” ng tiwali at walang-awang mga lider ng politika, relihiyon, at komersiyo. (Mat. 9:36) Dahil dito, marami ang nagiging mapaghinala at nawawalan ng pag-asa. Napakahalaga nga na maging mabait at maunawain sa pagpili ng salita at tono ng boses! Oo, marami ang naaakit sa ating mensahe hindi lang dahil sa kaalaman natin sa Bibliya o lohikal na pangangatuwiran kundi dahil din sa ating sinseridad at mabait na pakikitungo sa kanila.

15. Sa anong praktikal na mga paraan tayo makapagpapakita ng konsiderasyon sa mga pinangangaralan natin?

15 Maraming praktikal na paraan para makapagpakita ng konsiderasyon sa mga pinangangaralan natin. Halimbawa, malaking tulong sa pagtuturo ang pagtatanong. Pero dapat nating gawin ito sa magalang at mabait na paraan. Nakita ng isang payunir na maraming mahiyain sa kanilang teritoryo, kaya natuto siyang magtanong sa paraang hindi sila mapapahiya. Kasama na rito ang mga tanong na baka hindi alam ng kausap niya ang sagot o baka hindi nito masagot nang tama. Halimbawa, iniwasan niya ang mga tanong na gaya ng, ‘Alam mo ba ang pangalan ng Diyos?’ o ‘Alam mo ba kung ano ang Kaharian ng Diyos?’ Sa halip, sinasabi niyang, “Natutuhan ko sa Bibliya na may pangalan ang Diyos. Puwede ko bang ipakita sa iyo ang pangalang iyan?” Siyempre pa, iba-iba ang mga kultura at mga tao, kaya hindi kailangang gumawa ng mga tuntunin. Gayunman, dapat na lagi tayong maging makonsiderasyon at magalang, kasama na ang pagiging pamilyar sa kalagayan ng mga tao sa ating teritoryo.

16, 17. Paano maikakapit ang pagiging makonsiderasyon (a) sa oras ng pagbabahay-bahay? (b) sa tagal ng ating pakikipag-usap?

16 Kailan tayo dapat dumalaw sa mga tao? Sa ating pagbabahay-bahay, tayo ay masasabing mga di-inaasahang bisita. Kaya napakahalagang pumunta tayo sa oras na mas handang makipag-usap ang mga tao! (Mat. 7:12) Halimbawa, tanghali na bang gumising ang mga tao sa inyong teritoryo kapag weekend? Kung oo, baka puwedeng makibahagi ka muna sa pagpapatotoo sa lansangan, pampublikong pagpapatotoo, o pagdalaw-muli sa mga taong alam mong gising na.

17 Gaano katagal tayo dapat makipag-usap? Abalang-abala ang marami sa ngayon, kaya baka angkop na iklian ang iyong mga pagdalaw, kahit sa umpisa lang. Mas magandang maikli lang ang pag-uusap kaysa sa masyadong mahaba. (1 Cor. 9:20-23) Kapag nakikita ng mga tao na makonsiderasyon tayo sa kanilang kalagayan o abalang iskedyul, baka mas pumayag silang balikan sila. Malinaw na dapat makita sa ating ministeryo ang bunga ng espiritu ng Diyos. Sa gayon, tayo ay tunay na nagiging “mga kamanggagawa ng Diyos”—o isang instrumento pa nga ni Jehova para ilapit ang isang tao sa katotohanan.—1 Cor. 3:6, 7, 9.

18. Kapag makonsiderasyon tayo sa iba, anong mga pagpapala ang matatanggap natin?

18 Kaya gawin natin ang lahat para maging makonsiderasyon sa iba—sa pamilya, sa kongregasyon, at sa ministeryo. Kapag ginawa natin iyan, tatanggap tayo ng maraming pagpapala ngayon at sa hinaharap. Sinasabi sa Awit 41:1, 2: “Maligaya ang sinumang gumagawi nang may pakundangan sa maralita; sa araw ng kapahamakan ay paglalaanan siya ni Jehova ng pagtakas. . . . Ipahahayag siyang maligaya sa lupa.”