Maligaya ang mga Naglilingkod sa “Maligayang Diyos”
“Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”—AWIT 144:15.
1. Bakit maligaya ang mga mananamba ni Jehova? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
MALIGAYA ang mga Saksi ni Jehova. Sa mga pulong, asamblea, at pagsasalusalo, napakasarap pakinggan ang kanilang masayang pagkukuwentuhan at pagtatawanan. Bakit napakasaya nila? Pangunahin nang dahil kilala nila, pinaglilingkuran, at sinisikap tularan si Jehova, ang “maligayang Diyos.” (1 Tim. 1:11; Awit 16:11) Bilang ang Pinagmumulan ng kaligayahan, gusto ng Diyos na maging maligaya tayo, at binibigyan niya tayo ng maraming dahilan para magsaya.—Deut. 12:7; Ecles. 3:12, 13.
2, 3. (a) Ano ang kaligayahan? (b) Bakit isang hamon ang maging maligaya?
2 Kumusta ka naman? Maligaya ka ba? Magagawa mo bang maging mas maligaya? Ang kaligayahan ay maaaring ilarawan bilang “ang pagkadama ng namamalaging kasiyahan, mula sa simpleng pagkakontento hanggang sa malalim at masidhing kagalakan sa buhay, pati na ang pagnanais na magpatuloy ito.” Sa Bibliya, ang tunay na kaligayahan ay tumutukoy sa kalagayan ng isang pinagpapala ni Jehova. Pero sa ngayon, baka isang hamon ang maging maligaya. Bakit?
1 Tim. 6:15; Mat. 11:28-30) Sa Sermon sa Bundok, binanggit ni Jesus ang ilang katangiang makatutulong para maging maligaya tayo sa kabila ng mahihirap na pagsubok sa sanlibutan ni Satanas.
3 Ang nakaka-stress na mga pangyayari—gaya kapag namatay o natiwalag ang mahal sa buhay, nagdiborsiyo, o nawalan ng trabaho—ay nakapag-aalis ng ating kaligayahan. Ang mga alitan sa tahanan at kawalan ng mapayapang pag-uusap ay puwede ring makabawas sa ating kaligayahan. Nariyan din ang panunuya ng mga katrabaho o kaklase, pag-uusig dahil sa relihiyon, pagkabilanggo, humihinang kalusugan, nagtatagal na sakit, o depresyon. Gayunman, si Jesu-Kristo, ang “maligaya at tanging Makapangyarihang Tagapamahala,” ay natutuwang maglaan ng kaaliwan at kaligayahan sa mga tao. (MATIBAY NA ESPIRITUWALIDAD—KAILANGAN PARA MAGING MALIGAYA
4, 5. Paano tayo magiging maligaya, at paano natin ito mapananatili?
4 Napakahalaga ng unang binanggit ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, yamang ang kaharian ng langit ay sa kanila.” (Mat. 5:3) Paano natin maipakikitang palaisip tayo sa pangangailangang iyan? Maipakikita natin ito kapag kumakain tayo ng espirituwal na pagkain, pinahahalagahan ang pamantayan ni Jehova, at inuuna ang pagsamba sa maligayang Diyos. Sa paggawa nito, magiging mas maligaya tayo. Magiging matatag ang ating pananampalataya sa nalalapit na katuparan ng mga pangako ng Diyos. At mapatitibay tayo ng “maligayang pag-asa” na inilalaan ng Salita ng Diyos para sa mga tunay na mananamba.—Tito 2:13.
5 Ang matibay na kaugnayan kay Jehova ay mahalaga para magkaroon ng namamalaging kaligayahan. Isinulat ni apostol Pablo: “Magsaya kayong lagi sa Panginoon [Jehova]. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo!” (Fil. 4:4) Para magkaroon ng gayong kaugnayan, kailangan natin ang makadiyos na karunungan. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Maligaya ang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagtatamo ng kaunawaan. Ito ay punungkahoy ng buhay para sa mga tumatangan dito, at yaong mga nanghahawakan dito nang mahigpit ay tatawaging maligaya.”—Kaw. 3:13, 18.
6. Sa ano nakadepende ang ating namamalaging kaligayahan?
6 Pero para magkaroon ng namamalaging kaligayahan, hindi lang natin babasahin ang Salita ng Diyos, napakahalaga ring ikapit ito. Para patunayan ang kahalagahan ng pagkakapit ng mga natututuhan natin, sinabi ni Jesus: “Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, maligaya kayo kung gagawin ninyo ang mga iyon.” (Juan 13:17; basahin ang Santiago 1:25.) Ito ang susi para masapatan ang iyong espirituwal na pangangailangan at magkaroon ng namamalaging kaligayahan. Pero paano tayo magiging maligaya kung napakaraming puwedeng mag-alis nito? Suriin natin ang sumunod na sinabi ni Jesus sa Sermon sa Bundok.
MGA KATANGIANG NAGDUDULOT NG KALIGAYAHAN
7. Paano magiging maligaya ang mga nagdadalamhati?
7 “Maligaya yaong mga nagdadalamhati, yamang sila ay aaliwin.” (Mat. 5:4) Baka isipin ng ilan, ‘Paano magiging maligaya ang mga nagdadalamhati?’ Ang sinabing ito ni Jesus ay hindi patungkol sa lahat ng nagdadalamhati anuman ang dahilan. Maging ang masasamang tao ay dumaraing dahil sa mga problemang nararanasan sa “panahong [ito na] mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Tim. 3:1) Pero dahil nakapokus sa sarili ang kanilang pagdadalamhati, hindi sila mapapalapít kay Jehova; kaya hindi ito magdudulot ng kaligayahan. Ang tinutukoy ni Jesus ay ang mga taong palaisip sa espirituwal na pangangailangan na nagdadalamhati dahil sa umiiral na masamang kalagayan sa espirituwal. Inaamin nilang makasalanan sila at nakikita nila ang kalunos-lunos na resulta ng kasalanan ng tao. Napapansin ni Jehova ang gayong mga indibiduwal; inaaliw niya sila at binibiyayaan ng espirituwal na kaaliwan, kaligayahan, at buhay.—Basahin ang Ezekiel 5:11; 9:4.
8. Ipaliwanag kung paano nagdudulot ng kaligayahan ang pagiging mahinahong-loob.
8 “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” (Mat. 5:5) Paano nagdudulot ng kaligayahan ang pagiging mahinahong-loob? Matapos matutuhan ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, nagbabago ang mga indibiduwal. Baka dati silang malupit, palaaway, at agresibo. Pero ngayon, isinuot na nila ang “bagong personalidad” at nagpapakita ng “magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.” (Col. 3:9-12) Dahil dito, makikita sa kanilang buhay ang kapayapaan, pagmamahalan, at kaligayahan. Bukod diyan, nangangako ang Salita ng Diyos na “mamanahin nila ang lupa.”—Awit 37:8-10, 29.
9. (a) Sa anong diwa “mamanahin” ng mga mahinahong-loob ang lupa? (b) Bakit masasabing maligaya ang mga “nagugutom at nauuhaw sa katuwiran”?
9 Sa anong diwa “mamanahin” ng mga mahinahong-loob ang lupa? Mamanahin ng mga pinahirang alagad ni Jesus ang lupa kapag pinamahalaan na nila ito bilang hari at saserdote. (Apoc. 20:6) Pero milyon-milyong iba pa, na walang makalangit na pagtawag, ang magmamana naman ng lupa sa diwa na mabubuhay sila rito magpakailanman sa kasakdalan, kapayapaan, at kaligayahan. Sila rin ang tinutukoy na maligaya dahil sila ay “nagugutom at nauuhaw sa katuwiran.” (Mat. 5:6) Ang kanilang pagkagutom sa espirituwal at pagkauhaw sa katuwiran ay lubusang masasapatan sa bagong sanlibutan. (2 Ped. 3:13) Kapag inalis na ng Diyos ang lahat ng kasamaan, ang kaligayahan ng mga matuwid ay hinding-hindi na muling mawawala dahil sa katampalasanan at kalikuan.—Awit 37:17.
10. Ano ang ibig sabihin ng pagiging maawain?
10 “Maligaya ang mga maawain, yamang sila ay pagpapakitaan ng awa.” (Mat. 5:7) Ang pandiwang Hebreo na nauugnay sa awa ay nangangahulugang “magningas, makadama ng init taglay ang magiliw na damdamin; . . . maging mahabagin.” Sa katulad na paraan, kasama sa pandiwang Griego ang pagkadama ng simpatiya sa iba. Pero ang awa ay hindi lang basta isang magiliw na damdamin. Sa Bibliya, kasama rito ang aktibong pagpapakita ng habag sa pamamagitan ng isang gawa na udyok ng awa.
11. Sa ilustrasyon tungkol sa madamaying Samaritano, ano ang matututuhan natin tungkol sa pagiging maawain?
11 Basahin ang Lucas 10:30-37. Kitang-kita sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa madamaying Samaritano ang kahulugan ng pagpapakita ng awa. Dahil sa habag at awa, naudyukan ang Samaritano na tulungan ang nagdurusang biktima. Matapos banggitin ang ilustrasyon, sinabi ni Jesus: “Humayo ka at gayundin ang gawin mo.” Kaya tanungin ang sarili: ‘Gayon din ba ang ginagawa ko? Tinutularan ko ba ang ginawa ng mahabaging Samaritano? Higit ko bang maipakikita ang awa at kabaitan sa mga nagdurusa? Halimbawa, may maitutulong ba ako sa mga may-edad na kapananampalataya, balo, at sa mga batang hindi Saksi ang ama? Magagawa ko bang maunang “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo”?’—1 Tes. 5:14; Sant. 1:27.
12. Paano nagdudulot ng kaligayahan ang pagiging maawain?
12 Pero paano nagdudulot ng kaligayahan ang pagiging maawain? Kapag maawain tayo, nadarama natin ang kaligayahang dulot ng pagbibigay. Bukod diyan, alam nating Gawa 20:35; basahin ang Hebreo 13:16.) Tungkol sa nagpapakita ng konsiderasyon, sinabi ni Haring David: “Babantayan siya ni Jehova at iingatan siyang buháy. Ipahahayag siyang maligaya sa lupa.” (Awit 41:1, 2) Kapag nagpapakita tayo ng habag, pagpapakitaan din tayo ni Jehova ng awa, na magdudulot sa atin ng namamalaging kaligayahan.—Sant. 2:13.
napaluluguran natin si Jehova. (KUNG BAKIT MALIGAYA ANG MGA “DALISAY ANG PUSO”
13, 14. Ano ang kaugnayan ng dalisay na puso at ng kaligayahan?
13 “Maligaya ang mga dalisay ang puso,” ang sabi ni Jesus, “yamang makikita nila ang Diyos.” (Mat. 5:8) Para manatiling dalisay ang ating puso, dapat na maging malinis ang ating pagkatao at linangin ang walang-pag-iimbot na pagmamahal at hangarin. Dapat nating panatilihing malinis ang ating isipan para hindi madungisan ang ating debosyon kay Jehova.—Basahin ang 2 Corinto 4:2; 1 Tim. 1:5.
14 Ang mga dalisay ang puso ay may malinis at magandang katayuan sa harap ni Jehova, na nagsabi: “Maligaya yaong mga naglalaba ng kanilang mahabang damit.” (Apoc. 22:14) Sa anong diwa sila “naglalaba ng kanilang mahabang damit”? Kung tungkol sa mga pinahiran, nangangahulugan ito na malinis sila sa paningin ni Jehova at tatanggap ng imortal na buhay at walang-hanggang kaligayahan sa langit. Kung tungkol naman sa malaking pulutong na mabubuhay sa lupa, mayroon silang matuwid na katayuan bilang mga kaibigan ng Diyos. At ngayon pa lang, ‘nilalabhan na nila ang kanilang mahahabang damit at pinapuputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.’—Apoc. 7:9, 13, 14.
15, 16. Paano “makikita” ng mga may dalisay na puso ang Diyos?
15 Pero paano “makikita” ng mga may dalisay na puso ang Diyos gayong “walang tao ang makakakita sa [Diyos] at mabubuhay pa”? (Ex. 33:20) Ang salitang Griego na isinaling “makikita” ay nangangahulugan ding “makita sa pamamagitan ng isip, maunawaan, malaman.” Ang mga nakakakita sa Diyos sa pamamagitan ng ‘mga mata ng puso’ ay ang mga taong talagang nakakakilala sa kaniya at nagpapahalaga sa kaniyang mga katangian. (Efe. 1:18) Lubusang natularan ni Jesus ang personalidad ng Diyos, kaya masasabi niya: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”—Juan 14:7-9.
16 Bukod sa pag-alam sa mga katangian ng Diyos, “makikita” rin ng mga tunay na mananamba ang Diyos kapag pinagmamasdan nila kung paano siya kumikilos alang-alang sa kanila. (Job 42:5) Ipinopokus din nila ang ‘mga mata ng kanilang puso’ sa napakagandang pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa mga nagsisikap na manatiling dalisay at sa mga nagsisikap maglingkod nang tapat sa kaniya. Siyempre pa, literal na makikita si Jehova ng binuhay-muling mga pinahiran kapag tinanggap na nila ang kanilang makalangit na gantimpala.—1 Juan 3:2.
MALIGAYA KAHIT MAY PROBLEMA
17. Ano ang papel ng kapayapaan sa pagiging maligaya?
17 Pagkatapos, sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga mapagpayapa.” (Mat. 5:9) Ang mga nauunang makipagpayapaan ay may magandang dahilan para maging maligaya. Isinulat ng alagad na si Santiago: “Ang bunga ng katuwiran ay may binhing inihasik sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan para roon sa mga nakikipagpayapaan.” (Sant. 3:18) Kapag may nakasamaan tayo ng loob sa kongregasyon o sa pamilya, puwede nating hilingin sa Diyos na tulungan tayong maging tagapamayapa. Sa gayon, ang banal na espiritu ni Jehova, matuwid na paggawi, at kaligayahan ay mangingibabaw. Idiniin ni Jesus na mahalagang mauna sa pakikipagpayapaan nang sabihin niya: “Kung gayon, kapag dinadala mo sa altar ang iyong kaloob at doon ay naalaala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng altar ang iyong kaloob, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.”—Mat. 5:23, 24.
18, 19. Bakit masaya pa rin ang mga Kristiyano kahit pinag-uusig sila?
18 “Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may-kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin.” Ano ang ibig sabihin ni Jesus? Sinabi pa niya: “Magsaya kayo at lumukso sa kagalakan, yamang malaki ang inyong gantimpala sa langit; sapagkat sa gayong paraan nila pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.” (Mat. 5:11, 12) Nang bugbugin ang mga apostol at pagbawalang mangaral, “yumaon ang mga ito mula sa harap ng Sanedrin, na nagsasaya.” Siyempre pa, hindi naman sila natutuwa dahil hinagupit sila. Sa halip, nagsasaya sila dahil ‘ibinilang silang karapat-dapat na walaing-dangal alang-alang sa pangalan’ ni Jesus.—Gawa 5:41.
19 Sa ngayon, ang bayan ni Jehova ay nagbabata rin nang may kagalakan kapag nagdurusa sila alang-alang sa pangalan ni Jesus o napapaharap sa mahihirap na pagsubok. (Basahin ang Santiago 1:2-4.) Gaya ng mga apostol, hindi tayo natutuwa sa anumang uri ng pagdurusa. Pero kung mananatili tayong tapat sa Diyos sa panahon ng pagsubok, tutulungan tayo ni Jehova na magbata nang may katatagan. Halimbawa, noong Agosto 1944, si Henryk Dornik at ang kaniyang kapatid na lalaki ay ipinadala ng mga awtoridad ng rehimeng totalitaryo sa kampong piitan. Pero inamin ng mga mananalansang: “Napakahirap nilang kumbinsihin. Mamatamisin pa nilang magpakamartir.” Ipinaliwanag ni Brother Dornik: “Hindi ko naman gustong magpakamartir, pero masaya ako dahil nagdurusa ako nang may lakas ng loob at dangal alang-alang sa aking katapatan kay Jehova. . . . Lalo akong napalapít kay Jehova dahil sa marubdob na pananalangin, at napatunayan kong maaasahan siya bilang Katulong.”
20. Bakit maligaya tayo sa paglilingkod sa “maligayang Diyos”?
20 Kapag nasa atin ang ngiti ng pagsang-ayon ng “maligayang Diyos,” magiging maligaya tayo kahit inuusig dahil sa relihiyon, sinasalansang sa loob ng tahanan, nagkakasakit, o tumatanda. (1 Tim. 1:11) Maligaya rin tayo dahil sa magagandang pangako ng ating Diyos, na “hindi makapagsisinungaling.” (Tito 1:2) Bale-wala ang mga problema at pagsubok sa ngayon kung ikukumpara sa kamangha-manghang katuparan ng mga pangako ni Jehova. Sa Paraiso, ang mga pagpapala ni Jehova ay mas higit pa kaysa sa inaasahan natin. At tiyak na mararanasan natin ang walang-katulad na kaligayahan. Oo, “makasusumpong nga [tayo] ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.