Paano Ko Makakamit ang Respeto ng mga Magulang Ko?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Makakamit ang Respeto ng mga Magulang Ko?
Inaasahan mong si Inay at si Itay ay magagalit. Nangako ka na hindi lalampas ang alas diyes at ikaw ay nasa bahay na, at dumating at natapos ang alas diyes. Pero paano mo malalaman na magkakaroon pala ng aksidente na pipigil sa trapik sa magkapuwa direksiyon? At talagang tatawag ka sana—sakaling may telepono sa malapit.
At sa wakas ay nakarating ka ng bahay, nininerbiyos pero nagtitiwala na ang kinabisado mong paliwanag ay pakikinggan ng iyong mga magulang. Sa halip, ikaw ay napaharap sa kanilang sunud-sunod na pagtatanong na anupa’t halos hindi mo mahabol ang iyong hininga. Ibinulalas ni Inay na ‘halos tatawagan na lamang niya ang pulisya,’ at nag-utos naman si Itay na ikaw ay ‘hindi makalalabas’ nang may isang buwan! ‘Bakit ba sila walang tiwala sa akin?’ ang tanong mo sa iyong sarili. ‘Bakit ang trato nila sa akin ay palaging isang batang munti?’
MARAMING teenager ang nagririklamo na hindi raw nila nakakamit ang respeto na inaakala nilang may karapatan silang kamtin buhat sa kanilang mga magulang. Imbis na kamtin nila ang gayong respeto, sila’y binibintangan ng kasalanan nang hindi muna inaalam ang dahilan. Imbis na bigyan ng kalayaan, sila’y kinukulong ng mga utos na dapat sundin. Ang sabi ng isang dalagita: ‘Ang tatay ko ay napakaraming iniuutos at ipinagbabawal, para bang ako’y nasa bilangguan. Ako’y nagkakaedad na at suya ako sa ganiyang trato sa akin. May mga bagay-bagay na ibig ko at inaasahan kong ibibigay sa akin ng aking mga magulang pagsapit ko sa ganitong yugto ng buhay. Ibig kong ako’y unawain nila, tratuhin na isang ganap na tao.’
Marahil ikaw man ay may nais na ang kaugnayan mo sa iyong mga magulang ay mapasa-kalagayan na kung saan nagkakaunawaan kayong pare-pareho, nagbibigayan at gumagalang sa isa’t-isa. Papaano ba nagagawa ito?
Nagbabagong mga Pagkilala, Nagbabagong mga Paraan ng Pakikitungo
Ganito ang puna ng manunulat na si Andrea Eagan: “Pagsapit mo sa panahon na isa kang teenager, ikaw at ang iyong mga magulang ay may isang mahaba at masalimuot na ugnayan sa pagitan ninyo, at ikaw ay nakapagpaunlad ng mga paraan ng pakikitungo ninyo sa isa’t-isa na baka mahirap na sirain.” Kaya’t kapag kung minsan ikaw ay tinrato ng iyong mga magulang na para kang isang munting bata,
tandaan na talaga naman na isa kang bata noon. Ang pagkakilala sa iyo ng iyong mga magulang bilang isang kaibig-ibig at walang malay na sanggol ay sariwa pa sa kanilang guniguni at hindi nila agad-agad makakalimutan. At hindi rin naman madali sa kanila na baguhin ang kanilang matagal nang mga paraan ng pakikitungo sa iyo. Marahil ay sariwa pa sa kanilang kaisipan ang malabatang kapilyuhan na kinaugalian mong gawin.Kung ang iyong mga magulang ay nagagalit dahilan sa labis-labis na nagpagabi ka na naman, tanungin ang iyong sarili: ‘Ako ba’y napagabi na noon nang wala akong makatuwirang dahilan? Gaanong kadalas?’ ‘Nagkaroon na ba ng mga panahon na nagsinungaling ako sa aking mga magulang?’ May mga kabataan na ‘umaani ng kanilang itinanim.’ (Galacia 6:7) Pagka may bumangon na mga problema, nakasanayan na ng kanilang mga magulang na agad manghinuha ng kung anu-ano.
Sa kabutihang-palad ay maaari mong mabago ang pagkakilala sa iyo ng iyong mga magulang. Isang binata na nagngangalang Timoteo ang pinagsabihan minsan: “Huwag mong hayaang hamakin ng sinuman ang iyong kabataan. Bagkus, maging isang halimbawa ka sa mga tapat sa pagsasalita, sa pamumuhay, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisang-puri.” (1 Timoteo 4:12) Ang idinidiin nito ay na maaaring kamtin ng kabataan ang respeto o paggalang ng iba. Ano ang mga ilang paraan na sa pamamagitan niyaon ay magagawa mo ito?
“Mga Nakangangang Sira”
Sa tanyag na gintong tuntunin ay sinabi ni Jesu-Kristo: “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila.” (Mateo 7:12) Kaya’t kung ibig mong tratuhin ka ng iyong mga magulang nang may paggalang, tratuhin mo sila nang may paggalang din.
Baka hindi laging madaling gawin ito. Nang isa ka lamang munting bata, ang tingin mo sa iyong mga magulang ay pagkadunung-dunong nila at alam nila ang lahat. “Pagkatapos, biglang-bigla na halos nakahihilo,” ang sabi ng manunulat na si Mike Edelhart, “sa ating pagtuntong sa pagkakaedad ay nababago ang ating pagkakilala, at ang ating mga magulang ay lumalabas na lamang na mga tao, isang lalaki at isang babae na may mga nakangangang sira sa kanilang mga pagkatao, may isang katerbang pagkasiphayo, kabiguan, kawalang-kasiguruhan.” Humigit-kumulang, ganiyan ang tingin niya sa bagay na iyan. Subali’t totoo naman na, pagka nag-isip ka ng tungkol sa mga kahinaan ng iyong mga magulang, baka ang mga ito ay lalo mo pang palakihin sa iyong isip.
May mga kabataan na ang tingin sa kanilang mga magulang ay mga “kontra-bida” (‘Bale-wala sa kanila ang sinuman kundi sarili lang nila ang inisip nila!’) Ang sinasabi naman ng iba ay na sa papaanuman daw kanilang “napagkalakhan” na ang mga ito (‘Hindi alam ng aking mga magulang kung ano ang nangyayari!’) Mayroong iba na ang kawalang-galang ay humantong na sa pagsagut-sagot sa mga magulang. Ang isang kabataan na kumikilos nang ganito ay hindi lamang nagpapalayo
sa kaniyang mga magulang kundi lalo lamang niyang ibinibilad ang kaniyang sariling kamusmusan. Sa pagkilos na gaya ng isang bata, tiyak na siya’y tatratuhin na katulad ng isang bata.Datapuwa’t, si apostol Pablo ay nagsabi minsan ng kaniyang nagugunita pang ganito: “Bukod dito, tayo’y nagkaroon ng mga ama na ating sariling laman upang tayo’y lapatan ng disiplina, at sila’y ating iginagalang.” (Hebreo 12:9) Ang mga magulang ng mga sinaunang Kristiyanong ito ay katulad din ng iyong mga magulang na nagkakamali at hindi lahat ay alam. Nagpatuloy pa si Pablo (sa Heb 12 talatang 10): “Ang ating mga ama sa laman . . . ay walang maaaring gawin kundi yaon lamang inaakala nilang pinakamagaling.”—The Jerusalem Bible.
Kung minsan ang mga taong ito ay nagkamali rin sa kanilang paghatol. Gayunman ay karapat-dapat pa rin silang igalang ng kanilang mga anak. Ganoon din ang iyong mga magulang. Oo, siguradong may mga pagkakamali sila, subali’t tandaan mo, ikaw man ay mayroon ding mga ilang “nakatungangang sira” sa iyong pagkatao. Sikapin mong lumagay sa lugar nila kung tungkol sa pagtingin sa mga kahinaan at igalang mo sila gaya rin kung paanong ibig mong igalang ka.
Mga Hindi Pagkakaunawaan
Ang isa pang pagkakataon upang kamtin ang paggalang ay kapag may nangyaring mga di-pagkakaunawaan. Ipagpalagay natin na tayo’y may dalawang magulang na parehong nagagalit. Kung ikaw ay magagalit pa rin ay lalo lamang lulubha ang galit na iyon. Alalahanin mo kung paano hinarap ni Jesus ang gayong kalagayan nang mapaharap ang kaniyang mga magulang sa katulad na suliranin. Sa di-sinasadya’y nakaalis sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus nang hindi napapansin na hindi pala nila kasama siya, kaya’t tatlong araw din na naghalughog sila kung saan-saan sa paghahanap sa kaniya. Nang kanilang matagpuan siya sa templo, na inosenteng nakikipag-usap sa mga ilang guro tungkol sa Salita ng Diyos, gayunman ay nagsalita rin sa kaniya ang kaniyang mga magulang. Subali’t si Jesus ba ay bigla na lamang nag-alsa-boses, nag-iiyak, o ipinagsigawan na sila’y walang katuwiran na paratangan siya ng masamang motibo? Narito ang kaniyang mahinahong sagot: “Bakit kailangan pa ninyong hanapin ako? Hindi ba ninyo alam na ako’y kailangang nasa bahay ng aking Ama?” (Lucas 2:41-49) Tiyak na ang mga magulang ni Jesus ay humanga sa nakita nila kay Jesus na pagkamaygulang nang pagkakataong iyon. At wala nang nasasabi pa na naulit ang gayong pangyayari.
“Ang sagot, pagka mahinahon,” ay hindi lamang “nagpapalayo ng galit” kundi tutulong din na kamtin mo ang paggalang ng iyong mga magulang.—Kawikaan 15:1.
Mga Utos at mga Bawal
Hangga’t hindi mo nakakamit ang pagtitiwala sa iyo ng iyong mga magulang, malamang na sila’y magbibigay sa iyo ng mga ilang pagbabawal. Ang pagtugon mo sa kanilang mga hinihiling ay may malaking magagawa sa kung ang mga pagbabawal na ito ay luluwagan o hihigpitan pa sa bandang huli. Halimbawa, may mga kabataan na lantarang sumusuway sa kanilang mga magulang o kaya’y lihim na di sumusunod sa mga ito. Subali’t ganito ang paalaala ng mga autor ng aklat na Options: “Ang pagbubulaan sa kanila gayong ibig mong magtiwala sila sa iyo ay gaya lamang ng pagnanakaw upang patunayan na ikaw ay hindi nagnanakaw. Pagka nahuli ka nila, malamang na lalo ka nilang higpitan, sa gayong ginawa mo.” Subukin mong gamitin ang isang mas maygulang na pamamaraan. Kung ibig mong payagan kang makauwi nang medyo gabi na, huwag kang humiling ng “mga
kahilingang” tulad ng sa bata, o huwag mong ungut-ungutan sila at sabihing “lahat naman ng mga ibang kaedad mo ay nakauuwi nang gabi na.” Ang sabi ng manunulat na si Andrea Eagan: “Kasali ang mga ilang bagay sa pagiging makatuwiran sa pakikitungo sa iyong mga magulang. Ang isa’y ang pagsasabi sa kanila ng pinakamaraming masasabi mo tungkol sa kung ano nga ang ibig mong gawin, upang maunawaan nilang talaga ang situwasyon. . . . Kung sasabihin mo sa kanila ang lahat ng ibig mong gawin at sino ang mga kasama mo at kung bakit mahalaga sa iyo na lumabas at umuwi nang medyo gabi na . . . baka agad silang umoo.”O kung ibig ng iyong mga magulang na isa-isahing suriin at sila ang pumili ng kung sino ang dapat mong makasama—na dapat naman—huwag kang magngunguyngoy na parang bata. Ganito ang rekomendasyon ng magasing Seventeen: “Manakanaka ay magsama ka sa inyo ng iyong mga kaibigan, upang pagka sinabi mong manonood ka ng sine kasama ni Bill, walang dahilan ang tatay mong nasa kabilang kuwarto ay mag-alsa-boses ng ‘Bill? Sino bang Bill?’” At kahit na kung inaakala mong di-makatuwiran ang kahilingan ng iyong mga magulang, huwag kang maghihimagsik. Makipag-usap ka sa kanila tungkol doon.
Marahil ay hindi madali ito. Kaya’t magtimpi ka ng iyong damdamin. Ang sabi ng Kawikaan 29:11: “Inihihinga ng mangmang ang buong galit niya, nguni’t ang pantas ay nagpipigil hanggang sa wakas.” Sabihin mong tiyakan sa iyong mga magulang na sila’y mahal mo at pinahahalagahan mo ang kanilang pagmamalasakit sa iyo. Ipaliwanag mo na ibig mong ikaw ay lumaki na isang responsableng tao, at ipakipag-usap mo sa kanila nang tahasan ang mga bagay na inaakala mong tutulong sa iyo sa bagay na ito.
Pagkatapos na mapakinggan nila ang ibig mong sabihin, ang iyong mga magulang ay baka—o baka hindi—gumawa ng pagbabago sa kanilang paninindigan tungkol sa kanilang hinihiling sa iyo. Subali’t anuman dito ang magalingin nila, kanilang nasaksihan na ang maygulang na kaisipan mo sa pakikitungo sa mga bagay-bagay. At pagkalipas ng mga ilang panahon, samantalang kanilang nasasaksihan ang iyong pagka responsable, ang pagkakilala nila sa iyo bilang isang batang musmos ay unti-unting mapaparam, at kanilang mamalasin ka sa isang lubusang bagong paraan—may isang bagong-tuklas na respeto.
[Blurb sa pahina 19]
“Ang pagbubulaan sa [iyong mga magulang] gayong ibig mong magtiwala sila sa iyo ay gaya lamang ng pagnanakaw upang patunayan na ikaw ay hindi nagnanakaw”