Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kasaysayan ng Relihiyosong Di-pagkakaisa ng Britaniya

Ang Kasaysayan ng Relihiyosong Di-pagkakaisa ng Britaniya

Ang Kasaysayan ng Relihiyosong Di-pagkakaisa ng Britaniya

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Britaniya

Sa loob ng maraming taon pinag-uusapan ng relihiyosong mga pangkat sa Britaniya ang pagkakaisa. Hindi iminumungkahi na ang sinuman sa kanila ay mapawi kundi na magkaroon ng “pagkakaisa, nang hindi isinusuko ang kanilang kapamahalaan.” Kikilalanin ng bawat isa ang natatanging pamamaraan ng pagsamba at serbisyo ng iba. Kamakailan ay nagkaroon ng dalawang gayong ekumenikal na mga pagsisikap: ang isa ay sa pagitan ng Church of England at ng Iglesya Katolika Romana; at ang isa pa ay sa pagitan ng Church of England at ng ilang Malaya, o Hindi Sang-ayon, na mga Iglesya. Ang sumusunod na dalawang artikulo ay tutulong sa pagsusuri kung anong mga probabilidad mayroon para sa relihiyosong pagkakaisa sa Britaniya.

ANG relihiyosong di-pagkakaisa sa Britaniya ay maliwanag na mula pa noong unang mga panahon. Walang nakakaalam kung papaano, noong ikalawang siglo, ang Kristiyanismo ay nakarating sa Britaniya. Nang maglaon, nagkaroon ng dalawang magkaibang iglesya​—ang Celtic, na independiyente, at ang Romano, sa ilalim ng pamamahala ng papa.

Sa loob ng ilang mga siglo ay walang malubhang banggaan, pangunahin nang dahilan sa ang dalawang mga iglesya ay nakatuon sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Gayunman, noong ikapitong siglo ang kanilang mga gawaing misyonero ay nagdala sa kanila sa pagkakabanggaan. Ang kanilang di-pagkakaunawaan ay tungkol sa mga detalye sa seremonya, ang petsa ng Pasko ng Pagkabuhay, at gaya nito, sa halip na tungkol sa doktrina.

Noong 663 C.E. inanyayahan ng Hari ng Northumbria ang magkabilang panig sa Konsilyo ng Whitby, kung saan siya ang tagapamanihala. Bagaman siya mismo ay may paniniwalang Celtic, siya ay pumanig sa Roma, at ang Konsilyo ay sumang-ayon. Bunga nito, ang impluwensiya ng Celtic sa relihiyon ay agad na naglaho sa karamihan sa Britaniya. Ang Roma ay nagtagumpay. Sa loob halos ng 900 mga taon siya ang nanatiling pangunahing iglesya, patuloy na pinalalakas ang kaniyang relihiyosong pamamahala gayundin ang kaniyang pulitikal na impluwensiya. Ang kaniyang lumalabis na kapalaluan ay naghasik ng matinding poot sa mga pinuno at kawalang-kasiyahan sa gitna ng mga tao.

Ang Paghiwalay sa Roma

Ang Simbahan/Estado na pagkakapootan ay umabot sa sukdulan noong ika-16 na siglo sa panahon ng paghahari ni Henry VIII. Si Catherine ng Aragon ay hindi nagbigay ng anak na lalaki na tagapagmana, kaya nais siyang diborsiyuhin ni Henry VIII at pakasalan si Anne Boleyn. Ang papa ay tumanggi na buwagin ang pag-aasawa sa pamamagitan ng pantanging dispensasyon, bagaman pangkaraniwang gawain ito nang panahong iyon. Maliwanag sa kasong ito na pulitikal na mga salik ang dahilan ng pagtanggi ng papa. Pagkatapos pinapangyari ni Henry na isabatas ng Parlamento ang isang serye ng mga batas na pumuputol sa lahat ng kaugnayan sa Roma at ginawa siyang kataas-taasang pinuno ng iglesya sa Inglatera. Kaya, noong 1534, ang iglesya sa Inglatera ay naging independiyente.

Pagkamatay ni Henry ang kaniyang siyam-na-taóng-gulang na anak, si Edward, ay naging hari. Isang konsilyo ng mga gobernador ang inatasan na mamahala hanggang siya ay sumapit sa sapat na gulang. Ito ay isang bumabagong lupon, disididong alisin ang pagsamba sa diyus-diyusan at pamahiin mula sa relihiyosong pagsamba. Subalit si Edward ay namatay pagkaraan ng anim na taon, at hinalinhan ni Mary, ang anak ni Henry sa kaniyang unang asawa. Bilang isang debotadong Romano Katoliko, disidido si Mary na ibalik ang Church of England sa sinapupunan ng Roma. Noong 1554 ang anti-Romang mga batas ay pinawalang-bisa. Ang ganap na kumonyon o pakikipag-ugnayan sa Roma ay naibalik pagkalipas ng isang taon. Pagkatapos sumunod ang malupit na pag-uusig sa hindi nagsisising mga Protestante, mga 300 sa kanila ang sinunog sa kamatayan sa tulos.

Gayunman, si Mary ay nagpuno lamang ng limang taon. Hinalinhan siya sa trono ng kapatid niya sa ama na si Elizabeth, at si Elizabeth ay determinadong sundin ang mga hakbang ni Henry VIII, ang kaniyang ama. Sa loob ng isang taon, dalawang mga Batas na pinawalang-saysay noong pamumuno ni Mary ay muling isinabatas sa Parlamento. Ang papa ay gumanti sa pamamagitan ng pagtitiwalag kay Elizabeth. Pagkatapos ay sinubok ng papa na lusubin ang Britaniya, sa pagtataguyod ng Spanish Armada, subalit ito ay lubhang nabigo. Lahat ng ito, mangyari pa, ay nagdala ng malupit na pag-uusig sa mga laban sa Protestante, gaya ng mga Katolikong tumangging dumalo sa mga serbisyong Anglicano. Mga 250 sa kanila ang pinatay.

Panloob na mga Pagkakabaha-bahagi

Minsan pa ang Church of England ay napalaya mula sa Roma subalit hindi napalaya sa kaguluhan. Lumitaw ang panloob na pagkakabaha-bahagi. Sa kabilang panig ang mga Anglicano, o ang Mataas na Eclesiastico, ay nagnanais na manghawakan sa Romanong mga ritwal, na nananatiling hindi nagbabago sa kabila ng paghiwalay sa Roma. Sa kabilang dako, itinuring ng mga Puritan, o Mababang Eclesiastico, ang gayong mga ritwal na mapamahiin, hindi maka-Kasulatan, at idolatroso. Kabilang sa mga Puritan yaong ang biglang pagbabago ay napakatindi anupa’t iniwan nila ang kanilang mga tahanan at naglakbay tungo sa “Bagong Daigdig.” Ang una sa kanila ay lumisan sakay ng Mayflower noong Setyembre 16, 1620.

Noong 1642 sumiklab ang tatlong taon na giyera sibil. Binuwag ni Charles I, nag-aangking namumuno sa pamamagitan ng karapatan mula sa Diyos, ang Parlamento at awtokratikong namuno. Itinaguyod siya ng mga Anglicano. Sa kabilang panig ang Parlamento at ang mga Puritan, ay matagumpay na pinangunahan ni Oliver Cromwell. Noong 1649 kanilang pinugutan ng ulo si Charles, at ang bansa ay naging isang mankumunidad (commonwealth) sa pangunguna ng isang tagapagtanggol. Sa sumunod na sampung taon, pinawalang-saysay ng Parlamento ang Church of England at pinalitan ang Anglicanong anyo ng pagsamba ng mahigpit na Calvinistic Presbyterian na istilo. Ang mga simbahan at mga monasteryong nanatili pagkatapos ng digmaan ay alin sa isinará o winasak.

Ipinagbawal ni Cromwell ang Anglicano at Romanong mga ritwal gayunman ay ipinahintulot ang kalayaan ng pagsamba. Sa gayon bumangon ang maraming mga sekta, ang karamihan ay bumangon na sandali at naglaho. Ang ilan, gayunman, ay lumago tungo sa makabagong panahong relihiyosong mga pangkat, kabilang sa mga ito ang mga Baptist, ang mga Quaker, at ang mga Congregationalist. Pagkatapos, noong 1738, itinatag ni John Wesley ang Methodismo.

Hindi nagtagal ang mga Puritan at ang kanilang presbiteryanismo ay nawalan ng pabor sa mga tao, na nagsawa sa kanilang mahigpit na anyo ng pagsamba. Kaya noong 1660, mga ilang taon pagkaraang mamatay ni Cromwell, si Charles II ay inanyayahang bumalik mula sa pagpapatapon upang maghari. Siya at ang mga Anglicano ay maingat subalit positibong kumilos at sa loob ng dalawang taon ay nahikayat ang Parlamento na muling itatag ang Church of England. Sa wakas, noong 1829, ang ganap na mga karapatang sibil ay muling ibinalik sa mga Romano Katoliko.

Sa gayon, ang halos tatlong siglo mula 1534 hanggang 1829 ay magulong yugto ng relihiyosong paglalaban at pagkakabaha-bahagi sa Britaniya. Isa itong panahon ng pagkakabaha-bahagi, yamang iba’t ibang relihiyosong mga pangkat ang naitatag. Ang sumunod na dalawang siglo hanggang sa kasalukuyan ay waring tahimik yamang ang bawat iglesya ay nagkaniya-kaniyang lakad. Gayunman, nagkaroon ng seryosong usapan tungkol sa pagsasama-samang muli nitong ika-20 siglo. Ano ang nangyari?

[Mga larawan sa pahina 15]

Mga Protestante

Henry VIII 1509-1547 a

Elizabeth I 1558-1603

Oliver Cromwell 1653-1658

Mga Katoliko

Mary I 1553-1558

Charles I 1625-1649

Charles II 1660-1685

[Talababa]

a Petsa ng Pamumuno