Anong Masama sa Pagiging ‘Magkaibigan Lamang’?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Anong Masama sa Pagiging ‘Magkaibigan Lamang’?
“GAANO kahalaga sa palagay mo ang pagkakaroon ng isang kapalagayang-loob na hindi mo kasekso?” Iyan ang tanong na ibinangon noon sa ilang mga kabataang Kristiyano. Bilang tugon sabi ng isang tin-edyer na babae: ‘Napakahalaga nito sa akin. Kung minsan kapag ikaw ay nanlulumo, ang kinakailangan mo lamang ay isa na mahihingahan mo ng iyong problema.’
Ang tunay na pagkakaibigan ay isang kamangha-manghang regalo. Subalit ipinakikita ng naunang labas ng aming magasing ito na kapag ang mga kabataan ay humahanap ng malapit na pagkakaibigan sa mga hindi kasekso, isinusubo nila ang kanilang sarili sa posibleng samâ ng loob at pagdadalamhati. Higit pa riyan, kung ano ang sa simula’y para bang walang malay na pagkakaibigan ay kadalasang nauuwi sa sakuna—sa pisikal, mental, at emosyonal na paraan.
Kung Bakit Ito Isang Mapanganib na Bagay
“Saan ka man magtungo,” sabi ng isang kabataang lalaki na nagngangalang Hilton, “ang mga tao ay nag-uusap tungkol sa [sekso]. Ito ang usapan sa trabaho at paaralan. Itinataguyod ng telebisyon ang sekso.” Dahilan sa labis na pagdiriin ngayon sa sekso, hindi kataka-taka na higit at higit na mga kabataan ang napadadaig sa “masasamang pita ng kabataan.” (2 Timoteo 2:22) Tinataya ng isang pag-aaral na ginawa ng The Alan Guttmacher Institute na “mga 12 milyon sa 29 na milyong mga kabataan [sa Estados Unidos] sa pagitan ng edad na 13 at 19 ang nakaranas na ng seksuwal na pagtatalik . . . Halos kalahati ng 15-17-taóng-gulang na mga lalaki at sangkatlo ng mga kabataang babae ang aktibo sa seksuwal na paraan.”
Dahil dito, ang malapit na pakikisama sa isa na hindi kasekso ay isang mapanganib na bagay! Totoo, ang lalaki’t babae sa simula ay maaaring maakit sa isa’t-isa dahilan sa personalidad o magkatulad na mga interes. Subalit ang patuloy na pagsasama ng lalaki’t babae ay halos di naiiwasang nauuwi sa ilang pisikal na pakikitungo. Naalaala ng isang kabataang nagngangalang Rachelle kung ano ang nangyari sa pagitan niya at ng isang lalaki sa paaralan: “Nagsimula ito sa pagkakaibigan lamang. Pagkatapos ito ay naging higit pa sa kaugnayan ng magkaibigan. Sa dakong huli kami ay naghahawakan ng kamay, nag-aakbayan, naglalakad na magkasama patungo sa klase. Sa wakas, kami’y naghalikan.”
Ugnay-ugnay na Reaksiyon
‘Subalit ano ang masamâ riyan?’ maitatanong mo. Bueno, kapag ang dalawang tao na hindi magkasekso ay naghihipuan, kadalasan nang napupukaw ang malakas na mga pagnanasa sa sekso. At kung mangyari iyan, isang sunud-sunod na mga pangyayari—isang ugnay-ugnay na reaksiyon—ang sinisimulan na maaaring humantong sa wakas sa seksuwal na pagtatalik. Tanging ang mga mag-asawa lamang ang may karapatan sa gayong mga bagay. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ng Bibliya na “magsitakas kayo sa pakikiapid.”—1 Corinto 6:18.
Gayumpaman, marami ang nag-aakala na gaya ng kabataan na nagsabi: “Hinding-hindi ito mangyayari sa akin! Ang ibang mga kabataan ay nagkakaroon ng kasiyahan, bakit ako ay hindi puede?” Totoo, maaaring hindi sadyain ng lalaki’t babae na mangyari ang gayong bagay. Subalit isaalang-alang ang isang surbey na isinagawa ng Psychology Today: “Halos kalahati ng mga tinanong (49 porsiyento) ang nagkaroon ng pagkakaibigan na nauwi sa seksuwal na kaugnayan.” Sa katunayan, “halos sangkatlo (31 porsiyento) ang nag-ulat na nakaranas ng seksuwal na pagtatalik sa isang
kaibigan noong nagdaang buwan.”—Amin ang italiko.Oo, minsang masimulan ang ugnay-ugnay na reaksiyon, marahil sa pamamagitan lamang ng paghahawakan ng kamay, napakahirap na ihinto ito. Inaamin ng isang kabataang babae na dati’y inaakala niya na “medyo nakakatawa” na sabihing ang paghahawakan ng kamay at pakikipaghalikan ay maaaring umakay sa seksuwal na imoralidad. Subalit ngayon siya ay nagbago ng kaniyang isip. Bakit? Sabi niya: “Gayon nga ang nangyari sa akin.”
Kahit na kung ang seksuwal na mga kaugnayan ay maiwasan, maaari pa rin itong magbunga ng emosyonal na pinsala kapag ang pagpapakita ng pagmamahal ay wala sa lugar. Sinikap na aliwin ng isang kabataang lalaki ang isang kaibigang babae na nagtapat sa kaniya ng ilang personal na mga problema. Hindi nagtagal sila ay nagyayakapan at naghahaplusan na. Ang resulta? Bagabag na mga budhi at “masamáng mga damdamin” sa pagitan nila.
Pagpapanatili sa Pagkakaibigan sa Loob ng mga Hangganan
Sa kaniyang aklat na The Friendship Factor, ganito ang praktikal na payo na ibinigay ni Alan Loy McGinnis pagdating sa pakikipagkaibigan sa hindi kasekso: “Huwag magtiwalang lubos sa inyong sarili.” Matalino ba para sa mga kabataan, mga binata’t dalaga na mamasyal sa tagóng mga lugar? Kung ang isang hindi kasekso ay magtapat sa iyo ng kaniyang mga problema, kinakailangan bang makiramay ka sa kaniya sa pamamagitan ng paghahawakan ng kamay? Ang Bibliya ay nagbababala: “Siyang tumitiwala sa kaniyang sariling puso ay mangmang.”—Kawikaan 28:26.
At kumusta naman ang tungkol sa pagdalaw na mag-isa sa isang hindi kasekso? Nagugunita ni Peter: “Ang mga magulang ko at ang mga magulang niya ay mabuting mga magkaibigan. Sa palagay ko’y inaasahan nila na kami ay maging ‘magkaibigan’ din. Ayos naman iyan nang kami ay mga bata pa. Subalit nang kami ay maging mga tin-edyer na, iba na ang tingin namin sa isa’t-isa. Walang kaalam-alam ang aming mga magulang na kapag kami ay sinasabihan nilang maglaro o makinig sa mga plaka, nasusumpungan namin ang aming sarili na naghahalikan at nagyayakapan.” Sa kabutihang palad, si Peter at ang kaniyang kaibigan ay hindi na lumampas pa roon. Gayunman, sabi ni Peter: “Hindi sana mangyayari iyon kung kami ay may kasama o tsaperon.”
Tsaperon? Sa ibang kabataan waring ito ay makaluma. Subalit alam mo ba na sa ibang mga bansa ang mga magulang ay laging pinasasamahan ang kanilang anak na babae ng isang tsaperon hanggang sa siya ay mag-asawa? Ito ay nagsisilbing isang proteksiyon. Samakatuwid, hindi ba isang mabuting ideya na tiyakin na ikaw ay hindi nag-iisa na kasama ng isang kabataan na hindi kasekso—kahit na kung kayo ay ‘magkaibigan lamang’?
Kawikaan 22:3: “Ang matalinong tao ay nakakakita ng kasamaan at nagkukubli.” O gaya ng pagkakasabi rito ng aklat na The Friendship Factor: “Kumalas ka kung kinakailangan. Paminsan-minsan, gaano man ang ating pagsisikap, ang pakikipagkaibigan sa hindi kasekso ay nawawala sa lugar at alam natin kung saan ito hahantong.” Kaya, gaya ng sinasabi ng aklat, panahon na upang “lumayo.”
Subalit ano naman kung, kahit na pagkatapos ikapit ang lahat ng mga payong ito, ikaw ay makadama ng pagsinta? Kung hindi ka pa handang mag-asawa, makabubuting sundin ang payo ng‘Pagpapalawak’ ng Ating mga Pagkakaibigan
Ganito ang sabi ng isang kabataang nagngangalang Gail: “Hindi pa ako handang mag-asawa at lumagay sa tahimik. Kinikilala ko pang higit ang aking sarili, at marami pa akong espirituwal na mga tunguhing aabutin. Kaya talagang hindi ko kailangang maging napakalapit sa sinuman na hindi kasekso. Malamang na ito’y maging isang hadlang kaysa isang tulong.” Subalit nangangahulugan ba ito na pinagkakaitan mo ang iyong sarili ng pakikipagkaibigan? Hindi naman, sapagkat nang sumusulat sa kongregasyon sa Corinto, pinasigla sila ni apostol Pablo na “palawakin” ang kanilang pag-ibig sa isa’t-isa.—2 Corinto 6:12, 13.
Halimbawa, isang kabataang nagngangalang Susan ay nagsabi: “Natutuhan kong magkaroon ng malapit na pakikipagkaibigan sa mas matatandang mga babaing Kristiyano sa kongregasyon. Kailangan nila ang kasama, at kailangan ko naman ang kanilang nakapagpapatibay na impluwensiya. Kaya ako ay dumadalaw. Mag-uusap kami at magtatawanan. Nagkaroon ako ng tunay, habang-buhay na pakikipagkaibigan sa kanila.”
Subalit ano naman kung kailangan mo ang isa na mapagtatapatan mo ng iyong mga problema? Iyan ang papel ng mga magulang. (Ihambing ang Kawikaan 23:26.) At bagaman ang isang matinong kabataan ay marahil maaaring makapagbigay sa iyo ng mabuting payo, alalahanin na si Job ay nagtanong, “Hindi baga nasa mga matanda ang karunungan at sa kahabaan ng mga araw ang unawa?” (Job 12:12) Oo, ang paghingi ng payo sa isang kaedad ay katulad ng ‘bulag na umaakay sa bulag.’ (Mateo 15:14) Gayunman, ang isang nakatatandang tao o magulang ay maaaring mapatunayang higit na maaasahang katapatang-loob. Bakit kailangang takdaan mo ang iyong pakikipagkaibigan sa mga kaedad? Ang isa sa pinakamagandang pagkakaibigan na napaulat ay tungkol kina David at Jonathan. (1 Samuel 18:1) Gayunman sa edad ni Jonathan maaari na siyang maging ama ni David!
Totoo, ang pag-iingat sa ating pakikipagkaibigan ay pumipigil sa ating kalayaan. Subalit tandaan na tayo ay nabubuhay sa isang panahon kung kailan ang mga kabataan ay laging nalalantad sa imoral na mga impluwensiya. Mas mabuting labanan mo ang mga impluwensiyang ito at “alalahanin, ngayon, ang iyong Dakilang Maylikha,” sapagkat ang pakikipagkaibigan sa Diyos ang pinakakasiya-siyang pakikipagkaibigan.—Eclesiastes 12:1.
[Larawan sa pahina 21]
Kung ano ang nagsisimula sa pagkakaibigan ay kadalasang nagwawakas sa nasaktang mga damdamin o seksuwal na imoralidad
[Larawan sa pahina 22]
Ang nakatatandang mga tao at mga magulang ay maaari ring magsilbing mapagkakatiwalaan at maunawaing mga kaibigan