Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Alerdyi—Ano ang Maaaring Gawin?

Mga Alerdyi—Ano ang Maaaring Gawin?

Mga Alerdyi​—Ano ang Maaaring Gawin?

WALANG tigil ng kababahin si Joyce tuwing Agosto. Minsan ang kaniyang asawa ay nabigla at halos mamatay pagkaraang kumain ng mga alimasag. Ang isa sa kanilang mga anak na lalaki ay humuhuni kapag napapagod, at ang anak na babae ay namantal nang huling bigyan siya ng penicillin.

Sa kabutihang palad, ang pamilya ni Joyce ay hindi tipikal sa karaniwang sambahayan. Subalit isaalang-alang ang laki ng suliranin sa alerdyi sa isa lamang bansa, ang Estados Unidos. Doon, 17 porsiyento ng populasyon ay sinasabing may malubhang mga alerdyi, kumakatawan sa pinakamalaking bahagi ng talamak na mga karamdaman. Higit pa riyan, ang bilang ng mga karamdaman na narikonosi bilang mga alerdyi ay tiyak na darami pa habang ang ating kapaligiran ay nagiging higit na siksikan at marumi.

Ang bagay na maraming tao ay lubhang sensitibo sa mga bagay-bagay sa kanilang kapaligiran ay isang tuklas kamakailan. Gayunman, apat na siglo bago ang kapanganakan ni Kristo, inilarawan ni Hippocrates ang isang karamdaman na sa ngayo’y tinatawag natin na hika. Marahil ang pinakamaagang rekord ng isang nakamamatay na reaksiyon sa alerdyi ay natuklasan sa libingan ng isang sinaunang haring Ehipsiyo, si Menes. Siya ay namatay pagkatapos makagat ng isang putakti.

Si Dr. John Bostock ng Inglatera, na nabuhay nang maagang 1800’s, ay ipinalalagay na siyang kauna-unahang gumamit ng katagang “hay fever,” pagkatapos mapansin na siya ay palaging nagkakaroon ng “sipon” kung tag-araw. Noong 1906 isang pedyatrisyan na taga-Austria ang nagmungkahi ng salitang “alerdyi,” hinango mula sa dalawang salitang Griego na maaaring isaling ‘nagbagong mga pagtugon.’

“Allergens” at “Antibodies”

Ang nagbagong mga pagtugon na ito ang siyang nagdudulot ng problema sa alerdyik na mga tao. Mula sa pagsilang tayo ay lumalanghap, lumulunok, at humihipo ng maraming mga bagay na kakaiba sa ating mga katawan. Sa karamihan sa atin ang pagkakadikit na ito ay waring di-nakapipinsala. Subalit kung malanghap, malunok, o mahipo ng isa na may alerdyi ang kahit na kaliit-liitang bahagi ng bagay na roon siya ay lubhang sensitibo, magkakaroon siya ng espisipikong mga sintomas. Ang mga bagay na nagiging sanhi ng alerdyik na mga reaksiyon ay tinatawag na allergens.

Ang ilang karaniwang allergens ay:

Nalalanghap​—mga polen, alikabok, amag, at maliliit na kaliskis (dander) ng mga aso at pusa.

Nakakain​—mga itlog, tsokolate, nuwes, nakakaing mga kabibi (shellfish), gatas, mga antibiotic, at aspirin.

Nadidikit​—poison ivy, mga tina, metal, lana, at kosmetiks.

Naituturok​—mga kagat ng bubuyog at putakti, at penicillin.

Ilan lamang ito sa maraming mga allergen. Sa katunayan, ang bilang ay tila walang takda.

Gayunman, ano ang nangyayari na nagiging sanhi ng alerdyik na mga reaksiyon? Karaniwan na, ikaw ay maglalabas ng isang sustansiya sa iyong katawan na tinatawag na antibodies, upang bakahin ang mga sumasalakay, gaya ng mga mikrobyo. Kung ikaw ay alerdyik, ang mga panlaban na ito ng iyong katawan ay nagkakaroon ng reaksiyon. Sinasalakay nila ang kakaibang mga sustansiya, gaya niyaong mga allergen na nakatala sa itaas. Isang espisipikong uri ng antibody, ang IgE, ay napakarami sa iyong katawan, lumilikha ng matinding mga resulta kapag nakatagpo nito ang nakapipinsalang allergen. Ang reaksiyon ay nagpapangyari sa paglabas ng mga kemikal na gaya ng histamine. Ang histamine ang nagpapangyaring mamaga ang iyong ilong at mangati ang iyong mga mata.

Bakit, Bakit, Bakit?

Ang pangunahing tanong ng sinumang may alerdyi ay, “Bakit ako?” Ang lahat ng mga kasagutan ay hindi pa alam. Nalalaman natin na ang pagmamana ay isang mahalagang salik. Ipinakikita ng isang pag-aaral na 80 porsiyento ng mga may hay fever ay mayroon ng ganitong alerdyi sa kasaysayan ng pamilya. Bagaman ang alerdyi ay namamana, ang espisipikong alerdyi ay maaaring hindi mamana​—isang magulang ang may hika, subalit ang anak ay maaaring magkaroon ng hay fever.

Karaniwan ding ipinalalagay na ang emosyonal na kaigtingan, gaya ng tensiyon, labis na trabaho, pagod, biglang takot, at labis na galit, ay maaaring pagmulan ng mga alerdyi. Subalit kung baga ang saykosomatikong mga salik lamang ay maaaring aktuwal na pagmulan ng isang alerdyi ay isang katanungan na nangangailangan ng higit pang pag-aaral.

Mangyari pa, nariyan din ang salik ng dumaraming siksikang mga kapaligiran pati na ang maraming mga tagapagdumi nito. Kung gaano karami sa mga ito ang lumilikha ng dumaraming mga alerdyi ay hindi alam, subalit walang alinlangan tungkol sa masamang mga epekto ng maruming hangin sa mga may hika.

Si Gloria ay isang hikain na nasa kalagitnaang gulang na nakatira sa isang malaking lunsod na punô ng polusyon. Sa nakalipas na 14 na mga taon siya ay pinahirapan ng hika. Siya ay humuhuni kapag siya ay nagsasalita: “Hindi ako makahinga kapag sinusumpong ako, at nakatatakot ito sa akin. Kahapon may tumawag sa akin sa telepono, at hindi ko nga masagot ang telepono sapagkat hindi ako makapagsalita. Kaya hinayaan kong tumunog ang telepono.”

Maaaring mahirap paniwalaan ng mga malulusog na tao na ang isang alerdyi ay maaaring lubhang makaapekto sa iba. Ang di-makapaniwalang mga tingin at iba pang katulad na mga pagtugon ay kadalasang nakakaharap ng may alerdyi kailanma’t babanggitin niya ang tungkol sa kaniyang problema sa alerdyik na mga reaksiyon, maging ito man ay hika o ibang alerdyi. “Napakahirap para sa iba na maunawaan ang problemang ito,” sabi ng isa sa Canada na may alerdyi. “Kami man ay nangangailangan ng kabaitan, sa halip ng paghihinala o masasakit na mga salita.”

Kung ikaw ay madalas magkaroon ng bisita sa iyong bahay, baka naisin mong maging makonsiderasyon doon sa mga may alerdyi at sikapin na alisin ang pinagmumulan ng kanilang paghihirap.

Ano ang Maaaring Gawin?

Kasali sa katagang “mga alerdyi” ang iba’t ibang kilalang mga sakit. Kaya maikling suriin natin ang mga kalagayang ito at tingnan kung ano ang maaaring gawin sa mga ito.

Hika ang siyang pinakagrabe sa lahat ng mga karamdaman na nauugnay sa alerdyi at mamamatay-tao pa rin, bagaman marami sa mayroon nito ay maaaring mamuhay nang normal na mga buhay. Ang malayang pagkilos ng hangin sa loob at labas ng baga ay nahahadlangan​—kaya ang karaniwang paghuni kapag inaatake. Ang problema ay maaaring mabawasan sa pamamagitan ng pag-iingat​—pag-aalis sa kapaligiran ng tahanan at trabaho ng kilalang mga allergen at paggawa ng mga ehersisyo sa paghinga. Higit pa riyan, nagkaroon ng ilang mga pagsulong kamakailan sa paggamot, kapuwa sa pamamagitan ng mga tableta at mga nalalanghap na gamot. Ang pasyenteng hikain ay dapat himukin na maging aktibo hangga’t maaari nang hindi nagpapakapagod. Dapat iwasan ng mga kamag-anak at mga kaibigan ang tukso na labis na pangalagaan ang taong may hika.

Hay Fever ang pinakapangkaraniwang alerdyik na reaksiyon. Bagaman ang hay fever ay karaniwan nang hindi mapanganib, kapag ito ay grabe ang pasyente ay nahihirapang lubha. Ang “hay fever” ay isang maling tawag, sapagkat ang hay (tuyong damo o dayami) ay walang pananagutan sa mga sintomas. Karaniwan na, ang polen o kung minsan ang amag ang may pananagutan, at ang pasyente ay bihirang nilalagnat. Ang hay fever ay karaniwang lumilitaw alin sa tagsibol o taglagas kapag ang mga damo, sukal na damo, o mga punungkahoy ay namumulaklak. Ang mga antihistamine at mga gamot na nalalanghap ay maaaring sawatain ang pinakamalubhang mga sintomas.

Ang Walang Tigil na Sipon Dahil sa Alerdyi ay isang kalagayan kung saan ang isa ay may nakayayamot na sipon o baradong ilong sa buong taon. Karaniwang apektado nito ang mga bata, inaakay ang kanilang mga magulang na mag-akalang ang mga bata ay paulit-ulit na nagkakasipon. Ang pinakapangkaraniwang mga sanhi ay alikabok sa bahay, maliliit na mga kaliskis (dander) ng mga hayop at mga amag. Ang mga skin test ay maaaring makatulong dito, subalit ang mga resulta ay maaaring mapanlinlang. Kaya ituring ang mga pagsubok na ito bilang mga tulong lamang sa pagkilala ng posibleng mga allergen. Ang pinakamabuting paggamot sa karamdamang ito ay iwasan ang allergen hangga’t maaari, na maaaring mangahulugan ng pag-aalis sa alagang hayop ng pamilya. O maaaring kailanganin ang pantanging pag-iingat sa tahanan upang bawasan ang alikabok, na madaling nagtitipon sa mga kutson, basahan, mga stuffed toy, at mga katulad nito.

Ang Dermatitis ay pamamaga sa balat na kakikitaan ng pamumula, pamamaltos, pagtagas, o pagbabalat. Sa ngayon ang salitang “eczema” ay kasingkahulugan ng talamak na dermatitis. Sa tahanan at sa trabaho, ang balat ay nalalantad sa lahat ng uri ng mga pinagmumulan ng kati, at karaniwan nang napaglalaban nito ang kanilang nakapipinsalang mga epekto. Subalit ang ilan sa mga bagay na ito ay umaakay sa alerdyik na mga reaksiyon sa ibang tao, at ang bilang ng gayong mga bagay ay dumarami habang nagkakaroon ng bagong mga produkto. Sa paggamot ng contact dermatitis, una muna’y alisin ang nakapipinsalang allergen.

Ang Pamamantal ay maumbok, makating mga latay na biglang lumilitaw sa balat, karaniwang nananatili ng mga ilang oras, at bigla ring nawawala. Sa ilang mga kaso ito ay paulit-ulit na lumilitaw sa loob ng mga ilang buwan bago mawala. Ang mga ito ay maaaring dahilan sa maraming bagay, gaya ng lamig, init, at pagkabalisa, gayundin ang maraming iba’t ibang uri ng mga allergen. Ito ang kaaway ng mga dalubhasa sa alerdyi sapagkat ang aktuwal na sanhi ay mahirap makilala. Ang “panlaban-sa-kati” na gamot ay maaaring gamitin hanggang mawala ang pamamantal.

Mga Kagat, mga Tibo ay maaaring pagmulan ng pamamantal, pagkawala ng malay, mga kahirapan sa paghinga, at kamatayan pa nga sa isang taong may alerdyi. Ang mga tip upang huwag makagat ay: Kapag nasa labas ng bahay, huwag maglakad nang nakatapak; iwasan ang mga isprey sa buhok, mga pabango, o mga losyon, na nakakaakit sa mga bubuyog; magsuot ng mapusyaw sa halip ng matingkad na kulay na pananamit. Kung ikaw ay maduro, lagyan ng yelo upang bawasan ang paglaganap ng kamandag at hangga’t maaari maingat na alisin ang tibo. Sa mga lubhang alerdyik sa mga tibo, mayroon na ngayong makukuhang espisipikong pangontrang iniksiyon.

Ang Alerdyi sa Pagkain ay isang kontrobersiyal na alerdyik na karamdaman at ang pinakamahirap matiyak at gamutin. Kalabisan nang sabihin pa na maraming tao ang maaari at talagang nagkakaproblema sa mga pagkain sa iba’t ibang paraan, gayunman ang sanhi ay maaaring dala ng alerdyi sa pagkain o hindi. Naniniwala ang ibang mga dalubhasa na ang tunay na alerdyi sa pagkain ay bihira; gayunman halos anumang pagkain ay maaaring maging isang allergen sa isa. Sa kasamaang palad, ang halaga ng mga skin test ay karaniwan nang pinagdududahan sa pagririkonosi ng alerdyi sa pagkain. Ang pinakamabisang paggamot ay ihiwalay ang nakasasamáng pagkain at huwag kainin ito.

Ang Alerdyi sa Gamot ay lumalâ nitong nakalipas na mga taon. Ang alerdyik na mga reaksiyon sa paggagamot ay nakalilito. Iba-iba ang reaksiyon at maaaring maging grabe upang pagmulan ng kamatayan. Kung mapansin mo ang isang alerdyi sa gamot, ipakipag-usap ito sa iyong doktor.

Bagaman marami na tayong nalalaman tungkol sa alerdyi, at ang mga siyentipiko ay nakagawa ng di-mumunting pagsulong sa nakalipas na dekada, marami pa ring dapat tuklasin. Posible na ang marami sa mga tuklas na ito ay kailangang maghintay sa Bagong Kaayusan ng Diyos. Sa panahong iyon ang sangkatauhan ay ibabalik sa kasakdalan, at ang mga sanhi, anuman ito, ng masalimuot na karamdamang ito ay aalisin magpakailanman.​—Isaias 33:24.