Magkaisa Kaya ang mga Iglesya ng Britaniya?
Magkaisa Kaya ang mga Iglesya ng Britaniya?
NANG humiwalay ang Iglesya Anglicano sa Roma, siya ay isa lamang pambansang iglesya, samantalang ang Iglesya Romana ay isa nang internasyonal na iglesya. Gayunman, dinala ng lumalawak na imperyong Britano ang Church of England sa maraming bahagi ng daigdig. Sa ngayon, ang supling na mga iglesya ay masusumpungan sa mahigit na 20 mga bansa. Ang lahat ay independiyente subalit natatali sa isang inang iglesya bilang bahagi ng “Anglican Communion.” Sa gayon ang Church of England, man din, ay naging internasyonal na iglesya, isang bentaha kapag nakikipag-ayos sa Vaticano.
Hindi pa natatagalan ipinahayag ng Iglesya Katolika ang tatlong doktrina na lalo pang nagpalayo rito sa mga iglesyang Protestante. Ang mga ito ay ang Imaculada Concepcion (pagkawalang-kasalanan) ni Maria (1854), ang pagkaakyat ng katawan ni Maria sa langit (1950),
at ang doktrina ng hindi pagkakamali ng papa (1870). Mga hadlang nga sa pagkakaisa sa ibang mga relihiyon!Ang mga Pagsisikap ng Anglicano-Romano Katoliko
Noong 1966 ang Papa at ang Arsobispo ng Canterbury, na siyang kinikilalang espirituwal na pangulo ng Iglesya Anglicano, ay sumang-ayon sa pagbuo ng Anglicano-Romano Katolikong Internasyonal na Komisyon. Simula noong 1970, ito ay gumugol ng 12 mga taon sa pagsusuri sa mga suliranin na humahadlang sa pagkakaisa at pagrirekomenda ng posibleng mga solusyon. Binigyang-pansin ng Komisyon, na binubuo ng sampung mga iskolar sa bawat relihiyon, ang tatlong kontrobersiyal na mga isyu: awtoridad (kasali na ang kataas-taasang kapangyarihan at hindi pagkakamali ng papa); ang Katolikong pagsamba sa Eucharist; at ang ordinadong ministeryo.
Papaano tinanggap ng dalawang iglesya ang report ng Komisyon? Alinma’y hindi tinanggihan ito. Sa katunayan, inaasahan na
ang bawat Iglesya ay gugugol ng mga taon upang gumawa ng isang opisyal na pagtugon. Subalit isang editoryal ng Times ng London ay humula na “ang aktuwal na pagkakaisa sa pagitan ng dalawa [Roma at Canterbury] sa paanuman ay tiyak na isang salinlahi pa ang layo.” Humahadlang sa landas ang mga isyu na gaya ng kontrasepsiyon, may asawang mga klero, ang hindi pagkakamali at kapangyarihan ng papa, ang pagsamba kay Maria, at ang ordinasyon ng klerong Anglicano, na ipinahayag ni Leo XIII na “lubusang walang bisa at walang saysay” noong Unang Konsilyo ng Vaticano noong 1896.Nang dalawin ni Papa John Paul II ang Britaniya noong tag-araw ng 1982, siya at ang Arsobispo ng Canterbury ay sumang-ayon na magtatag ng isa pang internasyonal na komisyon upang pag-aralan pang higit ang posibilidad ng pagkakaisa.
Mga Pagsisikap ng Anglicano at Malayang Iglesya
Samantala, ipinakikipag-usap din ng Church of England ang pagkakaisa sa tatlo na Malaya, o Hindi Sang-ayon, na mga Iglesya—ang Methodista, Moravian, at United Reformed. Ang United Reformed ay resulta ng pagsasama ng mga Congregationalist at Presbiteryano sa Inglatera at Wales noong 1972.
Ang malubhang mga hadlang sa pagkakaisa ay umiiral. Halimbawa, ang Church of England ay laban sa mga ministrong babae, samantalang mayroon nito ang Malayang mga Iglesya. Sa kabilang dako, hindi naiibigan ng Malayang mga Iglesya ang episkopal na kayarian ng Church of England. Gayumpaman, ang bawat isa sa Malayang mga Iglesya ay sang-ayon sa pagkakaisa. Gayunman ang Church of England, pagkatapos ipakipagtalo ang mga mungkahi noong Hulyo 1982, ay nagpasiyang huwag makipag-isa sa Malayang mga Iglesya.
Ang Malayang mga Iglesya ay lubhang nabigo. Ang kalihim ng United Reformed Church ay nagkomento, “inaakala ko na ito ang magpapangyari sa iba pang mga Iglesya na maging napakaingat sa pakikitungo sa Church of England.” Sinabi ng kalihim sa komperensiya ng mga Methodista na inaakala niyang totoong di-tiyak na anumang pakana o balak para sa pagkakaisa ay maaaring tangkain sa isang salinlahi.
Bigo rin ang mga Anglicano na masigasig sa ekumenismo. Ang pagkakaisa ay nananatiling mailap pagkalipas ng mga taon ng pagsisikap. Gayunman, ipinahayag ng iba ang mga balakid na ito bilang pagliligtas sa iglesya mula sa ekumenikal na mga pagkakasangkot na nagpapalabo sa sarili nitong misyon. Itinataguyod ang palagay na ito, ang The Economist ay nagsasabi: “Nakakaharap ngayon ng Church of England ang isang mahabang panahon upang maging abala sa kaniyang sariling misyon. . . . Ang problema sa Church of England ay kung paano paglilingkuran yaong mga nagnanais makaalam tungkol sa paniniwala nito kung ito mismo ay hindi nakatitiyak kung ano ang pinaniniwalaan nito.”
Kaya sa loob ng mga ilang buwan, dalawang mahalagang mga pagsisikap sa pagtatamo ng relihiyosong pagkakaisa sa Britaniya ay nabigo.
Mga Motibo sa Paghahanap ng Pagkakaisa
Bakit ang pagkabahala ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan na magkaisa? Sinabi ni Kardinal Hume sa isang komperensiya ng mga obispong Katoliko sa Roma na “walang alinlangan na ang pangunahing hadlang sa mabisang pangangaral ng Ebanghelyo ni Jesu-Kristo ay ang iskandalo ng di-pagkakaisa sa gitna ng kaniyang mga tagasunod. . . . Sa loob ng siglong ito lalo na, naranasan ng mga Kristiyano ang lumalagong kabiguan at pagkayamot dahilan sa pagkakabaha-bahagi sa gitna nila mismo.”
Mga ilang taon na ang nakalipas, ganito ang sinabi ng obispong Anglicano na si Charles Brent tungkol sa pangangailangan para sa relihiyosong pagkakaisa: “Waring balighô na sikaping dalhin sa Church of Christ ang malalaking bansa sa Dulong Silangan malibang tayo ay magpakita ng pagkakaisa.”
Inaakala ng iba na ang motibo sa paghahanap ng pagkakaisa ay wala rito. Si Russell Lewis ay sumulat sa Daily Mail: “Sa palagay ko ang pagsisikap ukol sa pagkakaisa ay hindi talagang popular na kilusan kundi ideya lamang ng makabagong pilíng mga obispo at nakabababang mga klero na nag-aakalang
mapapahinto nito ang pagbaba ng mga dumadalo sa simbahan. Kapuna-puna kung papaanong ang matinding pagnanais para sa pagkakaisa ay napataon sa bumababang mga pagdalo simula noong mga 1960’s sa mga simbahang Protestante at noong 1970’s sa gitna ng mga Katoliko.”Ano man ang mga motibo sa paghahanap ng pagkakaisa, ang relihiyosong di-pagkakaisa na umiral sa loob ng mga dantaon sa Britaniya ay salungat sa malinaw na payo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano: “Magkaisa kayo upang mawala sa inyo ang pagkakabaha-bahagi at upang kayo ay maging sakdal na nagkakaisa sa isip at kaisipan.”—1 Corinto 1:10, New International Version.
Ano ang Nangyayari Ngayon?
Nababatid ang tungkol sa relihiyosong di-pagkakaisa sa paligid nila at ang mga balakid na kanilang nakaharap, ang mga ekumenista ay nagpapatuloy sa kanilang nagpapalubag-loob na mga pagsisikap. Para sa kanila, ang pagkakaisa ay isang banal na pag-asa sa malayong hinaharap. Pansamantala, waring nasisiyahan na sila sa pagtutulungan at paggalang sa isa’t-isa. Ang paksa ay tungkol sa “pagkakaisa nang hindi isinusuko ang kanilang kapamahalaan” gaya ng paglalarawan dito ng pinagsamang mga tagapamanihala ng Anglicano-Romano Katoliko Internasyonal na Komisyon.
Binabanggit ang tungkol dito, sinabi ng Arsobispo ng Canterbury sa mga kinatawan ng ilang relihiyon: “Nagagalak ako sa ating pagkakaiba. Magiging malungkot na araw kung tayo ay pag-isahin tungo sa isang pagkakatulad.” Kaya ang pagkakaisa na nasa kanilang isipan sa hinaharap ay hindi tunay na pagkakaisa, hindi pagbabalik sa dalisay na Kristiyanismo noong unang siglo, hindi isang pagbabalik sa Bibliya.
Ano naman ang katayuan ng sampu-sampung libo na mga Saksi ni Jehova sa Britaniya tungkol sa isyung ito ng pagkakaisa? Nakamit nila ang kahanga-hangang pagkakasuwato at pagkakaisa hindi lamang sa Britaniya kundi sa buong lupa, sa gitna ng mga tao ng lahat ng lahi at nasyonalidad. Ang pagkakaisang ito ay hindi sinisira ng mga pag-aaway tungkol sa doktrina, gawain, o panloob na pamamahala. Hindi ito nasisira kapag ang mga bansa ay nakikipagdigma, sapagkat ang mga Saksi ni Jehova ay nananatiling lubusang neutral at iniingatan ang kanilang kapatirang Kristiyano.
Tungkol sa mga Saksi, ang Sentinel ng Milwaukee ay sumulat: “Ang kanilang pagkakaisa ay hindi lamang sa mga mumunting bagay sa buhay, kundi sa mahalagang mga bagay—mga tuntunin sa paggawi, pagsunod sa mga simulain, pagsamba sa Diyos.”
Nagkukomento sa kung paanong ang gayong pagkakaisa ay nakakamit, ganito ang sabi ng isang pahayagang Britano: “Sa bawat bagay na gawin ng isang Saksi ay ang maka-Kasulatang dahilan. Oo, ang isa sa kanilang pangunahing doktrina ay ang pagkilala sa Bibliya bilang . . . totoo.”
Inaanyayahan kayo ng mga Saksi na suriin ang katotohanan ng pahayag na ito. Sa susunod na pagdalaw nila, bakit hindi ipakipag-usap sa kanila ang tungkol dito?
[Mga larawan sa pahina 17]
Makasaysayang pagtatagpo ni Papa John Paul at ng Arsobispo ng Canterbury, si Robert Runcie noong 1982
[Pinagmulan]
UPI⁄BETTMANN NEWSPHOTOS