Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 36

Pahalagahan ang Lakas ng mga Kabataan

Pahalagahan ang Lakas ng mga Kabataan

“Ang karangalan ng mga kabataang lalaki ay ang lakas nila.”​—KAW. 20:29.

AWIT 88 Ipaalam Mo sa Akin ang Iyong mga Daan

NILALAMAN *

1. Ano ang magandang maging tunguhin natin kung nagkakaedad na tayo?

HABANG tumatanda tayo, baka nag-aalala tayo na kaunti na lang ang nagagawa natin para kay Jehova di-gaya ng dati. Totoo, baka hindi na tayo ganoon kalakas ngayon. Pero mayroon tayong karunungan at karanasan na puwede nating ibahagi sa mga kabataan para matulungan natin sila na umabot ng karagdagang mga pribilehiyo. Sabi nga ng isang matagal nang elder, “Noong nagkakaedad na ako at limitado na ang nagagawa ko, nagpapasalamat ako na may mga kuwalipikadong kabataang brother na puwedeng pumalit sa akin.”

2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Sa naunang artikulo, nakita natin na maraming matututuhan ang mga kabataan sa mga may-edad na kung makikipagkaibigan sila sa mga ito. Sa artikulong ito, makikita natin kung paano makakatulong sa mga may-edad na ang kapakumbabaan, pagkilala sa limitasyon, at pagiging mapagpahalaga at mapagbigay habang nakikipagtulungan sa mga kabataan para sa kapakinabangan ng kongregasyon.

MAGING MAPAGPAKUMBABA

3. Batay sa Filipos 2:3, 4, ano ang kapakumbabaan, at paano ito makakatulong sa isang Kristiyano?

3 Dapat na maging mapagpakumbaba ang mga may-edad na kung gusto nilang makatulong sa mga kabataan. Itinuturing ng mapagpakumbaba na nakatataas ang iba sa kaniya. (Basahin ang Filipos 2:3, 4.) Naiintindihan ng mga mapagpakumbabang may-edad nang kapatid na madalas, hindi lang isa ang makakasulatan at epektibong paraan para gawin ang isang atas. Kaya hindi nila inaasahan na kailangang tularan ng mga kabataan ang paraan ng paggawa nila noon. (Ecles. 7:10) Maraming magandang maituturo ang mga may-edad na sa mga kabataan, pero alam nila na “ang eksena sa sanlibutang ito ay nagbabago” at baka kailangan nilang mag-adjust.​—1 Cor. 7:31.

Ibinabahagi sa iba ng mapagbigay na mga may-edad na ang kanilang mga karanasan (Tingnan ang parapo 4-5) *

4. Paano tinutularan ng mga tagapangasiwa ng sirkito ang mga Levita?

4 Tanggap ng mga mapagpakumbabang may-edad nang kapatid na hindi na ganoon karami ang nagagawa nila. Isang halimbawa diyan ang mga tagapangasiwa ng sirkito. Kapag nag-70 na sila, binibigyan sila ng panibagong atas. Mahirap iyon. Masayang-masaya sila na paglingkuran ang mga kapatid. Napamahal na sa kanila ang atas nila, at gustong-gusto pa rin nilang magpatuloy sa gawaing iyon. Pero naiintindihan nila na mas makakabuti kung mga kabataan ang gagawa ng atas na iyon. Tinutularan nila ang mga Levita sa sinaunang Israel, na kailangan nang tumigil sa paglilingkod sa tabernakulo kapag 50 na sila. Masaya ang mga may-edad nang Levita anuman ang atas na mayroon sila. Ginawa nila ang buong makakaya nila para makatulong sa mga kabataan. (Bil. 8:25, 26) Sa ngayon, hindi na dumadalaw sa iba’t ibang kongregasyon ang mga dating tagapangasiwa ng sirkito, pero malaking pagpapala sila sa kongregasyon na kinauugnayan nila.

5. Ano ang matututuhan mo sa halimbawa nina Dan at Katie?

5 Tingnan ang halimbawa ni Dan, na 23 taóng naglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito. Nang mag-70 na si Dan, inatasan siya at ang asawa niyang si Katie bilang mga special pioneer. Kumusta sila sa bago nilang atas? Sinabi ni Dan na mas marami silang ginagawa ngayon. Bukod sa mga responsibilidad niya sa kongregasyon, tumutulong siya sa mga brother para maging kuwalipikado na maging ministeryal na lingkod. Nagsasanay rin siya ng iba para sa metropolitan witnessing at pangangaral sa bilangguan. Mahal naming mga may-edad na, nasa buong-panahong paglilingkod man kayo o hindi, malaki ang maitutulong ninyo. Paano? Magagawa ninyo iyan kung mag-a-adjust kayo sa bago ninyong kalagayan, magtatakda ng mga bagong tunguhin, at magpopokus sa kung ano ang kaya ninyong gawin.

KILALANIN ANG LIMITASYON MO

6. Bakit mahalaga na kilalanin natin ang ating limitasyon? Ilarawan.

6 Mahalagang kilalanin ng isang tao ang kaniyang limitasyon. (Kaw. 11:2, tlb.) Kung kinikilala ng isa ang kaniyang limitasyon, alam niya kung ano lang ang kaya niyang gawin. Kaya naman masaya pa rin siya at tuloy-tuloy sa paggawa. Para siyang isang tao na nagmamaneho paakyat ng bundok. Kailangan niyang mag-adjust ng kambiyo para makaahon at makapagpatuloy. Malamang na babagal siya, pero patuloy pa rin siyang makakaabante. Ganiyan din ang isang tao na kumikilala sa limitasyon niya. Alam niya kung kailan siya “mag-a-adjust ng kambiyo” para patuloy siyang makapaglingkod kay Jehova at sa mga kapatid.​—Fil. 4:5.

7. Paano ipinakita ni Barzilai na kinikilala niya ang limitasyon niya?

7 Pansinin ang halimbawa ni Barzilai. Noong 80 na siya, inalok siya ni Haring David na maging bahagi ng maharlikang korte. Pero tinanggihan ni Barzilai ang alok ng hari. Alam ni Barzilai na limitado na ang kaya niyang gawin dahil sa edad niya, kaya inirekomenda niya ang kabataang si Kimham bilang kapalit niya. (2 Sam. 19:35-37) Gaya ni Barzilai, masaya rin ang mga may-edad nang brother na bigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na maglingkod.

Tinanggap ni Haring David ang desisyon ng Diyos na ang anak niya ang magtatayo ng templo (Tingnan ang parapo 8)

8. Noong magtatayo ng templo, paano ipinakita ni Haring David na kinikilala niya ang limitasyon niya?

8 Napakaganda rin ng halimbawa ni Haring David pagdating sa pagkilala sa limitasyon. Gustong-gusto niyang magtayo ng bahay para kay Jehova. Pero nang sabihin sa kaniya ni Jehova na ang pribilehiyong iyon ay ibibigay sa kabataang si Solomon, tinanggap niya ang desisyon ni Jehova at buong puso niyang sinuportahan ang proyekto. (1 Cro. 17:4; 22:5) Hindi inisip ni David na mas mabuti kung sa kaniya ibinigay ang atas dahil si Solomon ay “bata pa at walang karanasan.” (1 Cro. 29:1) Alam ni David na ang tagumpay ng proyekto ng pagtatayo ay nakadepende sa pagpapala ni Jehova, hindi sa edad o karanasan ng nangunguna. Gaya ni David, ginagawa ng mga may-edad nang kapatid ang buong makakaya nila sa paglilingkod kay Jehova kahit nagbago na ang kanilang atas. At alam nila na pagpapalain ni Jehova ang mga kabataan na nag-aasikaso ng mga dati nilang ginagawa.

9. Paano kinilala ng isang miyembro ng Komite ng Sangay ang limitasyon niya?

9 Isang halimbawa natin sa ngayon ang brother na si Shigeo. Noong 1976, naatasan siyang maglingkod bilang miyembro ng Komite ng Sangay sa edad na 30. Noong 2004, naging coordinator siya ng Komite ng Sangay. Pero nang maglaon, naramdaman niya na humihina na siya at hindi na siya ganoon kabilis magtrabaho. Naisip niya na mas makakabuti siguro kung mas bata ang magiging coordinator, at ipinanalangin niya iyon kay Jehova. Ngayon, hindi na siya ang coordinator, pero ginagawa pa rin niya ang buong makakaya niya bilang miyembro ng Komite ng Sangay. Gaya nina Barzilai, Haring David, at Shigeo, ang isang taong mapagpakumbaba at kumikilala sa limitasyon niya ay magpopokus hindi sa kawalang-karanasan ng mga kabataan kundi sa lakas nila. Hindi niya sila ituturing na mga karibal, kundi mga kamanggagawa.​—Kaw. 20:29.

MAGING MAPAGPAHALAGA

10. Ano ang dapat na maging tingin ng mga may-edad na sa mga kabataan sa kongregasyon?

10 Pinapahalagahan ng mga may-edad na ang mga kabataan dahil para sa kanila, ang mga ito ay regalo mula kay Jehova. Dahil humihina na sila, ipinagpapasalamat nila na may mga kabataan na malalakas at handang maglingkod sa kongregasyon.

11. Batay sa Ruth 4:13-16, ano ang magiging resulta kung magiging mapagpahalaga ang mga may-edad na at tatanggapin nila ang tulong ng mga kabataan?

11 Ang may-edad nang si Noemi ay magandang halimbawa sa Bibliya. Pinahalagahan niya ang tulong ng isang kabataan. Noong una, pinapabalik ni Noemi ang biyuda niyang manugang na si Ruth sa bayan nito. Pero nang ipilit ni Ruth na sasamahan niya si Noemi pabalik sa Betlehem, tinanggap ni Noemi ang tulong niya. (Ruth 1:7, 8, 18) At napakaganda ng naging resulta para sa kanila! (Basahin ang Ruth 4:13-16.) Siguradong tutularan ng mga mapagpakumbabang may-edad na ang halimbawa ni Noemi.

12. Paano ipinakita ni apostol Pablo na mapagpahalaga siya?

12 Mapagpahalaga rin si apostol Pablo at tinanggap niya ang tulong ng iba. Halimbawa, pinasalamatan niya ang mga Kristiyano sa Filipos dahil nagpadala sila ng mga pangangailangan niya. (Fil. 4:16) Pinahalagahan din niya ang tulong ni Timoteo. (Fil. 2:19-22) At pinasalamatan niya ang Diyos dahil sa mga nagpatibay sa kaniya noong ihahatid siya sa Roma bilang bilanggo. (Gawa 28:15) Malakas si Pablo, at nakakapaglakbay nga siya nang libo-libong kilometro para mangaral at patibayin ang mga kongregasyon. Pero mapagpakumbaba siya at hindi niya inisip na hindi niya kailangan ang tulong ng mga kapatid.

13. Paano maipapakita ng mga may-edad nang kapatid na pinapahalagahan nila ang mga kabataan?

13 Para sa mga may-edad naming kapatid, maraming paraan para maipakita ninyong pinapahalagahan ninyo ang mga kabataan sa inyong kongregasyon. Kung inaalok nila kayo ng masasakyan, ng tulong sa paggo-grocery, o ng iba pang kailangan ninyo, tanggapin ang tulong nila. Ituring ninyo iyon na pagpapakita ni Jehova ng pag-ibig sa inyo. Baka nga maging malapít na magkaibigan kayo ng mga tumutulong sa inyo. Tulungan din ninyo sila na maging mas malapít kay Jehova, at sabihin ninyo sa kanila kung gaano kayo kasaya na makita ang mga kabataan na nagsisikap para higit pang makatulong sa kongregasyon. Ikuwento rin ninyo sa kanila ang mga karanasan ninyo. Kapag ginawa ninyo ang mga ito, ‘maipapakita ninyong nagpapasalamat kayo’ kay Jehova dahil inilapit niya ang mga kabataang ito sa kongregasyon.​—Col. 3:15; Juan 6:44; 1 Tes. 5:18.

MAGING MAPAGBIGAY

14. Paano ipinakita ni Haring David na mapagbigay siya?

14 Makikita natin sa halimbawa ni Haring David ang isa pang mahalagang katangian na dapat ipakita ng mga may-edad na—ang pagiging mapagbigay. Nagbigay siya ng malaking donasyon mula sa sarili niyang kayamanan para suportahan ang pagtatayo ng templo. (1 Cro. 22:11-16; 29:3, 4) Ginawa iyan ni David kahit hindi sa kaniya mapupunta ang papuri kundi sa anak niyang si Solomon. Kung hindi na tayo ganoon kalakas para tumulong sa pagtatayo ng teokratikong mga pasilidad, masusuportahan pa rin natin ang mga proyektong ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon sa abot ng ating makakaya. Matutulungan din natin ang mga kabataan kung ibabahagi natin sa kanila ang mga karanasan natin sa mahabang panahon ng paglilingkod.

15. Anong mahahalagang regalo ang ibinigay ni apostol Pablo kay Timoteo?

15 Magandang halimbawa rin si apostol Pablo sa pagiging mapagbigay. Niyaya niya si Timoteo na sumama sa kaniya sa gawaing pagmimisyonero, at itinuro niya sa kabataang ito kung paano mangangaral at magtuturo. (Gawa 16:1-3) Nakatulong kay Timoteo ang pagsasanay sa kaniya ni Pablo para maging mahusay sa paghahayag ng mabuting balita. (1 Cor. 4:17) At itinuro naman ni Timoteo sa iba ang mga natutuhan niya kay Pablo.

16. Bakit nagsanay si Shigeo ng iba?

16 Hindi natatakot ang mga may-edad ngayon na mapapalitan sila at iba na ang gagawa sa mga atas nila kung magsasanay sila ng mga kabataan. Isang halimbawa diyan si Shigeo, na binanggit kanina. Maraming taon niyang sinanay ang mas batang mga miyembro ng Komite ng Sangay. Ginawa niya ito para makatulong sa gawaing pang-Kaharian sa bansa kung saan siya naglilingkod. Kaya nang dumating ang panahon na kailangan na siyang palitan bilang coordinator, mayroon nang nasanay na brother na puwedeng pumalit sa kaniya. Hanggang sa ngayon, ibinabahagi pa rin ni Shigeo sa mga nakakabatang brother ang mga natutuhan niya sa mahigit 45 taon ng pagiging miyembro ng Komite ng Sangay. Malaking pagpapala sa bayan ng Diyos ang mga gaya ni Shigeo!

17. Ayon sa Lucas 6:38, ano ang puwedeng gawin ng mga may-edad na?

17 Kayong mga kapatid namin na may-edad na ang patunay na ang tapat na paglilingkod kay Jehova ang pinakamagandang paraan ng pamumuhay. Makikita sa inyo na sulit ang pagsisikap na pag-aralan at isabuhay ang mga prinsipyo sa Bibliya. Alam ninyo kung paano ginagawa ang mga bagay-bagay noon, at nakita rin ninyo na kailangang mag-adjust sa mga pagbabago. Kayong mga bagong bautisadong may-edad na, marami rin kayong maibibigay; maikukuwento ninyo kung gaano kasayang makilala si Jehova. Siguradong matutuwa ang mga kabataan na marinig ang mga karanasan ninyo at ang mga aral na natutuhan ninyo sa buhay. Kung magiging “mapagbigay” kayo at ibabahagi ang mga karanasan ninyo, tiyak na aapaw ang mga pagpapala sa inyo ni Jehova.​—Basahin ang Lucas 6:38.

18. Ano ang resulta kung magtutulungan ang mga may-edad na at ang mga kabataan?

18 Kapag kayong mga may-edad na ay naging mas malapít sa mga kabataan, matutulungan ninyo ang isa’t isa. (Roma 1:12) Ang mga may-edad na ay may karunungan at karanasan na wala sa mga kabataan. Ang mga kabataan naman ay may lakas na wala sa mga may-edad na. Kaya kung magiging magkaibigan at magtutulungan ang mga kabataan at ang mga may-edad na, tiyak na mapapapurihan ang ating mapagmahal na Ama sa langit at mapapatibay ang buong kongregasyon.

AWIT 90 Patibayin ang Isa’t Isa

^ par. 5 Pagpapala sa mga kongregasyon ang maraming kabataan na nagsisikap na suportahan ang organisasyon ni Jehova. Ang mga may-edad naman, anuman ang kanilang kultura o pinagmulan, ay makakatulong sa mga kabataan para magamit nila nang lubusan ang kanilang lakas sa paglilingkod kay Jehova.

^ par. 55 LARAWAN: Nang mag-70 na ang tagapangasiwa ng sirkito, nakatanggap silang mag-asawa ng bagong atas. Nagagamit nila ngayon ang lahat ng karanasan nila sa pagsasanay sa iba sa kanilang kongregasyon.