Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Mga Nasawi sa mga Kapahamakan

● “Ang nasasawi sa mga likas na calamidad sa buong daigdig​—baha, tagtuyot, bagyo at pagsabog ng bulkan​—ay dumarami,” ang pag-uulat ng The New York Times. Isang pag-aaral na taguyod ng Red Cross sa Sweden ang nagsiwalat na ang gayong likas na mga calamidad ay sumulong ang dami hanggang 50 porciento noong mga taon ng 1970, kung ihahambing sa nauna rito na sampung taon, samantalang ang tinatayang dami ng nangamatay sa mga calamidad na iyan ay sumulong nang makalimang beses​—umabot sa 114,000 bawa’t taon. Ang walang patumanggang paggamit sa lupa na anupa’t “nawawalang-kakayahan ang lupa na bumagay sa sukdulang pagbabago ng klima” at ang karalitaan, na humihila sa “parami nang paraming mga tao na manirahan sa mga lugar na malimit datnan ng gayong mga calamidad,” ang sinasabi na dahilan nito. At kapuwa ito pinalulubha ng mabilis na paglago ng populasyon.

“Noong promedyong taon ng 1970’s” ang sabi ng Times, “ang mga calamidad ang sanhi ng mga kaabalahan, kadalasa’y magastos at nagdudulot-kapighatian, sa buhay ng 44 na milyong katao.” Sang-ayon sa mga eksperto ay nabawasan daw sana ang pinsalang dulot ng mga calamidad kung gumawa ng mga hakbang upang mahadlangan ang mga ito, nguni’t ang mga ito’y hindi binigyan ng unang-unang atensiyon. Ang mga baha at mga tagtuyot ang dahilan kung kaya ang 1983 “ang taon na may pinakamaraming calamidad,” ayon sa isang opisyal.

Mga Labi-labihan na Nakamamatay

● “Sa katamtaman ay humigit-kumulang 10 porciento ng lahat ng bomba’t balang ginagamit sa ano mang digmaan ay hindi pumuputok,” ang banggit ni Arthur Westing ng Stockholm International Peace Research Institute sa lathalaing Ambio ng Sweden. “Ang mga labi-labihang ito ng giyera’ ay nagsisilbing isang panganib sa buhay kahit na matagal nang natapos ang giyera.” Binanggit na halimbawa yaong mga 13,000 bomba na hindi sumabog noong Digmaang Pandaigdig II at nabawi ng mga Pranses na inatasang tumipon niyaon noong 1978, at tinatayang mayroong 23 milyong bala ng kanyon at 2 milyong bomba ang naiwan ng Estados Unidos sa Indochina. Sa mga naging biktima ng mga labi-labihang ito pagkatapos ng giyera ay kasali ang mga barkong sibilyan at ang mga batang naglalaro sa mga bukid. Hinihiling ni Westing sa mga nagdidisenyo ng armas na ang gawin nila’y “yaong lalong maaasahang mga fuses at ang katumbas ng mga bombang biodegradable​—yaong mga nagkakalas ng sarili nila pagka lumampas na sa panahon,” ang sabi ng Science News.

Ibabalik ang Pader

● Ang Great Wall (Dakilang Pader), na malaon nang itinuturing na simbolo ng bansang Intsik at isang pambansang mana, ay gibang-giba na ang maraming bahagi. Nang isang surbey ang gawin buhat sa itaas sa Great Wall na nasa hilaga ng Peking natuklasan na isang kaanim lamang na bahagi nito ang buo pa, at dalawang katlo ang halos gibang-giba na. Ngayon ay sinisikap na maitindig uli ito. “Ang mga magsasaka sa labas ng Peking ay hinihilingan na isauli ang ano mang parte ng Great Wall na hinakot nila upang gamitin sa pagtatayo ng mga bahay at mga kulungan ng baboy,” ang pag-uulat ng The New York Times. Para sila maganyak na gawin iyon, ang mga maykapangyarihan ay nangako na bibigyan nila ang mga magsasaka ng panghaliling mga materyales sa pagtatayo. Ang unang pinagsisikapang maisauli ay yaong bahagi ng pader na nasa Badaling, isang seksiyon na 50 milya (80 km) sa gawing hilaga ng Peking. Inaasahan na makakalikom ng sapat na pondo upang mapalawak ang pagkukumpuni sa mga iba pang parte nitong mahigit na 1,500-milyang (2,400-km) linderong ito. Ang Great Wall, na dinadalaw ng mga turista ngayon, ay sinasabing itinayo noong ika-16 na siglo ng dinastiyang Ming, sang-ayon sa isang mapaniniwalaang autoridad.

Pangangalakal ng Dugo

● Ang dugo ay isang “materyales na hilaw sa industriya” na gaya ng karbon, inambato o langis, ang sabi ng siyentipikong magasing Aleman na Bild der Wissenschaft. Sino ba ang numero uno sa daigdig na mamimili ng dugo? Ang Federal Republic of Germany, na may pinakamalaking kunsumo por katao ng mga medical compounds na may sangkap na dugo, ang sabi ng magasin. Subali’t may panganib ang pandaigdig na pangangalakal ng dugo. Ang dugo na kinukumersiyo ay kalimitan isang tagapagdala ng mikrobyo​—lalo na yaong hepatitis-A virus. May pagkabahala rin ang iba tungkol sa “mga katayuan sa lipunan ng mga Amerikanong pinagkukunan ng dugo.”

Nagpapahamak na Turismo

● Sa loob nang marami nang taon, ang mga turista ay napapamulagat sa buháy na buháy na mga ipinintang larawan sa pagkalalaking libingang bato sa mga kuwebang pinaglibingan sa mga Faraon malapit sa Luxor sa Ehipto. “Ang mga ipinintang larawan sa mga libingang iyan,” ang sabi ng isang artikulo sa Frankfurter Allgemeine, “ay tumagal nang tatlumpong siglo na nasa mabuting kalagayan. Ngayon ay baka mawala na ang mga iyan pagkatapos ng ilan na lamang taon​—ang sabi ng mga eksperto ay nasa pagitan daw ng sampu at tatlumpong taon.” Bakit? Sapagka’t ang mga libingang iyon, na tumagal dahilan sa mainit na klima ng disyerto sa Ehipto, ay nanganganib dahilan sa matinding halumigmig na likha ng hininga at pawis ng libu-libong turista, at dahilan sa mabibigat na bus na sinasakyan ng mga turista ay nagkaroon ng mga lamat ang mga pader ng libingan. Sinipi ng World Press Review ang sinabi ng pahayagan na: “Walang industriya ang Luxor, halos lahat ng 120,000 mga mamamayan nito ay sa turismo nabubuhay. Sila’y mas marami kaysa mga nagsisikap na iligtas ang mga libingan. Nguni’t sino ang pupunta pa rito sa loob ng dalawampung taon kung wala na ang mga ipinintang larawan?”

Ginagamit ang Inunan

● “Ang inunan na nanggagaling sa tao ay makikitang ginagamit na ngayon sa ‘protein-rich’ na mga cream sa mukha, sa lotion para sa katawan at sa mga shampoo,” ang sabi ng Parade Magazine. “Ito’y ginagamit sa paggamot sa rheumatoid arthritis, sa mga singaw sa balat ng katawan, at maging sa mga diperensiya sa mata at sa panganganak,” at ito’y ginagamit sa mga ilang gamot na iniinom o pampahid o kaya’y ipinambabakuna. Dati ang inunan, na mga isang libra ang bigat, ay itatapon lamang ng mga ospital. Ngayon ay kadalasan ipinagbibili ito sa mga laboratoryong nangangailangan nito, sa halagang 50 hanggang 75 cents (U.S.) ang bawa’t isa, para kunin dito ang taglay na mga ensima (proteina) o mga hormon. “Ang inunan ay mayroon ngayong mga 135 gamit sa siyensiya ng medisina,” ang sabi ng Parade.

Mga Kemikal na Hindi Pa Nasusubok

● “Ang maraming mga kemikal na ginagamit sa komersiyal na mga produkto, mga pagkain, cosmetics, pesticides at mga gamot, ay walang taglay na sapat na impormasyon o kaya’y tuluyang wala nito upang ipakilala kung baga ito’y nakalalason,” ang pag-uulat ng The New York Times. “At lalong kulang ang impormasyon tungkol sa kung hanggang saan na ang pagkahantad dito ng mga tao.” Ang mga natuklasang ito, na resulta ng tatlong-taóng pag-aaral na ginawa ng mahigit na 30 eksperto, ay nagpakita na kapos ng datos upang pagbantayan sa paggawa ng kahit na bahagyang panghihinuha tungkol sa nagiging epekto sa kalusugan ng mahigit na 60 porciento ng mga kemikal o ingrediente na ginagamit. Marami rito ang maliwanag na hindi pa nasusubok kailanman. “Ang report na ito ay hindi nagpapatunay na naghaharap ang mga ito ng panganib sa kalusugan,” ang sabi ng toxicologong si John Doull, na pangulo ng komite na nag-aral tungkol sa mga kemikal. “Nguni’t nakatatakot ang mga resulta. Baka pagmulan ito ng mga ilang malulubhang problema sa kalusugan, na lubusang hindi inaasahan at lihim. . . . Lubhang nakababalisa itong kakulangang ito ng gayong datos.”

Mabisang Tagapatay ng Lamok

● May paniwala ang mga siyentipiko na sila’y nakapagpaunlad na ng “isang bagong pamatay ng laksa-laksang [mga lamok] sa loob ng ilang minuto,” ang pag-uulat ng San Francisco Chronicle. Ito’y isang larvicide, hindi isang deribatibang kemikal, na “hindi carcinogenic ni nakapipinsala man sa nakapalibot na mga halaman at mga hayop,” ang sabi ng report. Hanggang sa kasalukuyan ay waring ito’y “lason lamang sa inakay ng lamok at sa ilan pang mga ibang peste.” Sang-ayon sa mga entomologo ay “labis na epektibo” ito.

Mag-ingat sa Detergent

● Ang mga plato na hindi binabanglawan pagkatapos na hugasan ng detergent ay pinaghihinalaan na maaaring puminsala sa kalusugan. Gaya ng iniulat sa The Daily Telegraph, isang grupo ng mga mananaliksik sa University College Hospital, London, ang nag-eksperimento sa mga daga at natuklasan na “ang mga selulang nasa tiyan at sa bituka ay napinsala, nagkaroon ng ulser at ang dingding ng dalawang sangkap na iyan ay numipis at naaninag ang loob nang ang kanilang iniinom na tubig ay haluan ng detergent na tinunaw sa tubig. Bagaman hindi natiyak kung ang katikatiting na detergent na naiiwanan sa mga plato at mga kagamitan sa pagkain ay may ganoon ding epekto sa mga tao, ang mga mananaliksik ay nagbigay-babala tungkol sa posibilidad niyaon​—lalo na kung para sa mga sanggol. Nangangamba sila na dahil sa mga boteng may detergent pa dahil sa hindi nabanglawang mabuti ay baka mapakain ang mga sanggol ng sapat na dami niyaon na makapipinsala sa kanila.

Kapinsalaan sa Utak

● Ang ebidensiya ng kapinsalaan ng utak sa amateur at propesyonal ng mga boksingero ay “walang duda,” ang sabi ng British Medical Association. Ang mga doktor na gumagamit ng X-ray scanning ay nakakamanman ng pinsala sa utak kahit na bago pa ang mga boksingero’y makitaan ng mga palatandaan ng malabong pagsasalita, pasuray-suray na mga pagkilos o pagkawala ng memorya. Sinasabi ng report ng asosasyon na ang pinsalang likha ng paulit-ulit na pagkasuntok sa ulo ay nagkakapatung-patong at hindi na maiuuli pa at nagmumungkahi na ang mga boksingero’y dapat hilingan na lumagda sa isang porma na kasunduan ng pagsang-ayon gaya niyaong ibinibigay sa mga pasyente bago sila uperahan sa utak. Bagaman ang bagong pananaliksik na ito ay malamang na pumukaw ng pagsisikap na ipagbawal ang boksing, may paniwala naman ang iba, gaya ng pagkasabi ng isang editor ng The Times ng London na “kung gusto ng mga tao na pinsalain ang kanilang utak hindi tungkulin ng estado na manghimasok.”