ARALING ARTIKULO 40
“Bantayan Mo ang Ipinagkatiwala sa Iyo”
“Timoteo, bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo.”—1 TIM. 6:20.
AWIT 29 Pamumuhay Ayon sa Aming Pangalan
NILALAMAN *
1-2. Kaayon ng 1 Timoteo 6:20, ano ang ipinagkatiwala kay Timoteo?
MAY mahahalagang bagay tayo na ipinagkakatiwala sa iba. Halimbawa, nagdedeposito tayo ng pera sa bangko. At umaasa tayo na maiingatan ito at hindi mawawala o mananakaw. Kaya naiintindihan natin kung paano ipagkatiwala sa iba ang isang bagay na mahalaga sa atin.
2 Basahin ang 1 Timoteo 6:20. Ipinaalala ni apostol Pablo kay Timoteo na may natanggap itong mahalagang bagay—tumpak na kaalaman tungkol sa layunin ng Diyos para sa mga tao. Ipinagkatiwala rin kay Timoteo ang pribilehiyong ‘ipangaral ang salita ng Diyos’ at ‘gawin ang gawain ng isang ebanghelisador.’ (2 Tim. 4:2, 5) Hinimok siya ni Pablo na bantayan ang ipinagkatiwala sa kaniya. Gaya ni Timoteo, may mahahalagang bagay rin na ipinagkatiwala sa atin. Ano-ano iyon? At bakit dapat nating ingatan ang ipinagkatiwala ni Jehova sa atin?
PINAGKATIWALAAN NG KATOTOHANAN
3-4. Bakit mahalaga ang mga katotohanan sa Bibliya?
3 Dahil sa kabaitan ni Jehova, binigyan niya tayo ng tumpak na kaalaman sa mahahalagang katotohanan sa Bibliya. Mahalaga ang mga katotohanang ito dahil itinuturo nito sa atin kung paano magiging kaibigan ni Jehova at magiging tunay na maligaya. Kapag tinanggap natin ang mga ito at isinabuhay, mapapalaya tayo sa maling mga turo at magiging malinis sa moral.—1 Cor. 6:9-11.
4 Masasabi ring mahalaga ang mga katotohanang nasa Salita ng Diyos dahil isinisiwalat lang ito ni Jehova sa mga mapagpakumbaba na “nakaayon sa buhay na walang hanggan.” Gawa 13:48) Tinatanggap ng mga mapagpakumbaba ang instrumentong ginagamit ni Jehova para magturo ng mga katotohanang iyon sa panahon natin. (Mat. 11:25; 24:45) Napakahalaga ng mga katotohanan sa Bibliya, at hindi natin mauunawaan ang mga iyon kung walang tutulong sa atin.—Kaw. 3:13, 15.
(5. Ano pa ang ipinagkatiwala ni Jehova sa atin?
5 Ipinagkatiwala rin sa atin ni Jehova ang pribilehiyong ituro sa iba ang katotohanan tungkol sa kaniya at sa mga layunin niya. (Mat. 24:14) Napakahalaga ng mensaheng ipinapangaral natin dahil tumutulong ito sa mga tao na maging bahagi ng pamilya ni Jehova at magkaroon ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan. (1 Tim. 4:16) Malaki man o maliit ang nagagawa natin sa ministeryo, nasusuportahan natin ang pinakamahalagang gawain sa ngayon. (1 Tim. 2:3, 4) Isa ngang karangalan na maging kamanggagawa ng Diyos!—1 Cor. 3:9.
PAHALAGAHAN ANG IPINAGKATIWALA SA IYO!
6. Ano ang nangyari sa ilan na hindi nagpahalaga sa pribilehiyo nila?
6 Noong panahon ni Timoteo, may ilang Kristiyano na hindi nagpahalaga sa pribilehiyo nilang maging kamanggagawa ng Diyos. Dahil minahal ni Demas ang sistemang ito, binale-wala niya ang pribilehiyong maglingkod kasama ni Pablo. (2 Tim. 4:10) Lumilitaw na iniwan nina Figelo at Hermogenes ang ministeryo nila dahil natatakot silang maranasan ang pag-uusig na dinanas ni Pablo. (2 Tim. 1:15) Naging apostata sina Himeneo, Alejandro, at Fileto, at iniwan nila ang katotohanan. (1 Tim. 1:19, 20; 2 Tim. 2:16-18) Minahal naman nila noong una si Jehova, pero naiwala nila ang pagpapahalaga sa ipinagkatiwala sa kanila.
7. Anong mga taktika ang ginagamit ni Satanas laban sa atin?
7 Ano ang ginagawa ni Satanas para maiwala natin ang pagpapahalaga sa ipinagkatiwala sa atin ni Jehova? Tingnan ang ilang taktika ni Satanas. Ginagamit niya ang mga palabas sa TV, pelikula, Internet, at mga babasahín para unti-unting impluwensiyahan ang ating pag-iisip at paggawi, at dahil dito ay hindi tayo makapanghawakan sa katotohanan. Sinusubukan niya tayong takutin gamit ang panggigipit ng iba o pag-uusig para tumigil tayo sa pangangaral. Ginagamit din niya ang “nagkakasalungatang mga ideya ng tinatawag na ‘kaalaman’” ng mga apostata para iwan natin ang katotohanan.—1 Tim. 6:20, 21.
8. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ng brother na si Daniel?
8 Kapag hindi tayo nag-ingat, baka unti-unting mawala ang pagpapahalaga natin sa * na mahilig sa video game. Sinabi niya: “Nagsimula akong maglaro ng video game noong mga 10 taóng gulang ako. Noong una, parang wala namang masama sa mga nilalaro ko. Pero hindi ko namalayan na naglalaro na pala ako ng mga game na mararahas at may espiritismo.” Umabot sa punto na mga 15 oras na siyang naglalaro araw-araw. “Alam ko naman na napapalayo ako kay Jehova dahil sa mga nilalaro ko at sa oras na nauubos ko dito. Pero dahil namanhid na ang puso ko, wala na akong pakialam sa sinasabi ng Bibliya,” ang sabi ni Daniel. Kaya kung hindi tayo mag-iingat sa paglilibang, mawawala ang pagpapahalaga natin sa katotohanan. Kapag nangyari iyan, maiwawala natin ang ipinagkatiwala sa atin ni Jehova.
katotohanan. Tingnan ang karanasan ni Daniel,KUNG PAANO MANGHAHAWAKAN SA KATOTOHANAN
9. Sa 1 Timoteo 1:18, 19, saan inihalintulad ni Pablo si Timoteo?
9 Basahin ang 1 Timoteo 1:18, 19. Inihalintulad ni Pablo si Timoteo sa isang sundalo at hinimok itong ‘ipagpatuloy ang mahusay na pakikipaglaban.’ Espirituwal ang pakikipaglabang iyon; hindi literal. Bakit maihahalintulad ang mga Kristiyano sa sundalong nakikipaglaban? Anong mga katangian ang kailangan natin bilang mga sundalo ni Kristo? Talakayin natin ang limang aral na matututuhan natin sa ilustrasyon ni Pablo. Matutulungan tayo ng mga ito na manghawakan sa katotohanan.
10. Ano ang makadiyos na debosyon, at bakit natin ito kailangan?
10 Magkaroon ng makadiyos na debosyon. Ang isang mahusay na sundalo ay tapat. Makikipaglaban siya para protektahan ang taong mahal niya o ang bagay na pinapahalagahan niya. Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na magkaroon ng makadiyos na debosyon, o tapat na pagmamahal sa Diyos. (1 Tim. 4:7) Habang lalo nating minamahal ang Diyos, mas tumitindi ang kagustuhan nating manghawakan sa katotohanan.—1 Tim. 4:8-10; 6:6.
11. Bakit kailangan natin ang disiplina sa sarili?
11 Magkaroon ng disiplina sa sarili. Ang isang sundalo ay dapat na may disiplina sa sarili para maging malakas siya at handa sa labanan. Nalabanan ni Timoteo ang impluwensiya ni Satanas dahil sinunod niya ang payo ni Pablo na umiwas sa maling mga pagnanasa, magsikap na magkaroon ng magagandang katangian, at makisama sa mga kapananampalataya. (2 Tim. 2:22) Mahalaga ang disiplina sa sarili para magawa iyan. Kailangan natin ito para manalo sa pakikipagdigma sa maling mga pagnanasa. (Roma 7:21-25) Kailangan din ito para patuloy nating mabago ang ating personalidad at magkaroon tayo ng mabubuting katangian. (Efe. 4:22, 24) At kahit pagod na tayo sa maghapon, baka kailangan nating pilitin ang ating sarili para makadalo sa pulong.—Heb. 10:24, 25.
12. Paano tayo magiging mas mahusay sa paggamit ng Bibliya?
12 Kailangang magsanay ang sundalo sa paggamit ng sandata niya. At kung gusto niyang maging mahusay sa paggamit nito, dapat na lagi siyang magsanay. Sa katulad na paraan, kailangan din nating maging mahusay sa paggamit ng Salita ng Diyos. (2 Tim. 2:15) Magagawa natin iyan kung dadalo tayo sa mga pulong. Pero kung gusto nating makumbinsi ang iba na talagang mahalaga ang katotohanan sa Bibliya, kailangan nating regular na pag-aralan ang Bibliya. Kailangan nating gamitin ang Salita ng Diyos para mapatibay ang pananampalataya natin. Hindi lang natin basta binabasa ang Bibliya; binubulay-bulay natin ang nababasa natin at nagre-research tayo sa ating mga publikasyon para matiyak na tama ang pagkaunawa natin sa sinasabi ng Kasulatan at masunod ito. (1 Tim. 4:13-15) Kapag ginawa natin iyan, magagamit natin ang Salita ng Diyos para turuan ang iba. At hindi lang natin basta babasahin ang Bibliya sa mga tagapakinig natin; gusto natin silang matulungan na maunawaan ang teksto at kung paano ito makakatulong sa kanila. Kaya kapag regular nating pinag-aralan ang Bibliya, magiging mas mahusay tayo sa pagtuturo nito sa iba.—2 Tim. 3:16, 17.
13. Kaayon ng Hebreo 5:14, bakit dapat tayong magkaroon ng kakayahang umunawa?
13 Magkaroon ng kakayahang umunawa. Dapat na makita agad ng isang sundalo ang panganib para maiwasan ito. Dapat na alam din natin ang mga sitwasyon na puwedeng makasamâ sa atin para maiwasan ito. (Kaw. 22:3; basahin ang Hebreo 5:14.) Halimbawa, kailangan nating piliing mabuti ang libangan natin. Madalas na may ipinapakitang imoralidad sa mga palabas sa TV at pelikula. Kinapopootan ito ng Diyos at puwede tayong mapinsala nito. Kaya gusto nating iwasan ang mga libangan na unti-unting mag-aalis ng pag-ibig natin sa Diyos.—Efe. 5:5, 6.
14. Paano nakatulong kay Daniel ang kakayahang umunawa?
14 Nakita ni Daniel, binanggit kanina, na may masamang epekto sa kaniya ang paglalaro ng mga video game na mararahas at may espiritismo. Nag-research siya sa Watchtower Library ng impormasyong makakatulong sa kaniya. Ano ang resulta? Naihinto niya ang paglalaro ng masasamang video game at ang pakikisama sa mga kalaro niya. Sinabi ni Daniel, “Imbes na maglaro ng mga video game, lumalabas ako ng bahay o sumasama sa mga kapatid sa kongregasyon.” Si Daniel ay isa na ngayong payunir at elder.
15. Bakit mapanganib ang maling impormasyon?
15 Gaya ni Timoteo, dapat din nating tandaan na mapanganib ang maling impormasyon na ikinakalat ng mga apostata. (1 Tim. 4:1, 7; 2 Tim. 2:16) Halimbawa, puwede silang magkalat ng maling impormasyon tungkol sa mga kapatid natin o sa organisasyon ni Jehova para magduda tayo. Ang gayong impormasyon ay magpapahina sa ating pananampalataya. Hindi tayo dapat magpadaya sa ganitong propaganda. Bakit? Dahil mula ito sa “mga taong baluktot ang isip at hindi na nakauunawa sa katotohanan.” Ang gusto lang nila ay “makipagtalo at makipagdebate.” (1 Tim. 6:4, 5) Gusto nilang maniwala tayo sa kasinungalingan nila at pagdudahan ang mga kapatid.
16. Anong mga panggambala ang dapat nating iwasan?
16 Iwasan ang mga panggambala. Bilang “mahusay na sundalo ni Kristo Jesus,” kailangang mapanatili ni Timoteo ang pokus niya sa ministeryo imbes na sa materyal na mga bagay. (2 Tim. 2:3, 4) Gaya ni Timoteo, hindi rin natin hahayaang mawala ang ating pokus dahil sa materyal na mga bagay. Ang “mapandayang kapangyarihan ng kayamanan” ay puwedeng makapag-alis ng pag-ibig natin kay Jehova, ng pagpapahalaga natin sa Bibliya, at ng kagustuhan nating ibahagi ang mensahe nito sa iba. (Mat. 13:22) Dapat nating panatilihing simple ang ating buhay at gamitin ang ating panahon at lakas para ‘patuloy na unahin ang Kaharian.’—Mat. 6:22-25, 33.
17-18. Ano ang puwede nating gawin para maingatan ang kaugnayan natin kay Jehova?
17 Maging handa. Kailangang patiunang magplano ng isang sundalo para maprotektahan ang sarili niya. Kung gusto nating maingatan ang ipinagkatiwala sa atin ni Jehova, kailangan nating kumilos agad kapag may panganib. Paano natin magagawa iyan? Kailangan nating patiunang magplano.
18 Para ilarawan, sa isang event, sinasabihan ang mga dumalo na hanapin ang pinakamalapit na exit bago magsimula ang programa. Bakit? Para makaalis sila agad kapag nagkaroon ng emergency. Sa katulad na paraan, puwede rin nating patiunang alamin kung ano ang gagawin natin kapag may biglang lumitaw na imoral o marahas na eksena o impormasyong galing sa apostata habang nag-i-Internet tayo o nanonood ng pelikula o TV. Kung handa tayo sa posibleng mangyari, makakakilos tayo agad para manatiling malinis at maingatan ang kaugnayan natin kay Jehova.—Awit 101:3; 1 Tim. 4:12.
19. Anong mga pagpapala ang mararanasan natin kung iingatan natin ang ipinagkatiwala sa atin ni Jehova?
19 Dapat nating ingatan ang mahahalagang bagay na ipinagkatiwala ni Jehova sa atin—mahahalagang katotohanan sa Bibliya at pribilehiyong ituro ito sa iba. Kung gagawin natin iyan, magkakaroon tayo ng malinis na konsensiya, makabuluhang buhay, at kasiyahan sa pagtulong sa iba na makilala si Jehova. Sa tulong niya, maiingatan natin ang ipinagkatiwala sa atin.—1 Tim. 6:12, 19.
AWIT 127 Ang Uri ng Pagkatao na Dapat Kong Taglayin