Mga Itinatanong ng mga Tao Tungkol sa mga Alerdyi
Mga Itinatanong ng mga Tao Tungkol sa mga Alerdyi
Papaano ako magiging alerdyik sa alikabok sa bahay samantalang pinananatili kong malinis ang bahay?
Ang alikabok sa bahay ay masusumpungan kahit sa pinakamalinis na mga tahanan. Sa isang lunsod, ang karaniwang anim-silid na tahanan o apartment ay nagtitipon ng 40 hanggang 50 libra (18 hanggang 23 kg) ng alikabok taun-taon. Hindi lubusang malulutas ng anumang paglilinis sa tahanan ang problema, maraming “mga hakbang sa paglilinis ng alikabok” ang makatutulong. Halimbawa, ingatan ang isang silid sa bahay, karaniwan na ang silid-tulugan, na hangga’t maaari ay malaya sa alikabok upang maglaan ng isang tuluyan sa isang may alerdyi. Gayundin, ang mga unan na plumahe ang laman ay tagatipon ng alikabok.
Iba’t ibang mga aparado (halimbawa, ang mga electrostatic air filter) ay ipinagbibili upang alisin ang alikabok mula sa hangin, subalit ang halaga nila ay hindi tiyak. Marahil mas mahalaga ang madalas na pagpapalit ng mga panala sa inyong pugón at air conditioner. Upang maalis ang maruming hangin sa loob ng bahay, pahanginan araw-araw ang inyong bahay, kahit na sa taglamig.
Dapat ba naming alisin ang aming alagang hayop, yamang mayroon kaming anak na nasumpungang alerdyik dito?
Ito ay isang karaniwang problema sa mga dalubhasa sa alerdyi sa isang lipunan na mahilig sa mga alagang hayop. Maraming tao ang nag-aalaga ng mga hayop sa bahay, at sila ay malapit sa mga ito.
Nakalulungkot, ang alerdyi sa maliliit na kaliskis at mga balahibo ng mga pusa at mga aso ay partikular na malubhang problema sa alerdyik na bata. Karaniwang walang problema kung ang hayop ay pinananatili sa labas ng bahay. Subalit kapag ang alagang hayop ay pinanatili sa loob ng bahay, hindi magtatagal ang mga maliliit na kaliskis ay kumakalat sa bahay. Kaya, walang pinagkaiba kung hinahawakan ng isang bata ang alagang hayop o kung siya man ay nasaan sa loob ng bahay. Sapagkat ang alagang hayop ay nasa “lahat ng dako,” o sa paanuman ang kaniyang mga kaliskis ay nasa lahat ng dako. Sa katunayan, karaniwang nangangailangan ng mga anim na buwan pagkatapos na ilabas ng bahay ang isang alagang hayop upang ang mga kaliskis nito ay lubusang mawala.
Sa wakas, ang mga sintomas ng alerdying ito ay mas malalâ kaysa sa ibang mga alerdyi, at ang mga pangontrang iniksiyon ay mas mapanganib. Hindi kataka-taka na sa ilang mga sentro para sa alerdyi, kung ang mga magulang ng isang bata na alerdyik sa hayop ay tumangging alisin ang alagang hayop sa bahay, ang patakaran ng klinika ay ireport ang mga magulang sa mga awtoridad ng pag-aabuso sa bata.
Gaano pa katagal kakailanganin ng aming sampung-taóng-gulang na anak ang mga iniksiyon sa hika, at mawawala ba ito paglaki niya?
Ang iniksiyon na pangontra sa alerdyi ay ginamit na taglay ang iba’t ibang resulta maaga sa siglong ito, subalit walang tiyak na paraan ng pag-alam kung kailan ihihinto ang mga iniksiyon. Inihihinto ng karamihan ng mga dalubhasa ang mga iniksiyon laban sa alerdyi pagkaraan ng mga ilang taon upang alamin kung kinakailangan pa nila ito.
Ang mga tao ay maaaring magkaroon ng alerdyi sa anumang gulang, bagaman ang karamihan ay nagsisimula sa pagkabata. Gayundin, maraming alerdyi ang nawawala pagkakaedad ng isang tao. Ang mga alerdyi sa pagkain at hika mula sa pagkabata ay kadalasang nawawala habang lumalaki ang bata. Maaaring mabawasan ang paglalâ ng hay fever habang ang isang tao ay nagkakaedad.
Papaano ako naging alerdyik sa amag?
Ang sagot ay hindi pa alam, bagaman marami na ang napag-alaman kamakailan tungkol sa alerdyi sa amag. Ang mga amag ay kabilang sa pamilya ng fungus at makikita saanman. Ilan lamang uri ang nagdudulot ng alerdyi. Isang uri ng alerdyi ay likha ng mga amag sa tag-araw. Ang mga ito ay nakukuha kapag ang isang tao ay nagtatabas ng damo at maaaring pagmulan ng higit na mga sintomas ng alerdyi kaysa damo mismo. Ang isa pang uri ng amag ay tumutubo sa lahat ng panahon sa mga bahay, lalo na sa mamasá-masáng kapaligiran, gaya ng mga silong at mga banyo. Ang mga tanim sa loob ng bahay ay kadalasang nagtatago ng mga amag sa kanilang mga tangkay at mga dahon.
Maaari kayang ang problema tungkol sa disiplina-sa-paaralan ng aming anak ay dahilan sa mga aditibo sa pagkain na nakukuha niya sa procesong mga pagkain?
Ito marahil ang pinakakontrobersiyal na isyu may kaugnayan sa mga alerdyi sa ngayon. Kadalasang ibinabangon ang suliranin ng hyperactivity. Maaga noong 1970’s iniharap ng ilang mga mananaliksik ang katibayan na ang mga aditibong pangulay sa pagkain at iba pang mga kemikal sa pagkain ay maaaring maysala. Isang pediatric allergist sa California, si Dr. Benjamin Feingold, halimbawa, ay nakagawa ng teoriya na ang salicylates, artipisyal na mga pangulay sa pagkain, at artipisyal na mga pampalasa ang nagdudulot ng hyperactivity. Ginawa niyang popular ang isang pagkain na napakahigpit at, kung susundin, ay nangangailangan ng maingat na pagpaplano upang matiyak ang sapat na mga bitamina.
Bagaman ang mga pagkain na nagbabawal ng kemikal na mga aditibo sa pagkain ay tila bahagyang makatutulong sa mga batang hyperactive, binanggit ng American Council on Science and Health noong 1982 na ang
gayong mga aditibo “ay hindi mahalagang mga dahilan o sanhi ng pagiging hyperactive ng mga bata.”Anong mga bitamina ang maaari kong inumin sa halip ng mga gamot upang gamutin ang aking mga alerdyi?
Walang kilalang lunas para sa mga alerdyi. Kahit na ang mga pangontrang iniksiyon ay ibinibigay lamang upang paginhawain ang mga sintomas ng mga alerdyi hanggang sa malabanan ito ng katawan. Itinaguyod ng ilang mga espesyalista sa alerdyi ang paggamit ng mga bitamina, kadalasan sa malalaking dosis, para sa paggamot ng mga alerdyi, bagaman ang halaga ng paggamot na ito upang alisin ang mga karamdamang ito ay pinag-aalinlanganan ng maraming mananaliksik. a
Ipinakita ng mga skin test na ako ay alerdyi sa lahat halos ng pagkain; kaya, ano ang maaari kong kainin?
Narinig na ng halos lahat ng pasyenteng may alerdyi ang tungkol sa mga skin test kung saan ang pinaghihinalaan na allergen na pagkain ay itinuturok sa balat at sinusukat ang reaksiyon. Ang isang tao ay maaaring magkaroon ng grabeng mga reaksiyon sa balat sa mga pagkain na hindi nagbibigay sa kaniya ng problema. Sa kabaligtaran, may mga pagkakataon kung saan ang isang tao na lubhang alerdyi sa nakakaing mga shell, halimbawa, gayuman ay hindi ito lumitaw sa mga skin test na ginawa. Kaya, bagaman maaaring ipakita ng mga skin test ang reaksiyon sa ilang mga pagkain, kung mapansin ng isang tao na walang masamang mga epekto kapag kinakain niya ito noon, malamang na ligtas na patuloy na kumain nito.
Maaari kayang ang aking paulit-ulit at matinding mga sakit ng ulo ay dahilan sa mga alerdyi?
Ang pamamaga ng mga daluyan ng dugo sa ulo ay nagdudulot ng paulit-ulit at matinding mga sakit ng ulo. Ipinakikita ng mga pagsubok kamakailan na ang ilang mga pagkain na naglalaman ng mga kemikal ang maaaring dahilan ng mga sakit sa ulo na ito. Ang mga pagkaing gaya ng tsokolate, mga saging, nuwes, alak, keso, hot dog, at ang pampalasa sa pagkain na monosodium glutamate o betsin ay mga pinaghihinalaan. Maraming iba pang bagay ang maaaring magdulot ng mga paulit-ulit at matinding mga sakit sa ulo o migraines, subalit kung naalis na ang ibang mga sanhi, maaaring alisin ng isa na pinahihirapan ng migraine ang mga pagkaing ito sa kaniyang diyeta. Ang problema ng mga may migraine ay waring isang kemikal na problema at hindi isang alerdyi.
Bakit waring bumubuti ang aking mga alerdyi kapag ako ay nagdadalang-tao?
Karamihan ng mga alerdyi ng mga babae ay nababawasan kapag sila ay nagdadalang-tao, bagaman kung minsan ang isang pasyente ay maaaring maging grabe. Waring isang hormonal na sangkap ang dahilan nito. Ang tiyak na dahilan ay hindi pa alam at isa pang pahiwatig kung gaano pa ang dapat alamin tungkol sa suliranin na tinatawag na alerdyi.
[Talababa]
a Ang Gumising! ay nuetral o walang kinikilingan sa gayong mga dako ng pagtatalo at sa anumang paraan ay hindi nag-aalok ng medikal na payo. Ang aming layunin ay basta iharap ang mga katotohanan at iwan sa mga mambabasa ang paggawa ng paghatol at mga disisyon.