Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 37

“Uugain Ko ang Lahat ng Bansa”

“Uugain Ko ang Lahat ng Bansa”

“Uugain ko ang lahat ng bansa, at ang kayamanan ng lahat ng bansa ay darating.”​—HAG. 2:7.

AWIT 24 Halikayo sa Bundok ni Jehova!

NILALAMAN *

1-2. Anong makasagisag na pag-uga ang inihulang mangyayari sa panahon natin?

“ILANG minuto lang, gumuho na ang mga shop at lumang building na parang pinagpatong-patong lang na mga baraha.” “Nagpa-panic ang lahat . . . Sabi ng marami, mga dalawang minuto lang ’yon. Pero pakiramdam ko, ang tagal-tagal n’on.” Iyan ang sinabi ng mga nakaligtas sa lindol na yumanig sa Nepal noong 2015. Kung mararanasan mo ang ganoong pangyayari, tiyak na hindi mo rin iyon malilimutan.

2 Ang totoo, dumaranas tayo ngayon ng naiibang uri ng pagyanig, o pag-uga. Hindi lang ito pag-uga ng isang lunsod o bansa, kundi ng lahat ng bansa, at maraming taon na itong nangyayari. Inihula ng propetang si Hagai ang pag-ugang ito. Isinulat niya: “Ito ang sinasabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Minsan pa—kaunting panahon na lang—at uugain ko ang langit at ang lupa at ang dagat at ang tuyong lupa.’”—Hag. 2:6.

3. Paano naiiba ang makasagisag na pag-uga sa literal na lindol?

3 Ang pag-uga na binabanggit ni Hagai ay hindi gaya ng literal na lindol, na puro pinsala at kapahamakan lang ang resulta. May mabubuting resulta ito. Sinasabi sa atin ni Jehova: “Uugain ko ang lahat ng bansa, at ang kayamanan ng lahat ng bansa ay darating; at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito.” (Hag. 2:7) Ano ang ibig sabihin ng hulang ito para sa mga nabubuhay noong panahon ni Hagai? At ano ang ibig sabihin nito para sa atin ngayon? Tatalakayin natin ang sagot sa mga tanong na iyan at malalaman din natin kung paano tayo makakabahagi sa pag-uga sa mga bansa ngayon.

ISANG NAKAKAPAGPATIBAY NA MENSAHE NOONG PANAHON NI HAGAI

4. Bakit isinugo ni Jehova si propeta Hagai sa bayan Niya?

4 Tumanggap si propeta Hagai ng mahalagang atas mula kay Jehova. Tingnan natin ang sitwasyon bago nito. Malamang na isa si Hagai sa mga bumalik sa Jerusalem noong 537 B.C.E. mula sa pagkabihag sa Babilonya. Pagkarating sa Jerusalem, agad na inilatag ng tapat na mga mananambang iyon ang pundasyon ng bahay, o templo, ni Jehova. (Ezra 3:8, 10) Pero di-nagtagal, pinanghinaan sila ng loob at tumigil sa pagtatayong muli dahil sa mga kumokontra sa proyekto. (Ezra 4:4; Hag. 1:1, 2) Kaya noong 520 B.C.E., inatasan ni Jehova si Hagai na tulungan silang maging masigasig ulit at tapusin ang templo. *Ezra 6:14, 15.

5. Bakit nakakapagpatibay sa bayan ng Diyos noon ang mensahe ni Hagai?

5 Ang mensahe ni Hagai ay magpapatibay ng pananampalataya ng mga Judiong nasisiraan ng loob. Lakas-loob niyang sinabi sa kanila: “‘Magpakalakas kayo, lahat kayong mamamayan ng lupain,’ ang sabi ni Jehova, ‘at kumilos kayo. Dahil ako ay sumasainyo,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Hag. 2:4) Tiyak na nakapagpatibay sa kanila noon ang pananalitang “Jehova ng mga hukbo.” Napakarami ng mandirigmang anghel ni Jehova. Kaya para magtagumpay, kailangan lang ng mga Judio na magtiwala sa kaniya.

6. Ano ang magiging resulta ng pag-uga na inihula ni Hagai?

6 Ginabayan ni Jehova si Hagai na maghatid ng mensahe tungkol sa makasagisag na pag-uga sa lahat ng bansa. Tinitiyak ng mensaheng ito sa mga Judiong nasisiraan ng loob na uugain ni Jehova ang Persia, ang kapangyarihang pandaigdig na nangingibabaw sa maraming bansa noong panahong iyon. At ano ang magiging resulta ng pag-ugang iyon? Una, matatapos ng bayan ng Diyos ang pagtatayo ng templo. Pagkatapos, kahit ang mga di-Judio ay sasama sa kanila sa pagsamba kay Jehova sa muling-itinayong templo. Tiyak na napatibay ng mensaheng ito ang bayan ng Diyos!—Zac. 8:9.

ISANG GAWAIN NA UMUUGA SA MGA BANSA NGAYON

Lubusan ka bang nakikibahagi sa gawaing umuuga ngayon sa mga bansa? (Tingnan ang parapo 7-8) *

7. Paano tayo nakikibahagi sa pag-uga sa lahat ng bansa ngayon?

7 Ano ang ibig sabihin ng hula ni Hagai para sa atin ngayon? Inuuga ulit ni Jehova ang lahat ng bansa, at sa pagkakataong ito, may bahagi tayo. Pag-isipan ito: Noong 1914, iniluklok ni Jehova si Jesu-Kristo bilang Hari ng Kaharian Niya sa langit. (Awit 2:6) Ang pamamahala ng Kahariang iyon ay masamang balita para sa mga lider ng mga bansa. Ibig sabihin kasi nito, tapos na ang “mga takdang panahon ng mga bansa”—ang panahon na walang tagapamahala na direktang kumakatawan kay Jehova. (Luc. 21:24) Naniniwala diyan ang bayan ni Jehova. Kaya naman mula noong 1919, itinuturo nila na ang Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa ng mga tao. Inuga ng pangangaral na ito ng ‘mabuting balita tungkol sa Kaharian’ ang buong mundo.​—Mat. 24:14.

8. Batay sa Awit 2:1-3, ano ang reaksiyon ng karamihan ng mga bansa sa mensahe ng Kaharian?

8 Ano ang reaksiyon ng mga tao sa mensaheng ito? Negatibo ang reaksiyon ng karamihan. (Basahin ang Awit 2:1-3.) Nagalit ang mga bansa. Ayaw nilang tanggapin ang inatasang Tagapamahala ni Jehova. Para sa kanila, hindi ‘mabuting balita’ ang mensahe ng Kaharian na ipinapangaral natin. Ipinagbawal pa nga ng ilang gobyerno ang gawaing pangangaral! Kahit sinasabi ng maraming tagapamahala ng mga bansa na pinaglilingkuran nila ang Diyos, ayaw naman nilang isuko ang kanilang kapangyarihan at awtoridad. Kaya gaya ng ginawa ng mga tagapamahala noong panahon ni Jesus, kinakalaban ng mga tagapamahala ngayon ang pinili ni Jehova. Inaatake nila ang tapat na mga tagasunod ni Jesu-Kristo.​—Gawa 4:25-28.

9. Ano ang reaksiyon ni Jehova sa ginagawa ng mga bansa?

9 Ano ang reaksiyon ni Jehova sa ginagawa ng mga bansa? Sinasabi ng Awit 2:10-12: “Kaya ngayon, kayong mga hari, magpakatalino kayo; tumanggap kayo ng pagtutuwid, kayong mga hukom sa lupa. Maglingkod kayo kay Jehova nang may takot, at magsaya kayo nang may panginginig. Parangalan ninyo ang anak; kung hindi ay magagalit ang Diyos at malilipol kayo, dahil ang galit Niya ay biglang sumisiklab. Maligaya ang lahat ng nanganganlong sa Kaniya.” Dahil mabait si Jehova, binibigyan niya ng pagkakataon ang mga kumakalaban sa kaniya na magbago ng isip at tanggapin ang Kaharian niya. Pero limitado na ang panahon. Nabubuhay na tayo sa “mga huling araw” ng sistemang ito. (2 Tim. 3:1; Isa. 61:2) Ngayon na ang panahon para alamin ng mga tao ang katotohanan at gumawa ng tamang desisyon!

POSITIBONG REAKSIYON SA PAG-UGA

10. Ano ang positibong epekto ng pag-uga na binanggit sa Hagai 2:7-9?

10 Ang makasagisag na pag-uga na inihula ni Hagai ay may positibong epekto sa ilang tao. Sinabi niya na dahil sa pag-ugang iyon, “ang kayamanan [tapat-pusong mga tao] ng lahat ng bansa ay darating” para sambahin si Jehova. * (Basahin ang Hagai 2:7-9.) Inihula rin nina Isaias at Mikas na may mangyayaring ganiyan “sa mga huling araw.”​—Isa. 2:2-4, tlb.; Mik. 4:1, 2, tlb.

11. Ano ang reaksiyon ng isang brother nang una niyang marinig ang mensahe ng Kaharian?

11 Tingnan ang naging epekto ng mensahe ng Kaharian sa brother na si Ken, na naglilingkod sa punong-tanggapan. Tandang-tanda pa niya nang una niyang marinig ang mensaheng ito mga 40 taon na ang nakakaraan. Sinabi niya: “Noong una kong marinig ang katotohanan mula sa Salita ng Diyos, tuwang-tuwa akong malaman na nabubuhay na tayo sa mga huling araw ng sistemang ito. Nakita ko na para mapasaya ang Diyos at magkaroon ng buhay na walang hanggan, kailangan kong talikuran ang mabuway na sanlibutang ito at manindigan sa panig ni Jehova. Ipinanalangin ko iyon at agad na iniwan ang sanlibutan at nanganlong sa Kaharian ng Diyos na di-matitinag.”

12. Paano napuno ng kaluwalhatian ang espirituwal na templo ni Jehova sa mga huling araw na ito?

12 Malinaw na pinagpapala ni Jehova ang bayan niya. Sa mga huling araw na ito, napakalaki ng itinaas ng bilang ng mga sumasamba sa kaniya. Noong 1914, iilang libo lang tayo. Ngayon, mahigit walong milyon na ang mananamba ng Diyos, at milyon-milyon ang sumasama sa atin taon-taon para alalahanin ang Memoryal. Sa ganitong paraan, ang makalupang looban ng espirituwal na templo ni Jehova—ang kaayusan niya para sa dalisay na pagsamba—ay napuno ng “kayamanan ng lahat ng bansa.” Naluluwalhati rin ang pangalan ni Jehova dahil sa ginagawang pagbabago ng mga ito habang isinusuot nila ang bagong personalidad.​—Efe. 4:22-24.

Masayang ipinapangaral ng mga lingkod ng Diyos sa buong mundo ang tungkol sa Kaharian (Tingnan ang araling artikulo 37, parapo 13)

13. Anong iba pang hula ang natupad dahil sa malaking pagsulong sa bayan ni Jehova? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

13 Natupad din ng malaking pagsulong na ito ang iba pang hula, gaya ng hula sa Isaias kabanata 60. Sinasabi sa talata 22: “Ang munti ay magiging isang libo at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa takdang panahon nito.” Dahil sa pagdagsa ng tunay na mga mananamba, may magandang nangyari. Ang mga ‘kayamanang’ ito ay may iba’t ibang kasanayan at abilidad, at handa silang sumama sa pangangaral ng ‘mabuting balita tungkol sa Kaharian.’ Kaya naman, nagagamit ng bayan ni Jehova ang mga kasanayang iyon, na binanggit ni Isaias bilang “gatas ng mga bansa.” (Isa. 60:5, 16) Sa tulong ng mga kapatid na ito na maituturing na kayamanan, naipapangaral natin ang mabuting balita sa 240 bansa at nakakagawa tayo ng mga literatura sa mahigit 1,000 wika.

PANAHON PARA MAGDESISYON

14. Anong desisyon ang kailangang gawin ng mga tao ngayon?

14 Dahil sa pag-uga sa mga bansa sa panahong ito ng kawakasan, napipilitan ang mga tao na magdesisyon. Susuportahan ba nila ang Kaharian ng Diyos o magtitiwala sila sa mga gobyerno ng sanlibutang ito? Iyan ang desisyon na dapat gawin ng lahat. Sinusunod ng bayan ni Jehova ang mga batas sa kanilang bansa, pero nananatili silang neutral pagdating sa politika. (Roma 13:1-7) Alam nila na ang Kaharian lang ang tunay na solusyon sa problema ng mga tao. At ang Kahariang iyan ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.​—Juan 18:36, 37.

15. Anong matinding pagsubok sa katapatan ang binabanggit ng aklat ng Apocalipsis?

15 Ipinapakita ng aklat ng Apocalipsis na masusubok ang katapatan ng bayan ng Diyos sa mga huling araw. Titindi ang pagsubok sa atin. Hihingin ng politikal na sistema ng sanlibutang ito ang pagsamba natin at pag-uusigin ang mga ayaw sumuporta sa kanila. (Apoc. 13:12, 15) “[Pipilitin nila] ang lahat ng tao—ang mga hamak at ang mga dakila, ang mayayaman at ang mahihirap, ang malaya at ang mga alipin—na magpalagay ng marka sa kanang kamay nila o sa noo nila.” (Apoc. 13:16) Noong sinaunang panahon, pinapaso ang mga alipin para malagyan sila ng permanenteng marka at maipakita kung sino ang nagmamay-ari sa kanila. Sa katulad na paraan, ang lahat ngayon ay inaasahang magkakaroon ng makasagisag na marka sa kamay nila o sa noo nila. Makikita sa mga iniisip at ginagawa nila na sinusuportahan nila ang politikal na sistema at na ito ang nagmamay-ari sa kanila.

16. Bakit kailangan nating tiyakin ngayon na di-natitinag ang katapatan natin kay Jehova?

16 Tatanggapin ba natin ang makasagisag na markang ito at ibibigay ang ating katapatan sa politikal na mga gobyerno? Ang mga ayaw tumanggap ng marka ay mahihirapan at manganganib. Sinasabi ng aklat ng Apocalipsis: ‘Walang sinumang makakabili o makakapagtinda maliban sa tao na may marka.’ (Apoc. 13:17) Pero alam ng bayan ng Diyos kung ano ang gagawin Niya sa mga may marka na binanggit sa Apocalipsis 14:9, 10. Sa halip na tanggapin ang markang iyon, makasagisag nilang isusulat sa kamay nila, “Kay Jehova.” (Isa. 44:5) Ngayon na ang panahon para tiyakin nating di-natitinag ang katapatan natin kay Jehova. Kung gagawin natin iyan, matutuwa si Jehova na sabihing siya ang nagmamay-ari sa atin!

ANG HULING PAG-UGA SA MGA BANSA

17. Ano ang kailangan nating tandaan tungkol sa pagtitiis ni Jehova?

17 Ganoon na lang ang pagtitiis ni Jehova sa mga huling araw na ito dahil hindi niya gustong mapuksa ang sinuman. (2 Ped. 3:9) Binibigyan niya ng pagkakataong magsisi ang lahat at gumawa ng tamang desisyon. Pero may limitasyon ang pagtitiis niya. Ang mga ayaw sumuporta sa Kaharian ng Diyos ay mapapahamak na gaya ng Paraon noong panahon ni Moises. Sinabi ni Jehova sa Paraon: “Kung tutuosin, puwede kong gamitin ang kapangyarihan ko para padalhan ka at ang bayan mo ng matinding sakit, at nabura ka na sana sa lupa. Pero pinanatili kitang buháy sa dahilang ito: para maipakita ko sa iyo ang kapangyarihan ko at para maipahayag ang pangalan ko sa buong lupa.” (Ex. 9:15, 16) Malalaman ng lahat ng bansa na si Jehova ang tanging tunay na Diyos. (Ezek. 38:23) Paano ito mangyayari?

18. (a) Anong naiibang pag-uga ang binabanggit sa Hagai 2:6, 20-22? (b) Paano natin nalaman na ang mga sinabi ni Hagai ay magkakaroon ng katuparan sa hinaharap?

18 Daan-daang taon pagkamatay ni Hagai, ginabayan si apostol Pablo para ipakitang magkakaroon ng katuparan sa hinaharap ang sinasabi sa Hagai 2:6, 20-22. (Basahin.) Isinulat ni Pablo: “Ngayon ay ipinangako niya: ‘Minsan pa ay uugain ko hindi lang ang lupa kundi pati ang langit.’ Ngayon, ang pananalitang ‘minsan pa’ ay nagpapahiwatig ng pag-aalis sa mga bagay na inuuga, mga bagay na ginawa, para ang mga bagay na hindi inuuga ay manatili.” (Heb. 12:26, 27) Di-tulad ng pag-uga na binanggit sa Hagai 2:7, ang pag-ugang ito ay mangangahulugan ng walang-hanggang pagkapuksa para sa mga gaya ng Paraon na tumangging kilalanin ang karapatan ni Jehova na mamahala.

19. Ano ang hindi mauuga, at paano natin ito nalaman?

19 Ano ang hindi mauuga, o maalis? Sinabi pa ni Pablo: “Dahil tatanggap tayo ng isang Kaharian na hindi mauuga, patuloy tayong tumanggap ng walang-kapantay na kabaitan, dahil sa pamamagitan nito, maaaring malugod ang Diyos sa ating sagradong paglilingkod sa kaniya nang may makadiyos na takot at paggalang.” (Heb. 12:28) Oo, Kaharian lang ng Diyos ang hindi mauuga kapag natapos na ang huling pag-uga. Mananatili itong matatag at di-natitinag!—Awit 110:5, 6; Dan. 2:44.

20. Anong desisyon ang dapat gawin ng mga tao, at paano natin sila matutulungan?

20 Wala nang dapat sayanging panahon ang mga tao. Dapat na silang magdesisyon: Patuloy ba nilang susuportahan ang sanlibutang ito, na hahantong sa pagkapuksa nila, o gagawin nila ang kalooban ng Diyos, na aakay sa kanila sa buhay na walang hanggan? (Heb. 12:25) Makakatulong sa mga tao ang pangangaral natin para makapagdesisyon sila. Sana’y marami pa tayong matulungan na pumanig sa Kaharian ng Diyos. At patuloy nating alalahanin ang sinabi ng ating Panginoong Jesus: “Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.”​—Mat. 24:14.

AWIT 40 Tayo Ba’y Kanino?

^ par. 5 Tatalakayin sa artikulong ito ang bagong pagkaunawa natin sa Hagai 2:7. Malalaman natin kung paano tayo makakabahagi sa isang kapana-panabik na gawaing umuuga sa lahat ng bansa. Makikita rin natin na may positibo at negatibong reaksiyon sa gawaing ito.

^ par. 4 Alam natin na nagawa ni Hagai ang atas niya dahil natapos ang templo noong 515 B.C.E.

^ par. 10 Ito ay pagbabago sa ating pagkaunawa. Sinasabi natin noon na ang paglapit ng mga tapat-puso kay Jehova ay hindi dahil sa pag-uga sa lahat ng bansa. Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Mayo 15, 2006 na isyu ng Bantayan.

^ par. 63 LARAWAN: Pinatibay ni Hagai ang bayan ng Diyos noon na maging masigasig sa pagtatayong muli ng templo; masigasig na ipinapangaral ng bayan ng Diyos ngayon ang mensahe ng Kaharian. Nakikibahagi ang isang mag-asawa sa pangangaral tungkol sa huling pag-uga sa mga bansa.