Alam Mo Ba ang Binabasa ng mga Anak Mo?
Alam Mo Ba ang Binabasa ng mga Anak Mo?
“INAY, hindi na ako magbabasa ng kaniyang mga aklat,” ang sabi ng 11-anyos na si Shana. Ang tinutukoy niya’y isang tanyag na autor ng mga aklat ng mga bata. Nang tanungin kung bakit, kaniyang ipinakita sa kaniyang nanay ang mga ilang bahagi ng aklat na mayroong mga kalaswaan. Ang sabi ng ina: “Nabigla ako, sapagka’t bago noon ang akala ko’y natingnan ko na ang mga aklat na binabasa ng aming mga anak, sapagka’t kadalasan binabasa ko ang mga pabalat ng aklat upang tiyakin kung ano ang paksang nilalaman niyaon. Subali’t kailanman ay hindi ko napapangarap man lamang na ang mga aklat na isinulat para sa 10-hanggang 12-anyos na mga bata ay magkakaroon ng gayong mga salita. Kaya’t matapos sabihin kong mabuti ang kaniyang ginawa sa ganoong paglapit sa akin, ipinasiya ko na sa uulitin susuriin ko muna nang buong ingat ang kanilang babasahin na mga aklat.”
Kung mga ilang taon din na ang mga istasyon ng TV sa buong Estados Unidos ay nagsasa-himpapawid ng ganitong mensaheng may labindalawang salita: “Alas-diyes na. Alam ba ninyo kung nasaan ang inyong mga anak?” Walang maibiging magulang ang may ibig na ang kaniyang anak ay naroon sa kalye kung gabi kasama ng masasamang tao. Subali’t kailan huling-huling sinuri mo kung ayos ang mga binabasa ng iyong anak? Maaari kayang sa pamamagitan ng kanilang mga binabasa’y nakikisama ang iyong mga anak sa mga taong pasimuno sa katamaran, sa rebelyon, pagnanakaw, pagpapatutot, homoseksuwalidad at pati pagpatay? Talaga bang ALAM mo kung ano ang binabasa ng iyong mga anak?
Ang Kanilang Binabasa
Nakita ng isang ina ang kaniyang nuebe-anyos na anak na babae ay nakababad na sa pagbabasa ng isang aklat. Subali’t ganiyan na lamang ang tuwa niya nang makita niyang ang binabasa pala’y encyclopedia! Nguni’t, masasabi natin na ito ang kataliwasan—hindi ang karaniwan. Ang lalong malimit nating makita ay isang batang may ganoong edad na nakababad ang ulo sa pagbabasa ng komiks o ng isang magasin ng mga larawan. May dako rin ang ganiyang mga babasahin. Subali’t, sa tapatang pagsasalita, karaniwan nang limitado a
ang magagawa nito sa pagtuturo ng mabubuting kaugalian sa pagbabasa.At komusta naman ang mga teenager? Ang sabi ng magasing Seventeen: “Sa ngayon maraming mga babasahin na para sa mga teenager ang nakatuon sa romansa.” Isang 16-anyos na dalagita ang sinipi ang sinabi na: “Ang mga aklat ay tunay na tunay. Ang palagay mo’y ikaw ang bida . . . Nawawala ako sa sarili ko.” Ang epekto ng isang istorya ng romansa ay yaong pagbuhay sa mga guniguning istorya ng pag-ibig samantalang ang isang kabataan ay musmos na musmos pa upang umibig. At kung minsan may mga kabataan na haling na haling sa mga gayong nobela, at iba’y nagbabasa na ng mga romansang nobela na masyadong nagdiriin sa sekso.
Halimbawa, isang dalagita ang nagsimulang nagbasa ng mga dati nang mga nobela ng romansa. Nguni’t di-nagtagal, aniya, “Hindi ako nakatiis na hindi magbasa ng kahit isa sa maghapon.” Upang masiyahan siya sa pagbabasa nagbasa siya ng lalong mga bagong nobela sa romansa. “Doo’y nabasa ko ang ultimong kaliit-liitang paglalahad tungkol sa seksuwal na pagsiping bago pakasal ang magkasintahan,” ang sabi niya.
At komusta naman ang mga binatilyo? Baka hindi sila mahilig sa romansa, nguni’t patay na patay naman sa science fiction, sa mga istorya ng pakikipagsapalaran at sports o palakasan. Ang iba’y mabuti; ang iba’y hindi.
Hindi rin dapat kaligtaan ang mga ipinababasang asainment sa mga bata sa iskuwelahan. Sa paaralan ang mga bata ay malimit na napapabilad sa turo ng ebolusyon, sa mga aral ng huwad na relihiyon, at maging sa mga panoorin at aklat tungkol sa sekso. Malimit na hindi alam ng mga magulang kung ano ang itinuturo sa kanilang mga anak.
Ang Magagawa ng mga Magulang
Kaya’t ano ang magagawa mo bilang isang magulang upang tulungan ang iyong mga anak? Magsimula ka sa pamamagitan ng pagpapakita mo ng mabuting halimbawa. Bueno, aaminin natin na ito’y hindi madali para sa lahat. Isang misyonero ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa Kenya ang may ganitong sabi: “Kadalasan ang mga magulang ay hindi gaanong nakapag-aral o talagang hindi nakapag-aral at hindi sila makabasang mabuti. Kaya hindi nila alam kung ano ang itinuturo sa kanilang mga anak sa paaralan o kung ano ang binabasa nila mismo.” Kaya’t baka kailangan sa mga magulang sa gayong mga bansa ang mag-aral pa ng pagbasa. Ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay kalimitan mayroong ganoong mga pagsasanay.
Subali’t, sa lalong nakaririwasang mga bansa karamihan ng mga magulang ay marurunong bumasa’t sumulat. Kung isa ka rito, paano mo magagamit ang gayong bentaha? Sa simpleng pananalita, kung ibig mong maging palabasa ang iyong mga anak, kailangang makita nilang ikaw ay nagbabasa. Kung ibig mong sila’y magkahilig sa pagbabasa ng mabubuting aklat, dapat na makita nilang nagbabasa ka ng mabubuting aklat.
Mapapansin na ipinakikita ng Bibliya ang kahalagahan ng gayong maagang pagsasanay. May binabanggit ito na isang kilalang binata na nagngangalang Timoteo at ‘mula sa pagkasanggol ay alam niya ang banal na kasulatan.’ (2 Timoteo 3:15) Marahil si Timoteo ay binabasahan na ng kaniyang ina ng Kasulatan maging noon mang isa lamang siyang sanggol! Sang-ayon kay apostol Pablo ang isang dahilan ng malaking pag-ibig ni Timoteo sa Salita ng Diyos ay yaong pagsasanay na ito.
Gayundin sa ngayon, mahalaga rin sa ngayon ang pagbabasa sa mga bata mula pa sa pagkasanggol. Isang bata na may pambihirang talino (isang estudyanteng
nasa mga unang baytang ng paghahanda para sa kolehio ng medisina, edad 11 anyos) at ang kaniyang tatlong kapatid na babae ang napabalita na naging mga henyo dahilan sa maagang pagsasanay sa kanila ng mga magulang nila. Ang sabi ng kanilang ama: “Hindi naman sila pambihirang mga bata. Sila’y nagkaroon lamang ng pagkakataon na matuto sa maagang edad.” Totoo, marahil ay hindi mo inaasahang magiging isang henyo ang iyong anak. Subali’t idiniriin lamang ng halimbawang iyan ang kahalagahan ng pagtuturo sa bata sa maagang edad upang mamihasa sa pagbabasa ng mabubuting babasahin. Ganito ang sabi ni Dr. Bettelheim: “Natuklasan na ang pagkamatalino at ang pagkabobo sa pag-aaral ay natitiyak ang malaking bahagi sa katapusan ng ikatlong grado. Samakatuwid, ang pagtuturo ng pagbasa sa unang tatlong grado ay mahalaga.”At habang nagsisikap ang iyong mga anak na mapasulong ang kanilang pagbabasa, kailangang bigyan mo sila ng malaking pampatibay-loob at komendasyon. Ang sabi ng aklat na How to Motivate Adolescents: “Marahil ang pinakamabisa nguni’t kinaliligtaan na pampasigla, na maibibigay ng mga may-edad sa mga bagong sibol, ay ang purihin nila ang mga ito!”
Subali’t paano ba pinamamanihalaan ng mga magulang ang pagbabasa ng isang bata? Nahuli ng ibang magulang ang kanilang mga anak, na nagkukunwaring natutulog, na nagbabasa ng mahahalay na babasahin sa tulong ng liwanag ng isang flashlight. Hindi naman ibig sabihin na lagi na lamang manunubok ang mga magulang. Kundi idinidiin lamang nito na kailangang laging may pakikipagtalastasan ang mga magulang sa kanilang mga anak. Bakit hindi prangkahang makipag-usap sa inyong anak at ipaliwanag kung ano ang hindi dapat gawin at bakit gayon? Kung gagawin ito nang mahinahon, hayagan at prangkahan, malamang na hindi gaanong makasakit ng damdamin. Ang pagpapakita sa bata ng tamang “daan” ay malimit na nagbubunga ng namamalaging kapakinabangan.—Kawikaan 22:6.
Huwag maging negatibong lahat ang kaisipan mo tungkol sa pagbabasa ng iyong anak. Sa halip na maghalukipkip na lamang tungkol sa nasusunggaban ng iyong anak upang basahin, kumilos ka! Maglaan ka ng disenteng babasahin para sa mga anak mo. Ang binanggit nang bata na mahilig magbasa ng mga encyclopedia ay nakapagbabasa lamang niyaon dahil sa mayroon niyaon sa kaniyang tahanan. Hindi kaya magandang bumili rin ng encyclopedia para sa inyong pamilya? At hindi ba kasali rito ang mga “classics”? Sa mga ito ay may mga istorya ng pakikipagsapalaran, na nagtatampok ng pagkamaaasahan at katapatan, at pinalalawak ang guniguni ng isang bata. Mayroon ba kayo ng ganiyang mga aklat sa inyong tahanan? Kung napakamahal ang mga aklat, kung mayroong mga pangmadlang aklatan na malapit sa inyo himukin mo ang iyong anak na gamitin iyon.
Komusta naman ang mga magasin? Marami nito ang tumatalakay tungkol sa potograpya, history, geography at mga hayop. Ang mga lathalain na gaya ng Ang Bantayan at Gumising! ay makapupukaw ng interes ng inyong anak sa Maylikha. At pagka ang suskrisyon dito ay nasa mismong pangalan ng iyong anak, lalo siyang máhihilig na basahin iyon.
Ang mga Babasahin sa Paaralan
Komusta naman ang mga babasahin na ginagamit ng iyong anak sa paaralan? May mga magulang na nakikipag-usap sa mga guro ng kanilang mga anak at hinihiling na ipuwera ang kanilang mga anak sa pagbabasa ng ilang mga babasahin na inaakala ng mga magulang na hindi nararapat basahin ng mga anak nila. Gayunman, kailangan ang pagiging timbang sa bagay na ito. Una, ang inyong anak ay mapapahantad sa mga turo at paniwala na hindi naaayon sa Bibliya. At balang araw ang inyong anak ay tatayong mag-isa sa ganang sarili sa sanlibutan. Kailangan niya ang “katalinuhan” at “kakayahang umisip” na ipinayo ni Solomon na paunlarin ng kabataan upang kanilang makilala ang pagkakaiba ng tunay at di-tunay. (Kawikaan 1:4) Mapaunlad kaya ito kung tuluyang pagkakaitan ang bata ng ano mang kaalaman tungkol sa mga maling paniwala?
Kaya may mga magulang na nagpapahintulot sa kanilang mga anak na gawin ang regular na araling-bahay, nguni’t maingat na sinusubaybayan nila ang itinuturo sa kanilang mga anak. Kanilang sinusuri ang mga aklat-aralan nito. At araw-araw ay kinakausap nila ang mga anak tungkol sa itinuturo sa mga ito. Ang regular na pag-aaral ng Bibliya at ang pagtatalastasan ng pamilya ang tumutulong upang mapanuto ang kaisipan ng kanilang mga anak.—Deuteronomio 6:6-9.
Nguni’t, kung minsan ay talagang kailangan na lapitan ang mga guro, lalo na kung ang itinuturo ay hindi nararapat. Gayunman, tandaan na ang mga guro ng inyong anak ay hindi naman mga kaaway. Karamihan ng guro ay katulad din ninyo na maingat at may malasakit sa pagkatuto ng inyong anak. Kaya’t pana-panahon ay dumalaw kayo sa klase at makipagkilala sa mga guro ayon sa ipinahihintulot ng inyong panahon at kalagayan.
Ang kakayahan na bumasa ay kailangan sa pagkatuto. Kung wala ka nito, mahirap na matuto ka. Kung may kakayahan ka, halos walang anuman na hindi ka matutuhan. Ang mga bata na mahilig magbasa ay tunay na nakikinabang.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Mga Komiks—Dapat bang Magbasa Nito ang Anak Mo?” sa Gumising! ng Nobyembre 22, 1983.
[Blurb sa pahina 15]
Kung ibig mong sila’y magbasa ng mabubuting aklat, kailangang makita nilang nagbabasa ‘ka’ ng mabubuting aklat