Makapangyarihan-sa-Lahat Pero Makonsiderasyon
‘Nalalamang lubos ni Jehova ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.’—AWIT 103:14.
1, 2. (a) Di-gaya ng maiimpluwensiyang tao, paano nakikitungo si Jehova sa mga tao? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
ANG makapangyarihan at maimpluwensiyang mga tao ay kadalasan nang “namamanginoon” sa iba, at nanunupil pa nga. (Mat. 20:25; Ecles. 8:9) Ibang-iba si Jehova! Kahit siya ang Makapangyarihan-sa-lahat, napakamakonsiderasyon niya sa di-sakdal na mga tao. Siya ay mabait at maalalahanin. Isinasaalang-alang niya ang ating damdamin at binibigyang-pansin ang ating pangangailangan. Dahil “inaalaalang tayo ay alabok,” hindi siya humihiling ng anumang bagay na hindi natin kaya.—Awit 103:13, 14.
2 Maraming halimbawa sa Bibliya tungkol sa pagiging makonsiderasyon ni Jehova sa kaniyang mga lingkod. Talakayin natin ang tatlo sa mga ito. Una, ang pagkamaalalahanin ng Diyos nang tulungan niya ang batang si Samuel na sabihin sa mataas na saserdoteng si Eli ang mensahe ng paghatol; ikalawa, ang pagkamatiisin ni Jehova sa mga pagtutol ni Moises na maging lider ng mga Israelita; at ikatlo, ang pagkamakonsiderasyon ng Diyos nang akayin niya ang mga Israelita palabas ng Ehipto. Habang isinasaisip
ito, pansinin ang itinuturo nito sa atin tungkol kay Jehova at tingnan ang mga aral na maikakapit natin.MAKAAMANG KONSIDERASYON SA ISANG BATANG LALAKI
3. Anong kakaibang bagay ang nangyari kay Samuel isang gabi, at anong tanong ang bumabangon? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
3 Si Samuel ay nagsimulang ‘maglingkod kay Jehova’ sa tabernakulo sa murang edad. (1 Sam. 3:1) Isang gabi habang natutulog siya, may nangyaring kakaiba. * (Basahin ang 1 Samuel 3:2-10.) May tumatawag sa kaniyang pangalan. Inisip niyang boses iyon ng matanda nang si Eli, kaya agad siyang tumakbong palapit sa kaniya at sinabi: “Narito ako, sapagkat tinawag mo ako.” Sinabi ni Eli na hindi siya iyon. Nang maulit pa ito nang dalawang beses, napag-unawa ni Eli na ang Diyos ang tumatawag kay Samuel. Kaya itinuro niya sa bata kung paano tutugon, at sumunod si Samuel. Bakit hindi agad nagpakilala si Jehova kay Samuel sa pamamagitan ng kaniyang anghel? Walang sinasabi ang Bibliya, pero sa takbo ng mga pangyayari, ipinahihiwatig na mahalagang pagpakitaan ng konsiderasyon ang batang si Samuel. Bakit?
4, 5. (a) Paano tumugon si Samuel sa iniatas ng Diyos sa kaniya, at ano ang nangyari kinaumagahan? (b) Ano ang itinuturo sa atin ng ulat na ito tungkol kay Jehova?
4 Basahin ang 1 Samuel 3:11-18. Sa Kautusan ni Jehova, itinuturo sa mga bata na igalang ang matatanda, lalo na ang isang pinuno. (Ex. 22:28; Lev. 19:32) Magagawa kaya ni Samuel na pumunta kay Eli isang umaga at buong-tapang na sabihin sa kaniya ang mabigat na mensahe ng paghatol ng Diyos? Siyempre hindi! Ang totoo, si Samuel ay “natakot na sabihin kay Eli ang tungkol sa pagpapakita [o, pangitain].” Pero nilinaw ng Diyos kay Eli na Siya ang tumatawag kay Samuel. Dahil dito, si Eli na mismo ang nagsabi kay Samuel na magsalita ito. ‘Huwag mong ilihim sa akin ang isa mang salita mula sa lahat ng salita na sinabi niya sa iyo,’ ang utos ni Eli. Sumunod si Samuel at ‘sinabi sa kaniya ang lahat ng mga salita.’
5 Hindi na ikinagulat ni Eli ang mensahe ni Samuel. Kaayon ito ng sinabi ng isang di-pinanganlang “lalaki ng Diyos” na naunang nakipag-usap sa mataas na saserdote. (1 Sam. 2:27-36) Ipinakikita ng ulat na ito tungkol kay Samuel at Eli na talagang makonsiderasyon at marunong si Jehova.
6. Ano ang matututuhan natin sa paraan ng pagtulong ng Diyos kay Samuel?
6 Isa ka bang bata? Kung oo, ang ulat na ito tungkol sa batang si Samuel ay nagpapakitang naiintindihan ni Jehova ang mga hamong napapaharap sa iyo pati na ang nadarama mo. Baka mahiyain ka at nahihirapang ibahagi ang mensahe ng Kaharian sa mga adulto o mapaiba sa mga kaedaran mo. Makatitiyak kang gusto kang tulungan ni Jehova. Kaya sa panalangin, ibuhos mo sa kaniya ang laman ng iyong puso. (Awit 62:8) Isipin ang mga halimbawa sa Bibliya ng mga batang tulad ni Samuel. At makipag-usap sa mga kapatid—bata o matanda—na maaaring napagtagumpayan na ang mga hamong kinakaharap mo ngayon. Baka maikuwento nila sa iyo na tinulungan sila noon ni Jehova, marahil sa mga paraang hindi nila inaasahan.
MAKONSIDERASYON KAY MOISES
7, 8. Paano nagpakita si Jehova ng di-pangkaraniwang konsiderasyon kay Moises?
7 Noong 80 anyos si Moises, binigyan siya ni Jehova ng isang mahirap na atas. Ililigtas ni Moises ang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. (Ex. 3:10) Dahil 40 taon siyang naglingkod bilang pastol sa Midian, gulat na gulat siya sa atas na ito. “Sino ako upang pumaroon ako kay Paraon at upang ilabas ko mula sa Ehipto ang mga anak ni Israel?” ang sabi niya. Tiniyak ng Diyos kay Moises: “Ako ay sasaiyo.” (Ex. 3:11, 12) Ipinangako rin niya: Ang matatandang lalaki ng Israel ay “tiyak na makikinig . . . sa iyong tinig.” Pero sinabi ni Moises: “Halimbawang . . . hindi sila makinig sa aking tinig?” (Ex. 3:18; 4:1) Sa diwa, parang kinokontra ni Moises ang Diyos! Pero nanatiling matiisin si Jehova. At hindi lang iyan ang ginawa niya. Binigyan niya ng kapangyarihan si Moises na maghimala, at siya ang naging kauna-unahang taong nagkaroon ng gayong kapangyarihan.—Ex. 4:2-9, 21.
8 Patuloy pa ring nagdahilan si Moises, na sinasabing hindi siya matatas magsalita. Pero sinabi ng Diyos: “Ako mismo ay sasaiyong bibig at ituturo ko sa iyo kung ano ang dapat mong sabihin.” Pumayag na ba si Moises? Maliwanag na hindi, dahil nakiusap siyang iba na lang ang atasan. Dahil dito, nagalit si Jehova. Pero hindi siya nagmatigas. Sa halip, naging makonsiderasyon pa rin siya sa damdamin ni Moises, kaya inatasan niya si Aaron bilang tagapagsalita ni Moises.—Ex. 4:10-16.
9. Paano nakatulong kay Moises ang pagiging matiisin at makonsiderasyon ni Jehova?
9 Ano ang itinuturo nito tungkol kay Jehova? Bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, puwede sana niyang takutin si Moises para sumunod agad. Pero naging matiisin at mabait si Jehova, at pinalakas niya ang loob ng kaniyang mahinhin at mapagpakumbabang lingkod. Naging epektibo ba ito? Siyempre! Si Moises ay naging napakahusay na lider na nakitungo sa iba sa mahinahon at makonsiderasyong paraan, gaya ng pakikitungo ni Jehova sa kaniya.—Bil. 12:3.
10. Paano tayo nakikinabang kapag tinutularan natin ang pagiging makonsiderasyon ni Jehova?
10 Mga aral na maikakapit natin: Isa ka bang asawang lalaki, magulang, o elder sa kongregasyon? Kung oo, may awtoridad ka. Napakahalaga nga, kung gayon, na tularan si Jehova sa pagiging makonsiderasyon, mabait, at matiisin kapag nakikitungo sa mga nasa pangangalaga mo! (Col. 3:19-21; 1 Ped. 5:1-3) Kapag nagsisikap kang tularan si Jehova at ang Lalong Dakilang Moises, si Jesu-Kristo, hindi ka lang magiging madaling lapitan, makapagpapaginhawa ka rin sa iba. (Mat. 11:28, 29) Magiging magandang halimbawa ka rin na karapat-dapat tularan.—Heb. 13:7.
KAKILA-KILABOT PERO MAKONSIDERASYONG TAGAPAGLIGTAS
11, 12. Noong inilalabas ni Jehova ang mga Israelita mula sa Ehipto, ano ang ginawa niya para madama ng bayan na ligtas sila at panatag?
11 Nang umalis ang mga Israelita sa Ehipto noong 1513 B.C.E., maaaring mahigit na tatlong milyon sila. Sa tatlo o apat na henerasyon nila, may mga bata, matatanda, at tiyak na mayroon ding ilan na may kapansanan. Para pangunahan ang gayon karaming tao palabas sa Ehipto, kailangan ang maunawain at maalalahaning Lider. Pinatunayan ni Jehova, sa pamamagitan ni Moises, na gayon Siya. Dahil dito, nadama ng mga Israelita na ligtas sila habang papaalis sa nag-iisang tahanang alam nila.—Awit 78:52, 53.
12 Ano ang ginawa ni Jehova para madama ng bayan na ligtas sila at panatag? Una, inilabas sila ni Jehova sa Ehipto sa napakaorganisadong “hanay ng pakikipagbaka.” (Ex. 13:18) Dahil dito, natiyak ng mga Israelita na kontrolado ng Diyos ang mga bagay-bagay. Malinaw ring ipinadama ni Jehova ang kaniyang presensiya sa pamamagitan ng “ulap” kung araw at “liwanag ng apoy” kung gabi. (Awit 78:14) Parang sinasabi ni Jehova: “Huwag kayong matakot. Kasama ninyo ako para patnubayan at protektahan kayo.” Oo, kinailangan ang gayong katiyakan!
13, 14. (a) Ano-anong makonsiderasyong bagay ang ginawa ni Jehova para sa mga Israelita sa Dagat na Pula? (b) Paano ipinakita ni Jehova ang kapangyarihan niya laban sa mga Ehipsiyo?
13 Basahin ang Exodo 14:19-22. Isipin mong naroroon ka, at nasukol kayo sa pagitan ng mga hukbo ni Paraon at ng Dagat na Pula. Pagkatapos, kumilos ang Diyos. Ang haliging ulap ay pumunta sa likuran ng kampo, at humarang sa mga Ehipsiyo kaya nabalot sila ng kadiliman. Pero ang kampo ninyo ay nasisinagan ng makahimalang liwanag! Pagkatapos, nakita mong iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa dagat. Humihip ang malakas na hanging silangan, at gumawa ito ng malapad na daan patawid sa kabilang panig. Sa maayos na paraan, ikaw, ang iyong pamilya, at mga alagang hayop ay lumakad sa pinakasahig ng dagat kasama ng karamihan. Bigla kang may napansing kakaiba. Ang pinakasahig ng dagat ay hindi maputik o mayelo; ito ay tuyo at matigas, at madaling lakaran. Kaya naman kahit ang pinakamababagal ay nakatawid nang ligtas.
14 Basahin ang Exodo 14:23, 26-30. Samantala, sumugod ang palalo at hangal na si Paraon sa pinakasahig ng dagat para tugisin kayo. Iniunat muli ni Moises ang kamay niya sa dagat. Sa pagkakataong ito, bumagsak ang dalawang pader na tubig. Ang dagat ay humugos mula sa magkabilang panig, na parang dalawang tsunami na nagsalpukan. Walang kaligtas-ligtas si Paraon at ang kaniyang hukbo!—Ex. 15:8-10.
15. Ano ang itinuturo sa iyo ng ulat na ito tungkol kay Jehova?
15 Sa ulat na ito, makikita nating si Jehova ay Diyos ng kaayusan—isang katangiang tutulong sa atin na makadamang tayo ay ligtas at panatag. (1 Cor. 14:33) Ipinakikita rin ni Jehova na isa siyang maibiging pastol na nangangalaga sa kaniyang bayan sa praktikal na paraan. Niyayakap niya sila, at pinoprotektahan mula sa kanilang mga kaaway. Talagang nakapagpapatibay ito habang napapaharap tayo sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay!—Kaw. 1:33.
16. Paano tayo makikinabang sa pagrerepaso sa paraan ng pagliligtas ni Jehova sa mga Israelita?
16 Sa ngayon, pinangangalagaan din ni Apoc. 7:9, 10) Kaya naman, ang bayan ng Diyos—bata o matanda, malusog o may kapansanan—ay hindi magpa-panic o matatakot sa panahon ng kapighatian. * Sa katunayan, kabaligtaran ang gagawin nila! Nasa isip nila ang pananalita ni Jesu-Kristo: “Tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.” (Luc. 21:28) Mapananatili nila ang pagtitiwalang iyan kahit sa harap ng pag-atake ng Gog—ang koalisyon ng mga bansa na mas makapangyarihan kaysa kay Paraon. (Ezek. 38:2, 14-16) Bakit mapananatili ng bayan ng Diyos ang ganiyang pagtitiwala? Dahil alam nilang si Jehova ay hindi nagbabago. Patutunayan niyang muli na isa siyang mapagmalasakit at makonsiderasyong Tagapagligtas.—Isa. 26:3, 20.
Jehova ang kaniyang bayan bilang isang grupo—sa espirituwal at pisikal na paraan. Patuloy niya itong gagawin sa nalalapit na malaking kapighatian. (17. (a) Paano tayo makikinabang sa mga ulat ng Bibliya tungkol sa paraan ng pangangalaga ni Jehova sa kaniyang bayan? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
17 Ilan lamang ito sa maraming halimbawa ng pagiging mabait at maalalahanin ni Jehova sa pangangalaga, pagpatnubay, at pagliligtas sa kaniyang bayan. Habang binubulay-bulay mo ang gayong ulat, pansinin ang mga detalyeng nagsisiwalat maging ng mga di-kapansin-pansing aspekto ng mga katangian ni Jehova. Sa paggawa nito, ang magagandang katangiang iyon ay tatatak sa iyong isip at puso, at magpapalago ng iyong pag-ibig at pananampalataya sa Diyos. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano natin matutularan si Jehova sa pagpapakita ng konsiderasyon sa iba. Magpopokus tayo sa pamilya, kongregasyon, at ministeryo.
^ par. 3 Sinabi ng Judiong istoryador na si Josephus na si Samuel ay 12 anyos noong panahong iyon.
^ par. 16 Makatuwirang isipin na ang ilang makaliligtas sa Armagedon ay may kapansanan. Noong nasa lupa si Jesus, pinagaling niya ang “bawat uri ng kapansanan” ng mga tao, na patikim ng gagawin niya, hindi sa mga bubuhaying muli, kundi sa mga makaliligtas sa Armagedon. (Mat. 9:35) Tiyak na ang mga bubuhaying muli ay may kumpleto at malusog na pangangatawan.