Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Napagtatagumpayan ang Matataas na Presyo

Napagtatagumpayan ang Matataas na Presyo

Napagtatagumpayan ang Matataas na Presyo

Ang mga ginang ng tahanan sa buong daigdig ay napapaharap sa tumataas na mga presyo ng bilihin at, malimit, sa lumiliit na kita. Paano nila napagtatagumpayan ito?

Ipinakikita ng artikulong ito buhat sa Dominican Republic kung paano napagtatagumpayan ng mga ibang ginang ng tahanan ang mga suliraning ito.

“BINAGO na namin ang aming istilo ng pamumuhay magmula nang ikaw ay naririto,” ang pagtatapat ng aking kaibigan, na matagal ko ring hindi nakikita. “Ngayong patuloy na tumataas ang mga presyo ng bilihin at nababawasan naman ang perang kinikita, talagang hindi na kami maaaring magpatuloy sa dating paraan namin ng pamumuhay.”

Mangyari pa, ganito ang karanasan ng maraming pamilya sa buong daigdig. Sa telebisyon, mga pahayagan at mga magasin sa araw-araw ay nakakabasa tayo ng mga pag-uulat tungkol sa kalagayan ng kabuhayan​—na patuloy na nagbabago nguni’t pambihira na humusay. Ito’y nagbabalita tungkol sa implasyon sa lahat ng dako at sa mga paghihirap na resulta ng maraming walang hanapbuhay at mga krisis sa kabuhayan.

Marami sa atin, na mga ginang ng tahanan at mga ina, ang hindi gaanong interesado sa mga ulat. Subali’t tayo’y interesado sa pag-aasikaso ng atin-ating mga tahanan at pami-pamilya. Ibig nating ang ating mga anak ay makakain nang mahusay at makapag-aral nang husto. Ibig nating mabigyan sila ng hustong pangangalaga pagka sila’y nagkasakit at ng disenteng pamamahay. Samantalang iniisip ko ito, nasabik akong mapakinggan ang mga pagbabagong ginawa ng aking kaibigan upang mapagtagumpayan ang katayuang iyon.

Isinaplanong Pagbili​—Huwag Mag-aaksaya

Sabi niya: “Una, ang pagkain namin ay hindi gaya ng dati. Dati’y ang pinakamagaling ang kinakain namin, nang hindi pinag-iisipan ang gastos. Nguni’t ngayon ay nasasanay na kami na isa o dalawang araw sa sanlinggo na wala kaming karne. Hindi na sarisari o napakarami ang aming pagkain na gaya noong dati. Sa madali’t-sabi, natuto akong huwag mag-aksaya at maging matipid. Doon ako namimili sa mga lugar na maaari akong makamenos nang pinakamalaki.

“At isa pa,” aniya, “kami’y natutong maging lalong maingat sa aming mga damit. Bago kami bumili ay tinatanong namin sa aming sarili: Kailangan kayang talaga ito? Madali kaya itong lilipas sa moda? At, pagka nakabili na kami, sinisikap naming pakaingatan ito upang pakinabangan nang matagal. Sa palagay ko’y dahil sa mga problema namin sa gastos ay lalo naming minamahalaga ang mga bagay na taglay na namin.”

“Karaniwan ang ganiyang karanasan ninyo,” ang tugon ko. “Hindi pa gaanong nagtatagal, isang estudyante sa universidad ang maysabi sa akin na sapol daw nang mamatay ang kaniyang itay mga ilang taon na ngayon, ang kaniyang nanay ay kinailangan nang magtrabaho bilang kusinera para makasuporta sa pamilya. Ang sabi niya: ‘Pagka nakikita ko ang pagsusumikap ni inay na matustusan kami, hindi ko maatim na maaksaya ang anuman. Sinisikap kong makapagluto ng sapat lamang pagkain para sa bawa’t isa, upang walang lumabis at mapatapon lamang iyon. Pag-uuwi ni inay ng kaniyang suweldo, alam niya kung saan gagastahin ang bawa’t sentimo, at sapat na sapat lamang iyon.’”

“Oo,” ang pagsang-ayon ng kaibigan ko, “talagang kailangan na may disiplina ka sa paggasta kung ibig mong huwag kang magkaproblema nang malaki. May nakikilala akong isang kabataang mag-asawa na kayliit-liit ng kita. Pagka tinanggap na nila ang kanilang pera, sila’y magkasamang nauupo at una muna ay ibubukod na nila ang upa para sa bahay at ang gastos para sa tubig at ilaw. Ang susunod ay ang gastos para sa pagkain at mga materyales na panlinis na maaaring bilhin sa buwan-buwan​—at ang natitira’y ang magagasta nila sa mga bilihin sa araw-araw. Bagaman maliit lamang ang kanilang kita, sila’y nakapagtatabi pa ng isa o dalawang piso buwan-buwan para sa anumang biglaang gastusin at manakanaka’y mga ilang piso na maiaabuloy nila para sa gastusin sa pambuong daigdig na pagtuturo ng Bibliya na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova. Nakapagtataka nga ang kanilang maayos na pamamanihala rito.”

“Ang mahusay na pagsasaplano at pagtutulungan ay mahalaga,” ang susog ko pa. “Subali’t isip-isipin mo kung paano masisira ang buong kaayusang iyan kung sila’y gumagasta para sa sigarilyo, sa alak at sa sugal​—mga bisyo na nagpapahirap sa maraming pamilya.”

Iwasan ang mga Bisyo

Nagpatuloy ako na ipaghalimbawa ang aking naiisip: “Ganiyan ang nangyari noon kay Ana. Mga ilang tao na ngayon, silang mag-anak ay sa isang kuwarto lamang nakatira. Wala sila kundi isang katre. Ang kaniyang asawa ay isang masipag na mekaniko, nguni’t ang lahat ng perang ibigay niya kay Ana, pati na ang ano mang perang suma-kamay ni Ana, ay ginagasta nito sa sugal at sigarilyo. Mga 14 na piso isang linggo ang ginagasta sa loterya. Ang iba pa’y sa binggo naman napapapunta, at hindi na niya matandaan kung magkano pa ang ginagasta niya sa sigarilyo. Walang natitira kahit isang pera para gastos sa mga bata. Laging may igtingan at pagtatalo na humantong sa pakikipag-away sa kaniyang mga kasugal, pati sa kaniyang asawa at mga anak.

“At dumating ang pagkakataon na si Ana ay nakipag-aral sa mga Saksi ni Jehova, at anong laki ng ipinagbago ng kaniyang pamumuhay! Kaniyang nakilala na ang pagkakataon niyang magkamit ng isang lalong mainam na pamumuhay ay hindi depende sa pananalo sa sugal, kundi nakasalig sa pagkakaroon ng isang matalik na kaugnayan sa kaniyang Maylikha. Unti-unti, habang lumalaki ang kaniyang kaalaman, siya’y nagbabago. Ngayon, ang pamilya ay nakatira sa isang katamtamang bahay na inuupahan pa rin nila, at ang perang dati’y ginagasta sa sugal at sigarilyo ay sa pagkain at pananamit ginagasta ngayon. Sa halip na palaging nakikipag-away sa kaniyang asawa para sa higit pang pera, si Ana ay nakakatulong pa nga ngayon sa gastusin dahil sa kaniyang munting beauty salon (para sa pag-aayos at pagpapaganda) sa may likod-bahay nila. Siya’y may panahon ngayon na makapiling ang kaniyang asawa at mga anak, makadalo sa mga pagtitipong Kristiyano at makibahaging kasama ng iba sa pangangaral ng mabuting balita na bumago ng kaniyang buhay.”

“Kailangang maintindihan ng mister niya ang pagbabagong iyon,” ang sabi pa ng kaibigan ko, “pati ng mga anak, nguni’t ang naiisip ko pa’y ang lahat ng mga babae sa bansang ito na kailangang makipagpunyaging mag-isa. Papaano kaya nila hinaharap ang matataas na presyo ngayon? Kaydaming babae na abandonado o kaya’y diborsiyada o mga biyuda na at may mga pamilya pa na dapat buhayin. Ano kaya ang puede nilang gawin?”

“Marami ang walang kayang humarap sa katayuang ito,” ang tugon ko. “Basta nabubuhay sila, sa tulong ng mga kapitbahay at mga kamag-anak. Naalaala ko tuloy nang huling makita ko si Dominga. Tinanong ko siya kung ano ang ginagawa ng kaniyang mga kababayang babae tungkol sa matataas na halaga ng mga bilihin at ang tugon niya. ‘Nagririklamo.’ Pero, nakatutuwa at marami ring mga babae na gumagawang kusa upang tulungan ang kanilang sarili.”

Gamitin ang Nalalaman Mo

“Ang isang mainam na halimbawa ay si Juana,” ang sabi ko. Siya’y diyan lang sa malapit nakatira kasama ang kaniyang dalawang anak na teen-ager. Bagaman siya’y kapiling ng kaniyang ina ay halos nawawalan na siya ng pag-asa. Paano niya matutustusan ang pag-aaral ng kaniyang mga anak, ang kanilang matrikula, mga aklat at pananamit at pati pagkain nila? Kailangang makakita siya ng trabaho. Subali’t saan? Anong trabaho? Lalong kaunti ang mga trabaho sa mga bayan at mga baryo kaysa malalaking siyudad, at wala naman siyang alam na napapatanging trabaho. Datapuwa’t, marunong siyang maglaba at mamalantsa, kaya’t humanap siya ng mga ibig magpalaba at magpaplantsa at sa ganoo’y nakatulong ito sa kanilang gastos.”

“Samakatuwid ang aral dito ay: Gamitin ang nalalaman mo na mapapakinabangan ng iba,” ang sabi ng kaibigan ko.

“Tama,” ang sabi ko. “Maraming babae ang kumikita sa pananahi ng damit. Ang iba’y naggagantsilyo ng mga ginantsilyo para sa lamesa at mga silya at hindi nila kayang matugunan ang lahat ng pidido dahil sa karamihan. Sa mga ibang dako, ang pagtuturo ng ganitong mga pantanging trabaho at gawang-kamay ay naging kapaki-pakinabang. Maraming mga kuwartong delentera na ikinukumberte sa mga tindahang sarisari, o kaya’y basta maglalagay ng isang lamesa sa may pintuan ng bahay at pupunuin iyon ng itinitindang mga gulay.

“May mga babae na nagba-buy-and-sell ng sarisaring mga kalakal. Halimbawa, may kilala akong babae na ang mga suki ay mga nag-uupisina. Siya’y bumibili ng damit, mga pitaka o mga sapatos, at ipinagbibili ang mga kalakal na ito sa mga suki niya sa opisina. Siya’y may mga suking tindahan na nagbibigay sa kaniya ng mga kalakal sa medyo mabababang presyo, at ang mga babaing tagaopisina ay nagpapasalamat at hindi na sila makikipaggitgitan pa ng pamimili kung mga araw na sila’y bakante. Kung isa kang taong magiliw sa kapuwa at palaisip sa kung ano ang bilihing kailangan ng mga tao, malaki ang maitutulong nito kung mayroon kang ganitong hanapbuhay.”

Libangan

“Apektado rin ng tumataas na presyo ang mga libangang panoorin. Kayo ba’y gumawa ng mga pagbabago sa inyong libangan?” ang tanong ko.

“Oo, tiyak iyan,” ang pagdidiin pa niya. “Marahil ay natatandaan mo pa na dati’y madalas kaming manood ng sine o ng ano mang palabas sa National Theatre o sa stadium. Lahat na iyan ay pinutol na namin. Isa pa, halos wala na ngayong mga pelikula na kasiya-siyang panoorin namin bilang isang pamilya.”

“Kaya, ano ang inyong libangan?” ang tanong ko.

“Ang aming paboritong puntahan ay ang zoo o ang harding botaniko,” ang tugon niya, “pero madalas na nagpapalipas kami ng gabi nang basta magkakapiling, nagkukuwentuhan ng mga karanasan, naglalaro, at iba pa. Naliligayahan kami na magsama-sama, at makinig sa ikinukuwento ng isa’t-isa tungkol sa kaniyang nagawa. Ang pagdalaw sa mga ibang pamilyang Kristiyano ay naging bahagi na rin ng aming buhay.”

Kinailangan na akong magpaalam nang dumating kami sa puntong ito, nguni’t habang kami’y naghihiwalay ay binulay-bulay ko ang aming napag-usapan. Ano ngang talaga ang tumutulong upang mapagtagumpayan ang matataas na presyo ngayon? Binuo ko sa isip ang iisang kasagutan: Bagaman bilang mga ginang ng tahanan at mga ina ay may sinusunod tayong maraming kaayusan upang makapagtipid at maragdagan ang ating kita, ang pinakamahalaga ay yaong positibo tayo sa ating saloobin.​—Isinulat.